Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

FOR BITTER OR FOR WORSE

Regan and Crisanto were just married when their car crashed and left the husband badly injured. Will love save their rocky marriage from getting destroyed by frustration and bitterness?

Patungo sa honeymoon ang bagong kasal na sina Regan at Crisanto nang masangkot sa isang malagim na car crash. Nalumpo ang bridegroom at naging miserable na ang buhay ng bride.

Ngunit matibay ang pananalig at malalim ang pag-ibig ni Regan para sa kabiyak. Hindi niya pinabayaan si Crisanto. For better or for worse; in sickness and in health… nanatili ang pagmamahal ng butihing wife sa frustrated na husband.

Ngunit paano kung hindi na gumaling ang pagkalumpo ni Crisanto? Tama bang magtiis na lang si Regan habambuhay? Yes, it’s only right to love her better half so much.

Narito ang isang love story na magbibigay ng inspirasyon sa mga taong umiibig nang lubos sa kanilang minamahal sa buhay.

“I take you to be my wedded husband/wife. To have and to hold, from this day forward, for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness or in health, to love and to cherish ’till death do us part. And hereto I pledge you my faithfulness.” – A Marriage Vow

* * *

Alas tres ng madaling-araw pa nagsimula ang kaguluhan sa loob ng katamtamang laking bahay ng mga Flores. Hanggang sa magliwanag na ang kalangitan, hindi pa rin magkamayaw ang mahigit sa dalawampung okupante na pawang may kanya-kanyang pinagkakaabalahan.

Pero isang ‘masayang’ kaguluhan iyon. May halong tawanan, may bahid ng hagikhikan.

Paano’y iyon na ang pinakahihintay na araw ng buong pamilya at ng maraming kaibigan. Iyon na ang mismong araw ng kasal ni Regan, ang kaisa-isang anak na babae ng mag-asawang Ramon at Rowena Flores.

Si Aling Rowena, ang maybahay at punong-abala sa nasabing okasyon, ay kumatok sa pinto ng bunsong anak.

“Hoy, ano ba kayo riyan? Kanina pa kayo nagkakaingay. Aba’y hindi na tayo magkarinigan, a?” saway ng may edad na babae. Aburidung-aburido na ang hitsura. “Ano ba naman ireng mga dalagang ire? Kanina pa kayo dito, a? Tanghali na. Wala pa bang natatapos ni isa sa inyo?” pagbubusa nito nang makitang mga nakaupo sa kama ang apat na dalaga habang ang dalawang baklang beautician ay abala sa paglalagay ng meyk-ap sa mukha o sa pagbubuga ng setting lotion sa mga buhok na makintab at maayos na nakapusod.

“Meron na po, Inay Rowena. Kami pong apat na abay ay papatapos na,” ang maagap na tugon ni Yoly.

“Mabuti naman. E, ang anak ko? Nasaan siya?” Bahagyang nabawasan ang kunsumisyon sa kulubot na pero maganda pa ring hubog ng mukha.

“Nasa banyo pa po, Inay Rowena,” sagot ni Josie.

“O, e, ba’t an’tagal naman niyang maligo?”

“Pinauna po niya kami, ‘Nay Rowena,” sabad ni Marlyn.

“Tutal, mauuna naman daw po kami sa simbahan,” dagdag ni Sion.

“Gan’on ba? O, siya, may pagkain na sa kumedor. Kumain na ang nagugutom sa inyo, ha? Baka me himatayin pa sa simbahan. Tandaan n’yo, walang magda-drama sa kasal ng anak ko, ha?”

“Kuu, si Inay Rowena naman, KJ! Siyempre, kelangan me konting iyakan naman d’yan!” ang pabirong pambubuska ni Yoly.

“Oo nga. An’tagal-tagal nating hinintay ng kasal na ‘to, e!” dagdag ni Marlyn, sabay hagikhik.

“Heh! Matutunaw ang mga meyk-ap natin ‘pag nagdrama pa tayo!” sabad naman ni Josie, pero nakatawa.

