Engaged to a Stranger-9

Ngumiti ang lalaki ng makita si Amber. Inisip niyang dahil nasa likod niya si Aling Berta na may dalang tray ng kape.

Magalang na ngumiti muna ang matandang babae sa binata bago lumabas uli ng silid.

Nang mapansin ni Amber na sinisipat siya ng tingin ni Ruan habang nakangiti pa rin ang parating nakatiim na bibig, nagsimulang kumulo ang kanyang dugo.

“O, ano’ng itinitingin-tingin mo pa diyan? Wala na tayong audience!” singhal niya.

Tuluyan nang nakalimutan ang resolbang binuo niya kanina habang nag-aayos ng buhok at mukha sa harap ng salamin.

Pinagalitan niya ang sarili at pinapangakong hindi na siya magre-react sa lalaki.

Nawala ang aliwalas sa mukha ng lalaki. Tumiim ang pag-kakatitig sa kanya habang dahan-dahang humakbang palapit.

“Amber, Amber, Amber! Nakatago pala ang kulo mo,” panunuya ni Ruan habang nakapamulsa.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

Tumabi sa kanya sa tapat ng bintana at tumanaw sa malayo.

“Hindi ko alam kung ano ang relasyon ninyong mag-ama. Maaaring kaya mong tigasan ang iyong loob kahit na masaktan mo siya, ngunit ang aking ina ay ibang usapan, Amber. Kung kinakailangang kaladkarin kita sa simbahan para pakasalan ako, gagawin ko iyon. Ayaw kong isugal ang kalusugan ni Mama para sa isang katulad mo lang!”

“Isang katulad ko?” Nagpapanting ang dalawang teynga niya dahil sa binanggit na tungkol sa kanilang mag-ama.

Maantak para sa kanya ang pag-usapan ang tungkol kay Carlos Quintanar, lalupa’t kapansin-kapansin pala ang kakaibang pakikitungo nila sa isa’t-isa.

Gaano katagal na panahon nang pinag-uusapan sila ng mga kaibigan at kakilala?

“You’re nothing but a spoiled brat, too rich for your own good!”

Nabigla si Amber sa narinig na poot sa tinig ng lalaki.

Napailing siya at nang maalala ang resolba, huminto siya at sinimulang tigasan ang ekpresyon.

Itinabing niya ang mga pilikmata upang ikubli ang nararamdamang hapdi ng kalooban.

Spoiled? Siya? Si Amber Quintanar?

Marahil nga dahil nakukuha niya ang anumang materyal na bagay na gustuhin — maliban lamang sa atensiyon at pagmamahal ng kanyang ama.

‘A, tama na nga iyan!’ bulyaw ng maliit na tinig. Muling lumutang mula sa pinagbaunan ni Amber.

‘Tigilan mo na ang pagka-awa mo sa iyon sarili, Amber! Matanda ka na! May sarili nang isip! Kung gagamitin mo ang iyong utak, magiging iyo ang bawat naisin mo!’

Ipinilig niya ang ulo upang patigilin ang mga alingaw-ngaw sa loob ng utak. Pumikit siya habang kinokontrol ang sarili.

Inakala ni Ruan na naliliyo siya at agad siyang dinaluhan. Pamilyar na ang bisig na umalalay sa kanyang likuran.

Agad siyang nagmulat ng mga mata at pumiglas na palayo.

“Bitiwan mo ako!”

Nanlilisik ang kanyang mga mata nang humarap sa lalaki bago unti-unti na namang naglaho ang apoy nang buhay.

Muling nagkubli ang kanyang tutoong katauhan. Nakapagkontrol na uli ng emosyon si Amber.

Napakunot-noo ang kanyang kaharap. Tila nagtataka.

Naghari ang mabigat na katahimikan habang tinatantiya nila ang isa’t-isa.

Pamaya-maya, si Ruan ang naunang bumasag sa kumakapal na atmospera.

Bumuntonghininga muna ito bago nagsalita. Mababa ang tono.

