Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

GHOST LOVER

Marco was a temporary boarder to his lady boss’ old house. He found a mysterious painting that belonged to Dulce’s ancestors. Why does the beautiful lady in the painting haunt his dreams?

May misteryong nakabalot sa isang mala-diyosang babaeng nasa lumang painting. Ang lahat ng mga lalaking nakakita ay nahuhumaling at nahihibang…

Isang multong naghahanap sa nawawalang pag-ibig? O isang kaluluwang nasaktan at nais maghiganti?

* * *

Mga pipitsuging magnanakaw sina Teban at Kulas. Harmless at brainless, kumbaga.

Hindi sila nananakit. At hindi rin sila kumukuha ng mga bagay na masyadong mamahalin.

Para daw hindi sila gaanong maging kontrobersiyal kapag nagka-timbugan. Ayaw nilang makaranas ng masaklap na ‘trial by publicity’. Wala silang pangarap na maipalabas sa mga telebisyon–bilang mga kriminal.

Kaya ang mga bahay na pinipili nilang akyatin ay iyung mga luma na. At kakaunti lang ang taong nakatira.

Mas maigi nga kung walang nakatira.

Katulad ng pinagpaplanuhan nilang pasukin ngayong gabi.

Tumalungko muna sila sa likod ng isang mayabong na halaman, matapos tumalon mula sa mataas na bakod na bato. Magmamasid muna sila, kahit na madilim ang paligid.

“Pareng Teban, sigurado ka bang walang nakatira diyan? Aba’y mansiyon na ‘yan sa laki, a?”

“Oo, Pareng Kulas. Matagal kong minanmanan ang bahay na ‘yan. Minsan lang sa isang linggo kung dalawin ‘yan ng katiwala. Mag-iikut-ikot sandali, at pagkatapos ay aalis na.”

“O, e, sigurado ka ba naman na may makukuha tayong mapapakinabang diyan? Baka naman pulos mga anay na lang ang manakaw natin?”

“Mahilig ka talagang magdiskumpiyado, pare. Palibhasa, kulang ka sa imahinasyon, e.” Nayamot na si Teban. “Isang tanong, isang sagot lang. Sasama ka ba sa akin?”

Paungol na tumugon si Kulas. “Sasama, siyempre.”

“May kundisyon, ha? Wala nang maraming satsat. Susundin mo lang ang lahat ng sasabihin ko.”

“Sige. Pero mangako ka na hindi mo ako uutusang tumalon, ha?”

Isang malakas na tapik sa batok nito ang isinagot ni Teban. “Kailan ba kita inutusan na ipahamak ang sarili mo, tanga!” singhal nito. “‘Lika na nga!” Pasinghal pa rin habang bumubuwelta sa harapan.

Ni hindi nakasigaw si Teban nang tuluy-tuloy na nahulog sa hukay na nasa bahaging iyon ng bakuran. Napaigik pa nang bumagsak ang buong bigat ng kumpare sa mismong tiyan na medyo bilog pa mandin.

“‘Tang’na naman, o!” angil ni Teban. “Mag-ingat ka naman, Kulas!”

“Ikaw ang dapat na mag-ingat. Balon na pala ‘tong babagsakan natin, tuluy-tuloy ka pa,” panunumbat ni Kulas.

“O, siya, tumayo na tayo. Ang gago naman natin. Pareho pa tayong nahulog dito.” Agad na nagbaba ng tono si Teban. “Aruy ko! Natumbungan yata ako,” daing pa nito para makuha agad ang simpatiya ng kasama.

“Kuu, kawawa ka naman. ‘Lika, humawak ka sa akin. Mababaw lang naman ‘tong balon. Madali lang umahon.”

Nag-aakayan pa rin ang dalawa hanggang sa makarating sa likurang pinto ng malaking bahay.

Lumangitngit iyon nang itulak ni Teban. “Suwerte! Bukas ang pinto!”

“Puwede na bang sindihan ang flashlight?” tanong ni Kulas nang nasa loob na sila.

“Oo.” Wala na ang sumpong ni Teban. Namimilog ang mga mata nito habang nagpapalinga-linga sa paligid.