“Hay, naku, basta ako–maglalagay ako ng baselin sa mga mata ko para byuti pa rin ako sa pagluha ko!” halakhak ni Sion.

“Wow! Mala-telenobela ang dating ng lola n’yo, ha!”

“Ahahay! Ang saya-saya!”

Nagtilian din ang dalawang bakla. Nagtawanan ang mga dalaga.

Siyang paglabas ng bride buhat sa banyo. Nakabalot ng dilaw na tuwalya ang buhok na hanggang balikat at nakasuot ng puting roba ang balingkinitang katawan.

“O, mukhang nagkakasayahan kayo tungkol sa pag-iyak mamaya, a?” ang nakangiting wika ni Regan. Nakikinig pala kahit na abala sa paliligo.

Humangos si Aling Rowena palapit sa anak. “Naku, ito’ng mga abay mo, iha. Kinakantiyawan ako na umiyak sa kasal mo,” pagsusumbong nito.

“Basta’t maging natural na lang kayo, Mama at mga amiga,” payo ni Regan. “Kung walang dahilan para umiyak, hindi n’yo kailangang magpatulo ng luha para maging ‘very touching’ ang kasal namin ni Crisanto.”

“Kuu, kundi lang magaganda ang mga ‘yan–pagkukurutin ko na sa mga singit, e!” pananakot ng ginang, pero halatang nagpipigil na sa pagngiti.

Naghagikgikan na naman ang mga abay.

“Amiga, magbihis ka na,” untag ni Yoly.

“Alas otso ang kasal,” salo ni Josie.

“Baka mainip si Crisanto,” pahabol ni Marlyn.

“Don’t forget, amiga, medyo mainipin ang iyong groom. Tiyak na susunduin ka n’on ‘pag na-late ka ng kinse minutos!” pambubuska ni Sion.

“Oo na po, mga ninang,” ang nakatawang sagot ni Regan.

Muling nagtilian ang mga abay.

“O, siya, siya, magsilabas na nga kayo,” awat ni Aling Rowena habang itinuturo ang pintuan. “Baka gutom lang ‘yan. May mainit na arrozcaldo sa kumedor. Hala, iwan na muna natin si Regan. Para makapagpaganda naman ang anak ko!”

“Uy, napikon na si Inay!” panunudyo ng mga dalaga bago nagtakbuhan palabas. Naghahagikhikan pa rin ang mga ito hanggang sa kumedor.

Palibhasa magkakaibigan na magmula pa nung college, palagay na palagay na ang loob sa isa’t isa. Pati na sa mga ka-pamilya ng bawa’t isa.

Pero pagod na si Aling Rowena. Mahigit isang buwan nang hindi normal ang takbo ng buhay ng mag-anak na Flores dahil sa preparasyon ng kasal ni Regan. Kahit mga damit ng bride at abay at mga imbitasyon lang ang sinagutan ng pamilya ng babae, napakaraming busisiin naman ang nangyari.

Ilang daang ulit na yata silang nagpabalik-balik sa modista para magpasukat. Hindi kasi nagkakasabay-sabay ang mga abay, ang mga flower girls, at ang bride mismo. Ang mga imbitasyon naman ay personal na iniaabot kaya maraming oras din ang naubos.

At ngayong dumating na ang takdang araw ng pagtatapos ng abnormal na sitwasyon, parang gusto nang bumigay ng pobreng maybahay. Paano’y nasa mahigit dalawampung katao ang pinagkasya sa katamtamang laki ng pamamahay. Dahil sa maagang oras ng kasal, minabuting ipunin na sa isang lugar ang entourage ng bride para hindi mahuli sa schedule.

Organisado nga ang naturang arrangement pero hindi naman akalaing magiging magulo at maingay. Nagsama-sama ba naman ang magkakabarkadang mahilig maghagikhikan, ang pami-pamilya ng mga nakakatandang anak na lalaki, at ang pitong apo na pulos pre-schoolers pa. Talaga nga namang nakakaturete!

