Seana was resigned to become an old maid because she was not attractive… to the only man who secretly owned her heart.
Andro was blind to his neighbor’s beauty and raw appeal until he saw her swimming like a water nymph.
Dalagita pa lang si Seana, infatuated na siya sa binatang si Andro.
Pero sobrang mahiyain siya at ang paniwala sa sarili ay walang angking kagandahan kaya palagi siyang umiiwas na makaharap ang lalaking itinitibok ng puso.
Isang araw, natagpuan siya ni Andro na naglulunoy sa batis.
Walang kamalay-malay si Seana sa paglutang ng nakatagong kariktan niya… at sa pagkabighani sa kanya ng binatang lihim na minamahal.
Kaya nung manligaw na si Andro, hindi makapaniwala ang dalaga at agad na binasted ang binata.
Paano kaya makukuha ni Andro ang matamis na ‘oo’ ni Seana?
* * *
Isinabit ni Seana ang lubid na nagkokontrol sa kabayo sa sanga ng malaking punongkahoy.
Humalinghing ito nang mahina dahil napansin yatang kalbo na ang dahon ng mabababang sanga.
Nangalot na nito lahat kapag nandito silang mag-amo. Malimit kasing dito pumuwesto ang hayop kapag naglulunoy sa batis ang dalaga.
Hinaplos ng isang daliri niya ang mahabang mukha ng hayop.
“O, diyan ka muna, Batik. Doon muna ako sa tubig, ha?” paalam niya rito sa malumanay na tinig. “Ako muna ang maliligo tapos ikaw naman, okey?”
Kinalas niya ang mga butones ng suot niyang jacket na maong na kupasin na at puro tagpi. Pantrabaho niya iyon.
Pati ang pantalong maong din na parang gusto na ring magretiro sa pagsesrbisyo sa kanya.
Maingat niyang isinabit ang mga ito sa katabing puno, malayo kay Batik.
Karamihan sa mga butas ng kanyang kasuotan ay likha ng mapuputi at pantay-pantay na ngipin ng kabayong usisero.
Ang natirang saplot niya ay ang kamison na yari sa puting tela. Praktikal ang yari. Ni walang palamuti na kahit na ano.
Sa kanyang opinyon, hindi bagay sa mga katulad niyang walang ganda ang mga kasuotang may disenyo.
Kaya ang karamihan sa kanyang mga damit ay mga bestidang pang-manang. Ang kanyang buhok ay palagi nang nakatali ng goma at nakatago sa ilalim ng kanyang gora.
Naupo siya sa malaking bato na napakinis na ng panahon. Nandito na iyon magmula bata pa siya.
Paborito niyang upuan kapag nagbabasa, nag-iisip, nagdo-drawing, nagpipinta, etcetera, etcetera, at nag-aalis ng medyas at sapatos.
Inalis niya ang goma sa itiman at alun-along buhok na hanggang beywang na naman pala ang haba.
Ayaw na ayaw niyang magpapagupit ng buhok.
Hindi dahil nagagandahan siya sa madulas na kinang ng mga hiblang malulusog at sing-itim ng gabi, kundi dahil parang pag-aaksaya ng panahon ang gawaing iyon sa isang tulad niya.
Wala naman siyang ganda o karisma, kaya bakit pa siya magpapagod?
May mga ibong dumapo sa lupa, malapit sa kanya.
Patingin-tingin na para bang ayaw pang magpahalata na nagpapapansin sa kanya ang mga munting hayop.
Tumawa si Seana.
“Ah, ang mga munting kaibigan,” bati niya sa malamyos na tinig.
“Akala ko, hindi na kayo darating.”
Tumindig siya at muling lumapit sa jacket.
Dinukot niya sa bulsa ang isang supot na plastic. Puno iyon ng mga pira-pirasong tinapay na pinulot niya sa hapag-kainan kaninang umaga.
Isinaboy niya sa lupa at sandaling pinanood ang pag-aagawan ng mga ibon sa pagtuka.
