Engaged to a Stranger-8

Inalantad ni Amber ang sarili sa harap ng isang maskaradong kaaway.

Ngayon ay napagtanto na ni Amber na planado ang mga halik na iginawad ni Ruan sa kanyang mga labing inosente.

Sinamantala ng lalaking ito ang pagiging ignorante niya!

Natagpuan sa music room ang kanyang salamin sa mata. Na agad isinuot ni Amber upang mapagmasdan at mapag-aralan ang karakter ng taong nagmanipula sa kanilang mag-ama.

Hinding-hindi niya ito mapapatawad sa ginawang paggamit sa kanya.

‘O dahil sa pang-aagaw nito ng pansin ng iyong ama?’ pang-uuyam ng isang tinig na noon lang niya narinig sa loob ng isipan.

Bahagya siyang napapiksi nang akbayan siya ng binata. Parang napaso siya sa kamay na dumantay sa kanyang balikat.

Nakita niyang tumigas ang panga ni Ruan ngunit siya lamang ang nakapansin. Lumipat ang kamay sa baywang niya at hinawakan siya nang mahigpit bilang parusa.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Hindi siya pinayagang makakawala kahit hanggang sa loob ng sasakyan nang papauwi na sa mansiyon.

Hindi siya makapalag dahil malimit na nakasulyap sa kanila ang mga mata ni Carlos.

Tila nananadya naman si Ruan. Masuyo nitong inalis ang suot niyang salamin bago inilapit ang bibig sa isang teynga niya upang bumulong nang malakas.

“I think, I like you better with no glasses, darling.”

Kahit na alam na niyang hindi tutoo ang admirasyon na ipinakikita nito sa kanya, namula pa rin ang mga pisngi ni Amber. Hindi niya natagalan ang mga titig ng binata.

Naulinigan niya ang mahinang pagtawag ni Carlos na nakaupo sa harapan.

“Sa palagay ko, Mang Piryong, hindi na ako maghihintay nang matagal at magkakaapo na ako!”

Lalong nag-init ang mukha ni Amber. Nakaramdam na naman siya ng panibagong pagngingitngit para sa katabing binata.

Pasimple niyang inilapit ang kanyang kamay sa tagiliran ni Ruan. Kinurot niya ito nang pinung-pino sa beywang.

Napasinghap ang lalaki sa magkahalong sakit at pagkabigla.

“You naughty girl,” bulong ng medyo paos na boses. Siya lamang ang nakarinig.

Sinapo ang mahahabang daliri ang baba niya. Pilit na iniangat ang nakayuko niyang mukha.

Medyo malabo ang kanyang paningin dahil ibinulsa na nito ang kanyang salamin ngunit naanag-agan niya ang matigas na kinang sa mga matang malalim.

“Kiss me,” utos nito sa malamig na tono.

Umiling siya. “No!” asik niya.

Pinisil na nang bahagya ang kanyang mga pisngi at inilapit pa nang husto ang mukha nito sa kanya.

“Hahalikan mo ako? O…”

“O, ano?” paghahamon ni Amber.

Ayaw niyang ipahalata ang kanyang nerbiyos. Mas malaki ang panganib na nararamdaman niya kapag malumanay at mahinahon ang pagsasalita ng binata.

“O hindi kita sisiputin sa araw ng kasal?”

“Aba’t — ” ang pagigil na wika ni Amber ngunit hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil hinintay lamang pala ni Ruan ang pag-awang ng kanyang bibig.

Mariing kinuyumos ng halik ang kanyang mga labi. Humigpit ang mga bisig na nakapulupot sa katawan niya.

Hindi siya makagalaw habang iginagawad ang pang-iinsulto sa pagkababae niya.

“Napakahayup mo!” asik niya, paanas lamang dahil ayaw niyang marinig ng kanyang ama. “Ginagamit mo lang ako!”

Dumilim lalo ang mukha ng lalaki ngunit marahan itong tumango.

