Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

FORGOTTEN LOVE

Kathrin loved Lorenzo since she was very young. He seemed to love her, too. But fate was cruel and he had to go away…

After a very long time, he came back. And he was a very different man now. But her heart still loved him. Could Lorenzo still love her after so much pain…?

Nawala ang lahat ng ligaya at saya sa buhay ni Kathrin nung dalagita pa lang siya. Umalis ang tanging lalaking magpapatibok sa kanyang puso. Iniwan siya sa mundong walang nagmamahal sa kanya.

Nang magbalik si Lorenzo, wala nang pag-asa si Kathrin na matutugunan na ang pag-ibig na dapat ay nakalimutan na sa loob ng mahabang panahon. Paano pa ba siya mamahalin kung siya ay tagapagpaalala lang ng mga pasakit na dinanas ng binata?

* * *

Nag-inat si Kathrin matapos tanawin sa labas ng bintana ang nagdidilim na kalangitan.

“Gabi na pala,” bulong niya sa sarili.

Ni hindi niya namalayan ang pagdatal ng dapithapon.

Namamanhid pa kasi siya mula sa pagkabiglang sumakmal sa kabuuan niya matapos marinig ang nilalaman ng sulat na tinanggap kaninang umaga.

Uuwi na si Lorenzo…

Umalingawngaw sa lahat ng sulok ng isipan niya ang mga kataga ng realisasyon.

Pagkatapos ng mahigit sampung taong pagkawala, uuwi na ang heredero na mas may karapatan sa malaking bahay na naging tahanan para sa kanya magmula nung anim na taong gulang siya.

Pati ang malawak na lupain sa palibot ng palalong istruktura. Pag-aari na Lorenzo Villaroman ngayon.

Itinukod ni Kathrin ang mga kamay sa magaspang na pasamano habang iginagala ang paningin sa malawak na kakahuyang nakapaligid sa cottage na ginawang shop.

Napamahal na sa kanya ang lugar. Dahil mas gusto niyang magtrabaho sa pusod ng kagubatan.

At alam iyon ng kanyang Papa John. Kaya naman nakasaad sa huling testamento nito ang pagpapamana sa kanya ng naturang kubol.

Dating lodge iyon na tirahan ng mga katiwala sa niyugan. Inabandona na nang magkaroon ng kuryente sa paanan ng bundok.

Kusang kumilos ang isang kamay niya. Kinakapa ang lighter na palaging nasa bulsa ng suot na gray over-all.

Sinindihan niya iyon at idinuldol sa maiitim na mitsa ng mga kandilang malalaki, malapit sa kanyang kinatatayuan.

Nang lumikot ang mga munting dila ng apoy dahil sa pag-ihip ng hangin, maagap niyang itinulak pasara ang maliit na bintanang salamin.

Wala siyang balak umuwi ngayon kaya nagbaon siya ng malaking piraso ng tinapay at isang galon na tubig para inumin. May ilang bote rin ng serbesa na nakabaon sa loob ng ice chest.

Wala pa siyang nagagalaw sa mga iyon magmula pa kaninang tanghali na dumating siya dito, sakay ng karag-karag nang landrover.

Ngunit dahil nga sa kakatwang pamamanhid, hindi siya nakakaramdam ng gutom o uhaw.

Malakas pa rin ba ang dating ni Lorenzo? Isang katanungan iyon na nagmula pa sa likuran ng utak.

Ipinilig ni Kathrin ang ulo. Hindi siya dapat nag-iisip ng kung anu-ano.

Matagal na matagal nang nangyari ang kahibangan na iyon. Atsaka wala na ang Kathrin na minsang nabulag sa karisma ng isang lalaking inidolo sa loob ng mahabang panahon.

Upang matuklasan lang na hindi pala ito dapat hangaan. Na hindi pala dapat ilagay sa pedestal dahil hindi naman pala perpekto…

A, parang kahapon lang nung nangyari ang pinakamasakit na sandali sa kanyang buhay!

