Engaged to a Stranger-11

Naliwanagan bigla ang dalaga sa tinutumbok ng mga salitang nang-uuyam.

“Hindi tayo magkapareho ng kulay, Ruan Belarmino! Huwag mo akong husgahan sa pamamagitan ng iyong mababang sukatan. Hindi ako isa sa mga babaeng nabubulag sa mga lalaking katulad mo!”

Parang nalihis ang mga akusasyong naisip ni Amber. Para kasing may tonong pa pagseselos sa mga babaeng napaugnay na sa lalaki…

Pero hindi na niya mabawi ang mga naipukol na.

Tumayo siya upang talikuran ito ngunit naramdaman niya ang marahas na mga kamay.

Nakaramdam siya bigla ng pagsisisi.

“I’m sorry, Ruan. Hindi kita dapat hinusgahan. Wala rin akong karapatan na sukatin ka at ang iba pang tao.” Mapagkumbaba na ang tono niya.

Nakayuko si Amber nang ipihit siyang paharap ng lalaki.

“You sound very prim and proper.” Matigas pa rin ang tinig ni Ruan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Nang-aarok ang matatas na mga mata habang bihag ng matitigas na daliri ang kanyang bilugang baba.

“Muntik na akong maniwala. Pangungunahan na kita. Huwag mo akong lalagyan ng korona sa ulo, Amber, dahil pagsisisihan mong ipinanganak kang isang babae!”

Pinamutlaan ng mukha ang dalaga. Nangilid ang kanyang luha sa tindi ng sakit ng tinamo niya.

Ang sugat ay taglay niya simula pa pagkabata ay dagling umaantak at nanariwa.

“Matagal na akong nagsisisi, Ruan,” bulong ng maputlang labi.

Natubigan ang kaharap niya. “Why? what do you mean? Are you a nympho or something?”

“Oh, God — !” Napabulalas na si Amber.

Hindi niya napigilan ang pag-igkas ng isang kamay. Nakakuyom itong sumalpok sa isang pisngi ng lalaki.

Sa kabiglaanan, nabitiwan siya nito kaya agad siyang tumakbo palabas ng library.

Tuloy-tuloy siya sa pagtakbo hanggang sa ihatid siya ng mga paa sa likod-bahay.

Huminto siya nang marating ang swimming pool. Lumuhod siya sa gilid nito at inaninag ang mukha sa tubig.

Bakit ganito kasidhi ang epekto ng lalaking iyon sa kanya?

Bakit… agad siyang nasasaktan?

Dati-rati, nagagawa niyang magbingi-bingihan kung may naririnig siyang hindi niya gusto.

Pero kay Ruan Belarmino, iba ang nagiging reaksiyon niya.

Para bang ayaw niyang may maipipintas ito sa kanya.

Para bang ayaw niyang may makikitang pangit tungkol sa pagkatao niya…

Para bang ayaw niyang makalimot ito na siya ay isang babae!

Pumikit siya dahil taliwas sa repleksiyon niya ang tinatakbo ng isipan niya.

Napaka-plastic niya nang mga sandaling iyon. Isa siyang mapagkunwaring nilalang!

Ikinukubli niya ang mga emosyon niya sa ilalim ng makalumang ayos ng sarili.

Ipinupusod niya ang mahabang buhok dahil ayaw niyang pakawalan ang mga inhibisyon niya.

Isinusuot niya pa rin ang kanyang salamin kahit naka-contact lens na dahil ibig niyang ikubli ang apoy ng kanyang personalidad.

Hindi na siya dapat magtaka kung hindi talaga siya matanggap ng kanyang ama.

Isa na nga siyang babae — isa pa siyang duwag!

‘A, ayaw kong masaktan!’ bulong niya sa sarili.

‘E, di ayaw mo ring mabuhay nang lubos!’ pakli ng munting tinig.

‘Paano mo malalasap ang ginhawa kung walang mararanasang hirap?’

