Engaged to a Stranger-6

“I’m sure nandiyan lamang sila sa tabi-tabi.” Maliksing tumindig ang lalaki. Lumakad patungo sa banyo.

At saka pa lamang nakakilos si Amber nang magulantang ng malakas na pagsasara ng pintuan ng banyo.

Inapuhap ng kanyang paningin ang mga saplot sa paligid ng silid.

Wala. Malinis ang sahig na alpombrang kulay berde.

Kailangan muna niyang makita ang salamin niya sa mata.

Ibinalot niya sa katawan ang kumot habang tumatayo mula sa kama.

Bahagya siyang yumuko upang mailapit ang paningin sa ibabaw ng lamesita at headboard.

Binuksan niya ang mga drawer. Wala talaga.

Dinatnan siyang naghahanap pa rin nang lumabas uli ang lalaki.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong nito nang makitang nakaluhod na siya sa sahig at halos idikit na ang mukha sa alpombra.

Nataranta si Amber.

“H-hinahanap ko ang salamin ko,” paliwanag niya sa nanginginig na tinig.

Nandoon sa kanyang mababang tono ang piping pakiusap.

“Salamin? Salamin sa mata?” Tila nagtatakang tanong ng lalaki.

Tumango si Amber. Bagamat hindi niya gaanong naaninag ang kabuuan ng lalaki, alam niyang nakahubad pa rin ito maliban sa nakatapis na tuwalyang puti.

Kayumangging kaligatang ang kulay ng lalaki, kaya natanaw niya ito sa di-kalayuan at maaninaw ang kabuuan nito.

“Wala ka namang suot kahapon, hindi ba?” Tila nagdududa naman.

“Suot ko ang contact lens ko….” paliwanag niya.

Nagbaba agad siya nang tingin nang makitang papalapit na ito sa kinaroroon niya.

Ilang sandali ng katahimikan ang namayani habang naghahanap silang dalawa sa palibot ng kuwarto. Ngunit pareho lamang silang nabigo.

Narinig niyang nagbuntonghininga ito habang papalapit uli sa kanya.

May dala nang kung anong nakatiklop sa isang kamay.

“Isuot mo na ang mga ito. Nakita kong naka-hanger sa banyo.”

Tumango si Amber.

Kinapa ng mga daliri niya ang mga butones kung nakasuot sa tamang butas nang lumapit uli sa kanya ang lalaki.

May dalang suklay para sa buhok niya na nagulo sa pagtulog.

“Tutulungan na kitang mag-alis ng tali,” wika nito, medyo brusko na ang tono.

Tila naiinip na sa tagal ng pagbibihis niya habang nakatalikod ito sa kanya kanina.

Nasa tabi siya ng bintana para malapit sa liwanag. Tumalikod siya sa lalaki bilang pag-sang-ayon.

Nanliit si Amber nang makatabi ang matangkad at maskudalong katawan ng lalaki.

‘Ruan… Ruan ang pangalan niya…’ bulong ni Amber sa sarili.

Nasa gayon silang ayos nang mula sa kungsaan ay may kumislap na liwanag.

Nagmura ang lalaki at agad na dinukwang ang bintanang mayroong sliding glass at Spanish grilles.

Naaninag ni Amber ang papalayong hugis ng isang lalaking may dalang kamerang malaki matapos tumalon sa punong katapat mismo ng kuwartong kinaroroonan nila.

Sinapo ng lalaki ang noo habang tila nag-iisip nang malalim.

Nakalimutan na ni Amber na ayusin ang buhok sa katarantahan.

Ni hindi na rin niya naalalang hanapin pa ang mga sapatos. Ang pinaka-importante sa kanya ngayon ay isang telepono.

Tatawag siya sa bahay para magpasundo sa kotse nila. Hindi na siya dapat magtagal dito.

Baka kung ano na ang mga sumunod pang mangyayari sa kanya!

Binuksan niya ang pinto.

Hindi niya namalayan na nasundan siya ng lalaki. Mabilis nitong naipinid muli ang dahon bago pa man siya nakahakbang palabas.

