Her Seductive Suitor-6

Tahimik lang si Andro. Ngingiti-ngiti lang.

Napapakindat sa kanya kapag nagkakatinginan sila.

Ang tanging pampalubag-loob lamang para kay Seana ay ang kasiyahan ng matandang babae.

At ang pagpapahayag nito ng kagustuhang bumiyahe na patungong Amerika para magpagamot.

Sa wakas, natapos na ang pagbabalatkayo at ang pagkukunwari.

Ipinagpaalam na siya ni Andro. Tila nahahalata na ng lalaki ang kanyang pagkailang.

Panay kasi ang pukol niya ng matatalim na sulyap rito.

Sandaling kumaba ang dibdib niya nang pumarada na sa tapat ng bahay nila ang sasakyan ni Andro.

Nakatingin ito sa kanya. Paiwas naman siya.

Nagbubuhul-buhol ang kanyang mga daliri habang naghahanap siya ng dapat sabihin.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HER SEDUCTIVE SUITOR…? Click Here!]

“S-salamat sa hapunan,” wika niya, paudlot. “Uh, goodnight…”

Hindi siya sigurado kung ano pa ba ang inaasahan sa kanya. Ngayon lang siya nakipag-date.

‘Pero hindi naman tutoong date ito!’ bawi ng isang tinig sa likod ng utak ni Seana.

Sa sobrang nerbiyos, hindi na niya napagtuunan ng pansin ang suot niya.

Nakapusod sa likod ang kanyang buhok. Nangingintab na marahil ang kanyang mukha.

Ni hindi siya nakapag-pulbo maghapon.

“Goodnight, Seana,” paalam ni Andro.

Pormal na naman ang tono at anyo. Buong pagkamaginoo na ipinagbukas siya ng pintuan nito, gaya nang ginawa kay Dely kanina.

Nakatingala siya sa mukha ng lalaki. Hindi niya halos mapigil ang sarili sa pagtitig dito.

Para bang hindi siya makapaniwalang magkasama sila nang gabing iyon.

Bahagyang yumukod ang lalaki bago tumalikod at muling sumakay sa landrover.

Kumaway pa ito habang papalayo sa kanya.

“Seana?” anang tinig ng kanyang ina. “Ikaw na ba iyan?”

Luminga siya sa itaas. Nasa balkonahe ang kanyang mga magulang, pati na si Ste Diana…

Nakatanaw lahat sa kanya.

At sa papalayong ilaw ng sasakyan ni Andro.

“Oho,” tugon niya. Dali-dali siyang pumasok sa pinto.

Nagtuloy siya sa balkonahe para magmano sa matatanda. Matiim ang pagkakatingin sa kanya ng panganay na kapatid.

“Uh, naanyayahan po ako sa hapunan kina Mayor, Ma, Pa,” pahayag niya. “Ate Diana, magandang gabi sa iyo.”

“Hmm, dalaga na pala talaga ang bunso namin, ha?” tudyo ng buhay na diyosa sa kanya.

Katulad nang dati, nakasampay na naman sa isang mahabang sopa ang dalaga.

Yari sa seda ang evening gown. Seksi ang yari at tabas.

Mahaba ang slit ng paldang hanggang sakong, ngunit parang hanggang hita lamang ang kasuotan nito dahil litaw ang malaking bahagi ng mapuputi at makikinis na biyas nito.

Hindi pinansin ni Seana ang patutsada nito.

Palaging ganito ang pang-asar sa kanya ng ate niya.

Beinte siete anyos na kasi si Seana pero ngayon pa lang siya parang nagdadalaga.

“Ma, tuloy na po ako,” paalam niya. Hinagkan niya sa pisngi ang ina at ang ama naman ay sa noo. “Pa.”

“Goodnight, Seana,” wika ng mga ito.

Sinundan siya ng ate niya hanggang sa kanyang silid.

“Gusto lang kitang paalalahanan, bunso,” umpisa nito. “Sa akin may gusto si Andro, simula pagkabata namin. Baka ginagawa ka lang niyang panakip-butas.”

Kinagat ni Seana ang ibabang labi para hindi siya makasagot.

