Engaged to a Stranger-14

Nasa kumedor na si Ruan nang bumaba si Amber kinabukasan.

“Good morning,” pormal na bati ng lalaki habang ang mga mata ay marahang naglayag sa kanyang kabuuan.

“Uh, good morning.” Namumula ang mga pisngi ni Amber at hindi siya makatingin nang diretso sa lalaki. “S-si Papa?”

“Maaga raw umalis sina Papa at Mang Piryong kaya tayong dalawa lang ang sabay na kakain ng almusal.”

Kalmado ang ekspresyon at tono ni Ruan habang nagsasalin ng kape sa dalawang puswelo.

Pigil-hininga namang nanood si Amber.

“Sugar? Cream?” tanong ni Ruan.

Umiling ang dalaga. Parang tuyung-tuyo ang loob ng lalamunan at bibig kaya nagdumaling lumagok ng orange juice.

“You should eat more,” sambit ng lalaki nang makitang isang pirasong tinapay at isang buong hinog na saging lang ang inilagay ni Amber sa sariling pinggan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

“Uh, hindi ako nagugutom.” Para kasing punum-puno ng mga paru-paro ang loob ng tiyan niya.

“Hindi ka naghapunan kagabi.”

Napalunok si Amber nang maalala ang naiwanang bote ng gatas sa tabi ng pool.

Matutunaw talaga siya kapag napagtanto ni Ruan na nasaksihan niya ang pag-ahon nito mula sa tubig kagabi!

“Marami tayong pupuntahan ngayong maghapon.” Nagpatuloy ang lalaki. Mahinahon pa rin ang pagsasalita pero napakahirap basahin ng mga matang nakatitig sa kanya nang tuwid.

“Then, susunduin ko sina Mama para masigurong kumportable ang biyahe nila pauwi dito.”

“K-kailan ang biyahe mo?”

“Mamayang gabi siguro. O kaya’y bukas ng umaga. Depende kung matatapos agad tayo sa mga appointments.”

Napakurap si Amber. “Appointments?”

“Bibili tayo ng mga singsing at ng wedding dress na isusuot mo. Si Papa na ang bahala sa mga paperworks.”

Talaga bang ikakasal na sila ng napakakisig na nilalang na ito?

Napatitig na lang ang dalaga sa matatag na hubog ng mukha ni Ruan.

“May dumi ba ako sa mukha?” panunudyo ng lalaki. “Kanina ka pa nakatitig lang sa akin.”

“S-sorry.” Sunud-sunod ang pag-iling ni Amber. Dali-daling nagbawi ng paningin.

Hindi na siya uli sumulyap sa dako ni Ruan. Itinutok na lang ang buong atensiyon sa pagkaing inilagay sa pinggan.

“Ihahatid kita sa isang beauty spa habang nag-aasikaso ako ng ilang bagay. Susunduin kita doon para ihatid dito sa bahay.”

“K-kaya ko nang umuwi mag-isa.” Saka lang nagsalita si Amber dahil naramdamang naghihintay sa reaksiyon niya ang kaharap sa hapag-kainan.

“Well, too bad. Malinaw ang habilin ni Papa na ako ang escort mo sa buong maghapon.”

Bumuntonghininga na lamang si Amber. Wala pa ring pagbabago ang kanyang Papa. Over-protective pa rin!

Magiging ganito rin kaya si Ruan kapag naikasal na sila?

Wala palang mababago sa sitwasyon niya. Ililipat lang pala siya ng hawlang magiging kulungan!

Nanlumo si Amber. Bukod sa hindi siya ang talagang fiancee na nakatakdang pakasalan ni Ruan, wala rin siyang sapat na appeal para maging karapat-dapat na maging asawa ng isang lalaking simpatiko.

Maganda, seksi, at sopistikada si Meillyn Mendez. Marunong mamili ng mga damit na siguradong magpapalutang sa angking kagandahan.

