Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

HIDDEN LOVER

Alison was too wealthy for her own good. Men were always attracted only to her money – not for herself. She was a magnet to fortunehunters…

Alison was disguised as an ordinary girl when Armando came to her life. He was just a poor man but seemed to love her genuinely. Should she tell him the truth when it would only hurt her?

Nagpapagaling ng pusong palaging bigo sa pag-ibig si Alison nang makilala ang isang binatang makisig ngunit isa lang magbubukid.

Napaibig ni Armando ang mailap na puso ni Alison. Ngunit magpatuloy pa rin kaya ang kanilang pagmamahalan kapag nalantad na ang tunay na pagkatao ng dalaga?

* * *

Masaya ang ngiti ni Alison. Magaan ang mga paa niya sa pagpanaog sa hagdanang marmol na mistulang abanikong nakabuka ang hugis.

Espesyal ang gabing iyon, kaya naman ang mahaba at tuwid na buhok niya ay nakapusod sa ituktok ng ulo. Bumagay sa suot niyang off-shoulder white evening gown.

Ang tanging alahas na isinuot niya ay ang pearl earrings na iniregalo ni Edward nung nagdaang Pasko.

“Aba, ang ganda-ganda naman ng señorita ko,” ang pabirong bati ng mayordoma, at dating yaya ni Alison, si Nana Senyang, pagkakita sa kanya. “Ano kaya ang okasyon, hmm?”

Tumawa si Alison. “Si Nana Senyang talaga, walang alam tuksuhin kundi ako lang,” ganting-biro niya. Yumapos siya rito at humalik sa isang kulubot na pisngi.

Malapit at magiliw siya sa pinakamatagal nang empleyada ng pamilya niya dahil ito na ang nag-alaga sa kanya, mula pa nung isilang siya. Ito rin ang naging tanging karamay nung sabay na pumanaw ang mga magulang sa isang plane crash.

“Kuu, teka, teka, amoy-kusina ako,” saway ng matandang babae, pero nakatawa rin. “Sige ka, baka maamoy ka ni Edward. Darating na ‘yon, di ba?” panunudyo pa nito.

Sumulyap siya sa relong nakasabit sa dingding. “Paparating na po siguro ‘yon ngayon,” sang-ayon niya.

“O, e, di magpapahain na pala ako sa kumedor?”

“Sige po.” Nanumbalik ang ngiti sa mapupulang labi ng dalaga.

“Ang ganda-ganda mo talaga, Alison,” papuri na naman ni Nana Senyang, matapos mapatitig sa kanya. “Kung nandirito lamang ang iyong Mama’t Papa, tiyak na tuwang-tuwa rin sila para sa ‘yo ngayong gabi!”

Saglit na nabawasan ang ningning ng mga mata ni Alison, dahil naalala ang mga magulang. Pero sanay na siyang magpakatatag kaya muli niyang napilit ngumiti ang mga labi.

“Tama po kayo, Nana,” sambit niya.

Nagsimulang humakbang pabalik sa kusina ang kausap, kaya sumabay siya sa paglakad.

“Boboto rin kaya sila kay Edward, Nana?”

Biglang napahinto si Nana Senyang. “Hindi ko pa sinabing ‘boto’ ako kay Edward, iha,” pahayag nito. Seryoso ang tono. Diretso ang tingin. “Nasubukan mo na ba siya?”

Umiwas siya ng tingin. Hindi kayang tumitig nang tuwid. “P-parang ayaw ko na po siyang subukan,” pagtatapat niya.

“Bakit naman?”

“Baka po kasi mabigo na naman ako,” tugon niya, halos pabulong na.

“Hay, iha, naiintindihan kita. Kaya lang, delikado para sa isang katulad mo ang basta na lang magpapadalus-dalos.”

“Nalulungkot na po ako talaga, Nana. Ayoko pong tumandang dalaga. Ayokong mag-isa habambuhay.”

“Nauunawaan kita, iha. Pero — ”

“Buo na po ang desisyon kong magpakasal kay Edward,” bawi niya.

