Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

ENGAGED TO A STRANGER

Amber and Ruan disliked each other at first sight. She was sad and disappointed with her life.

He was arrogant and seemed to enjoy to be a pain in the, uh, butt.

Amber was fascinated by him despite his rude attitude. He was attractive and very worldly.

Nang maghiwalay ang mga landas nila, alam ni Amber na hindi na niya makikita uli ni Ruan.

Pero gayon na lang ang pagkagimbal niya nang nasa isang kama na sila kinaumagahan.

At sa isang kisap-mata naging engaged to be married na silang dalawa!

Ano ang kahihinatnan ng dalawang estrangherong pinipilit na igapos ng kasal?

* * *

Kinalas ni Amber ang bandanang puti na itinali niya sa leeg kaninang bago lumabas sa hotel na tinulugan ng isang gabi sa Tokyo.

Ikalawang stop-over iyon ng eroplano mula sa Geneva, Switzerland.

Sumunod na inalis niya ang fur jacket na iniregalo ng kanyang Papa na si Carlos Quintanar.

Suhol iyon sa kanya dahil hindi na naman siya nito dinalaw.

Mas importanteng daluhan nito ang Christmas Convention na inihanda ng mga executive ng kumpanyang pag-aari nila.

Bumuntonghininga si Amber. Isinandal ang ulo sa malambot na headrest.

Nagkunwang nakapikit nang may magdaang stewardess. Ayaw muna niyang may kumausap sa kanya.

Kung tutuusin, ayaw talaga niyang makipag-usap sa tao.

Itinuturing na abnormalidad iyon sa finishing school na tinigilan niya nang dalawang taon.

Pulos mga anak-mayaman at mga prinsesa ang mga kaeskuwela niya roon kaya kasamang itinuturo ang hostess manners.

Natakot lamang siyang magtagal pa sa lugar na iyon kaya nagpilit siyang mag-aral kung paano ang gumawa ng mga ‘small talk’, tete-a-tete, o chica-chica para maitago ang boredom kapag nakikipagsoyalan.

Para kay Amber, isang malaking kaplastikan lang ang mga itinuro sa kanya na binayaran ng napakalaking halaga ng kanyang ama.

At ngayon nga, nandito siya. Papauwi na.

Natutuwa ba siya? Nasasabik? Anong buhay ba ang naghihintay sa kanya?

Magbago kaya ng pakikitungo sa kanya ang papa niya?

O may nakahanda na naman itong plane ticket para sa kanya patungo sa panibagong lugar na pagtatapunan sa kaisa-isang anak na babae?

Anak na babae. Ito marahil ang ugat ng lahat.

Ayaw ni Carlos ng anak na babae. Gusto nito ng anak na lalaki para maging tagapagmana nang lahat ng kayamanan ng mga Quintanar.

Nagtataka naman si Amber nang hindi na nag-asawa uli ang amang nabiyudo nung mamatay sa panganganak ang asawang si Amanda.

Maraming babae pa ang nag-aagawan sa amang bata pa at ubod nang yaman.

Muling humugot ng malalim na buntong-hininga si Amber.

Mula pa sa pagkamusmos, natutuhan na niya na isang panganga-ilangan, ang pagtatago ng damdamin.

Napuna agad niya nung nasa murang edad pa na papayagan lamang siya ng kanyang ama na humarap sa mga bisita nito kung tahimik lamang siya at hindi gaanong nang-aagaw ng atensiyon.

A, hindi na siya bata para magmuni-muni sa mga nakaraan na! Dapat siyang umisip ng mga paraan na makakalaya siya sa kanyang obsesyon nung bata pa siya.

Kailangan nang tanggapin na hindi siya kailanman matatanggap ng kanyang ama nang ayon sa kagustuhan niya.

Dapat na lamang siyang magpasalamat na hindi siya nito ipinamigay nung sanggol pa lamang siya. Pinalaki siya at pinag-aral sa magagandang mga eskuwelahan.

Sunod siya sa lahat ng magustuhan niyang pawang mga materyal na bagay nga lang.

“Miss, may nakaupo ba rito sa tabi mo?”

Nagulat si Amber. Iminulat niya ang mga mata at nagkatitigan sila ng lalaking bahagyang nakayuko sa harapan niya.

Nakakurba pataas ang makakapal na kilay at walang kangiti-ngiti sa matitiim na mga labi habang walang kurap na nakatingin sa kanya.

Aywan kung bakit parang pinanlamigan siya ng pakiramdam.

Agad siyang bumaling sa gawi ng katabing bintana matapos ang maikling pag-iling.

