Engaged to a Stranger-17

“Nakausap ko po sa telepono ang Mama ni Ruan,” umpisa ni Amber.

“Natuwa po siya nung malaman na anak ako ni Amanda. Matalik na kaibigan daw siya ni Lola Tonya –”

“Ano? Ang ibig mong sabihin, si Rosa Belarmino ang ina ni Ruan?” Hindi makapaniwala si Carlos.

“Siya nga, Papa.” Tumango si Amber kahit ngayon lang niya nalaman ang tunay na pangalan ng butihing matanda.

“Nagbabakasyon ang iyong Mama at Lola Tonya sa Australia samantalang ako ay may dinaluhan na business convention. Papunta na kami sa airport nang masira ang rented car namin. Akala ko, malas ang araw na ‘yon dahil kailangan kong maghanap ng tubig…”

Nakatanaw sa malayo ang mga mata ni Carlos na parang nakikita uli ang napakagandang araw na iyon na nakalipas.

“Nakasakay sa kabayo ang aking si Amanda at ako naman ay naglalakad lang. Natalsikan ako ng putik at nagdumali siyang humingi ng paumanhin. Hiningi ko ang pangalan at numero niya bilang kapalit.”

“At mula noon ay hindi na kayo naghiwalay ni Mama,” panghuhula ni Amber.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

“Oo. Ang iyong Mama ang pinakamagandang pangyayari sa buhay ko, anak.”

“At iyan din ang gusto ninyo para sa akin,” dugtong niya.

“Tama ka, iha.” Umiling-iling si Carlos. Bahagyang nakangiti at namamangha pa rin. “Kaya pala napakagaan agad ng loob ko kay Ruan. Pitong taong gulang siya nung magkakilala kami.”

“Nagkita na kayo ni Ruan nung bata pa siya?” Si Amber naman ang namangha.

“It’s a small world. Natutuwa ako dahil si Ruan ang itinakda ng kapalaran para sa ‘yo, iha.”

‘Kapalaran nga ba talaga?’ tanong ni Amber sa sarili.

Hindi naging maganda ang simula nila ni Ruan. Kahit na ilang ulit na nagkurus ang mga landas nila – bilang mga pasahero sa isang eroplano at sa airport, pagkayamot lang ang unang reaksiyon nila sa isa’t isa.

Kung hindi siya nagrebelde sa ama, hindi siya nagkalakas ng loob na dumalo sa party ni Meillyn Mendez.

Kung hindi nagkuli ang mag-asawang Mendez na ituloy kasunduang kasal ng anak na dalaga kay Ruan, hindi sila mapupunta sa isang kama…

Kapalaran nga ba talagang pagtagpuin sila ng tanging lalaking nakapagpatibok sa puso niya?

Hanggang sa makatulog si Amber nung gabing iyon, wala siyang natagpuang kasagutan sa mga tanong ng puso.

Kinabukasan, isang masayang almusal ang pinagsaluhan ng mag-amang Carlos at Amber.

Nagtataka man ang mga kasambahay sa pagbabago, kitang-kita naman masaya ang mga ito para sa dalagang amo.

“Tatawagan kita mamayang lunch time, Amber.”

“No need, Papa. I understand you completely. Basta siguraduhin mong kumain nang maayos.”

“Yes, I will do that. Okey, tatawag na lang ako bandang hapon. I’ll let you know kung anong oras ako makakauwi para makapaghanda ng dinner si Aling Berta.”

“That’s great.” Hinagkan ni Amber ang isang pisngi ng ama nung makalabas na sila sa front door. “Ingat po kayo ni Mang Piryong.”

“Bye, iha.”

Maluwang pa rin ang ngiti ni Amber habang inihahatid ng tanaw ang papalayong sasakyan ng ama.

Ganito rin ang ginawa niya kahapon nung umalis si Ruan — pero malungkot siya.

Kahapon lang ba iyon?