Tinabingan niya ng isang kamay ang mga mata habang tumitingala sa kalangitan.
Mataas na ang sikat ng araw. Malapit nang magtanghalian.
‘Makaligo na nga,’ bulong ni Seana sa sarili. Baka mahuli pa siya sa klase niya.
Lumusong siya sa tubig.
Napapasinghap nang malakas kapag nadudulas ang hubad na talampakan sa malumot na mga batong nasa sahig ng batis.
Napaupo siya nang hindi niya napigil ang pagkawala ng balanse.
Nagtalsikan ang malamig na tubig sa lahat ng direksiyon.
“Ay!” hiyaw niya nang maunang bumagsak ang kanyang pang-upo.
Saglit lang ang kanyang pagkagulat. Nang masanay ang kanyang katawan sa malamig na temperature ng tubig na nakapalibot sa kanyang katawan, unti-unti na siyang napapahagikgik sa kanyang sarili.
Walang kasinsarap ang ganitong gawain, bulong niya sa kanyang isipan.
Pahiga siyang lumangoy-langoy sa palibot ng mababaw na batis habang nakadipa ang mga braso niya.
Pumipikit siya at pinipisil ang ilong kapag inilulubog ang ulo at buhok sa tubig.
Hindi niya pansin ang pagkapit ng puting tela sa kanyang balat, kaya humakab ng buong katapatan sa bawa’t kurba at lalim ng kanyang katawan.
Pati ang madilim na kulay ng bilugang mga korona niya ay aninag na, maging ang hugis-tatsulok sa panaka-nakang nagpapaanag-ag kapag tumitindig siya para suklayin ng mga daliri ang mahabang buhok.
Napalinga siya sa dako ni Batik nang maulinigan niya ang mahinang paghalinghing nito.
Nakita niyang isang lalaki at isang kabayo ang papalapit sa batis.
Si Andro pala. Ang binatang hinahangaan niya nang lihim sa malayo…
Nawala ang bahagyang pagkabahala na nadama ni Seana sa hudyat ni Batik. Dahil hindi masamang tao si Andro.
Ipinagpatuloy niya ang pagbabanlaw ng sarili.
Wala siyang dalang sabon dahil ayaw niyang malason ang ibang naninirahan sa batis ng halong kemikal na panlinis.
Paglulunoy lang talaga ang pakay niyang gawin palagi dito.
Umahon siya habang pinipiga ng dalawang kamay ang mahabang buhok.
Natural ang bawat galaw ng kanyang balingkinitang katawan. Walang aral na kumpas o imbay na makaagaw-pansin.
Matamis na ngiting kaibigan ang sumilay sa mga labing malasutla at maninipis. Mga labing likas na kulay-rosas.
Piniga niya ang mga laylayan ng kanyang kamison.
Maliksi siyang nakalapit sa kanyang jacket. Kinuha niya ang suklay na may malalaking ngipin sa isang bulsa nito bago siya sumulyap sa papaibis na lalaki mula sa kabayong sinasakyan.
Naupo siya sa malaking bato para magsuklay habang nagpapatiktik ng basang kasuotan.
Luminga siya sa papalapit na lalaki. Ngumiti uli siya dito.
“Kumusta, Mayor? Ngayon ka lang uli nagawi dito, a? Galing ka ba sa bahay?” bati niya nang malapit na si Andro sa kinauupuan niya.
Tumingin muna sa paligid ang matitiim na mga mata ng lalaki bago tumutok uli sa kanya.
“Pumupunta ka pa pala dito,” puna nito.
Lumapit sa punong kinaroroonan ng mga kasuotan niya.
Sumandal sa medyo baluktot na katawan ng puno at namulsa habang pinapanood siya sa kanyang ginagawa.
“Dumadaan ako dito pagkagaling sa bukid. Pampalamig bago pumasok sa eskuwela,” tugon ni Seana.
Tumingala siya sa langit.
“Ano’ng oras na ba? Hinuhulaan ko lang, e. Naiwan ko kasi ang relo ko sa bahay.”