“Oh, Alison, magpakahinahon ka sana. Parang anak na ang turing ko sa ‘yo. Ako ang unang masasaktan kapag nagkamali kang magdesisyon,” pakiusap ni Nana Senyang. Mangiyak-ngiyak na.

Naantig agad ang kalooban ni Alison. Parang ina rin kasi ang turing niya rito.

“Pasensiya na kayo, Nana. Natatakot na po kasi ako. Baka katulad rin siya ng iba pa…”

Inalo agad siya ng matandang babae. Inakbayan siya at tinapik-tapik sa isang balikat.

“Kung hindi ukol, hindi bubukol, iha,” sambit nito. “Kung talagang kayo ni Edward, kahit na ano pang pagsubok ang dumating — magiging kayo pa rin.”

Pinilit ni Alison ang sarili na makumbinsi. “S-sana nga po, Nana, sambit niya.

Sabay nilang naulinigan ang malakas na busina ng dumating na sasakyan.

“O, hayan na siya.” Dali-daling dumukot ng panyolito ang matandang babae. “Pahiin mo na ang mga luha mo, iha.”

Tumango si Alison. “S-salamat po.”

“Ako na ang sasalubong sa kanya. Saan mo siya gustong kausapin?”

Napamaang ang dalaga. “Hindi po ba kakain muna kami?”

“P’ano kung magbago pa ang isip mo?” salo ni Nana Senyang. “Mas maiging tapusin mo na agad ang mga insekyuridad, iha,” dugtong pa nito, sa tonong nang-aamuki.

Napa-buntonghininga na lamang si Alison. “Sa sala na lamang po, Nana. Doon po ako maghihintay.”

“Mabuti. Good luck, iha,” pahabol pa nito nang tumalikod na siya.

Kaya luminga siya para ngumiti kahit na pilit. “Sana’y maging maayos na po ang lahat, Nana.”

“Ipinagdarasal ko ‘yan gabi-gabi, iha.”

Mas natural na ang naging ngiti niya, bilang pasalamat. Tumango na lang siya bago nagpatuloy sa pagtungo sa gawi ng sala.

Bahagya lang niyang isinara ang pinto upang marinig agad ang mga yabag ni Edward. Ilang sandali lamang ang ipinaghintay niya, nakaulinig na siya ng mga katok.

“Come in,” tugon niya. Sinadyang palakasin ang boses.

Nakaharap siya sa pinto nang marahang bumukas iyon. Kaya nabuglawan niya ang makisig na kabuuan ng binatang bagong dating habang pumapasok ito sa marangyang sala ng Bautista Mansion.

“Good evening, Alison,” ang pormal pero nakangiting bati ni Edward sa kanya. Tigib sa admirasyon ang mga mata nitong humahagod sa kanyang mukha at katawan.

“Napakaganda mo, Alison. Sana’y bumagay sa ‘yong kariktan ang aking mga rosas.” Iniabot nito ang palumpon ng mga puting bulaklak sa kanya. “You look like a lovely goddess tonight,” dagdag nito. Mas mainit na ang tono.

“Thank you.” Kinuha niya ang bouquet. Kapagkuwa’y pinuwersa ang sarili na tumalikod upang maiwasang magayuma ng matamis na ngiti at malagkit na titig ni Edward.

“Uh, maupo ka, Edward,” wika niya, nang muling makapagsalita. “May importante akong sasabihin sa ‘yo.”

Tumalima ang lalaki. “Nakaupo na ako, Alison,” ang masuyong pahayag nito. “Tungkol ba saan? I hope, tungkol na sa pagpayag mong magpakasal sa akin?”

Hindi siya umimik. Nakatutok kasi ang konsentrasyon sa pagtitimpi ng mga emosyon.

“Alison?” Nagtatanong rin ang mga mata ni Edward.

Bumuka ang bibig ni Alison upang tumugon ngunit naunahan siya ng mahihinang katok sa pinto.

“T-tuloy,” ang pautal na tawag niya, sabay buwelta ng mga hakbang patungo sa pintuan.

Si Nana Senyang ang nabuglawan niya. May dalang itong plastic folder.

“Nakalimutan mo ‘to, iha,” anito.