“Tingnan mo ang kandelaryang ‘yon, pare. Purong pilak ‘ata. ‘Yan na lang ang kunin natin.” Sumigla na rin si Kulas.

“Sige, isako mo na ‘yan. May titingnan pa ako d’on.”

“Sama ‘ko.”

Tinugpa nila ang maluwang na koridor patungo sa dulong silid. Parang hinihila ang mga paa nila na magtungo doon. Aywan kung bakit.

Sabay pa nilang itinulak pabukas ang solidong dahon ng pinto.

Wala silang kamalay-malay sa kahiwagaan na naghihintay sa kanila.

Isang malaki at antigong kuwadro na may punit-punit na larawan ang unang umagaw sa kanilang pansin.

“Huh!”

“Wow!”

Iyon lang ang mga katagang nagawang numulas sa kanilang mga bibig, habang nanlalaki nang husto ang kanilang mga mata.

Makalipas ang ilang araw, makikita nang pagala-gala sa lansangan ang magkumpareng maniniklat.

Nagsasalita pero hindi ang isa’t isa ang kausap. Tumatawa sa sarili. Ngumingiti sa kawalan.

“Ayos din ‘yang sina Teban at Kulas, ano? Matalik na magkaibigan talaga. Sabay pang nasiraan ng ulo. Tsk! tsk! Nakakaawang nakakatuwa naman, ano?” Iyon ang obserbasyon ng mga taong nakakakilala sa kanila.

Isang panahon sa napakalayong nakaraan…

Mala-palasyong mansiyon. Mala-parkeng hardin. Matataas na bakod na bato.

Mahuhulaan sa laki ng bahay at sa lawak ng bakuran ang kayamanan ng angkan ni Margarita, isang dalagang mestiza.

Ang mga ninuno ng kanyang ina ay dugong-bughaw sa Espanya. Ang sa kanyang ama naman ay pamilyang maharlika sa Tsina.

Nagsanib ang dalawang lipi nang magtagpo ang mga landas sa Isla ng Pilipinas.

At ang naging resulta ay ang pagkakamal ng di-malirip na lakas at kapangyarihan. Sa larangan ng negosyo o sa pulitika man.

Sa pagdaraan ng panahon, kahit na nahaluan na ng ibang lahi ang dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat, nanatiling matatag ang katayuan ng Pamilya Cuevas sa mataas na lipunan. Hinahangaan at inirerespeto sila ng lahat.

Ngunit tutoo ang kasabihan na may mga bagay na hindi kayang bilhin ng salapi. Katulad, halimbawa, ng kaligayahan at pag-ibig…

Sa kabila ng lahat ng karangyaan na tinatamasa, lungkot pa rin ang naghahari sa kalooban ni Margarita Cuevas.

Isang malalim at marahang buntonghininga ang humulagpos sa pagitan ng mapupulang labi at mala-perlas na ngipin.

“Margarita, hija, bakit ba malungkot ka na naman?” puna ni Yaya Nena. “May dinaramdam ka ba?”

Umiling ang dalaga. Isang pilit na ngiti ang sumilay sa kanyang bibig. “W-wala po, Yaya. Medyo inantok lang ako,” pagdadahilan niya. “Mainit po kasi ang panahon.”

Nasa hardin sila, nang mga sandaling iyon. Katatapos lang niyang maligo kaya halata agad ang pagkakaila niya.

“Gusto mo bang magpadala ako dito ng malamig na inumin kay Trinidad?”

“Hindi na po,” tanggi niya.

Nakaupo siya sa isang silyang rattan, habang sinusuklay ng babaeng tagapag-alaga ang mahabang buhok niya.

Luminga siya rito nang marinig ang mahinang buntonghininga. Huminto ito sa ginagawa at naupo sa kaharap na silya.

“Sanggol ka pa lang ay kilala na kita, Senyorita Margarita. Alam ko kung kailan ka nagsasabi ng tutoo,” pananalakab nito. “May problema ba? Bakit hindi mo sabihin sa akin? Wala man akong maibigay na solusyon, ang pakikinig ko naman siguro ay makakatulong kahit na paano.”