Sanay na sanay ring makiharap at makihalubilo sa mga taong kabilang sa mataas na lipunang kinabibilangan nila.

Si Amber ay mahiyain at makaluma. Hindi siya magiging asset para kay Ruan. Makakatulong ba ang isang asawang nasa bahay lang palagi?

‘Pero pinag-aral ka sa isang mamahaling finishing school ng iyong Papa, Amber Quintanar!’ paalala ng isang munting tinig sa likod ng utak.

‘Marunong ka na. Konting praktis lang at masasanay ka rin!’ dagdag pa ng isang sarili niya.

“Ready to go?” Hinagod ng tingin ni Ruan ang simpleng kasuotan ni Amber.

Semi-formal ang suot na polo at slacks pero hindi nagsuhestiyon ang lalaki na magpalit siya ng damit. Hinawakan lang ang isang siko ni Amber at isinabay sa paglakad patungo sa front door.

Nakaparada sa driveway ang isa sa mga sasakyang nasa garahe ni Carlos.

Napa-oh si Amber nang makita ang paboritong sports car ng ama.

“Ipinahiram ni Papa para may magamit tayo ngayon,” ang pahapyaw na paliwanag ni Ruan habang binubuksan ang passenger door.

Napasinghap ulit si Amber nang ito na rin mismo ang nagkabit ng kanyang seat belt.

Kapuna-puna ang lantarang pag-iingat ni Ruan sa kanya. Para tuloy naging isang babasaging kristal ang pakiramdam ni Amber.

Dahil hindi masyadong pihikan sa alahas at sa pananamit, naging madali ang pamimili nila ng mga singsing at mga damit.

Bukod sa all-white wedding dress na sleeveless at may maikling laylayan, si Ruan din ang pumili ng high-heeled white shoes at white gloves na hanggang siko.

Sa jewelry store, isang pares na gold wedding band ang agad na naagaw-pansin.

“Please choose the engagement ring, Amber,” utos ni Ruan nang ilatag na sa kanilang harapan ang isang malapad na tray ng mga singsing.

Umiling si Amber. Nakasuot siya ng contact lens kaya halos masilaw sa napakaraming kislap na ibinabato ng sari-saring mga batong hiyas.

“I wouldn’t know how,” pag-amin niya bilang paliwanag sa ginawang pagtutol.

“A diamond solitaire is always a safe choice,” sambit ni Ruan habang nakatitig sa mga mata niya.

“Uh, h-huwag lang masyadong malaki…”

Nasorpresa si Amber nang biglang tumawa ang lalaki.

“Kakaiba ka talaga,” ang matalinhagang wika ni Ruan habang nakangiti.

Isang singsing na mayroong bato na singlaki ng mais ang dinampot ng lalaki.

“Pink diamond para katerno ng mga pisngi mo.” Tila nanunudyo ang tono ni Ruan pero seryosong pinapanood ang pagba-blush ni Amber.

“Baka sobrang mamahalin…” Nag-alala siya nang makitang muling naging abot-teynga ang ngiti ng store manager na babae.

“No worries.” Nagkibit ng isang malapad na balikat si Ruan bago inilabas sa loob ng wallet ang isang makintab na credit card.

Hindi mapalis ang concern ni Amber. Kanina pa gumagastos ang lalaki para sa mga bagay na dapat ay siya ang bumibili.

Paano kung lalong ma-bankrupt si Ruan?

“Lunch,” pahayag ng lalaki matapos ilagay sa loob ng dashboard ang mga jewelry boxes.

“S-sa bahay na lang tayo mananghalian,” suhestiyon niya.

“Masyado tayong maaabala. Makapal pa rin ang traffic. After lunch, sa beauty spa ang tuloy natin.”

“Pero –” Gusto sana niyang igiit na siya na ang magbabayad sa pagkain at sa spa.

ENGAGED TO A STRANGER-15

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.