Tinanggap niya iyon. Natataranta pa dahil hawak pa niya ang mga bulaklak.

“S-salamat, Nana,” bulong niya.

“‘Andito lang ako sa labas, iha,” dugtong nito, pabulong din. “Tumawag ka lang.”

Tumango na lang siya bago tumalikod para balikan ang bisita.

“Ano ‘yan?” tanong agad ni Edward. Ang tinutukoy ay ang dala niyang folder.

Huminga siya nang malalim. “Please, read these carefully,” tugon niya. “Importante ang mga ‘yan sa kinabukasan natin, Edward.”

Naupo siya sa kaharap na sofa upang mapanood ang magiging reaksiyon ng lalaki.

Nung una’y kalmado lamang ito sa pagbabasa. Ngunit habang tumatagal, unti-unting dumidilim ang mukha nito.

“Ano’ng ibig sabihin nito, Alison?” tanong ni Edward, pagkatapos. Malumanay pero halatang nagpipigil lang nang husto.

“‘Yan ang mga kundisyon ko bago magpakasal sa ‘yo, Edward.” Nagulat pa si Alison, nang marinig na matatag ang tono.

“Ang akala ko ba, mahal mo ako? Na may tiwala ka sa akin?”

“M-mahal nga kita, Edward,” tugon ni Alison. Nang-aalo ang tono. “A-ang alam ko’y nagmamahalan tayong dalawa.”

“Gan’on naman pala, e. Bakit kailangan mo pang maglagay ng mga ganitong kondisyon?” Binilot ni Edward ang mga papeles at itinuro sa kisame. Nang-uusig ang ekspresyon nito.

“Dahil ‘yan ang dapat para magkaroon tayo ng tahimik at payapang pagsasama. Tiyak na magsasalita ang mga tao. Sasabihin nilang ang pinakasalan mo lang sa akin ay ang kayamanan ko — ”

“So what?” pakli ng lalaki. Hindi na siya pinatapos. “Mas mahalaga pa ba ang mga sasabihin ng ibang tao kaysa sa damdamin nating dalawa?”

“Hindi, pero — ”

“Gan’on naman pala,” pakli uli ni Edward, sabay punit sa mga papeles. “Hindi na kailangan ang mga ito, Alison! Kung talagang mahal mo ako, magpapakasal ka sa akin ng walang anumang kundisyon.”

Napapitlag si Alison, nang pawaras na itinapon ang mga papel sa harapan niya.

“Edward!” Napabulalas siya. Napatindig, sanhi ng pagkabigla. “Kung talagang mahal mo ako, igagalang mo ang gusto ko!”

Tumindig rin ang lalaki. “Kung talagang mahal mo ako, may tiwala ka sa akin!” ganting-usig nito.

Napailing si Alison. Pinilit niyang kontrolin ang sarili. “Paikut-ikot na lang ang usapang ito,” bawi niya. “Siguro, dapat na tayong magpaalam sa isa’t isa. Goodbye, Edward — ”

“You bitch! Napakasuwapang mo! Maramot ka. Gusto mong ikaw lang ang magtamasa ng ginhawa!” Pinahulagpos na ni Edward ang tinitimping galit. “May pera ka, pero ayaw mong mag-share sa iba. Hindi ko kailangan ng isang asawang gahaman! Mayaman ka na nga, pero napaka-ganid pa rin!”

“E-edward!” Hindi makapaniwala si Alison sa naririnig. Wala sa hitsura ni Edward ang magagaspang na salitang numunulas sa bibig nito. Pati ang mga titig na matatalim.

“Hah! Ang akala mo ba’y may magkakagusto pa sa ‘yo ngayon, Alison Bautista? Matanda ka na. Tuyot ka na. Ang tanging pang-akit mo na lang ay ang kayamanan mo!” patuloy ng lalaki.

“P-pera ko lang pala ang nakaakit sa ‘yo…?” Kusang sinambit ng dila niya ang katanungan.

“Tumingin ka naman sa salamin, babae. Laos ka na. Hindi ka na sariwa. Pasalamat ka’t pinag-ukulan pa kita ng panahon at atensiyon!”