Nangatal ang ibabang labi ni Margarita. Yumuko siya, kaya nagmistulang tubig na itim ang mahabang buhok nang umagos mula sa balikat. Ikinubli ang kalahati ng maamong hubog ng mukha niya mula sa matalas na paningin ni Yaya Nena.

“G-gusto po kasi ni Papa na mag-asawa na ako, Yaya,” pagtatapat niya. Napakahina ng kanyang tinig.

“Walang masama sa nais ng Senyor, hija,” wika naman ng may edad na babae. Nang-aalo ang tono nito dahil nakapanig sa aristokratikong amo. “Nasa hustong edad ka na.”

“Ayoko pong magpakasal sa lalaking hindi ko gusto, Yaya!” ang mariing tanggi niya. Nakagat niya ang mga labi nang marinig ang sarili. Noon lang tumaas at tumigas ang malamyos na tinig niya.

Pinilit niyang maging malumanay uli bago nagpatuloy sa sinasabi.

“Ang gusto ko’y iibig muna ako. Gusto kong maranasan kung paano ang magmahal,” pahayag niya.

Kinuha ng tagapag-alaga ang isang kamay niya. At hinaplos nang marahan ang likod niyon. Tahimik na ipinadadama sa kanya ang ganap na pang-unawa nito.

Pinagmasdan ni Margarita ang malaking kaibahan sa kanilang mga biyas.

Magaspang at maaligasgas ang kulubot na mga daliri at palad ni Yaya Nena. Ang sa kanya naman ay mga hubog-kandila at ubod nang lambot.

Kayumanggi at tila natutuyo ang balat ng yaya. Samantalang siya ay napakaputi at napakakinis.

Pero mas naiinggit siya rito dahil palaging may kislap ng katuwaan sa mga mata ng muchacha. Katulad ng mga nakikita niya sa mga mata ng iba pang tauhan. Mga magsasaka man o trabahador sa niyugan.

Gula-gulanit at luma ang mga kasuotan. Pirming maputik ang mga paang walang suot na sandalyas o tsinelas man lang. At palaging walang salapi na pambili ng pagkain.

Ngunit bakit ang saya-saya pa rin ng mga ito? Kahit na wala na halos makain ang pamilya, nakukuha pa ring magngitian ng mga mag-asawa.

Bakit siya na isang prinsesa kung ituring sa isang palalong mansiyon ay napakalungkot pa rin?

A, tutoo kayang pag-ibig nga ang susi sa pinto ng kaligayahan?

“At gusto ko ring maranasan kung paano ang mahalin,” dugtong niya, pero pabulong na halos.

Isang masuyong pisil muna sa malambot na kamay niya ang itinugon ni Yaya Nena. “Matagal mo nang nararanasan ‘yan, hija. Kaming lahat dito ay nagmamahal sa ‘yo.”

Nangilid ang luha ng dalaga. Nahulog ang isang butil nang pilitin niyang ngumiti. “A-alam ko po ‘yon, Yaya Nena. At nagpapasalamat po ako,” sambit niya, pahikbi. Hindi na niya sinabi na ibang klaseng pagmamahal ang nais niyang matikman.

Iniabot ng tagapag-alaga sa kanya ang isang panyolito na kulay puti.

Tinanggap niya iyon at idinampi sa mga pisnging nabasa ng iba pang butil ng luha.

“Ano ba ang balak ng Senyor?” tanong ni Yaya Nena, nang makitang medyo kalmado na naman siya. “Minamadali ka ba niya? May napipisil na ba siyang maging asawa mo?”

Nag-isip muna si Margarita. Tiniyak niyang tama ang pagka-memorya sa nakabibiglang pahayag ng ama habang naghahapunan sila kagabi…

“Disisais na ang ating anak, Marietta. Tumatanda na siya. Kailangan na natin siyang ihanap ng mapapangasawa, sa lalong madaling panahon. Dapat ay makita na siya ng ating mga kaibigan.”