“Alas onse y medya na,” tugon ng lalaki. Mababa at tila blangko ang tono ni Andro.
Napatingin siya rito ng matagal. Pilit na inaarok ang likod ng enigmatikong ekpresyon ng lalaki.
Kilala niya si Andro simula pa nung ipinanganak siya. Kababata nito ang kapatid niyang panganay, si Diana.
Parang nakatatandang kapatid ang pagturing niya rito dahil wala silang kuya sa pamilya.
Tatlong Maria lamang ang napagtagumpayan ng kanilang mga magulang na sina Maximo at Selina Cicero.
At tila nahulaan na niya ang dahilan ng pananamlay ng binata.
“Wala ba si Ate Diana sa bahay?” usisa niya.
Si Seana ang bunsong anak at palaging naiiwan sa bahay. Modelo sa Maynila si Diana at sekretarya naman sa kabilang bayan si Lara.
“Umuwi siya kagabi, e,” dagdag pa niya.
Bahagya nang nakakunot ang noo. Boto silang lahat sa binatang mayor ng kanilang bayan.
Kundi nga lang pangit tingnan gusto na niyang maging adelantada. Tatawagin na niyang Kuya Andro ang kaharap.
Para naman mahinto na ang kahibangan ng kanyang ignoranteng puso…
Nagkibit-balikat lang ang lalaki. Hindi na nagsalita habang patuloy siyang sinisipat ng tingin.
Ni hindi sumagi sa isipan ni Seana na mapapansin ng sinumang lalaki ang sarili niya.
Para sa kanya, wala siyang angking kariktan na maaaring makabighani ng atensiyon.
Wala siyang tsansa sa tabi ng kanyang mga kapatid na pulos magaganda at seksi.
Magmula pagkabata, palaging siya ang napu-puwera sa mga pagdalo at imbitasyon sa kasayahan at sayawan. Kaya nga siguro naging mahiligin siya sa pagbabasa at pag-iisa.
At nawalan na pati siya ng kumpiyansa sa pagkababae niya.
Buo ang paniniwalang hindi siya kailanman magiging maganda sa paningin ng sinumang lalaki.
Ngunit nakalimutan ni Seana na wala sa paligid ang mga kapatid na mala-diyosa ang hitsura nang mga sandaling iyon.
Walang mapapagkumparahan ng likas at tagong pang-akit ng kanyang kabuuan.
Maihahalintulad siya sa isang nimpa ng kagubatan habang nagpapaaraw sa ibabaw ng malaking bato.
Nasasaplutan lamang ng mahaba at alun-along buhok na hanggang balakang.
Iniisip pa rin niya ang maaaring kinaroroonan ng panganay na kapatid.
“Nadatnan mo ba si Mama bahay?” tanong niya sa tahimik na lalaki. “Ang alam ko ay gusto kang makausap ni Ate Diana — ”
Tumikhim ang lalaki.
“Nagkausap na kami ni Diana, Seana. Huwag mo nang problemahin ang bagay na iyon.” Tila may laman ang mga kataga nito.
Namula ang mga pisngi ni Seana.
“Ay,” bulalas niya. “Sori sa pakikialam ko,” wika niya. “Uh, akala ko kasi… nasayang na naman ang oras mo.”
Napahinto na naman siya sa pagsusuklay at sandaling natutop ang bibig.
“Napakatabil ko talaga. Sori talaga, Andro. Er, dalawang araw yata si Ate dito,” pahayag niya sa himig na humihingi ng dispensa at nang-aalo.
Tumuwid sa pagkakatayo ang lalaki.
Marahang humakbang palapit sa kinauupuan niya.
Nakatitig pa rin nang mataman sa nakatingalang mukha niya.
Natahimik si Seana.
Hindi niya maintindihan kung bakit parang sinasakal ang pakiramdam niya habang nakatitig sa kanya ang mga mata ng lalaki.
Naninikip ang kanyang dibdib at nanunuyo ang kanyang lalamunan.