Nang muling pumikit si Amber, kakatwang ang kanyang nakikita ay ang mukha ng lalaking umupo sa katabing upuan.

Ilang segundo lamang ang itinagal ng pagtatama ng kanilang mga paningin ngunit agad na narehistro at nakintal sa kanyang isip ang butuhang pisngi at panga na binagayan ng aristokratong ilong.

Mapuwersa ang malalalim na mga matang mayroong hubog-Oriental.

Umalingawngaw sa paligid ng first-class cabin ang malamyos na tinig ng stewardess.

“Fasten your seatbelts, ladies and gentlemen. We are preparing for touchdown. Thank you.”

Hindi kaagad nakakilos si Amber dahil sa malalim na konsentrasyon sa kanyang pagde-daydreaming sa unang lalaking nakapag-iwan ng matinding impresyon sa kanya.

Nagulantang pa siya nang muli itong magsalita. Pasinghal ang tono.

“Hindi ka ba marunong magkabit ng seatbelt, miss?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Amber. Hindi siya sanay nang nasisinghalan.

Pulos sibilisadong tao ang nakakasalamuha niya.

Ang anumang eksena ng pagsisigawan ng mga tao ay sa telebisyon lamang niya nasasaksihan.

O mga video tapes.

Ngunit katulad nang reaksiyong ipinakita niya kanina, nagwalambahala na lamang siya matapos ang sansaglit ng pagkawala ng kontrol.

Napakasuplado at napakabastos ng lalaki! bulong niya sa sarili habang mahinahong inaayos ang mga dapat gawin.

Sa loob ng mahabang panahon na kailangang pino at malumanay ang pagkilos at pananalita, naging ugali na rin niya ito sa katagalan.

Hindi katulad nung una na umaarte lamang siya para sa kasiyahan ng ama.

Hindi agad siya tuminag nang isa-isa nang magtayuan ang mga kapwa-pasahero.

Hinintay niyang mauna ang kanyang katabi. Iniwasan niyang tumingin dito nang diretso kaya mula sa sulok lamang ng isang mata niya nakita ang pagkikibit-balikat nito bago tumindig at lumakad palayo nang walang lingon-likod.

Hindi tipikal ang taas ng lalaki.

Sinundan ni Amber ng tingin ang papalayong matangkad na hugis hanggang sa makalabas na ng cabin.

Isang kaswal na manlalakbay ang isang iyon. Isang coat at portfolio lamang ang bitbit nito. Marahil, aantayin na lamang ang kasamang bagahe sa lobby.

Dinampot ni Amber ang handbag na puti, pati ang fur coat na hinubad kanina. Hindi gaanong kataasan ang kanyang heels na kulay puti rin.

Samantalang ang kanyang suot na palda ay kulay itim. Katerno ng low-heeled pumps na bagay lang na isuot sa loob ng eskuwelahan.

Kahit na may malaking clothing allowance na puwedeng ipambili ng mga magagarang damit sa mga exclusive boutiques sa Paris at Switzerland kung saan malimit silang mag-excursion kasama ang mga guro sa finishing school, hindi natuksong mag-shopping si Amber.

Simple lang ang gusto niyang mga damit. Kumportable at hindi gaanong mamahalin.

Dahil wala rin siyang hilig sa mga kolorete, ang kanyang ganda – kung meron man – palagi ring nakatago.

Mahaba ang buhok niyang kulay itim pero pirming nakatali, nakatirintas, o nakapusod sa may batok.

Ang kanyang ilong ay matangos pero maikli. Ang kanyang mga pisngi ay parehong mayroong biloy na bihirang lumitaw dahil bihira siyang ngumiti.

Ang mga mata lang niya ang tila dominante sa kanyang mukhang hugis-puso dahil malalaki at medyo bilog ang hubog. Sayang nga lang dahil maiikli ang kanyang mga pilik-mata.

At sayang din dahil kailangan niyang magsuot ng salamin para maiayos ang kanyang malabong paningin. Nitong huli ay napilitan na siyang gumamit ng contact lens.

Ang pangangatawan niya ay balingkinitan at lalong nagtila patpatin dahil kulang siya sa tangkad.

Naudlot daw ang kanyang paglaki dahil mayroon siyang hika nung bata pa. Payat siya nung paslit pa lang. Putlain at palaging matamlay.

Mabuti na lamang at nakalakhan niya ang sakit na iyon. Natuto siyang lumangoy at naging paborito niyang ehersisyo iyon hanggang ngayon.

Kumusta na kaya ang swimming pool sa likod-bahay? tanong ni Amber sa sarili.

Paminsan-minsan, sumusumpong pa rin ang sakit niya kapag labis-labis na ang tinitimpi niyang sama ng loob.