Tila biglang huminto ang bawat pulso ng kanyang pag-iisip matapos umalingawngaw sa kanyang utak ang katanungang iyon.

Nalilito na si Amber. Bakit ba parang biglang dumami ang mga sarili niya? Ang mga katwiran at ang mga paniniwala ay naging samut-sari na.

Pumikit siya at agad na lumitaw sa isipan ang larawan ng lalaking nagdudulot ng kaguluhan sa buhay niya.

Susuko ba siya? Isusugal ba niya ang kanyang buong bukas?

Paano kung hindi tanggapin ng lalaki ang mapapanalunan?

Ganito ang dapat niyang ikundisyon sa kanyang utak dahil sigurado siyang sa kahit na anong labanan ay matatalo siya kapag si Ruan ang nakatunggali!

Sa una pa lamang pagtatama ng kanilang mga mata — magkaaway na sila.

Matapos tanggapin sa sarili ang ganitong scenario, nakaramdam siya ng gutom. Nagtungo siya sa kusina.

Doon siya malimit kumain noon kapag wala ang kanyang ama. Sumasabay siya sa mag-anak na katiwala sa mansiyon.

Dinatnan niyang naghihiwa ng labanos si Ditang, habang si Aling Berta ay nagpuputol ng sitaw at kangkong.

“O, Amber, may kailangan kayo ni Sir Ruan? Dapat ay nag-buzzer na lamang kayo.” Agad na binitawan ng matandang babae ang hawak na gulay.

Parang nag-alangan si Amber na mang-istorbo. Umiling siya kahit na nagmamarakulyo na ang kanyang tiyan.

“W-wala po, Aling Berta. Dito lang po ako nagdaan. Galing ako sa pool,” pagdadahilan niya.

“O, e, di, nagugutom ka na niyan. Halika na rito sa kumedor. Ipaghahain kita.” Nasa tono na ng isang nag-aalalang ina ang matanda kaya natagpuan na lamang niyang sumusunod dito.

“Namili ako ng mga prutas kahapon. Ano ba ang gusto mo? Papaya? Saging?”

Natuwa si Amber. Matagal siyang nasabik sa mga prutas.

“Kahit na ano po. Siguro, saging na lang.”

Napailing-iling ang matandang babae habang papalayo.

Nasa isip nito na hindi pa rin nagbabago ang dalagang amo kahit na namalagi nang matagal sa ibang bansa.

Nakakatuwa naman na walang iniuwing ka-ere-han ang batang nasundan sa paglaki.

Inipon ni Amber ang laylayan ng maluwang na palda at inipit sa ilalim ng mga tuhod para makaupo sa window seat.

Nasa tabi niya ang wheeled trolley. Nakasandal siya sa hamba habang umiinom ng orange juice.

Ang mga mata ay nakatanaw sa labas pero hindi niya nakikita ang mga rosas at mga paru-paro.

Sa malapit at madilim na bukas siya nakatingin ang mga mata ng utak.

Anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila ni Ruan?

Nasusuklam sila sa isa’t-isa.

Palagi ba silang mag-aaway? Magsasakitan?

At kung ganito nga, sino ang magwawagi?

‘Walang mananalo,’ ang malungkot na tugon niya sa sarili.

Pareho silang may hawak na alas. Tablado ang laban.

Ngunit kung pagsasama-samahin nila ang kanilang mga baraha, puwede kayang pareho silang manalo?

Bumuntonghininga si Amber.

Ano bang iniisip niya?

Ang dapat niyang planuhin ay ang solusyon. Hindi dapat matuloy ang napagkasunduan nilang mangyari.

Oo, marami ang masasaktan. Ang kanyang ama, ang ina ni Ruan… Pero, siguro naman, mas dapat na unahin nilang ikonsidera ang kanilang mga sarili, hindi ba?

Umiling-iling si Amber. Muling humugot ng isang malalim na malalim na buntonghininga.

ENGAGED TO A STRANGER-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.