“Gising na ba ang mga flower girls? O, kayo, mga lalaki? Bakit hindi pa kayo nagbibihis? Pati ang mga apo kong lalaki? Aba’y magsikilos na kayo, Ramon! Baka naman tayo pa ang hintayin sa simbahan!” Lahat ng makitang tao ay nasermunan na ni Aling Rowena.

“Tensed na tensed na talaga si Inay, mga chang. Bilisan n’yo na ang pag-aayos sa akin,” wika ni Regan sa dalawang beautician. “Para maayusan n’yo na rin siya at ang mga hipag ko. Siguro naman, retouch na lang ‘yung tatlong flower girls.”

“‘Wag kang mag-aalala, tita. Bago mag-alas-otso–and’on ka na sa simbahan,” pangako ni Bella, ang make-up artist. “Hindi ba, kapatid?”

“Sigurado! Napakadaling ayusan ng buhok mo, tita,” segunda ni Eva. “French braid with a shower of white flowers ba, tita?”

Bago nakasagot si Regan, umalingawngaw na uli ang boses ng ina mula sa kumedor.

“Naku, puro kayo biruan! Tawanan pa kayo ng tawanan! Tama na, masama ‘yan. Sabi ng mga matatanda, masama ang sobrang pagtatawa. Baka iyakan naman ang susunod!” Nasa tono na ni Aling Rowena ang mga palatandaang malapit nang maubos ang natitirang composure nito.

“Eva, puntahan mo na nga muna si Inay. Sabihin mong gusto kong magkasabay kaming maayusan,” utos ni Regan sa hairstylist.

“Mabuti pa nga, tita. Para ma-relaks naman si Mamita. Kaninang madaling-araw pa ‘yon ikut nang ikot at talak nang talak, eh.”

Aywan kung bakit biglang dinunggol ng kaba ang dibdib ni Regan. Para bang nangamba siya sa babala ng ina. Para bang magkakatutoong pulos iyakan na ang susunod sa masayang kasalan…

“Ano’ng iniisip mo, sweetheart? Kanina ka pa walang kaimik-imik d’yan, a? Hindi ka ba masayang ako ang pinakasalan mo?”

“Of course, masaya ako! Ikaw ba?”

“Masayang-masayang-masaya! Sa wakas–natapos na ang dalawang taong paghihintay ko!”

“Wala pong dalawang taon ang ipinaghintay mo, mister!”

“Binilang ko na pati ang mga buwan na pinahirapan mo ako sa panliligaw sa ‘yo, misis.”

“Sorry. Ayokong pahirapan ka pero ayoko ring sirain ang pangako ko kina Inay at Itay. Ang gusto nila ay nasa edad beinte singko ako ‘pag nag-asawa.”

“Na nirespeto ko kaya natupad naman. At nagbunga na ang mahabang pagtitiyaga ko sa ‘yo. Aking-akin ka na talaga ngayon! Grr!”

“Hi! hi! Bakit naman may ‘grr’ pa? Nakakatakot na yatang sumama sa ‘yo. Hindi ka na ba ‘sweet and harmless’?”

“‘Wag kang matakot, sweetheart. Tanda lang ‘yan ng matinding pagkasabik ko sa ‘yo. Atsaka, hindi na ako si Mr. ‘Sweet-and-Harmless’.”

“Ibig sabihin–’harmful’ ka na ngayon?”

“Never harmful, darling. Ako na si Mr. ‘Sweet-and-Seductive’ ngayon. Ako rin ang iyong bagong kabiyak na sumumpa sa harap ng altar na magmamahal sa ‘yo habambuhay.”

“Talaga? Magsasama tayo sa hirap at ginhawa?”

“Oo, sweetheart. Till death do us part. Pero pipilitin kong pulos ginhawa lang ang ipapalasap ko sa ‘yo. Wala ni katiting na hirap. Pakaiibigin at paliligayahin kita magpakailanman!”

“Hi! hi! Medyo korni ka yata ngayon, darling?”

“Ganyan ang nagagawa ng pag-ibig at kaligayahan.”