Parang nabibingi pati siya habang nakakarinig siya ng malalakas na dagundong ng tila-kulog na ingay sa loob ng kanyang utak.
Kaipala, ang mabilis na pagragasa ng dugo paakyat sa kanyang ulo ang may likha ng nakalilitong pangyayari sa kanyang kamalayan.
Para bang saglit siyang nawala sa kanyang sarili habang inilulutang siya sa laot ng mga sensasyon.
Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito.
Nanlalamig ang kanyang balat.
Nanginginig ang kanyang mga kalamnan.
Ngunit nag-aapoy ang kanyang pakiramdam.
Nag-iinit ang kanyang buong katawan…
Ipinilig niya nang pabigla ang kanyang ulo.
Kumurap siya kaya naputol ang piping komunikasyon ng kanilang mga mata.
Hindi niya namalayan na nabihag na pala ng mga titig ni Andro ang kanyang paningin at tila nahihipnotismo na siya.
Hindi siya puwedeng mag-isip na pisikal na atraksiyon ang ipinamamalas na interes ng lalaki sa kanya.
Bakit ngayon lang niya naramdaman ang magnetismo ng personalidad ni Andro?
Oo, may sikretong paghanga siya. Baka nga mahal na niya ang simpatikong binata…
Pero bakit parang nagkaroon ng sidhi ang mga titig niya… nila… sa bawat isa?
Maraming babae na ang nakapagsabi sa kanya na kakaiba ang karisma ng mayor ng bayan nila ngunit hindi siya gaanong naniniwala dahil hindi niya nararamdaman ang sinasabi ng mga ito.
Ngayon… parang ibig na niyang maniwala na tutoo pala.
Tumindig si Seana para magtungo sa kinaroroonan ng kanyang mga damit.
Hindi niya pala nais ang pakiramdam na may humihigop na puwersa.
Parang may nawawalang bahagi ng kanyang katauhan.
Parang may nalalaman na tungkol sa kanya si Andro ngunit hindi niya mahulaan kung ano.
Hindi niya matanto kung bakit parang may nagkulang sa kabuuan niya.
Parang hinihila siya sa direksiyong ayaw niya — ng di-nakikitang puwersa.
Nagmadali siyang magsuot ng pantalon at jacket.
Nang ganap na siyang nababalot na naman ng makakapal na kasuotan, saka lang siya uli nakaharap sa lalaki.
Wala na si Andro sa kinatatayuan nito. Nakasakay na uli sa kabayo nang di niya naulinigan. Inaakay na palapit sa kanya ang kabayo niya.
Parang nakikimi siyang tumingin nang diretso dito kaya tinanggap niya ang rendang iniaabot sa kanya ng isang kamat nito.
“S-salamat — ” wika niya.
“Seana,” tawag ni Andro nang dagli niyang italikod ang sinasakyang kabayo.
“Gusto ko sanang magpatulong sa iyo.”
Tumaas ang kilay ni Seana. Hindi sa nagmamayabang siya.
Si Andro lamang ang alam niyang nakakalampas sa kanyang katalinuhan.
Mahilig din itong magbasa. Magmula elementarya hanggang hayskul, valedictorian ito.
Magna cum laude ito sa college, political science ang kurso. Kaya nga naging mayor agad kahit na nasa murang edad na beinte nuwebe pa lang.
Walang binatbat ang mga kalaban nito sa eleksiyon.
Masyadong mabagsik ang kumbinasyon ng pera at utak ng binatang kandidato, sinamahan pa ng pagiging matikas at simpatiko.
“S-saan naman?” duda niya. Hindi ikinubli ang hesitasyon.
Bumuntonghininga ang lalaki. Sumeryoso ang hitsura.
“Malaki ang problema ko,” pagtatapat ni Andro.
At muling nagbuntonghininga.
Parang naantig naman agad ang damdamin ni Seana. Puwede niyang kalimutan ang nangyaring kakatwa kanina.
Tutal, imahinasyon lang yata niya iyon. Wala na ni bakas ng sidhi…
Nasobrahan siguro siya sa pagbibilad sa ilalim ng araw.