“Hindi natin maaaring dalhin si Margarita sa siyudad, Enrico,” tutol naman ng kanyang Mama. “Alam mong mahina ang katawan ng ating unica hija. Nagkakasakit siya kapag naglalakbay nang malayo. Hindi rin kaya ng kanyang resistensiya ang ingay at ang gulo sa lugar ng ating mga negosyo.”

“May solusyon na ako, Marietta. Ipapipinta ko na lamang sa isang magaling na pintor ang larawan ng ating anak.” Kikibut-kibot ang makapal na bigote ni Senyor Enrico habang nakangiti sa pagsasalita. “Nang sa gayon, mapapaibig ng ating anak ang lalaking mapapangasawa niya kahit na hindi pa siya nakikita. Magaling ang naisip ko, hindi ba?”

“Hmm, napakatalino mo talaga, muy caro,” papuri ni Senyora Marietta. “May napili ka na bang pintor?”

“Oo. Isang Juancho Crisanto. Bago pa lamang nagkakapangalan sa mataas na sosyedad, pero napakahusay daw ng kamay. Darating siya dito bukas ng gabi.”

“Hindi natin siya ma-i-estima. Bukas ng umaga tayo aalis, Enrico,” paalala ng maybahay. “May kausap tayong mga kasosyo na manggagaling pa sa Shanghai.”

“Walang problema. Naihabilin ko na kina Dominggo at Bastian ang pagdating ng pintor. Sila na ang bahalang magpatupad sa nais ko.”

Walang nagawa si Margarita kundi ang makinig habang pinagpaplanuhan ng mga magulang ang magiging kinabukasan niya. Hindi siya maaaring magsalita kahit na siya pa ang pinag-uusapan ng mga kaharap sa hapagkainan. Kaya sa matinding sama ng loob, nawalan siya ng ganang kumain at hindi rin siya gaanong nakatulog buong gabi.

Ngunit hindi na niya ikinuwento sa yaya ang bahaging iyon.

“Kaya pala sal-itan sa pagbabantay sa may tarangkahan sina Dominggo at Bastian,” wika ni Yaya Nena. “May inaabangan pala talaga silang darating na tao ngayon.”

“Opo,” tugon ni Margarita. “Ang pintor nga po. Hindi po ba nabanggit sa inyo ni Mama ang tungkol doon?”

Diretso ang tingin sa kanya ng yaya habang tumutugon. “Walang pintor na nabanggit, pero naghabilin siya na siguraduhin ko raw na palaging maayos ang iyong buhok at mukha. Pati ang iyong pananamit. Huwag daw kitang hayaan na manatili lang sa loob ng iyong silid,” pagtatapat nito. “Ngayon ko lang naintindihan ang ibig niyang sabihin.”

Matamlay ang pagtango ng dalaga. “Ipaguguhit nina Papa ang aking larawan. At ipakikita iyon sa kanilang mga kaibigan,” wika niya. “Tititigan ako. Pag-uusapan. Para bang isa akong paninda na ibinibenta!” Muli niyang itinakip ang panyolito sa bibig nang muntik na namang mapahikbi.

“Tahan na, hija. Hindi naman gan’on ang tingin sa ‘yo ng Senyor at Senyora. Nais lang nilang masiguro na malalagay sa ayos ang iyong kinabukasan,” agap ng tagapag-alaga. Inalo na naman siya nito.

“Pero ayoko po sa mga ideya nila. Hindi po nila ako naiintindihan, Yaya Nena,” pahayag niya. “Sana man lang ay kinukunsulta nila ako.”

“Anak na babae ka, hija. Hindi talaga kinukunsulta ang mga anak na babae.”

“Oh! Sana’y naging anak na lalaki na lamang ako!” bulalas ni Margarita.

“Ngunit hindi gayon ang nangyari, hija. Ikaw ay walang ibang puwedeng gawin kundi ang sumunod sa nais ng iyong mga magulang. Sila ang tanging nakakaalam kung ano ang tama at mabuti para sa ‘yo. Mas makabubuting tanggapin mo na lang ang loob ng Panginoon,” ang nababahalang pahayag ng may edad na babae.

Nahalata niyang nagulat ang yaya sa ipinamamalas na rebelyon. Isang masunurin at mapagbigay na bata ang pagkakilala ng lahat sa kanya.