Ang huling pag-atake nga ng hika niya ay nung isang taon…

Nilunok ni Amber ang namuong bikig sa kanyang lalamunan.

Tila maliit na hayup na umilag ang kanyang isip sa tinatahak na landas ng kanyang mga gunita.

Binilisan niya ang mga hakbang patungo sa arrival area.

Doon niya hihintayin ang nag-iisang maleta na kinalalagyan ng mga natirang gamit niya.

Nauna na sa kanya ang mga libro at ibang personal na kagamitan na naipon niya sa pamamalagi niya sa bansang Switzerland.

Kailangang tawagan niya si Mrs. Megan, ang kanyang butihing kasera sa dormitoryong nasa loob ng bakuran ng pamosong eskuwelahang pambabae sa buong Europa.

Parang isang tunay na ina at anak ang turingan nila magmula nang matagpuan siya ng matandang babae na nakahandusay sa niyebeng naipon sa hardin matapos mawalan ng malay sa biglang pag-atake ng kanyang hika noon.

Naghagilap muna siya ng telepono bago lumapit sa baggage area. Ipinangako niyang tatawag agad siya sa sandaling makarating ang eroplanong sinasakyan sa Maynila.

Ito ang isa sa mga ugali niya na naimpluwensiyahan ng kanyang ama.

Hindi ito marunong tumupad sa mga pangako nito sa kanya noon hanggang ngayon — kaya pinipilit niyang maging kabaligtaran nito.

Alam niya kung gaano kasakit ang mapakuan ng pangako!

Busy ng busy ang linya. Paulit-ulit niyang idinayal ang mga numero. Hindi niya napapansin na humababa na ang linya sa likuran niya.

“Wrong number yata ang kinokontak mo, miss,” anang isang pamilyar na tinig.

Napalinga siya. Ang lalaki sa eroplano!

“Baka gusto mo naman kaming bigyan ng pagkakataong gumamit?”

Pinamulahan ng husto si Amber. Walang imik niyang isinabit ang awditibo at dali-daling lumayo doon.

Nanginginig ang kanyang mga tuhod kaya namahinga muna siya sa isa sa mga silyang nakahilera sa waiting lounge.

Muli siyang napasulyap sa kinaroroonan ng mga phone booth. Nakatalikod ang lalaki sa gawi niya habang may kinakausap sa telepono.

Tila naramdaman nitong may nakatingin, lumingon ito at agad na nalisik ang mga mata nang nakita siyang nandoon pa rin at nagmamasid.

Agad siyang nagbawi ng tingin. Halos lakad-takbo siyang lumayo doon.

Ni wala siyang naramdamang lungkot nang ang tsuper lamang nila ang sumundo.

Mayroon daw last-minute conference na dinaluhan si Carlos ang kanyang ama, kaya hindi na naman nakarating.

Bahagya na lamang niya narinig ang boses ni Mang Piryong.

Pagdating ni Amber sa bahay — isang malaki at palalong puting mansiyon na palaging walang tao maliban sa mga katulong na nangangalaga doon — nagtuloy siya sa pool.

Napalis ang bigat ng kanyang pakiramdam nang makitang malinis at maayos ang hitsura ng swimming pool na hugis-parihaba.

Alaga sa putol at dilig ang mga damong pinatubo sa paligid nito.

Tila bagong pintura ang cabana na kinaroroonan ng dalawang banyo, kung saan mayroong kabinet na puno ng iba’t-ibang klase at sukat ng mga swimtsuit na panlalaki at pambabae.

Parang batang naglunoy ng tubig si Amber matapos ang nagmamadaling pagpapalit ng costume sa cabana.

Nawala ang pagod niya dahil gusto niyang isipin na ang kanyang ama ang nagpapanatili sa kalinisan at kaayusan ng kanyang paboritong lugar dito sa mansiyon.

Dumating si Aling Berta, ang mayordoma, kasama si Ditang na may dalang tray.

Inihain ang mataas na baso ng orange juice at isang slice ng fruit cake sa ibabaw ng isa sa mga lamesang bilog na nagkalat sa palibot ng pool.

“Señorita Amber, paparating na ang iyong Papa. Tapos na raw ang kanyang conference,” anang matandang babae.

“Magmeryenda ka na muna.”

Umahon si Amber. Bahagyang nginitian ang dalaga bago tumango kay Aling Berta.

“Salamat ho, Aling Berta. Dalaga na ho pala si Ditang, a!”

Kumislap ang mga mata ng matanda. “Kuu, may nanliligaw na nga diyan, e.”