Hindi napigil ni Alison ang pag-angat ng isang kamay upang hipuin ang isang pisngi niya.

“Lumayas ka sa pamamahay ko,” sambit niya. Paus na paos ang tinig.

Ngumisi ang lalaki. “Talagang aalis ako,” anito. “Pero babawiin ko muna ang mga pearl earrings na ibinigay ko sa ‘yo.”

Diring-diri si Alison habang inaalis ang mga hikaw mula sa magkabilang teynga. Mabuti pala’t de-ipit lamang kaya madaling makalas. Walang imik na inilapag niya sa ibabaw ng lamesitang nakapagitan sa kanila.

“Tsk! tsk! Sayang ka, Alison. Hindi ka na makakatikim ng panliligaw mula ngayon. Sisirain ko ang pangalan at ang reputasyon mo,” pagbabanta ni Edward habang ibinubulsa ang dinampot na alahas.

Kinilabutan ang dalaga, pero hindi siya kumibo.

“Kaya habang may oras ka pa, mag-isip-isip ka na. Pigilan mo na ako sa pag-alis. Pumayag ka nang magpakasal sa akin ng walang kahit na anong kondisyon. O kontrata na papipirmahan sa akin, Alison.” Parang nang-uuto na ang pagsasalita nito. Gayundin ang nakangising ekspresyon.

“U-umalis ka na, Edward.” Imbis na lumapit dito, maliksing nagtungo si Alison sa kinaroroonan ng mga switches.

Biglang umalingawngaw ang matinis na tunog ng burglar’s alarm, nang pindutin niya ang isa sa mga button.

Agad na nagsidatingan ang mga kasambahay, sa pangunguna ni Nana Senyang. Nandoon na rin agad ang dalawa sa mga security guards na malimit lamang na nagroronda sa labas ng malawak na bakuran.

“Umalis na po kayo, sir. Bago kami mapilitang tumawag ng mga pulis,” pahayag ng mga guwardiya, habang nakahawak sa mga baril na nasa beywang.

“Magsisisi ka, Alison!” Inangilan pa muna siya ni Edward, bago ito lumabas sa pinto.

Natulala naman ang dalaga. Naparalisa dahil sa pagkabigla. Halos lahat ng mga lalaking nakakita sa notoryosong papeles niya ay nagalit dahil nainsulto. Pero ngayon pa lang siya nakarinig ng masasakit na salita.

Suwapang at ganid nga ba siya? Tuyot at matanda na nga ba siya?

‘Oh, God, ayaw ko pong tumandang mag-isa!’

Ngunit ano ang gagawin niya? Tila itinakda na nga siyang mag-isa habampanahon…

Nanatili kay Alison ang depresyon hanggang sa mga sumunod na araw. Nawalan siya ng ganang kumain. Palaging tahimik at malalim ang iniisip. Hindi makatulog sa gabi.

Nag-alala na nang husto si Nana Senyang.

“Alison, iha, ano bang nangyayari sa ‘yo? Baka magkasakit ka na n’yan?”

“E-ewan ko ho ba, Nana. Parang wala na akong ganang mabuhay…” ang matamlay na sambit ng dalaga.

“Iha, iha, ‘wag kang magsalita ng ganyan.” Inalo agad siya ng matandang babae. Niyakap at hinaplus-haplos ng kulubot na kamay ang ulo at likod niya.

“Matanda na ako, Nana. Hindi na ako magkakaasawa…” patuloy niya, pa-hikbi.

“Oh, ang batang ‘to! Am’bata-bata mo pa, iha! Aba’y treinta’y singko ka pa lang, a? Pero wala sa hitsura mo!” pagbubusa nito. “Sino’ng me sabi sa ‘yong matanda ka na, ha? Si Edward ba?”

Tumango si Alison. Hindi na makapagsalita dahil nagpipigil sa pag-iyak.

Sinapo ng magagaspang na palad ang magkabilang pisngi niya upang matunghayan nito ang kanyang mukha.

