Engaged to a Stranger-15

“Natatakot ka ba na wala na akong perang pantustos sa mga luhong nakasanayan mo?” pananalakab ni Ruan. Matiim na ang anyo.

Napalunok si Amber bago umiling.

“May mga problema lang sa kumpanyang naiwanan ni Papa pero hindi pa naman kami bangkarote.” Medyo maanghang ang tono ni Ruan.

Hindi ganito ang pagkaintindi niya sa naulinigang pag-uusap ng mag-asawang Mendez.

“I’m sorry.” Humingi na lang ng paumanhin si Amber kaysa magpaliwanag.

Siguradong masasaktan si Ruan kapag nalaman na inayawan ito ng pamilya ng nobya dahil problemang pinansiyal!

Isang sikat at mamahaling restawran ang pinili ni Ruan.

Halos hindi makontrol ni Amber ang tensiyon nang mapunang walang presyo ang mga pagkaing nakalista sa makintab at makulay na menu book.

“Uh, salad at mineral water lang ang gusto ko.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

“I recommend their creamy chicken and tenderloin steak,” pakli ni Ruan bago sinabing ang mga putaheng nabanggit ang dagdag sa in-order ni Amber.

“B-busog pa ako,” protesta niya.

“Hindi ka nag-dinner. Hindi ka rin nag-almusal nang maayos.”

“Nag-dinner ako,” giit niya.

“Hindi mo naubos ang mansanas mo kagabi. At ni hindi nabawasan ang gatas mo.”

“Oh.” Nanlaki ang mga mata ni Amber. “N-nakita mo ako kagabi –?”

May bahid ng pagkapilyo ang bahagyang ngisi ng lalaki. Saglit na kumislap ang mga matang nakakalunod kung tumitig.

“Nakita mo rin ako kagabi.”

Pilit na nilunok ni Amber ang nakabara sa lalamunan para muling makahinga nang maayos.

“H-hindi ko sinasadya –”

“Wala namang masama kung gusto mong pagmasdan ako,” bawi ni Ruan. “Magiging mag-asawa na tayo next week.”

Hiyang-hiya si Amber. Umaalon ang init at lamig sa mukha at leeg niya.

Titig na titig naman si Ruan sa kanya.

“You are truly fascinating, Amber. Tiyak na magugustuhan ka ni Mama.”

Hindi na kailangang mag-isip ng sasabihin si Amber nang dumating ang waiter para ihain ang kanilang mga pagkain.

Nabago ang paksa nang muli silang mapag-isa. May pumasok kasing mga text messages sa mamahaling celfone ni Ruan.

“May emergency sa kumpanya ko. Kailangan kong pumunta muna sa Australia bago sunduin sina Mama. Sa Sunday night na kami darating.”

Saglit na nagsikip ang dibdib ni Amber. Palagi kasing ganito ang dialogue ng kanyang Papa. Nababago ang mga plano sa sandaling may pumasok na business issues.

Ang masaklap pa nga, palagi ring nang-i-indian ang kanyang ama sa mga usapan nila.

Paano kung hindi rin magawang sumipot ni Ruan sa kanilang kasal?

Puwedeng-puwedeng mangyari iyon dahil pinikot lang naman nila si Ruan…

Ikinubli ni Amber ang mga pangamba at agam-agam sa ilalim ng mga pilikmata.

Nanatili ang bigat sa kanyang kalooban kahit na halos dalawang oras na ini-relax ng dalawang spa therapist.

Pormal at seryoso ang ekspresyon ni Ruan nang muli silang magkita. Tahimik na nagmaneho sa kanilang pag-uwi. Halatang maraming iniisip.

“I’ll try to call you every night,” pangako ng lalaki bago sumakay sa taksing ipinatawag sa isa sa mga katulong. Patungo naman ito sa airport.

“H-have a good trip.” Tumango si Amber. Pilit ang ngiti. Halos gumaralgal ang boses.

Nagulat siya nang biglang bumukas ulit ang pinto ng taksi at maliksing umibis si Ruan.

