Engaged to a Stranger-7

Tila wala sa loob iyon habang sinisipat si Amber ng mga matang iyon na tila nanunuri at nanunukat sa kanyang pagkatao.

“Natabunan ng landslide si Papa sa Australia — sa minahan namin ng ginto doon.”

Naramdaman ni Amber ang lungkot ng kaharap. Pamilyar siya sa damdaming ito dahil kapiling niya iyon mula pa sa pagkabata.

“I’m sorry,” sambit niya bilang pakikiramay kahit na alam niyang malaki ang ipinagkaiba ng kanilang kalagayan.

Nalasap ng lalaki ang pagmamahal ng mga magulang bago nawala ang isa. Samantalang siya… para na ring nawala pareho dahil ang kanyang ama ay walang panahon para sa kanya.

“Alam mo bang parang mga baga sa dilim ang iyong mga mata? Kaya siguro ‘Amber’ ang ipinangalan sa iyo….”

Unti-unti bang napapalapit ang mukha ng lalaki sa kanya? tanong ni Amber sa sarili habang tila namamalikmatang pinapanood ang mga matang singdilim ng gabi kapag walang mga bituin sa langit.

Isinuklay ng lalaki ang mahahabang daliri na nakalugay niyang buhok na nakalatag sa unan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

“I wanted to do this yesterday. You look so severe and formal. In the airplane, remember?” bulong ng mababang tinig habang papalapit nang papalapit ang mga labing matiim ang anyo.

Napakurap-kurap si Amber sa mapanrahuyong kislap na nagsimulang lumitaw sa mga matang madidilim.

Kusang pumikit ang mga namigat na talukap niya nang tuluyang magdaiti ang mga labing bahagya nang nakaawang.

Magkahalong pag-iinit at panlalamig ang naramdaman ni Amber nang mga sandaling iyon.

Iyon ang unang halik niya. Kusang iginawad sa kanya bilang isang babae — hindi bilang anak ni Carlos Quintanar, ang kilalang business tycoon sa Pilipinas.

“You’re trembling,” puna ng lalaki, paanas.

Sinundan ng isang hinlalaki ang kurba ng ibabang labi niya upang kaipala’y pawiin ang tensiyon sa magkadikit niyang mga ngipin.

Muling idinampi nang magaan ang bibig sa kanyang pisngi, ilong at sulok ng bibig. Para bang talagang pinatatagal ang sandali bago tuluyang bihagin ang kanyang kahinaan.

Kung suot niya ang kanyang salamin sa mata, mababasa niya nang malinaw na ang kislap ay hindi pagnanasa kundi ng pananadya para sa katuparan ng isang plano.

Nung una’y magaan lamang ang halik na sumunod sa padamping nauna ngunit nang tugunin ng init ni Amber ang pakunwaring emosyon, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan ang mariing paghihinang ng mga labi nila.

“Amber…”

“Amber! Anong kabalbalan ito?” Tila kulog na dumagundong sa paligid ang malaking boses ni Carlos Quintanar.

Isang higanteng lalaki ang ama niya. Malapad ang balikat at mapituno ang mga braso. Hindi ito mukhang naglalagi sa loob ng opisina. Balbas-sarado at mahaba ang buhok na katulad nang kay Amber ay alun-alon din at makapal.

Kasalukuyang nanlilisik ang mga mata nito habang nakatitig sa lalaking nanatili lamang na nakaupo sa tabi nang napapabalikwas na dalaga.

“P-papa!” bulalas niya. Namumutla ang kanyang mukha at agad na napawi ang init na nararamdaman.

Nang mabasa niya ang sakit sa mga mata ng ama, parang gusto niyang magwala. Ngayon lang siya may nakitang emosyon na nakasalamin sa mga matang iyon — at ganito pa!

“Papa…” bulong niya. Magkahalong panghihinayang at pagsisisi ang nasa tinig.