Pinilit niya ibaba ang tono. Muli na naman niyang ikinubli ang pag-aaklas na matagal nang namamahay sa kanyang kalooban.

“Opo, Yaya Nena,” sambit niya, matapos magbaba ng tingin.

“Magdasal tayo, hija. Ipagdasal natin ang mga agam-agam na nadarama mo,” wika ng tagapag-alaga. “Makikita mo, mamaya lang ay maigi na uli ang iyong pakiramdam.”

“Opo, Yaya Nena,” patianod ni Margarita. Hinayaan niyang igiya siya nito patungo sa munting grotto ng Mahal na Birheng Maria.

Lumuhod siya at umusal ng isang taimtim na panalangin.

Nais ko pong umibig. Iyan lang po ang tanging hiling ko. Kahit na minsan lang…

Nang gabing iyon, dininig ang kanyang dasal.

Isang matikas na binata ang natagpuan niya sa marangyang sala. Nagmamasid ito sa sari-saring obra maestra ng iba’t ibang sining. Koleksiyon ang mga iyon ng kanyang ama, na nagmula pa sa maraming bansa.

Agad na sumikdo ang dibdib ni Margarita. Saglit na nagdilim ang kanyang paningin nang makalimutan niyang huminga. Para bang nahulog siya sa isang malalim na balon, sanhi ng masidhing paghanga.

“I-ikaw ba ang pintor?” Iyon ang unang numulas sa kanyang bibig.

Saka lang luminga ang lalaki sa direksiyon niya. Hindi pala nito naramdaman ang kanyang pagdating. Palibhasa napakagaan ng kanyang mga yabag.

A, napakakisig na nilalang!

Nagkatitigan silang dalawa. Bahagyang nanlaki ang mga mata ng lalaki. Tila humahanga rin sa kanya.

Lihim tuloy siyang nagpasalamat sa kanyang Yaya Nena. Inayos nito ang pagkakatirintas sa mahabang buhok niya. Pinahiran ng kaunting pakulay ang kanyang mga pisngi at mga labing namumutla. At itinago ng pulbo ang pangingitim sa ilalim ng mga mata.

Ang kanyang kimona ay kulay puti at ang saya naman ay pula. Kahit na maluwag ang dalawang kasuotan, nakalutang pa rin ang kaliitan ng kanyang beywang. Malambot at manipis ang ang tela kaya yumapos sa bilugang dibdib at mga balakang niya. Malaking bulas siya kaya hinog na ang mga kurba niya. Hindi na halata ang murang edad.

Habang nakatitig sa kanya ang lalaki, nagiging kaakit-akit ang pakiramdam ni Margarita sa sarili.

Malinaw niyang nababasa ang admirasyon sa mga mata nito.

“Ako nga ay isang pintor, magandang diyosa. Ang aking pangalan ay Juancho Crisanto.”

“Juancho.” Sinambit niya nang pabulong ang pangalan ng binata, habang nakatitig siya nang walang kurap dito.

“Ang sabi sa akin ay isang dalaga raw ang aking ipipinta. Ikaw ba iyon, senyorita?”

Sumilay ang isang matamis na ngiti sa makipot na bibig ni Margarita, bago siya tumango. “Oo.”

Yumukod nang buong pagka-galante ang binata. “Ikinagagalak kitang makilala, Senyorita — ?”

“M-margarita. Margarita ang aking pangalan.” Halos magkandautal siya sa pagtugon. Ngayon lang siya nakatagpo ng ganito ka-interesanteng lalaki.

“Margarita… Napakagandang pangalan. Singganda ng may-ari,” ang nakangiting wika ni Juancho.

“Kaytamis naman ng dila mo, ginoo.” Namula ang mga pisngi ni Margarita. At nanikip nang bahagya ang lalamunan dahil sa paglakas ng kaba ng dibdib.

Binawi niya ang tingin ngunit agad ring sumulyap sa kausap. Hindi niya magawang itago ang interes na iniuukol para dito.

Nakatitig pa rin sa kanya ang lalaki. Hindi rin nito maikubli ang admirasyon para sa kanya.