“A-ano ba ang problema mo?” tanong niya matapos ibuwelta ang sinasakyang hayop.
Muling tumingin nang matagal si Andro sa kanya.
Sinipat nang husto ang maamong hubog ng mukha ni Seana.
Tila mayroong inaarok.
Hindi niya magawang iiwas ang mga mata.
Para bang namalikmata na naman siya nang tila may nakita siyang ningas na dumiklap sa pagitan nila.
Napaigtad siya na para bang napaso ngunit alam niyang kalokohan lamang ang kanyang nadama.
Isang produkto ng paglalaro ng liwanag sa pagitan ng mga dahon ng mga punong nakapaligid sa kanila.
“Basted ako,” pahayag ni Andro. “Hindi tinanggap ni Diana ang pag-ibig na inialok ko sa kanya.”
Napakurap si Seana habang nakatitig sa nagsasalita.
Nagtataka siya dahil parang may kulang.
Bakit tila hindi malungkot ang lalaki?
“H-ha?” ang gulilat na sambit niya.
“Hindi raw ako ang lalaking karapat-dapat sa kanya. Mayroon na siyang nobyo sa Maynila. Kaya gusto niya akong makausap, para tapatin ako at nang hindi na umasa pa,” pagtatapos ni Andro.
Malumanay at banayad ang tinig nito. Tila wala talagang pagkabahala sa sariling kalooban.
“G-ganoon ba?” Wala sa loob na wika niya. Naguguluhan siya pero hindi niya alam kung saan.
“Uh, ano naman ang problema?”
“Sina Papa at Mama ang umasa,” umpisa ng lalaki.
“Inasahan nila na mag-aasawa na ako kapag naging mayor na ako. Na dapat naman para maging stable ang imahe ko bilang pinuno.”
Nanlaki ang mga mata ni Seana.
“Uh, hindi ka ba stable sa ngayon?”
Umiling si Andro, medyo papiksi. Inakalang sinasadya niyang magtanga-tangahan.
Hindi nito alam wala na siyang mawawaang gaano dahil nalilito pa rin siya.
At nabigla siya nang husto sa ipinagtapat nito tungkol sa naging desisyon ng ate niya.
Para bang napakalaking kawalan na hindi magkakatuluyan ang dalawang magkababata.
“Stable ako, and you know it,” pakli ni Andro. Parang napipika ang tono.
Itinaas ni Seana ang dalawang kamay.
“Okay, sori.”
Nahimasmasan naman ang lalaki. Dagling nanumbalik ang kaseryosohan ng ekpresyon nito.
Tanging ang enigmatismo na mga matang malalim ang mahirap niyang malagyan ng eksaktong interpretasyon.
Para bang hinahaplos siya ng paningin nito.
Agad siyang nag-iiwas ng tingin kapag nararamdaman niyang nag-iinit ang mga pisngi.
“As I was saying,” umpisa uli ni Andro. “Umaasa sina Papa at Mama na magkakaasawa na ako.”
“Si Ate Diana nga,” salo ni Seana.
“Patapusin mo ako, please,” pakli ng lalaki.
“Kailangan kong magkaroon ng asawa sa lalong madaling panahon. O kaya’y nobya man lang.”
Nanlaki ang mga mata ni Seana sa narinig.
“H-ha? E, bakit – parang nagmamadali ka?” bulalas niya.
“Para mapagbigyan si Mama. Kailangan niyang magpaopera sa Amerika pero ayaw niyang umalis patungo roon hangga’t hindi raw nalalagay sa tahimik ang buhay ko,” paliwanag ng lalaki.
“Oh.” Tinitigan ni Seana ang mukha ni Andro.
Hindi siya naniniwalang seryoso ito sa sinasabi pero nanatiling malamlam ang ekspresyon ng binata.
“Uh, ano ang maitutulong ko?” tanong niya kahit na nagsisimula nang manlaki ang ulo niya. Nahuhulaan na niya kung ano ang itutugon ni Andro.
