Engaged to a Stranger-3

“E, t-tumawag uli ang sekretarya ng papa mo. N-nagkaroon daw ng emergency sa Bulacan plant at –“

Bumuntonghininga si Amber. Buong buhay niya, palaging ganito ang naririnig niya.

Bakit ba hindi na siya masanay?

“S-sige po,” wika niya sa matamlay na tinig. “Salamat po uli.”

Yumuko ang matanda.

“A-anong oras ako magpapahanda ng hapunan mo, iha?”

Umiling nang bahagya si Amber.

“Hindi pa po ako nagugutom… M-magpapahinga na lang po siguro ako nang maaga.”

Tumango ang matanda bago umalis.

Namili pa rin ng magandang bestida si Amber matapos ang ilang sandaling pagkatigagal.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Unang gabi niya rito sa kanyang tahanan, sa kanyang bansang sinilangan.

Dapat ay nagdiriwang siya, hindi ba?

Tinawagan niya ang mga kababata niyang tagaroon sa malapit sa kanila.

Nagtataka na siya nang sa ika-apat na bahay ay wala ang isa man sa mga kaibigang babae sa kani-kanilang tahanan, gayong bakasyon ngayon sa eskuwelahan.

Nasagot iyon nang makausap niya si Meillyn.

“Nandito sila sa amin ngayon. We’re having a party, girl. Come and join us, Amber dear,” wika ng tinig sa kabilang linya ng telepono.

Hindi pa rin nagbabago si Meillyn, kung ang boses na sadyang pinalambing ang pagbabasehan ng karakter ng dating kaeskuwela.

Hindi sila gaanong magkahulihan ng loob dahil abenturera ang babaeng ito.

May pagka-wild nang kaunti at masyadong malapit sa mga ‘boys’.

“Ha? A, e — ” Inumpisahan ni Amber ang pagtutol.

Ayaw niyang dumalo sa mga kasayahan ng kapitbahay at kababata niyang ito noon.

Bakit uumpisahan niya ngayon?

‘Bakit hindi? For God’s sake, Amber, uumpisahan mo na naman ngayon ang buhay mo sa kahungkag-hungkag at kabagut-bagot na paraan?’ pangsusulsol ng isang bahagi ng sarili ni Amber.

‘Why not try new things? You’ve lost a great number of things by pining for your errant father’s love! Tanggapin mo na kasi, hindi ka mahal ng iyong sariling ama, Amber!’ dagdag pa ng isang munting tinig sa likod ng utak.

Ipinilig niya ang ulo. Hindi niya gusto ang tinatakbo ng isipan at emosyon.

Hindi niya winili ang sarili na maglunoy sa sama ng loob at pagkaawa sa sarili noon.

At hindi siya magsisimula ngayon!

“O-okey, uh, sige, pupunta ako ngayon din. Uhm, a-ano’ng attire sa party mo, Meillyn?”

Humalakhak ng malakas ang sinadyang pinapaos na boses.

“Anyway you want it, darlin’,” bulong ng boses ni Meillyn. “Basta’t sexy and daring! You live only once, girl!”

Parang gusto niyang kilabutan sa pagta-trying hard magpaseksi ng kausap sa telepono.

“A… g-ganoon ba? Uhm, okey, I’ll be coming over. Bye for now!”

“Yay! That’s my girl! See ya!”

Nagpahatid si Amber kay Mang Piryong sa gate ng mga Mendez.

Isang two-storey na kulay-puting bahay. Pinaghalong American at Spanish Architecture ang hitsura ng gusali.

Maganda sanang tingnan kundi sumobra sa mga burloloy na piniling ipalagay ni Mrs. Mendez sa facade na tinapatan mandin ng malalaking spotlights!

Parang nagsisisi na si Amber sa pabiglang pagpapasiya niya na makipag-party sa mga kapitbahay niyang kilala sa pagiging flamboyant sa pag-uugali pero sinalubong na siya ng mga kaibigang naghihintay na sa kanyang pagdating.