“Lalaki, bigyan mo ako ng magandang dahilan kung bakit mo kinaladkad sa kahihiyan ang anak ko!” ang pabulyaw na wika ni Carlos sa walang imik na binata.

Bahagya pang nagulat ang may edad na lalaki nang walang takot na nabadha sa mukha ng kaharap. Malimit na ganoon ang epektong mala-kulog na boses sa mga bata pang executive sa sariling kumpanya, maging ang mga kaedad na nininilbihan doon.

“Ako po si Ruan Belarmino.” Tumindig ang binata at lumakad nang marahan palapit, nakalahad na ang isang kamay.

Nakita ni Amber, sa unang pagkakataon, ang tila pagkatulala ng ama habang tinatanggap ang pakikipagkamay ni Ruan.

Pormal na ngumiti muna ang binata. Tumikhim at tila nag-isip muna sandali.

Aywan kung bakit may umusbong na pagdududa sa isip ni Amber. Para bang pakunwari lamang ang mga kilos at pananalita nito.

Pumiksi ang bahagi niya ibig maniwala sa panaginip.

“Ang anak ninyo si Amber ay pumayag nang magpakasal sa akin. Ipagpaumanhin ninyo na nalaman ninyo sa ganitong paraan, ngunit ipinilit po kasi niya na ilihim muna ang lahat habang inihahanda niya kayo. Ayaw naming mabigla kayo, sir,” ang magalang na pahayag ni Ruan.

Bahagya pa ngang napangiti ang matiim na labi matapos ang huling sinabi.

“Pero, ganoon pa din ang nangyari.”

Nanlalaki ang mga mata ni Amber, kasabay ng panlalaki ng kanyang ulo. Hindi niya maintindihan kung siya ay tunay ngang binabangungot na!

“T-Teka m-muna…” bulong niya dahil halos kinakapos na siya ng paghinga.
Nang makaipon na siya ng lakas para makapagsalita nang malakas, nawalan naman siya ng sasabihin.

Sa una na namang pagkakataon — nasaksihan niya ang walang kahulilip na kaligayahan sa mukha ng kanyang ama.

Parang ibig magkukot ng kanyang kalooban dahil hindi siya ang nag-iisang dahilan para masiyahan ang ama.

Bakit kailangan pang ibang tao ang makapagpasaya sa pinakaimportanteng nilalang sa kanya?

Isang malaking pagkakamali sa parte ni Amber ang sangsaglit na pagkabiglang iyon.

Dahil sa loob lamang ng ilang munuto tuluyan nang nagbago ang direksiyon ng buhay niya.

Tinangay siya ng magkasamang agos ng dalawang lalaki na waring magkapareho ang personalidad — kung ang pagkadominante ang pag-uusapan!

Tuwang-tuwa si Mrs. Mendez — halos kasinglapad ng ngiti ng ama ni Amber ang nasa mukha nito.

Halata namang naglalatang sa magkahalong poot at inggit ang nasa mga mata ni Meillyn.

Neutral lamang si Mr. Mendez habang kinakamayan si Ruan at si Carlos. Pormal ang ngiti nito habang minamasdan ang magiging magbiyenan.

Parang natulala si Amber. Hindi siya makapagsalita nang ayon sa idinidikta ng kanyang isip.

Nakapagkit sa kanyang mga labi ang isang plastik na ngiting itinuro sa finishing school. Matipid at walang kahulugan habang ang mga mata ay sadyang pinabilog upang magkaroon ng kislap.

Bakit hindi siya makatutol?

Titingin siya sa masayang mukha ng ama at makikita niya ang kasagutan.

Mapapatitig siya sa enigmatikong ekpresyon ni Ruan — at muli na naman siyang uukilkilin ng magkahalong pagkalito at pangamba.

Natakot siya dahil naipakita niya rito ang kanyang kahinaan kanina. Buo ang kanyang tiwala na katulad ng isang batang tumanggap ng kendi mula sa isang estranghero.

ENGAGED TO A STRANGER-8

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.