“Ako rin, sweetheart, naging korni na rin–I love you! Mahal na mahal kita. Hindi ko kayang mabuhay mag-isa kung wala ka sa aking piling!”

“Oh, Regan darling! Pinaligaya mo ako nang labis. Kiss me…”

“Crisanto, you’re driving. Mamaya na lang, pagdating natin sa resthouse n’yo, okey?” Patungo sila sa Baguio para magpulotgata. Isang linggo silang maninirahan sa bahay-bakasyunan ng Pamilya Valbuena.

Kunwa’y pamuktol na umungol ang groom. “Kaninang-kanina pa ako nasasabik na mahalikan ka, Regan.”

“Nahalikan mo naman ako sa simbahan, a?”

“Halik na ang tawag mo d’on? Nagbesu-beso lang tayo kanina, sweetheart!”

“Pero nagmamaneho ka.”

“Ikaw ang humalik sa akin.”

“Huminto kaya muna tayo d’yan sa tabi, Crisanto?”

“Isang halik lang, Regan.”

“Ikaw talaga… sinusumpong ka na naman ng kakulitan mo, ha?”

“Ikaw lang naman ang alam kong kulitin, Regan.”

“Bakit kaya?”

“Dahil ikaw ang pinaka-pasensiyosa at pinaka-matiyagang babaeng nakilala ko.”

“Hus, bola! ”

“Hindi kita binobola, Regan. Kaya nga hindi na kita pinakawalan.”

“Matamis talaga ang dila mo, Mr. Valbuena.”

“Matamis din ang halik ko, Mrs. Valbuena. C’mon, kiss me, darling…”

Nang kumawit ang isang matigas na bisig sa malambot na beywang niya at hapitin siya palapit sa matipunong katawan, hindi na nakatanggi si Regan. Hinaplos niya ang pisngi ni Crisanto bago marahang inilapit ang mga labi sa bibig na may pirming hubog.

Nang magdaiti ang kanilang mga balat, parang may sumagitsit na init sa hangin.

Hindi iyon ang unang halik nila, pero ngayon lang sila nagkaroon ng buong karapatan. Ngayon lang sila hindi nagnakaw ng halik.

“Oh, God, that was delicious! Sino ba’ng may sabing masarap ang bawal?” anas ni Crisanto. Tila nababasa ang iniisip niya.

“Mas gusto ko ang halik na may lisensiya,” ang pabirong wika ni Regan. May nginig at medyo paos ang pagtawa niya. “Palagi akong natatakot na mahalata ni Inay. Para kasing nag-iiwan ka ng mga marka…” Hinipo ng mga daliri niya ang bibig. Nag-aapoy ang halik na pinagsaluhan nila. Parang imposibleng hindi napaso ang mga labi niya.

Tumawa rin si Crisanto. Medyo paos na din. “Natutuwa ako kung gayon nga. Gusto kong ibandera sa buong mundo na ikaw ay akin,” bulong nito.

“Oh, Crisanto, hindi mo na kailangang gawin ‘yan!”

“Alam kong maraming nanliligaw sa ‘yo sa trabaho mo–mga doktor at mayayamang pasyente.” Bumadha ang selos sa baritonong tinig.

Apat na taon nang nars sa isang pribadong ospital si Regan. May dalawang taon na ang nakakaraan, nakadestino siya sa maternity ward nang manganak ang kapatid na babae ni Crisanto. Tinuturuan niya kung paano magpaligo ng sanggol ang bagong ina nang dumating ang dalaw.

Hanggang ngayon, naaalala pa niya ang nadamang pagkagitla nang magtama ang mga mata nila ng matangkad na lalaki. Para bang nakakita siya ng isang taong matagal nang kakilala at kinasabikang makita…

“Iyung-iyo na ako magmula pa nung una tayong magkita. Minahal na kita agad noon.”

“Talaga, Regan? Bakit ngayon mo lang sinabi ‘yan? Kung nalaman ko lang agad disinsana’y–”

“Disinsana’y ano?”

“Well, disinsana’y matagal na kitang itinanan.”

