Engaged to a Stranger-12

Buong buhay niya, nagpapatangay lamang siya sa agos na pinaglagyan sa kanya ni Carlos, ang kanyang ama.

Ngayon na gusto na niyang sumaliwa, napupuno siya ng kalituhan dahil natuklasan niyang wala siyang sapat na kaalaman at karanasan para magmanehong mag-isa sa gusto niyang direksiyon para sa buhay niya!

Oo, nag-aral siya sa magagaling na eskuwelahan. Nagtapos siya na nangunguna sa klase, maliban sa finishing school sa Switzerland.

Paano’y pinilit lamang siya ng kanyang ama na magtungo roon.

Gusto niyang mag-aral noon sa isang unibersidad sa Maynila ngunit hindi raw bagay sa kanya ang magkaroon ng kurso.

Ang katwiran ni Carlos Quintanar — hindi na niya kailangan magtrabaho habang buhay dahil sa laki ng kayamanan na mamanahin niya!

Parang nakikini-kinita na niya na ganito rin ang magiging katwiran ni Ruan. Hindi niya alam kung bakit.

Marahil, napuna niya nung una pa man ang ugaling dominante sa lalaki na katulad ng sa kanyang ama.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Pasasaan ba’t makakaahon rin pabalik sa itaas ang lalaki. Magtatagumpay sa negosyo si Ruan dahil mayroon itong determinasyon.

At siya, si Amber ay walang patutunguhan dahil mananatili lamang siya sa anino ng dalawang lalaki na maghahati sa pagpapalakad ng buhay niya.

Shit!

Tinungga niya ang natitira pang juice sa baso bago papiksing tumindig.

Papayag na lamang ba siya? usig niya sa sarili habang buhat-buhat ang tray para ibalik sa kusina.

“Salamat po, Aling Berta, Ditang. Sa pool ho muna ako,” paalam niya bago lumabas sa pinto ng kusina.

Mayroong lanai doon na patungo sa swimming pool.

Nagpakapagod siya sa paglangoy nang paroo’t parito. Alam niyang tumatakas siya ngunit ayaw na niyang mag-isip.

Mataas na ang araw nang umahon matapos ang matagal na paglutang-lutang sa kanyang likuran habang pinapanood ang mga ulap. Ito ang kanyang paboritong gawin simula nang matuto siyang lumangoy.

Matagal siyang nasabik dahil hindi niya ito magawa sa Switzerland. Pulos indoor pool ang nandoon dahil sa malamig na klima. Bahagya na lang maaninag ang langit mula sa skyroof.

Nagpupunas siya ng tuwalya nang may maramdaman siyang tao na papalapit sa mga hilera ng lounger na yari sa nylong iba-iba ang kulay.

Agad niyang dinampot at isinuot ang salamin. Ang kanyang contact lens ay hinubad at itinago sa sisidlan bago tumalon sa swimming pool.

Nang luminga siya, ilang metro na lamang ang layo ni Ruan sa kinatatayuan niya.

Muntik na naman siyang mag-asal bata kundi siya nakapag-isip agad.

Paanong hindi siya matutuksong magtakip ng katawan gayong ang pakiramdam niya ay halos hubad na siya habang iginagala ni Ruan ang mga mata sa kanyang kabuuan.

Magmula sa mga paang walang sapin papataas sa mahahabang hubog ng mapuputi at makikinis na biyas hanggang sa katamtamng kurba ng kanyang dibdib.

Pinilit niyang huwag magbaba ng paningin. Lumaban siya nang titigan.

Hindi niya alam na ang ginagawa niya ay isang piping paghamon at imbitasyon. Kaya nang bahagyang kumiling ang ulo ng lalaki na para bang sumasang-ayon, nagtaka pa siya.

Narinig ni Amber ang alingawngaw ng tunog ng maliit na gong na ginagamit ni Aling Berta bilang paghuhudyat sa tanghalian at hapunan.

“Lunch,” tugon niya sa nakitang pagtataas ng mga kilay ng kaharap. “Uh, mauna ka na sa kumedor. Magpapalit pa ako ng damit.”

“Sabay na tayo. Maghihintay ako dito,” wika ni Ruan bago naupo sa isa sa mga lounger na naruroon.

Sinadya niyang bagalan at tagalan ang paliligo at pagbibihis sa cabana.

Ngunit nang madatnan niyang wala si Ruan sa pinag-iwanan niya rito, nakaramdam na rin siya ng pakainis.

Sa kanyang sarili na nakatutok dahil hindi siya dapat umastang ganoon.

Pinipigil niya ang dapat ay nakalimutan na niyang pagmamaktol nang madatnan niyang masayang nag-uusap ang kanyang ama at si Ruan sa kumedor.

Hindi siya napansin ng mga ito habang nakatayo sa may pagpasok sa pintuan.

Lumaki ang alon ng pananaghili sa kanyang dibdib habang inaampat niya ang pagbukal ng kirot sa kanyang dibdib.

Kailan ba sila nagkausap at nagkatawanan nang ganito ng kanyang ama?

A, wala siyang natatandaan!

Tumikhim siya nang mahina bago siya tuluyang pumasok sa maluwag at maliwanag na silid-kainan.

Sabay halos na tumindig ang dalawa nang makita siya. Isang awtomatikong kortesyang panlalaki para sa mga kababaihan.

Malamig at impersonal na katulad ng mga abstract painting na naka-display sa mga dingding ng silid.

“A, hija, halika na rito,” yaya ng kanyang ama habang pinapanood ang pag-alalay ng binata sa kanyang pag-upo.

“Mabuti’t inabutan ko pa si Ruan. Mapapag-usapan namin ang mga detalye sa inyong kasal,” dugtong pa ni Carlos sa masayang tono.

Namin. Hindi kailanman naging ‘natin’ kahit ang sangkot ay ang buong kinabukasan ni Amber.

Parang tinarak ng mga karayom ang puso ni Amber. Nagdamdam siya pero hindi maipakita.

“Good afternoon, Papa.” Ngumiti siya habang hinahagkan ang isang pisngi ng ama.

Gusto sana niyang kumustahin ang aksidente sa planta pero nangangambang pagkayamot lang ang maging reaksiyon ni Carlos, katulad nang dati…

Dahil ayaw niyang may maipintas ang ama, isang neutral na ngiti ang ibinigay niya kay Ruan.

May isang katangian ang lalaking kinasusuklaman na dapat niyang pahalagahan. Dahil si Ruan ang naging ‘nobyo’ ni Amber, natanggap niya sa wakas ang approval ng ama. Naging magiliw na sa anak ang mailap na si Carlos Quintanar!

Magkahalong tuwa at lungkot ang naghahari sa kalooban ni Amber.

Bakit ba hindi siya magawang mahalin ng sariling ama?

Mula sa sulok ng isang mata, napansin niya ang malimit na pagsulyap ni Ruan sa kanya. Nakakunot-noo.

Naiwaksi ni Amber ang namumuong pagkaawa sa sarili nang pilitin niyang mag-isip ng mga bagay na dapat ikagalit kay Ruan.

Nagtungo sila sa sala para ipagpatuloy ang pag-uusap tungkol sa mga detalye sa kasal.

Nagsisimula nang kumulo ang dugo ni Amber dahil hindi man lang ipinakita sa kanya ang appointment diary matapos magtakda ng petsa.

Ang kanyang Papa lang at si Ruan ang nakakaalam. Ang mga ito siguro ang magpapakasal!

Ang tanging nalaman niya ay sa civil wedding na lang muna dahil parehong masikip ang schedule ng dalawang magbiyenan.

ENGAGED TO A STRANGER-13

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.