Nag-blush ang dalagang pinag-uusapan nila.

“Ang inay talaga,” saway nito.

Nagkatawanan si Amber at ang mayordoma.

Lumaki siya sa piling ng mga matapat na katulong ng ama at nakasanayan na niyang lambingin paminsan-minsan ang mga ito bagamat nananatili pa rin ang distansiya ng magkaibang lebel nila sa buhay dahil na rin sa pag-iwas ng mga ito na makipaglapit nang husto sa kanya.

Kahit na anong gawin niya, amo pa rin siya at mga katulong lamang sa kanilang bahay ang mga ito.

Nung una, nasasakyan siya, ngunit bandang huli, nasanay na siya na nag-iisa lang talaga siya.

Nahirati na siya sa kalungkutan.

Inalo niya ang sarili sa pag-aaral lumangoy, pagbabasa ng mga libro sa library habang nakikinig na musika, o sisilip ng mga bituin sa langit, sa kanyang teleskopyo na pag-aari ng nasirang ina.

Matapos kumain, nagtuloy siya sa kanyang silid. Doon siya naligo at nagpalit ng damit.

Naghahanap siya ng isusuot sa aparador nang kumatok si Aling Berta sa kanyang pinto.

Binuksan niya ang pinto kahit na nakaroba pa rin siya at nakabalot pa ng tuwalya ang basang buhok.

“Ano po iyon, Aling Berta?”

Malungkot at may pag-aalala sa mukha nito.

“E, t-tumawag uli ang sekretarya ng papa mo. N-nagkaroon daw ng emergency sa Bulacan plant at –”

Bumuntonghininga si Amber. Buong buhay niya, palaging ganito ang naririnig niya.

Bakit ba hindi na siya masanay?

“S-sige po,” wika niya sa matamlay na tinig. “Salamat po uli.”

Yumuko ang matanda.

“A-anong oras ako magpapahanda ng hapunan mo, iha?”

Umiling nang bahagya si Amber.

“Hindi pa po ako nagugutom… M-magpapahinga na lang po siguro ako nang maaga.”

Tumango ang matanda bago umalis.

Namili pa rin ng magandang bestida si Amber matapos ang ilang sandaling pagkatigagal.

Unang gabi niya rito sa kanyang tahanan, sa kanyang bansang sinilangan.

Dapat ay nagdiriwang siya, hindi ba?

Tinawagan niya ang mga kababata niyang tagaroon sa malapit sa kanila.

Nagtataka na siya nang sa ika-apat na bahay ay wala ang isa man sa mga kaibigang babae sa kani-kanilang tahanan, gayong bakasyon ngayon sa eskuwelahan.

Nasagot iyon nang makausap niya si Meillyn.

“Nandito sila sa amin ngayon. We’re having a party, girl. Come and join us, Amber dear,” wika ng tinig sa kabilang linya ng telepono.

Hindi pa rin nagbabago si Meillyn, kung ang boses na sadyang pinalambing ang pagbabasehan ng karakter ng dating kaeskuwela.

Hindi sila gaanong magkahulihan ng loob dahil abenturera ang babaeng ito.

May pagka-wild nang kaunti at masyadong malapit sa mga ‘boys’.

“Ha? A, e — ” Inumpisahan ni Amber ang pagtutol.

Ayaw niyang dumalo sa mga kasayahan ng kapitbahay at kababata niyang ito noon.

Bakit uumpisahan niya ngayon?

‘Bakit hindi? For God’s sake, Amber, uumpisahan mo na naman ngayon ang buhay mo sa kahungkag-hungkag at kabagut-bagot na paraan?’ pangsusulsol ng isang bahagi ng sarili ni Amber.

‘Why not try new things? You’ve lost a great number of things by pining for your errant father’s love! Tanggapin mo na kasi, hindi ka mahal ng iyong sariling ama, Amber!’ dagdag pa ng isang munting tinig sa likod ng utak.

Ipinilig niya ang ulo. Hindi niya gusto ang tinatakbo ng isipan at emosyon.

Hindi niya winili ang sarili na maglunoy sa sama ng loob at pagkaawa sa sarili noon.

At hindi siya magsisimula ngayon!

“O-okey, uh, sige, pupunta ako ngayon din. Uhm, a-ano’ng attire sa party mo, Meillyn?”

Humalakhak ng malakas ang sinadyang pinapaos na boses.

“Anyway you want it, darlin’,” bulong ng boses ni Meillyn. “Basta’t sexy and daring! You live only once, girl!”

Parang gusto niyang kilabutan sa pagta-trying hard magpaseksi ng kausap sa telepono.