“Bakit hindi mo ginawa?”

“Hindi ako siguradong papayag ka.”

“That’s unbelievable! Si Crisanto Valbuena, a twenty-eight year old self-made millionaire–hindi sigurado?” ang malambing na panunudyo ni Regan.

“Better believe it, my darling bride. Ikaw ang kahinaan ko–at ikaw rin ang kalakasan ko. You are my rock. Magmula nang makilala kita at lalo na nang maging nobya kita, naging inspirado na ako sa lahat ng bagay. Naging masuwerte ako sa mga transaksiyon ko sa negosyo.”

“Huwag mong ibigay sa akin ang lahat ng kredito, mahal ko. Masipag at matiyaga ka talaga. Bukod sa determinado kang magtagumpay, matalino ka pa.”

“Maniwala ka, Regan. Ikaw lang ang babaeng nagsasabi sa akin ng mga katangian ko. Kung hindi sa pagtitiwala at paniniwala mo sa akin, baka hanggang ngayon ay isang kahig-isang tuka pa rin ang kumpanya ko. Bakit ba ayaw mong pumayag na ikaw ang inspirasyon ko?”

“When you put it that way, payag na ako. I just want to give credit where credit is due.”

“You’re a fair woman, Regan. Kaya nga napaibig mo ako nang husto sa ‘yo.”

“Salamat sa papuri, Crisanto. Asahan mong hindi magbabago ang pagiging fair ko.”

Nagpalitan sila ng mainit na ngiti. Nang mamungay ang mga mata ni Crisanto, pinuwersang ibaling ni Regan ang paningin sa bintana.

“Um, nasaan na ba tayo?” Nagpatay-malisya para hindi muna maglagablab ang pagkasabik nila sa isa’t isa.

“Malapit na tayo sa Kennon Road.”

Aywan kung bakit may sumikdong kaba sa dibdib ni Regan. Agad niyang pinalis iyon ng sunud-sunod na taimtim na dasal.

“Ano’ng oras na ba?” Pakunwari lang ang kaswal na tono niya.

“Alas nuwebe diyes. Natatakot ka ba, Regan?” Nahulaan agad ng lalaki ang pangambang pilit na kinikitil. Nahalata marahil nang unti-unti siyang lumayo dito at dumiretso sa pagkakaupo.

“Hindi naman, pero gusto ko sanang magpahinga na agad. Puwede ba tayong mag-check-in muna sa isang motorists’ hotel? Magpalipas muna tayo ng gabi. Bukas na lang tayo magbiyahe uli.” Ginawa niyang detalyado ang suhestiyon.

“Sweetheart, wala kang dapat ikatakot. Kabisado ko ang daan dito. Bata pa kami, paroo’t parito na kami ng buong pamilya namin.”

“Oo nga, pero napagod talaga ako. I’m sure, napagod ka rin. It’s been a big wedding reception.”

“Tutoo ‘yan, darling. Napagod rin ako sa pag-estima sa mga bisita, pero kaya ko pa. Atsaka, maaga pa naman. Ang gusto ko’y masigurong kumportable ang pagpapahinga mo, mahal.”

Lalong sumasal ang pagkaba ng dibdib ni Regan nang hindi mapahinuhod sa mungkahi ang bagong kabiyak. Ngunit wala na siyang magagawa kundi ang tumahimik–kung talagang susundin niya ang mga sinabi ng paring nagkasal sa kanila. ‘Ang babae ay dapat na nagpapasakop sa lalaking siyang ulo ng tahanan…”

Marami nang nasaksihang seremonya ng kasal si Regan. Palibhasa maganda, seksi at di-pangkaraniwan ang taas, palagi siyang kinukuhang bridesmaid ng mga kamag-anak at mga kaibigan.

Halos nakabisa na niya ang lahat ng mga linyang sinasabi ng pari. Naging bantad na nga siya. At malimit ay hindi na halos nata-’touched’…

Pero dahil siya ang mismong bride na ikinakasal kanina, itinutok ni Regan ang buong puso, isipan at kaluluwa sa pakikinig. Sineryoso niya nang husto ang pagpapakasal kay Crisanto.