Isang ordinaryong umaga sana iyon. Kasalukuyan siyang nagtitiklop ng kulambo at mga kumot na ginamit sa pagtulog, nang marinig ang matitinis na sigaw ng kanyang Mama.

Taranta siyang humangos palabas. Agad na tinugpa ang koridor na patungo sa master’s bedroom.

Ang tanging hinuha niya noon ay baka nakakita na naman ng mga bubuwit ang ina sa loob ng aparador nito. Matatakutin kasi si Carmen sa mga daga, kahit na ano pa ang laki.

Wala siyang kamalay-malay na mas malala pa ang tutoong nangyari.

Kung alam lang niya kung anong klaseng eksena ang masasaksihan, hindi na sana niya sinundan ang direksiyong pinagmumulan ng mga galit na boses.

Boses naman ng kanyang madrasto iyon.

Takang-taka siya nang hindi natagpuan ang ina sa kuwarto nito. Kaya hinayaan niyang itulak siya ng kuryosidad.

Halos wala sa loob ang pagtungo niya sa kinaroroonan ng silid ni Lorenzo. Para bang nananaginip lang siya.

Para bang nararamdaman na niya ang pagdating ng walang katulad na sakit sa kanyang murang damdamin.

Nagkatutoo naman ang kakatwang kutob na iyon.

Ang tagpong tumambad sa kanya ay habambuhay nang nakakintal sa inosenteng memorya niya.

Kahit na siguro sa kanyang pagtanda, dadalawin pa rin siya ng mga bangungot.

At masasaktan pa rin siya nang husto…

Inimpit ni Kathrin ang mga hikbing ibig humulagpos sa nagsisikip na lalamunan.

Papiksi siyang humakbang palapit sa ice chest. Hinugot niya ang isang bote ng serbesa. Binuksan niya iyon sa pamamagitan ng kutsara at tinungga.

Mistulang lalaki siya sa paraan ng pag-inom. Katulad ng iba pang pagkilos niya. Gayundin sa kanyang pananamit.

Marahil ay sinasadya niyang maging gayon ang imahe upang ipakitang matigas siya. Upang walang makahalata sa mga maaantak na sugat sa kanyang puso.

Halos pawaras niyang inilapag ang basyong bote, matapos ubusin ang mapait na laman. Kumuha siya ng dalawa pa sa ice chest at dinala sa makitid na papag na nasa isang panig ng dingding.

Karuwagan ang ginawa niyang pag-iwas na makaharap agad si Lorenzo ngayong gabi.

Pero mas gusto niya ang maging handa sa muling pagkikita nila ng nag-iisang lalaking may kakayahang makasakit sa kanya.

Kailangan niyang magkaroon ng matibay na maskara para mapagtaguan ng mahihinang emosyon. Kailangan niyang magpakatatag para makalaban nang parehas at para hindi na siya masaktan pang muli.

Inihinto ni Lorenzo ang minamanehong BMW nang matanaw na ang bubungan ng lumang bahay-Kastila.

Wala pa ring nagbago. Mapusyaw na pula pa rin ang kulay ng mga tisa. Pero nang-aakit pa rin ng iba-ibang kulay ng dapithapon. Mistulang salamin iyon na nagrerehistro sa nagaganap na paglubog ng araw.

Kumusta na kaya si Kathrin?

Aaminin niya na nasasabik na siyang makita ang tanging babaeng pinagtiwalaan niya ng lahat — kahit na minsan lang sa kanyang buhay.

Ngunit gayon pa rin ba ang sitwasyon? Hindi niya dapat kalimutan na si Kathrin ay anak ni Carmen.

Si Carmen na reincarnation yata ng ahas na nanukso kina Adan at Eba…

Siyete anyos pa lang si Kathrin nung makilala niya. At katorse anyos ito nang umalis siya. Ngunit isa pa ring inosente sa maraming bagay.

Sampung taon na ang nakalipas. Beinte kuwatro anyos na si Kathrin ngayon. Anu-ano kayang mga pagbabago ang idinulot ng panahon? Katulad na rin kaya ito ng inang mapag-imbot at mapagnasa?

