Engaged to a Stranger-21

Umiling si Mama Rosa. “Maunlad ang mga negosyo ni Ruan.”

Mga negosyo…

Gustong matunaw ni Amber nang mga sandaling iyon.

“Pumunta dito sa Pilipinas si Ruan dahil gusto niyang ipawalang-bisa ang kasunduang ipinamana ng kanyang Papa. Ang plano ay mag-aalok siya ng tulong pampinansiyal para kunswelo sa kasal na hindi matutuloy.”

Ayaw ni Ruan magpakasal kay Meilly…

At hindi nga natuloy ang arranged marriage ng lalaki pero napikot naman niya – isang arranged marriage din…

Mas lalong ayaw ni Ruan na magpakasal kay Amber!

At ngayong alam na niyang hindi naman pala kailangan ni Ruan ang puhunan na maaaring ipahiram ng kanyang Papa, naglahong parang bula ang kaunting kumpiyansa niya sa sarili.

Ang hiniram na self-confidence pala ay parang kastilyong buhangin lang na kaydaling madurog.

Madali rin niyang nakalimutan ang mga simpleng panunuyo ni Ruan sa kanya magmula nung itakda ang opisyal na wedding date.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Ang tanging nasa isipan ay ang tanong na — paano niya mapapalaya si Ruan?

Tiyak na hindi papayag ang kanyang Papa. Ang eskandalong iniiwasang sumiklab noon ay natupok ng wedding announcement sa halos lahat ng mga diyaryo at magazines.

“Iha, namumutla ka,” puna ni Mama Rosa. “Ang mabuti pa’y magpahinga ka na muna. Medyo gagabihin daw sa pag-uwi sina Balae at Ruan.”

“T-tumawag po sila?”

“Oo. Tinawagan ako ni Ruan para ipaalala ang pag-pick-up sa isang package sa airport.”

“Pupunta po kayo sa airport?” Saka lang napuna ni Amber na nakabihis pang-alis ang matandang babae. “Gusto n’yo pong samahan ko kayo?”

“Ako na lamang, iha. Salamat. Sasamahan naman ako nina Aling Berta at Delia.” Hinaplos ng isang kamay ni Mama Rosa ng pisngi ng dalaga. “You are so thoughtful and sweet. Magpahinga ka na lang muna. Namumutla ka pa rin.”

“S-sige po.” Humalik siya sa pisngi ng matanda bago lumakad patungo sa kanyang kuwarto.

Matapos mag-shower, nagpatuyo siya ng buhok gamit ang hairdryer. Narinig niya ang ugong ng papalayong sasakyan nang nakahiga na siya sa kama. Iyon ang huling natatandaan niya bago nakatulog nang mahimbing.

Nang muling magmulat ng mga mata si Amber madilim na ang paligid. Umangat ang isang braso niya para sindihan ang lampshade na nasa ibabaw ng bedside table.

“Hi, sleeping beauty.”

Muntik mapatili si Amber nang marinig ang malalim na tinig ni Ruan.

“K-kanina ka pa d’yan?” ang pabulalas na tanong niya.

“Kadarating ko lang.” Nakahiga rin ang lalaki sa kama, paharap sa kanya.

“G-gabi na pala. Magbibihis ako. Baka nakahanda na ang hapunan.” Hinintay ni Amber na kumilos ang lalaki para bumangon.

Kumilos nga si Ruan pero para lang lalong lumapit sa kanya.

“How’s my beautiful bride? Did you have a good rest?”

“Uhm, oo.” Hindi napigil ni Amber ang pamumula ng mga pisngi sa papuri kahit na parang bola lang.

“Nabanggit ni Mama na bumisita ang ating kapitbahay.” Pakaswal ang tono ni Ruan pero nagkaroon ng tigas ang hubog ng panga. “And you looked stressed out after just a few minutes in Meilly’s company. Inaway ka ba niya?”

“Ha? Hindi naman. Medyo nabigla lang ako sa pagbisita nila.” Parang binalot ng init ang kalooban ni Amber nang magpakita ng lubos na pag-aalala si Ruan.

