Engaged to a Stranger-5

Makakatulog pa sana si Amber uli nang may maramdaman siyang kumilos sa kanyang tabi.

May dumikit na kung anong mainit-init sa kanyang balat. Makinis at madulas na parang telang velvet.

Nabigla siya nang gumapang ang isang ‘bagay’ sa kanyang beywang at tawirin ang kaliitan nito upang maabot ang kabila na nakadaiti sa kutsong kinahihigaan niyang patagilid.

Hinapit siya nang husto at tuluyan na siyang napadikit sa kabuuan ng katawang katabi niya sa higaan.

Biglang parang nagbaga ang buong pakiramdam ni Amber.

Ilang segundo marahil ang nagdaan na halos hindi siya makahinga nang maayos dahil sa matinding pagkabog ng kanyang dibdib.

Isang lalaki ang katabi niya!

Natitiyak niya iyon dahil sa nararamdaman niyang balahibo na katapat ng kanyang likod.

Saglit siyang nagtaka kung bakit niya nararamdaman ang gayon nang makapa ng isang naglalayag na kamay ang kanyang dibdib.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

At ngayon pa lamang niya natuklasan na wala siyang suot ni isang saplot sa katawan!

‘Oh, God!’ bulalas niya sa sarili bago pinuwersang igalaw ang naninigas na mga biyas. Pabalikwas siyang bumangon.

Ngunit hindi siya nagtagumpay dahil sa nakadagan na bigat ng matipunong bisig sa kanyang tagiliran.

Isang mahinang ungol ang naulinigan niya mula sa katabi.

Umihip ang mainit-init na hangin sa kanyang batok. Naghatid ng kakaibang kilabot na walang kinalaman sa takot na nadarama niya nang mga sandaling iyon.

Muli niyang tinangka ang pagbangon. Sabay silang kumilos, at dahil sa mas malakas ang lalaking nasa kanyang likuran, ito ang nagtagumpay.

Imbes na nakaupo na siya para tuluyang makalayo, natagpuan niya ang kanyang sarili na napabaling sa gawi ng tagabihag niya.

Napasinghap siya nang siilin ng halik ang kanyang punong-teynga sa kanyang leeg habang ang mga kamay ay mapangahas sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Ngayon lang nangyari sa kanya ang ganito. Oo, mayroon siyang naging nobyo pero iyon ay isa lamang –

Napapitlag siya nang mapahinto ang nag-aapoy na landas sa isa sa kanyang kalambutan, para doon manatili habang pinagyayaman ang natagpuang bukal ng mga sensasyon.

Daig pa niya ang pinainom ng isang boteng alak. Para siyang inilutang-lutang sa hangin habang ang kanyang isip ay nakikipagtunggali sa kahinaan ng kanyang katawan.

Napaungol siya ng malakas bago niya naipon ang natitira pang katinuan.

A, ang katulad niya ay isang pirasong kahoy na matagal na nabilad sa araw kaya agad na nagririkit nang mapadaiti sa apoy!

Bigla siyang nahimasmasan.

O naalimpungatan?

“Huh! Ikaw? Ano’ng ginagawa mo rito?” Pasalya siyang inilayo ng lalaking katabi sa higaan.

At gayon na lang ang pagkatigagal ng dalaga nang makilala ang mismong lalaking nakatabi niya sa eroplano.

Napamulagat si Amber. Hindi agad nakahuma sa tindi ng pagkabigla.

Dahil hindi niya suot ang salamin sa mga mata, kailangan pa muna niyang tumitig nang matagal bago napagsino ang kaharap.

Nagpatong-patong ang mga alaala at gunita.

Nandoong sumalimbay ang mga tinig na may mababang timbre, ang isa ay sa eroplano habang sinisinghalan siya, ang isa ay sa hardin habang seryosong nakikipag-usap –na pag-aari pala ng isa lamang tao.