“Amber! It’s a miracle!” Nagtitili si Meillyn Mendez nang makita siya.

Pero bahagyang ngumiwi nang mapagmasdan ang simpleng kasuotan niya.

“Sobra namang haba ng palda mo, girl!”

“Ha?” Para kay Amber, sobrang ikli na ng bestidang naisuot niya. Kita na ang mga tuhod niya!

At sleeveless pa kaya pati ang mga braso ay nakalantad rin.

Ngayon pa lang ay sumasakit na ang mga paa niya dahil sa suot na sapatos na may mataas na takong at patusok na dulo.

“Indeed, ngayon ko lamang narinig na um-attend ka sa isang party! I am greatly honored, really!” May pagka-overacting naman ang pagbati ni Mrs. Mendez.

Nanguna ang ginang sa mga sumalubong sa kanya. Sinambitla ng mga daliri ang magkabilang balikat ni Amber para ibesu-beso habang sa paligid ay may nagkislapang mga flash bulbs.

Kinukunan sila ng mga litrato!

Hiyang-hiya si Amber. Hindi siya makapaniwala na ganito ang madadatnan niya.

Halos gusto na niyang magtatakbo palayo doon sa maraming pares ng mga matang nakatingin sa kanya. Gusto niyang matunaw kahit na ilang segundo pa lang sa gita ng limelight.

Hinila siya ng ginang sa loob ng hahay. Muntik na siyang mapangiwi sa nakitang over-decoration ng malaking salas.

Nagkalat ang mga naglalakihan at mamahaling higanteng Chinese jar sa paligid.

“Come here, come here, Ambie darlin’!” Si Meillyn naman ang humila kay Amber nang malingat ang ina sa ibang mga bisita.

Makalipas ang sampung minuto, kasing-laki na ng bangang de-kolor na nasa tabi niya ang kanyang pagsisisi kung bakit ba nakapunta-punta pa siya rito!

Wala siyang ipinagkapareho sa sinuman sa mga nandoong panauhin kahit na ang karamihan ay nasa edad niya.

Ang kopita na iniabot ni Meillyn ay nangalahati lang ang laman dahil natapon nang aksidenteng may bumunggo sa kanya mula sa likuran. Ayaw niya ang amoy ng likidong kulay asul.

Tinangka niyang pumuslit sa isa sa mga silid upang makahanap ng daang papalabas bukod sa malaking pintuan na mayroong nakabantay na mga guwardiya.

Nasuwertihan niya ang music room na nakaharap sa hardin.

Itutulak na niya ang bahagya nang nakaawang na French windows nang may maulinigan siyang nag-uusap sa verandah na nasa labas.

Dalawang anino ang naaninag niya sa dilim.

“Ah, paano ko sasabihin sa kanya na hindi na matutuloy ang napagkasunduan na noon pang mga bata pa kami? Ang sabi mo’y wala siyang nobyo pero marami ang nanliligaw,” tanong ng isa sa katabing mas mababa at mas malapad na anino.

“May nobyo siya, iho. Ikaw iyon kaya hindi siya pumipili ng mga binatang malimit dumalaw sa tahanan ko. Iginagalang ko ang pagbabago ng desisyon mo, iho, ngunit kinatatakutan ko naman ang maaaring kahinatnan ng aking anak kapag nabigla siya nang labis.”

“Alam ba niya ang pagdating ko ngayon?”

“Hindi. Inaasahan ka niya sa isang buwan, pero — ”

“Kung gayon, may isang buwan pa para dahan-dahanin ang inyong anak,” ang maagap na salo ng tinig na mas bata.

Bahagyang napakunot ang noo ni Amber.

Hindi siya dapat nanatili dito at nakikinig sa hindi niya dapat mapakinggan ngunit pamilyar ang mababang timbre ng boses na iyon.

ENGAGED TO A STRANGER-4

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.