“Don’t forget me,” bulong ng lalaki bago sinapo ng isang palad ang ulo niya at hinapit palapit.

Isang nag-aapoy na halik ang iginawad sa mga labi ni Amber kasabay ng mahigpit na pagpulupot ng isang braso sa beywang niya.

“Open your lips, future wife,” utos ni Ruan. Pagaril. Medyo paos ang boses. Tila may pinipigil na emosyon.

Naghiwalay ang mga labi ni Amber nang mapasinghap matapos maramdaman ang nagbabagang init na dumikit sa tapat ng tiyan niya.

Sa loob ng ilang minutong paghihinang ng kanilang mga labi at pagdidikit ng kanilang mga katawan, malinaw na naipadama ni Ruan ang pagnanasa para kay Amber.

Isang mahinang ungol muna bago ang marahang paghihiwalay nila.

Parang lasing na lasing ang pakiramdam ni Amber. Sobra ang pamumungay ng kanyang mga mata.

“Try to miss me,” habilin ni Ruan bago biglang isinuot sa isang daliri ni Amber ang engagement ring.

“Tatawagan ko si Papa para hindi siya mag-alala,” dagdag pa ng lalaki bago muling sumakay sa taksi.

Nakatabing ang mga daliri ni Amber sa mga labing tila nahinog habang sinusundan ng mga mata ang papalayong sasakyan.

Halos mapahikbi siya nang makitang kumaway pa sa kanya si Ruan bago tuluyang nawala sa paningin.

“Hay, napakaromantiko naman ng lalaking mapapangasawa mo, Amber.”

“Oo nga, Ate Amber.”

Napapitlag si Amber nang mapagtantong nasa malapit lang pala sina Aling Berta at ang ilang mga katulong na pulos mga dalaga.

Agad na namula ang mga pisngi niya.

“N-nandiyan pala kayo,” sambit niya.

“Sorry, hindi namin mapigilan.”

Agad na itinaboy ni Aling Berta ang mga kasambahay na may bitbit sa mga shopping bags na ipinakuha ni Ruan mula sa likuran ng sasakyan ng kanyang Papa.

“Ano’ng meryenda ang gusto mo?”

“Busog pa ako. Ano’ng oras daw uuwi si Papa?”

“Hindi pa siya tumatawag dito magmula kaninang umaga. Ano’ng ulam ang gusto mo para sa hapunan?”

“Kahit na po ano. Pero baka hindi na ako mag-dinner kung gagabihin sa pag-uwi si Papa.”

“O, siya. Dadalhan kita ng gatas mamaya.”

“Uh, ayoko po ng gatas.” Maliksi ang pagtanggi ni Amber. Alam kasi niyang maaalala lang niya si Ruan.

Nakahiga si Amber sa ibabaw ng kama. Walang kagalaw-galaw habang nakapikit ang mga mata.

Ganito ang ayos niya magmula pa kanina. Tanging ang kanyang diwa lamang ang walang humpay sa pagkilos.

Mistulang isang pelikulang makulay at tigib sa emosyon ang mga eksenang paulit-ulit na napapanood sa loob ng utak.

Pero isa lang ang bida.

Si Ruan, ang lalaking suplado sa eroplano.

Si Ruan, ang lalaking masungit sa phone booth sa airport.

Si Ruan, ang lalaking pangahas na nakayapos sa kanya habang magkatabi silang natutulog.

Si Ruan, ang lalaking mapagmahal sa magulang kaya pumayag na magpakasal sa kanya kahit na-frame-up lang.

Si Ruan, ang lalaking nagpatikim sa kanya ng unang halik…

Nagmulat ng mga mata si Amber nang magsimulang bumalong ang mga luha.

Hindi kasi niya makita si Ruan, ang lalaking magiging kabiyak at mangangakong iibigin siya habang buhay…

Paano kung hindi na siya balikan ni Ruan?

“Amber?”

ENGAGED TO A STRANGER-16

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.