“Hay, iha, napakaganda mo, Alison. At napakabata mo pa, para mag-isip ka ng ganyan,” pang-aalo nito. “Kung merong tatandang mag-isa, ang walanghiyang Edward lang na ‘yon! Masyadong ambisyoso at oportunista ang isang ‘yon. Aba, gusto niyang guminhawa ang buhay pero ayaw magbanat ng buto! Napakababang klaseng lalaki!”

“A-alam na po ninyo na gan’on siya?”

“Sa umpisa pa lang, iha,” pag-amin ni Nana Senyang. “Ang tutoo’y wala naman akong nagustuhan ni isa sa mga naging manliligaw mo, Alison. Lahat sila ay pawang naakit na maging señorito sa mansiyon na ito.”

Lalong nadagdagan ang panlulumo ni Alison sa narinig. “Pulos mga silaw sa kayamanan ko ang mga lalaking natatagpuan ko. Siguro, walang magkakagusto sa akin kung mahirap lang ako.”

“Hindi tutoo ‘yan, Alison. May lalaking para sa ‘yo. Hindi pa lamang nagtatagpo ang mga landas ninyo.”

Ngunit hindi na nakikinig ang dalaga. “Ayoko na po, Nana,” bulong niya. “Ayoko na pong masaktan uli.”

Sumubsob siya sa dibdib ng dating yaya at humagulgol ng iyak. Wala na siyang kapag-a-pag-asang makakatagpo pa ng kaligayahan mula sa pag-ibig…

Si Nana Senyang ang unang bumasag sa katahimikan, matapos ang malalakas na hikbi niya.

“Ano kaya kung magbakasyon ka muna, Alison?” suhestiyon nito. “Umalis ka muna dito para makalimot ka sa sakit ng loob na ipinaranas ni Edward?”

Pasinghut-singhot pa rin, nagpunas ng panyolito sa mga basang pisngi at mga mata ang dalaga.

“A-ayaw ko po, Nana. Makakatagpo lang po uli ako ng mga panibagong fortune hunters,” tanggi niya. “Hindi po ba’t sa Hongkong kami nagkakilala ni Edward?”

“E, di sa prubinsiya ka magpunta,” salo ni Nana Senyang. “May isang pinsan ako na taga-Quezon. Si Minyang. Matagal na niya akong iniimbitahang dumalaw para magbakasyon doon, pero hindi naman kita maiwanan.”

“Sa Quezon po? Tila napakalayo po ‘ata n’un?”

“Sus, nasa loob pa rin naman ng Pilipinas ang prubinsiyang ‘yon, iha. Nakakalabas ka nga ng bansa, di ba?” May himig-patudyo na ang tono nito.

“O-oo nga pala,” sang-ayon niya, habang pilit na kinakalma ang sarili.

“O, ano? Payag ka ba?”

“N-nag-iisip po ako, Nana…” Nag-iisip pa si Alison kung paano tututol nang hindi sasama ang loob ng dating yaya.

“Ano pa ba ang dapat mong pag-isipan, Alison, iha? May problema ba? Sabihin mo sa akin, iha. Baka makatulong ako.” Puno ng pagpapahalaga ang tono ni Nana Senyang.

“G-gusto ko po sanang magkunwaring mahirap habang nagbabakasyon, Nana. Gusto ko pong makalimutan ang tunay na pagkatao ko, kahit pansumandali lang.” Medyo hesitante pa ang pagsasalita ni Alison. Bigla lang kasing pumasok sa utak niya ang naturang ideya.

Saglit lang na nag-isip ang matandang babae. “Kung ‘yan ang makakapagpasiglang muli sa ‘yo, iha — payag ako,” tugon nito. “Kailan tayo aalis?”

Unti-unting nakaramdam ng gaan ng kalooban ang dalaga. “Kung kailan n’yo po gusto.”

“Aba’y bukas na, kung ako ang tinatanong mo,” ang maagap na sagot ni Nana Senyang. “Mag-iimpake na ba ako para sa ating dalawa?”

“Kayo po ang bahala.”

“Buweno, tatawagan ko na si Attorney para makapagpaalam. Ihahabilin na lang natin sa kanya ang mansiyon para may tumitingin-tingin dito habang wala tayo.”