“Tutoo ang aking sinasabi, senyorita. Ngayon lang ako nakatagpo ng isang dalagang katulad mo. Mistula kang isang bulaklak na pambihira at halos imposibleng matagpuan.”

Muling sumikdo ang dibdib ni Margarita. Malakas ang hatak ng personalidad ng binatang pintor. Para bang isa itong higanteng magneto na humihigop sa kanyang atensiyon.

Ni hindi man lang niya naisip na manlaban.

“N-ngayon din lang ako nakakilala ng isang lalaking katulad mo, Juancho,” pag-amin niya.

Napapitlag siya nang gagapin ng binata ang isang kamay niya. Mapangahas na galaw iyon. Lalo na nang gawaran ng magagaan na halik ang mga daliri.

Hindi siya tumanggi. Nanatili lang siyang walang tinag habang pinapanood ang mga padamping haplos ng bibig ni Juancho.

“Ikararangal kong maging pintor ng iyong larawan, Senyorita Margarita,” ang masuyong wika nito pagkatapos. “Ikaw ang aking magiging obra maestra!”

A, napakasaya ni Margarita nang gabing iyon!

Naging magsing-irog ang binatang pintor at ang dalagang heredera, sa paglipas ng mga araw.

Kaybilis yumabong ng atraksiyon sa pagitan ng dalawa. Agad na naging pag-ibig.

Halatang-halata ang kaligayahan na nadarama ni Margarita. Palagi siyang nakangiti sa lahat ng sandali. Paano’y palagi niyang kasama ang lalaki sa buong maghapon. At kaulayaw niya ito sa panaginip, kapag gabi.

Samantala, magkahalong pangamba at kasiyahan naman ang reaksiyon ni Yaya Nena.

“Natutuwa ako para sa ‘yo, Senyorita Margarita,” pagtatapat nito. “Pero natatakot ako sa gagawin ng iyong mga magulang kapag nalaman nila ang tungkol sa inyo ng pintor.”

Natigilan si Margarita. Nakalutang siya sa alapaap nitong mga huling araw kaya ni hindi niya napag-isipan ang anupaman, maliban sa matamis na relasyon nila ni Juancho.

“Sa palagay n’yo po ba’y tututol sina Papa at Mama kay Juancho?”

“Sigurado akong tatanggi sila, hija,” ang tiyak na tugon ng yaya.

“Ngunit isang mabait at maginoong lalaki si Juancho!” pagtatanggol niya.

“Alam ko, alam ko,” ang maagap na pang-aalo ni Yaya Nena. “Hindi ako tutol sa kanya. Botong-boto ako sa makisig na binata, pero hindi ako ang iyong mga magulang. Si Juancho Crisanto ay isang edukado ngunit siya ay galing sa hamak na angkan. Hindi siya bagay na mapangasawa ng isang dalagang mestiza na katulad mo.”

Nanlumo si Margarita. “Mahal na mahal ko po si Juancho, Yaya Nena. Nakahanda po akong ibigay ang lahat-lahat sa kanya–mapatunayan ko lang na pinakaiibig ko siya.”

“Oh, hija!” Napabulalas ang tagapag-alaga. Nahintakutan sa taimtim na pahayag niya. “Umasa kang ipagdarasal ko na sana ay maging pabor sa inyo ang magiging reaksiyon nila.”

“Ikamamatay ko kapag nawala siya sa akin!” dagdag pa niya. Pahikbi na.

“Huwag ka namang magsalita ng ganyan, hija. Manalangin tayo para sa mas mabuting hinaharap,” payo ng may edad na babae.

Inihilig niya ang ulo sa kandungan nito nang simulang haplusin ng isang kamay na nang-aalo ang kanyang buhok. Sa ganoong paraan napapalis ang takot niya, magmula pa nung maliit pa siya.

Nasa gayong ayos sila nang dumating si Juancho. Bitbit nito sa magkabilang kamay ang malaking kuwadro na may balot na telang puti at ang maliit na kahon na sisidlan ng mga parapernalya sa pagpipinta.

Click here to READ MORE

Comments are closed.