Ang sumunod na napansin niya ay ang kanyang kahubdan samantalang ang lalaki ay may suot lamang na hapit at maikling shorts na panloob.

Nagmamadali niyang hinatak ang kumot upang itakip sa sarili. Nagsisimula nang manginig ang kanyang mga kamay at mga kalamnan.

Pakiramdam niya, napunta siya sa Alice in Wonderland nang mga sandaling iyon.

O magmula pa nung unang sandaling tumuntong siya sa kakatwang bahay ng mga Mendez.

“Sumagot ka,” singhal ng lalaki nang hindi siya nagsalita. “Bakit nandito ka sa kuwarto ko?”

Ipinilig ni Amber ang ulo. Nawawala ang salamin niya.

Hindi niya gaanong maaninaw ang kaharap ngunit natitiyak niyang hindi siya nagkamali kaninang makita niya ito nang malapitan.

“K-kuwarto mo?” ulit niya, pautal.

Gusto rin niyang itanong kung ano ang ginagawa niya doon.

Ang huling natatandaan niya ay nang painumin siya ng alak ni Mrs. Mendez kagabi…

Bago pa uli makaasik ang lalaki, biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto.

At iniluwa ang mag-asawang Mendez at pati na ang kaisa-isang anak na si Meillyn.

Kundi marahil groge pa, magtataka nang husto si Amber dahil ang aga-agang nagising ang buong mag-anak na Mendez kahit na may naganap na kasayahan kagabi.

“Por Dios, por Santo! Ano ang nangyayari dito? John, bakit mo hinahayaang magkaroon ng mga ganitong klaseng bisita dito sa pamamahay natin? Oh, gusto kong himatayin!”

Nangilo si Amber nang marinig ang mataras at matinis na boses ni Mrs. Mendez.

“I’m sure, may paliwanag si Ruan,” ang pormal na wika ni Mr. Mendez.

“Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ng babaeng ito sa kuwarto ko, Tito John, Tita Minnie.”

“R-ruan? K-kailan ka dumating?” Si Meillyn naman ay tila hindi makapaniwala.

Wala nang nagawa si Amber kundi ang panoorin ng malalabong mga mata ang eksenang nangyayari sa kanyang harapan.

Hindi man niya nakikita nang husto si Mrs. Mendez, natitiyak niyang hindi tutoo ang pag-arte nito na nabigla sa nakita nito.

Sensitibo siya sa mga ganitong disimuladong paglusot sa masisikip na sitwasyon — marami siyang naging guro — una na ang kanyang ama na magaling mag-isip ng mga idadahilan sa kanya simula pagkabata!

Nakukutuban niyang ang ginang ang may kinalaman sa kanyang kinasadlakang problema.

A, sana’y hindi siya nagmaktol kagabi sa kanyang ama! Sinisi ni Amber ang sarili.

Hindi niya napansin na tumahimik na lang ang lalaking katabi niya sa kama.

Sana lang ay nagdududa na rin ito sa biglang pagdating ng mag-anak na Mendez sa kuwarto.

Sigurado si Amber na ni hindi kumatok ang mga ito bago pasalyang itinulak pabukas ang pintuan ng guest room.

Si Mr. Mendez ulit ang nagsalita nang sabay na humagulgol nang iyak ang mag-ina.

“Huminahon kayo, Minnie, Meillyn,” pang-aalo nito sa dalawang babaeng magkayakap habang umiiyak.

“Hihintayin namin kayo sa ibaba, Ruan… Amber.”

Nang muling maisara ang dahon ng pinto, parang na-switch off na ilaw ang paglalaho ng ingay.

Isang makapal na katahimikan ang bumalot sa buong paligid ni Amber. Parang gustong umatake ng hika niya.

“Bakit hindi mo hanapin ang mga damit mo at magbihis — Amber?”

Ibinitin ng lalaki ang pangalan niya pero hindi para lagyan ng lambing kundi panunuya.

ENGAGED TO A STRANGER-6

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.