A, huwag naman sana!

Hinampas ng isang palad ni Lorenzo ang manibela. Para magising siya at mahinto ang walang katapusang pag-iisip.

Magmula nang matanggap niya ang sulat mula sa abugado ng Pamilya Villaroman, nawalan na siya ng kontrol sa sariling utak. Palagi na lang nagbabalik sa nakaraan.

Sa isang nakaraan na nagbigay ng bangungot sa kanya noon. At nauulit na naman ngayon.

Hinding-hindi niya makakalimutan ang ekspresyon ni Kathrin habang siya ay nabubuhay. Magkahalong pagkabigla, panggigipuspos at paghihinampo ang nakabadha sa hugis-pusong mukha nito. Habang nakatitig sa kanya ang mga matang malalaki at bilugan. Na binabalungan na ng luha.

Walang akusasyon sa mga matang inosente. Ngunit malinaw na nakarehistro ang pagkalito. Ang matinding paghihinanakit…

Muling hinampas ni Lorenzo ang manibela bago ipinilig nang ilang ulit ang ulo. God, ayaw ko nang maalala pa! bulalas niya sa sarili.

Padaskol niyang pinihit ang ignition key at nagpatuloy sa pagmamaneho.

Sumagitsit ang mga gulong sa kalsadang aspalto dahil paharurot siyang lumiko sa pribadong kalye na patungo sa malaking tarangkahan ng Villaroman Farm.

Wala siyang planong magtagal sa lugar na sinilangan at dating tahanan. Hindi siya interesado sa mga ari-ariang ipinamana ng kanyang ama.

May sarili na siyang mga ari-arian, na nanggaling sa dugo at pawis niya.

Kaya lang siya nagpunta ngayon ay dahil may sisingilin siyang pautang.

Sino’ng niloloko mo, Lorenzo? panunuya niya sa sarili. Hindi si Tia Carmen ang tunay na sadya mo rito. Si Kathrin lang ang tanging puwersa na nagtutulak sa ‘yo na bumalik sa pinanggalingan.

Aaminin na ba niya ang talagang kasalanan na nagawa niya? Aaminin na ba niya ang tunay na dahilan ng paglisan niya noon?

Humigpit ang pagkakahawak ng mga daliri sa manibela.

Malinis ang konsensiya niya sa pagkakasalang ibinintang sa kanya noon. At puwede niyang patunayan iyon sa pamamagitan ng pananatili sa farm.

Makikipagmatigasan na lang siya kay Tia Carmen. Matira ang matibay, kumbaga.

Ngunit hindi ganoon kasimple ang sitwasyon noon.

Ang kumplikasyon ay nasa atraksiyon na nadarama niya para kay Kathrin.

Beinte dos siya at katorse lang ito noon. At itinuturing pa siya nitong nakatatandang kapatid!

‘Seduction of minor’ at ‘incest’ ay ilan lang sa mga maaring itawag sa kanyang mga lihim na kasalanan.

Pero ironical ang nangyari. Hindi sa mga iyon siya nahusgahan at nahatulan.

Ngunit hindi sana magiging lubos na masakit kung si Kathrin man lang ay nagtiwala at naniwala sa kanya…

Madilim ang paligid ng maluwang na bakuran. Gayundin sa malaking bahay na nasa di-kalayuan ng gate.

Ni walang tumugon sa dalawang sunod na pagbusina niya.

Tila wala ang mga taong naninirahan doon.

Kumunot ang noo ni Lorenzo. Nagtataka siya. Itinawag sa kanya ng abugado na inihatid nito nang personal ang liham niya sa mismong mag-inang Carmen at Kathrin.

Kaya inaasahan niyang may naghihintay man lang sa kanyang pagdating.

Pinindot niya uli ang busina. Sunud-sunod. May mas matagal na interval para matulig ang sinumang okupante ng malaking bahay.