Nasa empleyo na ng Pamilya Bautista ang matandang babae, mula pa nung dalagita pa lamang ito. Kaya naman sa loob ng mahigit na apatnapung taong paninilbihan, parang tunay na ka-pamilya na ang turing nito sa kanila. Lalo na nung mawala ang mga magulang ni Alison.

“Sige po, Nana.” Walang gatol ang pagpayag niya. “Paki-habilin n’yo na rin po sa kanya ang trabaho ko sa opisina. Baka may mga kailangang desisyunan agad.”

Medyo pumakla uli ang pakiramdam ni Alison dahil naalala ang posisyon sa sariling kumpanya.

Kahit na kasi siya ang may-ari, hindi niya mahawakan ang pinakamataas na posisyon dahil walang tiwala sa kakayahan niya ang all-male Board of Directors — dahil isa siyang babae. Tinanggihan ang leadership niya kahit na pa nag-aral siya sa isang sikat na unibersidad sa ibang bansa.

Iyon ang isa sa mga dahilan niya kung bakit nagiging desperada siyang magka-asawa. Nais niyang makamit ang respeto ng mga kasosyo ng nasirang ama. Nagbabakasakali siyang mailuklok sa chairmanship ang lalaking mapapangasawa niya, pero siya ang tunay na may hawak ng kapangyarihan.

A, isa nga siguro siyang ganid… bulong niya sa sarili.

“Tama na ‘yang pag-iisip ng kung anu-ano, iha.” Tila nahuhulaan ni Nana Senyang ang paglalayag ng utak niya. “Itutok mo na lang sa pagbabakasyon natin. Anu-ano ba ang mga dadalhin natin?”

Humugot siya ng malalim na buntonghininga bago tumugon. “Hindi po ba’t magpapanggap akong mahirap?” paalala niya. “Wala po akong dadalhin kundi ilang pirasong damit lang, Nana.”

“Seryoso ka talagang magpanggap, ha? Matagalan mo kaya?” Tila sinasadya ng matandang babae na hamunin siya upang makuha ang kanyang atensiyon. “Mahirap maging mahirap sa prubinsiya, iha.”

“Nana, mas maigi po kung gayon,” salo niya. “Mas madali kong malilimutan si Edward — at ang iba pa!”

Ngunit hindi pa sila nakaalis kinabukasan. Paano’y tumangging magbiyahe ng gabi ang matandang babae.

“Mas kumportableng maglakbay kung umagang-umaga, Alison. Bukas na tayo umalis. Madaling-araw para hindi tayo mababad nang husto sa init habang nasa daan.”

“Kayo po ang bahala, Nana.”

“Iniisip kong ipakilala ka bilang ulilang anak ng isa sa mga kaibigan ko, iha. Payag ka bang maging anak ng isang mayordoma rin?”

“Opo naman.”

“Kung mayordoma ang ina mo, isa ka ring katulong, iha. Kaya mo bang kumilos ng gan’on?”

“Naturuan n’yo naman po ako ni Mama ng mga gawaing-bahay, di po ba?”

“Oo nga pala.” Ngumiti ang matandang babae at hinagkan siya sa isang pisngi. “Nag-aalala lang ako na baka nakalimutan mo na ang mga itinuro namin ng Senyora Antonia.”

“Imposible pong mangyari ‘yan, Nana. Napaka-istrikta n’yo po ni Mama.”

“Hay, napakabuti mong babae, Alison. Sana’y makatagpo ka na ng lalaking hindi bulag sa mga katangian mo,” sambit ni Nana Senyang. Biglang nagseryoso.

“Ayoko na pong pag-usapan ang anumang tungkol sa mga lalaki, Nana. Gusto ko na silang alisin sa isipan ko,” pakli niya. “Nakahanda na po akong mag-isa.”

“Hindi ka mag-iisa, iha. May makakasama ka,” bawi ng matandang babae. Para bang nangangako sa kanya.

“Nana, ayoko na pong umasa.”

“Huwag kang umasa,” tugon nito. “Pero tiyak na may darating.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.