‘Magiging iyo ako, Crisanto–sa hirap at ginhawa!’ ang narinig niyang ibinulong ng kanyang puso bago nagkalembangan ang mga kampana.

“Regan?”

Nagbalik sa kasalukuyan ang isipan niya nang gagapin ng isang mainit na palad ang isang kamay niya. Muli siyang luminga sa gawi ng driver’s seat.

Isang masuyong ngiti ang sumalubong sa paningin niya. Kapalit ng pagbawi sa kamay upang ibalik sa manibela.

“Still afraid?” Paanas na hiling tanong iyon. Ang panakaw na sulyap ay tigib sa pang-aalo.

Natatakot pa rin siya, pero ayaw niyang mahawa ang lalaki sa nadaramang nerbiyos kaya umiling siya at pilit na ngumiti.

“Puwede kang umidlip, sweetheart, para hindi ka mainip,” suhestiyon ni Crisanto. May pinindot itong ilang button sa dashboard. Nabawasan ang liwanag ng interior light. Pumailanlang ang isang malamyos na musika sa palibot. At marahang gumalaw ang sandalan ng passenger’s seat patungo sa reclining position.

“Hindi ako inaantok,” wika niya.

“Kahit ipikit mo lang ang mga mata mo,” giit nito. “You’re still beautiful but your eyes look tired, darling.”

Pinilit uli niyang ngumiti. “Okey.” Sumang-ayon na lang siya dahil hindi na maibalik ang nawalang sigla. Baka nga pagod na talaga siya.

“Still trust me?” tanong ni Crisanto makalipas ang ilang sandali. Para bang humihingi ng dispensa dahil hindi pinagbigyan ang hiling niyang bukas na ipagpatuloy ang pagbiyahe.

Muli siyang dumilat. “Of course, I do.” Walang gatol ang tugon niya.

“I do,” ulit ni Crisanto. Naaninag niya ang pagtaas-baba ng Adam’s apple sa lalamunan nito. “Two powerful words… Ganyan ang isinagot natin sa pari kanina, hindi ba?”

“Oo.” Gusto niyang magtaka kung bakit nagbubulungan sila. Ang dahilan marahil ay naging seryoso ang mood.

“Sino kaya sa mga abay natin ang susunod na magsasabi ng ‘I do’?” May himig-pagbibiro na. Pilit na pinagagaan ang mabigat na atmospera sa pagitan nila. “Si Yoly o si Sion?”

Unti-unting napangiti si Regan, nang maalala ang nakatutuwang eksena sa reception. “Si Josie ang nakasalo ng bouquet, pero inagaw ni Sion,” wika niya. “Pareho ding may boyfriend–sana mag-double wedding na lang sila.”

“Sana maghintay sila hanggang sa matapos ang honeymoon natin,” ang pabirong wika nito. “Kundi’y hindi tayo makakadalo.”

“Don’t worry, matatagalan pa ang mga ‘yon. Baka nga magtanan na lang sila para iwas sa malaking gastos.”

“A wedding is a special occasion. Dapat lang na gastusan, hindi ba?”

“Kung may panggastos po na katulad n’yo, mister,” salo niya. “Pero kung kailangang maging praktikal, mas maiging ilaan na lang ang pera sa pagsisimula ng pamilya.”

“Napakasinop talaga nitong misis ko. Tiyak na nasa mabuting kamay ang kabuhayan natin kungsakaling–”

“Kungsakaling ano?”

Tila nag-alangan pa muna si Crisanto bago itinuloy ang ibiniting pangungusap. “Kungsakaling may mangyari sa akin.”

Dagling nagbalik ang kaba ni Regan. Nanlaki ang mga mata niya. Natutop ng isang kamay ang dibdib.

“B-bakit ba nagsasalita ka na agad ng ganyan?” Puno ng pagdaramdam ang nanginginig na boses niya.

“I’m sorry, Regan. Gusto ko lang maging praktikal.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.