“Oo, tama ka, Amber. Ginagamit nga kita pero hindi sa pansariling interes ko lang.” Muli ang isang malalim na buntonghininga.

“Wala akong maipapangakong kabayaran sa ipapakiusap ko sa iyo — maliban na lamang kung maibangon kong muli ang bumagsak na negosyo ni Papa pero gusto kong makiusap sa iyo. Mayroon akong hihinging pabor.”

May dinukot na document wallet na kulay itim sa bulsa ng business suit na kulay abuhing asul.

Nakamata lamang siya. Hinihintay ang susunod na mangyayari.

Ipinakita sa kanya ang isang larawan ng matandang babae.

Payat na payat at nanlalalim ang mga matang malulungkot at may kalakihan nang kaunti.

Nakapusod ang mga mahabang buhok na dalawa na ang kulay. Maputla ang kulubot nang bibig na pirme at matiim.

May kaunting hawig sa ina ang lalaking nasa harapan niya.

“M-may sakit siya?” Hindi niya napigil ang bumukal na awa sa dibdib.

Marahang tumango si Ruan. Nakatitig sa kanya nang maigi. Pinagmamasdan ang reaksiyon niya.

“She’s suffering from a severe shock. I’m boring you with the details. In short, hindi niya makakayanan ang iskandalong kinasasadlakan ko ngayon. At — hindi rin magugustuhan ng mga stockholders ko pati ng mga financiers ko.” Papahina ang tinig ni Ruan.

Tila napipilitan lamang na idagdag pati iyon.

Pinaglabanan ni Amber ang maantig ang kanyang damdamin.

Yumuko siya at nagtama ang kanilang mga paningin ng matandang babaeng nasa larawang hawak ng isang kamay ni Ruan.

Napa-buntonghininga siya. Naramdaman niyang natatalo na siya, pero hindi siya dapat maglatag ng mga baraha agad-agad.

“Paano ako makatitiyak na tutoo ang sinasabi mo?”

Hindi kumibo ang lalaki. Lumapit ito sa telepono at nagdayal ng maraming numero.

“Hello? Mama? Nandito na ang mamanugangin ninyo. Gusto niya kayong makausap. You’ve got five minutes only, so walang bistuhan, ha?” Tumawa nang malambing si Ruan sa sariling biro.

May humaplos na kung ano sa kanyang dibdib sanhi ng malamyos na tunog na iyon.

Hindi siya marunong tumawa nang ganoon katutoo. Ang alam lamang niya ay ang mga aral na tunog na tinimplahan ng modulasyon at tempo.

Nilunok niya ang bumara sa kanyang lalamunan habang inaabot niya ang awditibo. Hindi siya makatingin nang diretso sa lalaki.

“H-hello? Mrs. Belarmino? Good morning po. Uhm, good evening pala diyan.”

Huminto si Amber para kontrolin ang pagkautal na sanhi ng katarantahan at pagkapahiya.

Malambing sa pandinig ang butihing tinig na tumugon sa kabilang linya.

“Ikaw si Amber Quintanar, hindi ba? Ang kaisa-isang anak ni Carlos Quintanar?”

Bahagyang nanlaki ang mga ni Amber. “O-opo.”

Tumawa ang kausap. “Pamangkin ng kaibigan kong matalik ang iyong ina, hija, si Amanda.”

Nabigla siya sa narinig. “Kilala ninyo si Mama?” tanong niya habang panay ang sikdo ng kanyang dibdib.

“Sayang, wala na sila pareho. Tiyak na matutuwa sila dahil kayong dalawa ni Ruan ko ang magkakatuluyan. A, talagang maliit lamang ang mundo natin!”

“Uh, opo…” Sa likod ng isipan ni Amber, nagsisimula nang mabuo ang isang desisyon na nakatakdang magbago sa kanyang buong pagkatao.

Tumawa uli ang matandang babae, may halong pangungulila na.

“Tumigil siya sa bahay namin noong magkasakit siya nang malubha. Mahina ang baga ni Amanda. Kasama niya noon si Tonya, ang aking kaibigan.”

ENGAGED TO A STRANGER-10

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.