Nagtuloy siya sa kanyang banyo. Isinara niya ang pinto.

Maluwang ang ispasyo dahil nandito rin ang bihisan niya. May isang dressing table sa isang sulok, katabi ng tatlong hilera ng malalaking aparador.

Maingat niyang hinubad ang suot na bestida at ini-hanger.

Nagpunta siya sa shower cubicle. Matagal na nagbabad sa ilalim ng malamig ng malamig na bugso ng tubig.

Nakadamit pantulog na siya nang lumabas sa kanyang silid. Wala na si Diana.

Nakahinga siya nang maluwag. Ibig na niyang magpahinga. Wala siyang panahon sa mga munting laro ng kanyang kapatid.

Nagtaka si Seana dahil nakatulog pa rin siya nang mahimbing kahit na maraming gumugulo sa isipan.

Ni walang panaginip na dumalaw sa kanya hanggang sa magising siya nang dakong magbubukang-liwayway ang kalangitan.

Magaan ang kanyang katawan na bumangon siya at nag-inat. Tuloy uli siya sa banyo para mag-shower nang mabilis.

Nagpantalon at nag-sando, bago isinuot ang isang bagong labang jacket na maong.

Ganito ang routine niya sa umaga.

Nagpadausdos siya sa balustrahe ng hagdan nila pababa. Nakatali na uli ng goma ang mahabang buhok na meyo basa-basa pa.

Dinatnan niya sa kusina si Aling Senyang, ang katiwala at kusinera.

“Magandang umaga ho, Aling Senyang,” ang masayang bati ni Seana.

“Iha, tamang-tama ang dating mo. Nandiyan na sa labas si Pedring. Nandito na ang basket ng pagkain.”

Dinampot niya ang basket na yari sa buli. “May kape na ho dito?”

Tumango ang matandang kusinera. “Alam ko namang mamaya ka pa kakain, e.”

Lumabas siya ng pintuan. “Pakisabi kina Papa na kasama ako ni Pedring. Nasa gawing hilaga kami,” pahabol niya.

Naghihintay na si Batik sa tabi ng bakod. Nginunguya nito ang kung anong nasa loob ng bibig.

Nakatawa ang binatang katiwala sa bukid habang nakatingin sa kanya. Nakita nito ang dala niyang basket.

“Akina ho iyan, ma’am,” ang magalang na wika nito habang inaabot sa kanya ang dala niya.

“Salamat, Pedring.” Ibinigay naman niya agad dahil ayaw ni Batik nang may iba pang karga bukod sa kanya.

Lumarga na sila agad. Magkaagapay ang kanilang mga kabayo sa pagtakbo.

Wala munang usapan habang nagsusunog ng sobrang enerhiya na naipon nang nagdaang magdamag ang mga hayop.

Nang kusang bumagal ang mga ito, saka lang siya nagsalita.

“Sa palagay mo, nandoon na siguro sina Mang Isko at Mang Balo? Inuumpisahan na kaya nila ang pagdadasi?”

Tumango si Pedring. “Alas singko pa lang nang maulinigan ko silang dumadaan sa tapat ng kubo namin ni Ina.”

Nagkalat na nga ang mga tao sa iba’t-ibang panig ng malawak na palayan. May mga naulinigang utos na umaalingawngaw sa paligid ng payapang pagbubukang-liwayway.

Sa gawing mapuno nagtuloy ang mga kabayo nila. Tinulungan siyang umibis ni Pedring.

Ngumiti si Seana sa mga kababaihan na naruroon.

“Magandang umaga sa inyong lahat,” bati niya. “Nakapag-almusal na ba ang mga nagtatrabaho?”

Isang babaeng mas may edad sa kanya ang tumugon. Naghahalo ito ng tsamporado sa isang malaking kaldero.

“Nakainom pa lang ng kapeng mainit at tig-i-tig-i-isang pandesal, ma’am.”

Magmula nang maging guro siya, nakasanayan na ng lahat na tawagin siyang ‘ma’am.’ Nung umpisa lang naman nailang si Seana. Nasanay na siya dahil ilang taon na rin naman ang lumipas.

Kinuha niya ang basket kay Pedring.

HER SEDUCTIVE SUITOR-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.