“Well, gusto sana kitang suyuin para maging nobya ko,” wika ni Andro, kaswal ang tono.
“Kapalit ni Diana.”
Hindi nakahuma nang matagal na sandali si Seana.
Kahit na ganito ang parang nahuhulaan niyang marinig, nagulat pa talaga siya.
Tila inisip naman ni Andro na hindi siya maaaring tumutol. Umibis ito sa naglilikot na kabayo at nilapitan siya para alalayan naman siya sa pagbaba.
Wala sa loob, naging sunud-sunuran siya sa nga unang sandali.
Iniisip marahil nito na wala siyang dahilan para tumanggi sa isang suwerteng inilalapit sa kanya.
Guwapo at mayaman, may katwiran naman si Andro na maging presko paminsan-minsan.
Ngunit hindi ordinardyong babae si Seana.
Pumiksi siya palayo nang makabawi sa sariling pagkagulat.
“A-at ano naman ang akala mo sa akin? Panakip-butas?” bulalas niya.
Parang nagulat si Andro sa iginawi niya. “Of course not! Pero — ”
Nameywang siya at tiningala ang lalaki habang pinagagalitan ito na para bang paslit na nagkamali.
“Masagwa ang gusto mong mangyari, Andro,” sabad niya. Panay ang iling ng ulo.
“Be reasonable, Seana,” pangungumbinsi ng lalaki.
“Kailangan ko ang tulong mo. Tinatanong mo ako kanina. I thought, gusto mo akong tulungan. Isa pa, ang Ate Diana mo ang nambitin sa akin.”
“That’s blackmail,” pakli ni Seana. Matatag ang kanyang tono kahit na biglang napaos ang tinig.
“Tinapat ka nga ni Ate, hindi ba? Nagpaalam siya sa iyo bago tumalusira. Isa pa, hindi pa naman kayo magnobyo, a?”
Bumuntonghininga si Andro.
“Okey, I’m sorry,” wika nito habang isinusuklay ang mahahabang daliri sa maikling buhok.
“Hindi kita ino-obliga, Seana. Humihingi ako ng tulong, ng pabor. Hindi kita gagawing panakip-butas. Makakasira sa reputasyon ko ang bagay na iyon.”
Kumunot ang noo ni Seana. May katwiran ang sinabi ng lalaki.
“E, paano ang reputasyon ko kapag nagkahiwalay na tayo?”
Guro siya sa elementarya. Nagtuturo ng wikang Ingles sa mga bata tuwing hapon.
Hindi siya nag-iisip na baka wala nang magkagustong manligaw sa kanya, pero alangan namang magtodo-pasa na lang siya.
“Alam ng lahat dito sa atin kung gaano ka kabagsik sa tsiks,” dagdag pa niya, may halong pambubuska ang tinig niya.
Napalinga sa kanya ang lalaki. Nakalarawan ang matinding pagkabahala.
“Bakit? May kasintahan ka na ba?”
Umiling si Seana bago nakapag-isip ng dapat isagot. Para kasing nakakatawa ang isiping may nagkamaling manligaw sa sa kanya.
Tinuwid niya agad ang ekpresyon niya. Medyo napapangiti na kasi ang hugis-busog na mga labi niya.
Nakita niyang muling nakalma ang kaharap.
“Wala naman palang problema kung sakaling maging tutoo na ang pakunwaring relasyon natin,” wika nito. “We could marry each other.”
Nanghilakbot si Seana. “Ano?”
“Bakit nagulat ka? I’m not a bad choice,” salo agad ni Andro.
‘Hindi nga,’ panggigilalas ng munting tinig sa loob ng utak. ‘This man is the best choice!’
“Hindi natin – kilala ang isa’t-isa, Andro.”
Ang katagang ‘mahal’ sana ang masasambit ng dila ni Seana.
Gusto rin niyang isigaw na ‘hindi ako bagay sa iyo!’
Tumalikod si Seana para muling sumakay sa likod ng kabayong nakikipagbulungan naman sa katabing kabayo.