“Where do you think you’re going? Iiwanan mo ako dito pagkatapos mong guluhin ang buhay ko?”

Nagulat si Amber sa narinig na akusasyon.

Paano niya nagulo ang buhay ng lalaki gayong wala naman siyang ginagawa rito?

“Paano –”

“Ang lalaking kumuha ng litrato sa labas ay reporter ng isang tabloid dito sa Pilipinas. Iskandalo ang ibig sabihin niyon, hindi mo ba alam?” nang-uuyam na pakli ng lalaki.

Parang gustong magpantig ng mga teynga ni Amber. Hindi siya inosente at ignorante!

“Of course, alam ko. Bahala na ang mga abogado ng Papa ko sa bagay na iyan.” Dahil sa matinding pagkayamot, nakapagsinungaling tuloy siya kahit na hindi siya sigurado sa magiging reaksiyon ng kanyang ama.

“Hindi ikaw ang iniisip ko. Sanay ka na sa mga bagay na ganito pero hindi ako — at ang pamilya ko!” asik ng lalaki.

Buong pagkabalisang nagpapalakad-lakad sa kanyang harapan si Ruan. Naalala tuloy niya ang isang tigreng nakakulong sa zoo na nakita niya nung bata pa siya.

Nainsulto na si Amber. Ngayon lang siya dumalo ng isang kasayahan nang nag-iisa — at dito lamang sa loob ng mismong subdibisyon nila — pagkatapos, ganito na ang nangyari.

Isang pangit na insidente ang nagdugtong sa mga landas nila ng lalaking ito pero hindi siya ang dapat na sisihin!

“How dare you! Hindi mo ako kilala kaya wala kang karapatang pagsalitaan ako nang ganyan. Bakit kung magsalita ka parang ikaw ang naagrabyado, samantalang ako ang babae? Ako ang masisiraan ng reputasyon, hindi ikaw!”

Kumawala na ang ngitngit ni Amber. Wala siyang mapagbuntunan ng galit niya para sa sinumang naglagay sa kanya sa ganitong klaseng sitwasyon.

Bakit hindi siya magsisiklab sa harap ng pang-iinsulto sa pagkatao niya?

“Para sabihin ko sa iyo, ako ang biktima rito! Ako ang ginamit –”

Padaklot siyang hinawakan ng lalaki sa magkabilang balikat. Inalog nang malakas.

“Magtigil ka! Ano ang sinasabi mo? Sino ang may kagagawan nito? Sino?”

Naliyo si Amber at hindi na nakapagsalita.

Napalungayngay ang kanyang ulo nang huminto sa pag-alog ang lalaki.

Napadaing siya nang naramdaman na naman ang pag-ikot ng kanyang paligid.

Ayaw na niyang mawalan ng malay-tao. Natatakot siyang baka may mangyari na naman para magpalala sa mga nangyayari sa kanya.

Pinangko siya ng lalaki at inihiga sa kama. Saglit na tinitigan ang kanyang mukha na nawalan ng kulay.

Napabuntonghininga muna ito bago marahang hinaplos palayo ang buhok na dumikit sa pawisang noo ni Amber.

Nanlalamig ang kanyang buong katawan.

“A-ano’ng gagawin natin?” tanong niya para maiwaksi ang tensiyon na nililikha ng paglalapit ng kani-kanilang mga katawan.

Nagkibit ng isang balikat ang lalaki ngunit nasa mukha ang pag-aalala.

“Iniisip ko pa. Maraming kumplikasyon ang nilikha nung mahiga ka sa maling kama kagabi.” Nagkaroon na naman ng panunuya sa tinig ng lalaki.

“Ang pamilya mo?” hula niya.

Muling ipinikit ang mga mata nang mabasa niya ang panunumbat sa mga matang malapit sa kanya.

“Nasaan ba sila?”

“Nasa Amerika ngayon si Mama at ang isa kong kapatid na babae. Pinagbabakasyon ko sila doon para makalimot sa pagkamatay ni Papa.”

ENGAGED TO A STRANGER-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.