Pamaya-maya nga, isang hugis-lalaking anino ang namataan niyang lumapit sa tarangkahang bakal na rehas.

“Sino po sila?” tawag nito sa medyo pagaw na boses.

Nakilala agad ni Lorenzo ang tao matapos tamaan ng liwanag ng mga headlight na nakasindi.

“Mang Turing, ako po ito,” wika niya habang isinusungaw ang ulo sa bintana ng sasakyan.

“Aba! Si Sir Lorenzo pala!” bulalas nito. Bakas ang matinding katuwaan sa tono at sa anyo. Nagdumali ito sa pagbubukas ng higanteng kandado.

“Ako nga po, Mang Turing.”

“Tuloy, tuloy, Sir Lorenzo.”

Pinausad niya ang minamanehong kotse hanggang sa makapasok. “Isara n’yo na muna ‘yan, at sumakay na kayo dito,” utos niya dito.

“Oo, oo, sandali lang.” Tila lalo itong nataranta matapos mapagmasdan nang malapitan ang magarang BMW na kulay silver.

Hinintay niyang makasakay ito bago niya uli pinaandar ang sasakyan.

“Kanina pa namin kayo inaasahang dumating, Sir Lorenzo,” pahayag ng matandang lalaki habang nakatingin sa kanya.

“Sinabi ko sa aking sulat na nandito ako sa hapunan,” tugon niya.

“Gayon nga po, Sir Lorenzo. Pero lampas alas siyete na po ngayon. Nawalan na kami ng pag-asa na darating pa kayo.”

Sumulyap si Lorenzo sa digital watch na nasa dashboard. Alas siyete kinse na nga.

“Nakalimutan ko na maaga nga pala ang oras ng pagkain dito,” wika niya, bilang tugon. “So, mag-isa na lang pala akong kakain?”

Tumango ang matandang katiwala. “Ibaba n’yo na ako dito, Sir Lorenzo. Para mabuksan ko ang pinto ng garahe.”

Nasa tapat na sila ng isang mababang gusali na nasa tagiliran ng malaking bahay, kungsaan nakatabi ang mga sasakyan at ang iba pang mga samutsaring kasangkapan sa paghahalaman.

“Salamat ho, Mang Turing.” Dinukwang niya ang travelling leather case sa likurang upuan, bago umibis.

“Wala pong anuman, Sir Lorenzo.”

Huminto siya sa harapan ng hukot na matanda. Inilahad niya ang isang palad habang nakatingin nang diretso dito. Bahagya siyang nakayuko dahil mas matangkad siya ng sampung pulgada.

“Ako pa rin ho ang dating Lorenzo, Mang Turing. Huwag n’yo na akong tawaging ‘sir’,” wika niya, sa tonong matatag.

Tila ikinabigla ng kaharap ang tinuran niya. Saglit itong hindi nakahuma. Kapagkuwa’y umaliwalas ang seryosong ekspresyon nang dahan-dahang ngumiti ng may bahid katuwaan.

“M-maligayang pagdating, Lorenzo,” pahayag nito. Tila ibig pang mapaiyak.

Nasorpresa si Lorenzo dahil may naramdaman nga siyang kudlit ng ligaya sa kanyang kaibuturan, sa kabila ng pagluluksang iniuukol para sa kamatayan ng ama.

“Nais kong dumaan kay Papa,” sambit niya matapos makakuha ng kalma. “Nasa mauseleo ba siya?”

“Oo, Lorenzo. Gusto mo bang samahan kita?”

Umiling siya. “Huwag na ho, Mang Turing. Gusto kong mapag-isa kami ni Papa sa unang gabi ng pagbabalik ko dito.”

“Kung gayon, mauuna na ako sa ‘yo. Para makapagpahanda na ng pagkain kay Sela.” Yumukod ang matandang lalaki bago tumalikod.

Kumiling lang ang ulo niya bilang pagpayag.

Tiyak ang mga hakbang niya na patungo sa malayong sulok na kinaroroonan ng pribadong sementeryo ng Familia Villaroman. Sigurado ang mga daliri niya sa pagkapa sa switch ng ilaw na nasa kaliwang poste ng archway.

