Engaged to a Stranger-2

Simple lang ang gusto niyang mga damit. Kumportable at hindi gaanong mamahalin.

Dahil wala rin siyang hilig sa mga kolorete, ang kanyang ganda – kung meron man – palagi ring nakatago.

Mahaba ang buhok niyang kulay itim pero pirming nakatali, nakatirintas, o nakapusod sa may batok.

Ang kanyang ilong ay matangos pero maikli. Ang kanyang mga pisngi ay parehong mayroong biloy na bihirang lumitaw dahil bihira siyang ngumiti.

Ang mga mata lang niya ang tila dominante sa kanyang mukhang hugis-puso dahil malalaki at medyo bilog ang hubog. Sayang nga lang dahil maiikli ang kanyang mga pilik-mata.

At sayang din dahil kailangan niyang magsuot ng salamin para maiayos ang kanyang malabong paningin. Nitong huli ay napilitan na siyang gumamit ng contact lens.

Ang pangangatawan niya ay balingkinitan at lalong nagtila patpatin dahil kulang siya sa tangkad.

Naudlot daw ang kanyang paglaki dahil mayroon siyang hika nung bata pa. Payat siya nung paslit pa lang. Putlain at palaging matamlay.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Mabuti na lamang at nakalakhan niya ang sakit na iyon. Natuto siyang lumangoy at naging paborito niyang ehersisyo iyon hanggang ngayon.

Kumusta na kaya ang swimming pool sa likod-bahay? tanong ni Amber sa sarili.

Paminsan-minsan, sumusumpong pa rin ang sakit niya kapag labis-labis na ang tinitimpi niyang sama ng loob.

Ang huling pag-atake nga ng hika niya ay nung isang taon…

Nilunok ni Amber ang namuong bikig sa kanyang lalamunan.

Tila maliit na hayup na umilag ang kanyang isip sa tinatahak na landas ng kanyang mga gunita.

Binilisan niya ang mga hakbang patungo sa arrival area.

Doon niya hihintayin ang nag-iisang maleta na kinalalagyan ng mga natirang gamit niya.

Nauna na sa kanya ang mga libro at ibang personal na kagamitan na naipon niya sa pamamalagi niya sa bansang Switzerland.

Kailangang tawagan niya si Mrs. Megan, ang kanyang butihing kasera sa dormitoryong nasa loob ng bakuran ng pamosong eskuwelahang pambabae sa buong Europa.

Parang isang tunay na ina at anak ang turingan nila magmula nang matagpuan siya ng matandang babae na nakahandusay sa niyebeng naipon sa hardin matapos mawalan ng malay sa biglang pag-atake ng kanyang hika noon.

Naghagilap muna siya ng telepono bago lumapit sa baggage area. Ipinangako niyang tatawag agad siya sa sandaling makarating ang eroplanong sinasakyan sa Maynila.

Ito ang isa sa mga ugali niya na naimpluwensiyahan ng kanyang ama.

Hindi ito marunong tumupad sa mga pangako nito sa kanya noon hanggang ngayon — kaya pinipilit niyang maging kabaligtaran nito.

Alam niya kung gaano kasakit ang mapakuan ng pangako!

Busy ng busy ang linya. Paulit-ulit niyang idinayal ang mga numero. Hindi niya napapansin na humababa na ang linya sa likuran niya.

“Wrong number yata ang kinokontak mo, miss,” anang isang pamilyar na tinig.

Napalinga siya. Ang lalaki sa eroplano!

“Baka gusto mo naman kaming bigyan ng pagkakataong gumamit?”

Pinamulahan ng husto si Amber. Walang imik niyang isinabit ang awditibo at dali-daling lumayo doon.

Nanginginig ang kanyang mga tuhod kaya namahinga muna siya sa isa sa mga silyang nakahilera sa waiting lounge.

Muli siyang napasulyap sa kinaroroonan ng mga phone booth. Nakatalikod ang lalaki sa gawi niya habang may kinakausap sa telepono.

Tila naramdaman nitong may nakatingin, lumingon ito at agad na nalisik ang mga mata nang nakita siyang nandoon pa rin at nagmamasid.

Agad siyang nagbawi ng tingin. Halos lakad-takbo siyang lumayo doon.

Ni wala siyang naramdamang lungkot nang ang tsuper lamang nila ang sumundo.

Mayroon daw last-minute conference na dinaluhan si Carlos ang kanyang ama, kaya hindi na naman nakarating.

Bahagya na lamang niya narinig ang boses ni Mang Piryong.

Pagdating ni Amber sa bahay — isang malaki at palalong puting mansiyon na palaging walang tao maliban sa mga katulong na nangangalaga doon — nagtuloy siya sa pool.

Napalis ang bigat ng kanyang pakiramdam nang makitang malinis at maayos ang hitsura ng swimming pool na hugis-parihaba.

Alaga sa putol at dilig ang mga damong pinatubo sa paligid nito.

Tila bagong pintura ang cabana na kinaroroonan ng dalawang banyo, kung saan mayroong kabinet na puno ng iba’t-ibang klase at sukat ng mga swimtsuit na panlalaki at pambabae.

Parang batang naglunoy ng tubig si Amber matapos ang nagmamadaling pagpapalit ng costume sa cabana.

Nawala ang pagod niya dahil gusto niyang isipin na ang kanyang ama ang nagpapanatili sa kalinisan at kaayusan ng kanyang paboritong lugar dito sa mansiyon.

Dumating si Aling Berta, ang mayordoma, kasama si Ditang na may dalang tray.

Inihain ang mataas na baso ng orange juice at isang slice ng fruit cake sa ibabaw ng isa sa mga lamesang bilog na nagkalat sa palibot ng pool.

“Señorita Amber, paparating na ang iyong Papa. Tapos na raw ang kanyang conference,” anang matandang babae.

“Magmeryenda ka na muna.”

Umahon si Amber. Bahagyang nginitian ang dalaga bago tumango kay Aling Berta.

“Salamat ho, Aling Berta. Dalaga na ho pala si Ditang, a!”

Kumislap ang mga mata ng matanda. “Kuu, may nanliligaw na nga diyan, e.”

Nag-blush ang dalagang pinag-uusapan nila.

“Ang inay talaga,” saway nito.

Nagkatawanan si Amber at ang mayordoma.

Lumaki siya sa piling ng mga matapat na katulong ng ama at nakasanayan na niyang lambingin paminsan-minsan ang mga ito bagamat nananatili pa rin ang distansiya ng magkaibang lebel nila sa buhay dahil na rin sa pag-iwas ng mga ito na makipaglapit nang husto sa kanya.

Kahit na anong gawin niya, amo pa rin siya at mga katulong lamang sa kanilang bahay ang mga ito.

Nung una, nasasakyan siya, ngunit bandang huli, nasanay na siya na nag-iisa lang talaga siya.

Nahirati na siya sa kalungkutan.

Inalo niya ang sarili sa pag-aaral lumangoy, pagbabasa ng mga libro sa library habang nakikinig na musika, o sisilip ng mga bituin sa langit, sa kanyang teleskopyo na pag-aari ng nasirang ina.

Matapos kumain, nagtuloy siya sa kanyang silid. Doon siya naligo at nagpalit ng damit.

Naghahanap siya ng isusuot sa aparador nang kumatok si Aling Berta sa kanyang pinto.

Binuksan niya ang pinto kahit na nakaroba pa rin siya at nakabalot pa ng tuwalya ang basang buhok.

“Ano po iyon, Aling Berta?”

Malungkot at may pag-aalala sa mukha nito.

ENGAGED TO A STRANGER-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.