Bumuntonghininga siya bago pumasok ulit sa loob.

“Aling Berta, pupunta po ako sa tore.” Nagpaalam siya sa may edad na babae para hindi mag-alala sa pagkawala niya.

“Sige, iha. Text kita kapag ready na ang pananghalian.”

“Sige po.”

Isang espesyal na silid ang tinawag na ‘tore’ ni Amber. Iyon ay isa sa mga attic na nasa pinakamataas na bahagi ng mansiyon.

Ang bubungan at mga dingding ay pulos yari sa salamin. At sa gitna ay mayroong malaking telescope.

Kapag hindi ginagamit, dalawang layers ng makakapal na kurtinang itim ang nagsisilbing proteksiyon ng mga mamahaling kasangkapan.

“Hello, old friend. Pasensiya na, hindi kita agad napuntahan dito,” sambit ni Amber habang buong pagsuyong pinupunasan ng malinis na basahan ang makintab na katawan ng teleskopyo.

“Kaytagal kong pinagdudahan ang pagmamahal ni Papa sa akin pero sa ‘yo pa lang ay sapat nang katibayan na mahalaga ako sa kanya.”

Mahabang panahon ang ginugol ni Carlos para mahanap ang pinakamagandang telescope na iriregalo sa anak. Dose anyos lang siya noon.

Hindi lang pagsilip sa mga bituin ang ginagawa ni Amber sa espesyal na silid.

Nandoon ang kuleksiyon ng mga laruan niya nung bata pa siya. Ang isang malapad na kutson ay nakalatag sa sahig, kaharap ng isang television screen na ginagamit sa paglalaro ng mga computer games.

Pero mas madalas siyang nakaupo at nagbabasa sa armchair na nasa tabi ng malalaking bookshelves umaapaw sa mga librong tungkol sa universe.

Anim na taong gulang daw siya nung magtanong kung nasaan ang kanyang Mama. Nang sabihin ng ama na nasa langit ang kanyang ina, naging interesado na siya sa kalangitan.

Hanggang sa magdalaga siya, patuloy pa rin ang kanyang pag-aaral sa mga bagay na nasa kalawakan.

Dumampot si Amber ng isang libro at dumapa sa ibabaw ng kutson sa sahig. Magpapaantok lang siya kaya doon nagbasa.

Kumusta na kaya si Ruan?

Kinitil niya ang disappointment dahil hindi pa tumatawag ang lalaki sa kanya.

Wala siyang dapat na i-expect dahil hindi naman sila tunay na magnobyo.

Pero tila hindi nakakaintindi ng katwiran ang kanyang puso…

Nang hindi mawawaan ang mga binabasa, inabandona ni Amber ang libro. Gumulong siya para ilatag ang likod sa kutson.

Tumitig siya sa kisame. Dahil katanghaliang-tapat, ang rollback steel roofing ay nakatabing sa bubungan na yari sa salamin.

Pero walang nakikita si Amber dahil ang kanyang atensiyon ay nakatutok sa loob ng sarili.

Ano ba talaga ang damdamin niya para kay Ruan?

Para kasing imposibleng umiibig na siya dahil ilang araw pa lang silang magkakilala.

‘Love at first sight?’ suhestiyon ng puso ni Amber.

‘Meron ba talagang love at first sight sa tutoong buhay?’ tanong ng utak niya.

Baka sa mga pocketbooks at mga telebisyon lang meron.

Bumuntonghininga si Amber. Gumulong uli para dumapa naman. Isinubsob niya ang mukha sa kutson.

Bakit nanginginig siya kapag hinahalikan ni Ruan? Natatakot ba siya?

O nasasabik?

Biglang idinilat ni Amber ang mga matang nakapikit nang mariin. Umiling siya nang umiling.

No! No! No!

Imposibleng gusto niyang makipagsiping sa isang lalaking hindi naman umiibig sa kanya!

ENGAGED TO A STRANGER-18

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.