Nagliwanag ang palibot ng munting libingan. Ang mga mata lang muna niya ang kumilos.

Nilapitan niya ang bagum-bagong nitso, na katabi ng sa kanyang ina. Tahimik niyang binasa ang mga letrang nakaukit sa lapidang marmol.

Pumikit siya nang mariin pagkatapos. Kasabay ng pagtatagis ng mga bagang niya.

Napakasama ng kanyang madrasta. Hindi man lang siya pinadalo sa libing!

Mahigit dalawang buwan na ang lumilipas ngayon, magmula nang yumao ang kanyang ama.

Kundi siguro siya ang naging tangi at kaisa-isang heredero ni Don John Villaroman, baka hanggang ngayon ay ignorante pa rin siya sa nangyari.

Nagtagumpay na naman si Carmen na paghiwalayin silang mag-ama, hanggang sa kahuli-hulihang sandali.

Pero napunta pa rin kay Lorenzo ang huling halakhak. Nabigo ang madrasta sa pag-angkin nito sa mga ari-arian ng kanyang pamilya. Siya pa rin ang ginawang tanging tagapagmana ng kanyang yumaong ama.

Bakit kaya sa kanya lang iniwanan ang lahat-lahat? Nadiskubre na kaya ng kanyang Papa ang tunay na kulay ng ikalawang asawa nito?

Isang munting saludo ang ibinigay niya sa puting puntod bago tumalikod. Kinalabit niya ang light switch habang lumalabas sa pintuan.

Isinukbit niya sa isang matipunong balikat ang travelling bag habang tumitingala sa kalangitan.

Hindi pa rin nagbabago ang maraming bagay dito sa kabundukan. Napakalamig pa rin ng simoy ng hangin. At napakalapit pa rin ng mga bituin.

Si Kathrin kaya? Nagbago na rin kaya?

Oo naman. Tiyak na nagbago na si Kathrin…

Muling sumulpot mula sa kungsaan ang maamong mukha ng dalagita. Na ngayon ay tiyak na dalagang-dalaga na.

Nakikini-kinita na niya ang isang magandang babae sa loob ng isipan. Mayroong matamis at mayuming ngiti sa mga labing mamula-mula. May kislap ng kasiyahan sa mga matang malalaki at ubod nang pungay.

Siguradong wala na ang batang babaeng pilya at makulit na palaging nakabuntot sa kanya noon.

Kusang bumilis ang mga hakbang niya upang makarating agad sa kinaroroonan ng tunay na pakay niya sa lugar na ito.

“W-wala dito si Kathrin, er, Lorenzo,” ang pautal na tugon ng matandang babaeng kusinera.

Parang sinipa sa sikmura ang pakiramdam ni Lorenzo.

“Ano’ng ibig n’yong sabihing — ‘wala’ si Kathrin dito? Umalis na ho ba siya dito? Hindi na dito nakatira?” Sunud-sunod ang pagtatanong niya. Halos hindi niya napuna ang mga espesyal na putahe na inihain sa hapagkainan.

Nagkamot ng batok si Mang Turing. Ito na ang sumagot para sa asawang tila natulala na.

“Er, dito pa rin siya nakatira. Kaya lang ay may ugali siyang sa ibang lugar magpalipas ng gabi — kung minsan.”

Lalong nalito si Lorenzo. Kapagkuwan ay nangibabaw ang panibugho.

“May nobyo na siya? Doon siya palagi natutulog dahil malapit na silang ikasal?” Hindi siya dapat nagtaka sa ganitong klaseng gawain. Anak ni Carmen si Kathrin. Kung ano ang puno ay siyang bunga.

Halos sabay sa pagdudumaling umiling ang mag-asawa. “Naku, hindi. Walang nobyo si Kathrin,” bawi ni Mang Turing.

Agad naman siyang nakalma dahil tila nagsasabi naman ng tutoo ang kausap.