“Right,” tugon ni Ruan bago muling hinagkan-hagkan ang kanyang mga mata, ilong, pisngi…

Tinatagan ni Amber ang sarili. Para siyang yelo na tinutunaw ng init ng araw. Napapikit siya nang mariin habang ang kanyang diwa ay unti-unting nanlalabo.

Bakit ba siya nanlalaban?

“Just kiss me, will you?” ang pagiit na utos ng boses-lalaki. Narinig niya iyon mula sa malayo.

Mabigat ang ulo ni Amber nang pilitin niyang umiling.

“No…”

“Ah, nandito na tayo. Tuloy ka sa aming tahanan, iho.”

Binasag ng malaking boses ni Carlos ang tensiyon sa likuran upuan ng kotse.

“Mang Piryong, mauna ka na sa loob. Sabihin mo kay Aling Berta na maghanda siya ng masarap na almusal.”

“Saved by the bell,” ngisi ni Ruan.

“Later,” pangako pa ng lalaki. Patuya.

Tumalikod si Amber sa piping pagbabantang nasa ilalim ng isang katagang iyon.

Nangangatog ang mga tuhod niya nang umibis siya sa sasakyan. Muntik na siyang matalisod nang makaapak siya ng bato na hindi niya nakitang mabuti.

Mula sa kanyang likuran, lumitaw ang isang bisig upang pigilan ang pagsubsob niya.

“O, kaunting ingat, sweetheart,” wika ng kinasusuklaman niyang tinig.

Kunwa’y inayos niya ang isang paa sa loob ng suot na sapatos upang makalayo ang ama na naunang umakyat sa marmol na hagdanang patungo sa dalawang malaking pintuan sa harapan ng mansiyon.

“Go to hell,” angil niya sa lalaki.

“Isasama kita, Amber. Bagay ka rin doon,” salo ng lalaki.

Lalong dumiin ang mag daliring nakabaon sa isang beywang niya nang tangkain niyang magpatiuna.

Kung hihinto siya at mag-iisip, magugulat siya sa kanyang sarili.

Ngayon lamang nangyari na ganito ang kanya mga kilos at salita.

Taliwas sa reputasyon niya ang pakikipagtalo sa lalaking ito ngunit paano niya pipigilan ang galit na nadarama niya?

Galit lamang ba ang emosyon mo para kay Ruan? tanong ng isang munting tinig.

Ngunit hindi niya ito pinakinggan. Itinulak niya sa pinakasulok at pinakamadilim na bahagi ng isipan kung saan ito nagmula.

Pinilit ni Amber na ibalik ang kapormalan ng kanyang pag-uugali. Binura niya ang anumang ekpresyon. Siya man ay marunong magsuot ng maskara!

Nagtuloy siya sa kanyang silid para magpalit ng damit.

Binlangko niya ang isipan habang nakatapat sa ilalim ng bugso ng malamig na tubig ng shower.

Nakapikit habang itinitingala ang mukha para maginhawaan nang husto ang kabuuan.

Pinupunasan niya ang sarili ng malambot na tuwalya nang mabuo ang isang pasiya. Sasabihin niya sa ama ang tutoo pagbaba niya sa kumedor.

Ipagtatapat niya ang narinig niyang usapan nang nagdaang gabi sa music room ng mga Mendez.

Ilaladlad niya ang tutoong pagkatao ni Ruan Belarmino — kahit na ikagalit ng kanyang ama.

Wala na si Carlos Quintanar ng makababa siya. Natanaw pa niya ang usok ng tambutso ng kotse nito mula sa malayo.

Ayon kay Aling Berta, may sumabog na bomba sa isa sa mga planta sa Bulacan kaya nagmamadaling umalis. Si Amber na raw muna ang bahala sa kasintahang si Ruan.

Nagngingitngit ang dalaga habang patungo sa library, kung saan gumagamit ng telepono ang binata.

ENGAGED TO A STRANGER-9

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.