Bumuntonghininga ang lalaki. “Si Mama sana ang pupunta sa kanila pero naunahan siya. I’m sorry.”

“There’s nothing to be sorry about, Ruan,” bawi ni Amber.

“Marami akong pagkukulang sa ’yo. Nawalan ako ng panahon para sa ating dalawa.”

“Oh.” Nalito ang dalaga nang sapuhin ng isang mainit na palad ang pisngi niya. Nagbuhul-buhol ang paghinga nang mapunang napakalapit na ni Ruan sa kanya.

“My only excuse is work and more work – na hindi naman tamang dahilan, ayon kay Mama.”

“I understand, Ruan. Importante ang trabaho.”

“Pero mas importante ang bubuuin nating pamilya.”

Kinagat ni Amber ang ibabang labi habang nag-aalinlangan kung paano iaalok ang kalayaan ng lalaki.

“P-paano kung hindi pa pala tayo handa…?”

“Kung inaalala mo ang kabuhayan ko na inakalang bankrupt na ng pamilya ni Meilly—“

Namutla naman ang husto mga pisngi ni Amber dahil sa guilt.

“Hindi tutoong bumagsak na ang negosyo namin, Amber.”

“S-sinabi sa akin ni Mama Rosa ang tungkol d’yan…”

“At?”

“At nahihiya ako dahil naniwala ako noon,” pagtatapat niya sa mahinang tinig.

“Hindi ka ba natutuwa?”

“Natutuwa,” agap ni Amber. “I am so happy that everything is really well with your family, Ruan.”

“Pero bakit parang hindi ako kumbinsido?”

Humugot ng buntonghininga si Amber. “I am really happy for you, Ruan,” giit niya. Tila lalong napaos ang boses.

“Pero…?”

“But… but I’m not sure if you’re happy with your present situation.”

“Please elaborate.” Hindi lumayo sa kanya si Ruan. Nanatiling nakahiga sa kanyang tabi habang nakapatong ang ulo sa kanyang unan.

“Sinabi ni Mama Rosa na natapos na sa wakas ang arranged marriage agreement sa pagitan ninyo ni Meilly,” umpisa niya. “Pero isang arranged marriage din lang nasadlakan mo sa akin.” Nakalutang sa alaala ang madilim na ekspresyon ng lalaki nung umagang humarap sila sa kanyang papa.

“Ah.” Ngumiti si Ruan. Patudyo. “Parang pinikot nga ang naging pakiramdam ko noon. Pero pareho lang naman tayo ng sitwasyon, hindi ba? Ayaw mo ring magpakasal noon,” paalala nito.

Napilitang tumango si Amber. Nakalimutan na niyang tutol rin pala siya nung una.

“Gusto kong isiping payag ka nang magpakasal sa akin, Amber,” ang seryosong pahayag ni Ruan. Diretsong nakatitig sa kanya ang mga mata. Tila walang paliligtasing emosyon na rerehistro sa kanyang mukha.

“Tutol ka pa ba sa akin bilang lalaking mapapangasawa mo?” tanong ni Ruan nang hindi makakibo si Amber.

“I-ikaw? Tanggap mo na ba talaga ako?”

Hinagkan muna ng lalaki ang dulo ng ilong niya. “Hindi mo pa ba napapatawad ang mga pagsusungit ko sa ‘yo noon?”

Namula ang mga pisngi ng dalaga. “M-masungit din naman ako sa ‘yo,” paalala niya.

Lumitaw ang mapuputing ngipin ni Ruan nang tumawa.

Kinilabutan si Amber nang marinig ang malambing na tunog ng katuwaan.

“Para tayong aso’t pusa,” sang-ayon ni Ruan.

Napatitig na siya dahil lubhang nakakaengganyo pagmasdan ang guwapong mukha ng lalaki kapag nakatawa at nakangiti.

Huminga nang malalim ang lalaki. “Amoy-rosas ang kuwarto mo dahil sa mga rosas na ipinadadala ko sa ‘yo araw-araw.”

ENGAGED TO A STRANGER-22

Comments are closed.