“H-hindi magkakanobyo si Kathrin,” dagdag pa ni Aling Sela, pautal. Natakpan ng mga daliring matataba ang bibig, nang pandilatan ng asawa.

Bahagyang nanliit ang mga mata ni Lorenzo. Na-intriga siya.

“Bakit?” salo niya.

Yumuko lang ang may katabaang babae. Ang lalaki naman ay nagkibit muna ng isang hukot na balikat bago nagsalita. “Ikaw na lang ang makakaalam kapag nakita mo na siya,” ang matalinhagang tugon nito.

Tinimpi ni Lorenzo ang kuryosidad. Halatang hindi magpapaliwanag ang dalawang kausap kahit na pilitin niya.

“Kumain ka na, baka lumamig na naman ang mga pagkain,” alok pa ng matandang lalaki.

Saka lang niya dinampot ang mga kubyertos, habang iginagala ang paningin sa paligid ng marangyang kumedor. Dati ay wala ang tatlong malalaking chandelier na nakalawit sa mismong tapat ng lamesa na biluhaba ang hugis. Parang nakakasilaw ang pakikipagtagisan ng liwanag sa natural na kintab ng antigong kahoy.

Marami pang pagbabago sa loob ng kabahayan ang agad niyang napuna, sa unang pagtuntong pa lamang ng mga paa niya sa madulas na sahig na marmol. Siguradong impluwensiya lahat ng kanyang madrasta ang mga ginawang renobasyon. Talagang itinatak nito ang palalong personalidad sa halos lahat ng sulok ng malaking bahay.

Ikinubli ni Lorenzo ang pagkadisgusto. Ibinaling na lang niya ang atensiyon sa pagkain. Tumusok siya ng isang pirasong karne ng baboyramo na pinalambot sa gata ng niyog.

“Mmm, masarap pa rin kayong magluto, Aling Sela,” papuri niya sa naghihintay na kusinera.

“Hay, salamat naman at nagustuhan mo. Nag-alala ako na baka hindi ka na sanay sa lasa ng baboyramo.”

Hindi niya napigil ang mapangiti sa tinurang iyon ng kaharap. “Alam n’yo bang isa ito sa mga bagay na hinanap-hanap ko nung umalis ako dito?” pag-amin niya bago sumubo ng isa pang piraso.

Dagling nangilid ang luha sa mga mata ng matandang babae. “Ikaw man ay hinanap-hanap namin dito, Lorenzo,” pahayag nito. Garalgal na ang tinig.

Tumikhim nang malakas si Mang Turing. Tila pinipigil rin ang pagsulak ng mga emosyon. “Pero ngayon ay nandito ka na uli. Sana ay dito ka na uli mamalagi.”

Kumiling lang ang ulo ni Lorenzo bilang tugon. Wala pa siyang planong anupaman tungkol sa mga ipinamana ng kanyang ama.

Kaytagal niyang inasahan na wala na siyang karapatan sa anumang pag-aari ng pangalang Villaroman. Naniwala siya nang lubos sa kakayahan ni Carmen na maglason ng isip ng iba.

Paano kaya nakaligtas sa makamandag na dila ang kanyang Papa?

“Siyanga pala, nasaan si Tia Carmen?” tanong niya, pa-kaswal.

“Nasa kuwarto na niya. Umakyat na agad matapos kumain ng hapunan.”

“Naghintay siya sa akin?”

“Oo,” tango ni Mang Turing.

“Pero nawalan agad ng pag-asa,” dugtong ni Aling Sela. “Sinabi niyang hindi ka na darating ngayon dahil wala ka nang masasakyan sa bayan paglampas ng alas sais.”

“May sarili siyang sasakyan, Sela,” pahayag ni Mang Turing. “Isang mamahaling kotse na kulay silver.”

“Talaga?” Namilog ang mga mata ng kusinera. “Tama pala ang kutob ni Don John. Sigurado ang Papa mo na umasenso ka nang husto nitong nagdaang sampung taon.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.