“A… g-ganoon ba? Uhm, okey, I’ll be coming over. Bye for now!”

“Yay! That’s my girl! See ya!”

Nagpahatid si Amber kay Mang Piryong sa gate ng mga Mendez.

Isang two-storey na kulay-puting bahay. Pinaghalong American at Spanish Architecture ang hitsura ng gusali.

Maganda sanang tingnan kundi sumobra sa mga burloloy na piniling ipalagay ni Mrs. Mendez sa facade na tinapatan mandin ng malalaking spotlights!

Parang nagsisisi na si Amber sa pabiglang pagpapasiya niya na makipag-party sa mga kapitbahay niyang kilala sa pagiging flamboyant sa pag-uugali pero sinalubong na siya ng mga kaibigang naghihintay na sa kanyang pagdating.

“Amber! It’s a miracle!” Nagtitili si Meillyn Mendez nang makita siya.

Pero bahagyang ngumiwi nang mapagmasdan ang simpleng kasuotan niya.

“Sobra namang haba ng palda mo, girl!”

“Ha?” Para kay Amber, sobrang ikli na ng bestidang naisuot niya. Kita na ang mga tuhod niya!

At sleeveless pa kaya pati ang mga braso ay nakalantad rin.

Ngayon pa lang ay sumasakit na ang mga paa niya dahil sa suot na sapatos na may mataas na takong at patusok na dulo.

“Indeed, ngayon ko lamang narinig na um-attend ka sa isang party! I am greatly honored, really!” May pagka-overacting naman ang pagbati ni Mrs. Mendez.

Nanguna ang ginang sa mga sumalubong sa kanya. Sinambitla ng mga daliri ang magkabilang balikat ni Amber para ibesu-beso habang sa paligid ay may nagkislapang mga flash bulbs.

Kinukunan sila ng mga litrato!

Hiyang-hiya si Amber. Hindi siya makapaniwala na ganito ang madadatnan niya.

Halos gusto na niyang magtatakbo palayo doon sa maraming pares ng mga matang nakatingin sa kanya. Gusto niyang matunaw kahit na ilang segundo pa lang sa gita ng limelight.

Hinila siya ng ginang sa loob ng hahay. Muntik na siyang mapangiwi sa nakitang over-decoration ng malaking salas.

Nagkalat ang mga naglalakihan at mamahaling higanteng Chinese jar sa paligid.

“Come here, come here, Ambie darlin’!” Si Meillyn naman ang humila kay Amber nang malingat ang ina sa ibang mga bisita.

Makalipas ang sampung minuto, kasing-laki na ng bangang de-kolor na nasa tabi niya ang kanyang pagsisisi kung bakit ba nakapunta-punta pa siya rito!

Wala siyang ipinagkapareho sa sinuman sa mga nandoong panauhin kahit na ang karamihan ay nasa edad niya.

Ang kopita na iniabot ni Meillyn ay nangalahati lang ang laman dahil natapon nang aksidenteng may bumunggo sa kanya mula sa likuran. Ayaw niya ang amoy ng likidong kulay asul.

Tinangka niyang pumuslit sa isa sa mga silid upang makahanap ng daang papalabas bukod sa malaking pintuan na mayroong nakabantay na mga guwardiya.

Nasuwertihan niya ang music room na nakaharap sa hardin.

Itutulak na niya ang bahagya nang nakaawang na French windows nang may maulinigan siyang nag-uusap sa verandah na nasa labas.

Dalawang anino ang naaninag niya sa dilim.

“Ah, paano ko sasabihin sa kanya na hindi na matutuloy ang napagkasunduan na noon pang mga bata pa kami? Ang sabi mo’y wala siyang nobyo pero marami ang nanliligaw,” tanong ng isa sa katabing mas mababa at mas malapad na anino.

“May nobyo siya, iho. Ikaw iyon kaya hindi siya pumipili ng mga binatang malimit dumalaw sa tahanan ko. Iginagalang ko ang pagbabago ng desisyon mo, iho, ngunit kinatatakutan ko naman ang maaaring kahinatnan ng aking anak kapag nabigla siya nang labis.”

“Alam ba niya ang pagdating ko ngayon?”

“Hindi. Inaasahan ka niya sa isang buwan, pero — ”

“Kung gayon, may isang buwan pa para dahan-dahanin ang inyong anak,” ang maagap na salo ng tinig na mas bata.

Bahagyang napakunot ang noo ni Amber.

Hindi siya dapat nanatili dito at nakikinig sa hindi niya dapat mapakinggan ngunit pamilyar ang mababang timbre ng boses na iyon.

Click here to READ MORE

Comments are closed.