His Beautiful Impostor-12

CHAPTER ELEVEN:

LUMIPAS ang dalawang araw. Walang tawag na natanggap si Caitlyn kay Drake.

Pero sigurado siyang tumatawag ito sa agwela. Kaya imbes na pag-aalala ang nadama, naghihinanakit siya.

Pagkatapos ng mga pinagsaluhan nila, itatapon siya na parang basahan.

Alam niyang exaggerated ang iniisip niya. Alagang-alaga siya ni Lola Dorothy. Tunay na apo na ang turing nito sa kanya.

Ngunit si Drake, ni-ha ni-ho ay wala.

Nangulila na agad siya kapag nakahiga sa kama. Hinahanap-hanap na niya ito.

“Iha, mamili ka sa mga ito.”

Nabuglawan niya si Lola Dorothy sa hardin. Nakalatag sa harapan nito ang ilang pares ng rubber shoes. Luma na pero malinis at tila size ni Caitlyn.

“Magkasukat po yata tayo ng paa, Lola Dorothy.” Nahawa siya. Nakatawa rin nang lumapit.

“Narito rin ang ilang uniporme ko sa pagiging player.” Parang batang tuwang-tuwa si Lola Dorothy.

Want to read the Start of Stories Online titled – His Beautiful Impostor…? Click Here!

Isinukat ni Caitlyn ang dalawang pares ng sapatos. Kulay white at kulay blue. Dinampot niya ang dalawang t-shirt at dalawang shorts na mahaba.

“Gamit ko pa ang mga ‘yan nung dalaga pa ako.”

“Iningatan po siguro ito nang husto.” Isinuot niya ang kulay berdeng t-shirt at shorts.

“Halika, nakahanda na ang court. Ipinalinis ko.”

Inakay niya si Lola Dorothy patungo sa likod-bahay. Malaki ang ancestral house kaya ilang minuto ang naubos.

Nagkuwento ang matanda ng mga anekdota tungkol sa paglalaro nito nung araw.

“Talo ko si Antero sa basketball pero talo naman niya ako sa paglangoy.”

Napapangiti si Caitlyn habang nakikinig. Nananaghili na pala siya.

“Naroon ang shower room. Magpalit ka na ng damit. Nasasabik na akong panoorin ka, iha.”

“Hindi po ako player sa amin. Naglalaro lang po ako,” wika niya habang inaalalayan ang matanda sa pag-upo sa silyang nasa lilim ng punong mangga. Nginitian niya si Aling Seling.

Bagong repair ang basketball court. Pati ang mga bola ay bago rin. Sanay siyang maglarong mag-isa kaya buhos agad ang konsentrasyon.

Makalipas ang kinse minutos, huminto siya. Hinihingal at basa ng pawis. Patakbo siya lumapit sa kinaroroonan ng matanda.

Pumalakpak si Lola Dorothy. “Not bad, iha.” Inabot ang isang face towel. “Ah, nandito na ang almusal.”

Nagpalit siya ng damit sa shower room.

“Iwanan mo na lang ang pinagpawisan diyan,” ani Aling Seling.

Mai-spoiled siya dito. Kailangang bumalik na siya sa tunay niyang mundo!

Nanatili sa kanya ang pasiya hanggang sa matapos ang almusal. Dumating ang nurse.

“Kailangan n’yo ng magpahinga, senyora.”

“Parang napagod nga ako. Mamayang hapunan na lang siguro tayo magkitang muli, Caitlyn, iha.”

“Pasensiya na po. Napagod po ba kayo ngayong umaga?” Nag-alala agad si Caitlyn.

“Ay, hindi, iha. Mainit ang panahon. May bagyo sigurong paparating.” Ikinampay ng matanda ang isang kamay. “Si Seling na lang muna ang bahala sa mga pangangailangan mo.”

“Ano po ang kalagayan ni Lola Dorothy?”

“Kulang ng kaunti sa pahinga, iha. Hindi siya gaanong nakakatulog nung mga nakaraan e. Nag-aalala kay Sir Drake pero ngayong mag-aasawa na, maaayos din ang lahat.”

Naumid ang dila ni Caitlyn. Paano kapag nasanay na nang husto sa kanya si Lola Dorothy?

Nagtungo siya sa kuwarto para mag-isip. Tatlong araw na siyang nandito. Magtataka na ang mga magulang niya.

At ang ticket!

Tiningnan niya ang oras ng flight. Mamayang hapon na!

Dali-dali siyang nag-impake. Magpapaalam siya kay Lola Dorothy.

“Gising po siya?” tanong niya sa nurse.

“Oo. Nagbabasa. Pwede kang pumasok pero sandali lang ha?”

Tumango si Caitlyn.

Parang wala sa sarili ng lumabas. Nagtataka kasi siya.

“Sige, iha, ako na ang bahalang magsabi kay Drake kapag… um… tumawag siya.”

“Magti-text po ako sa inyo. Salamat po, Lola Dorothy.”

Mahigpit ang yakap nila sa isa’t isa.

Nag-aabang na sa ibaba si Aling Seling. “Ipagmamaneho ka na ni Lando, iha.”

Tila hindi na rin nagtaka ang katiwala sa biglaang pag-alis niya.

Nag-text nga siya sa agwela ni Drake nang makarating sa NAIA. Papasakay naman siya ng papuntang California.

Nakatulog si Caitlyn sa biyahe. Parang napanatag na siya ngayong wala na sa plantasyon ng lalaki. Wala na ang pakiramdam na para siyang naengkanto.

Nakailang tawag na siya kay Ate Janine ngunit wala nang sumasagot.

Nag-text siya sa mga magulang na paparating na siya. Magta-taxi na lang siya.

‘Someone’s going to meet you, Cat,’ tugon ng kanyang ina.

Bahagya na lang nabigyang pansin ang text message dahil lumabas na sa carousel ang maleta ni Janine. Kailangan pa pala nilang magpalit ng bagahe…

“Hello, Cat.”

Nanigas ang leeg niya. ‘Cat’ ang narinig niya. Maraming ganoon ang palayaw.

Nagpatuloy siya sa pagkuha sa baggage. Nauna ang kamay ng isang lalaki.

Luminga siya. Nanlaki ang mga mata nang makita si Drake.

“A-ano’ng ginagawa mo dito?”

“Sinusundo ka.” Hinawakan nito ang siko niya para igiya palabas ng gusali.

“Pero…”

“Hinihintay na tayo ng mga parents mo.” Isang taxi ang pinara ng lalaki.

“D-drake, ano bang—”

Isang mainit na halik ang iginawad sa mga labi niya. Buong pagkasabik na tinugon ni Caitlyn. Humaba ang katahimikan. Lumalim ang halik.

Hindi siya makapaniwala sa pagpapaubaya. God, hindi ba siya marunong magpakipot?

Itinulak ni Caitlyn ang lalaki. Sumiksik siya sa sariling sulok.

Hinayaan lang siya ni Drake. Ipinatong ang isang braso sa sandalan. Malapit sa kanya ang isang kamay.

Bahagyang nanginginig ang mga daliri. Tila ninenerbiyos…

“Where to, sir?”

Sinambit ni Drake ang buong address nina Caitlyn.

“P-paano mo nalaman–?”

“Kanina lang ako dumating. Hinanap ko pa si Janine.”

“Si Ate? Kumusta siya? Hindi niya sinasagot ang mga tawag ko.”

“Nagpalit na siya ng phone.”

“Kaya hinanap mo si Ate…” Hindi namalayan ni Caitlyn na nagselos na siya.

“As we knew already, nagpakasal siya kay Frisco Cena. And I have to pull a few strings to find the couple.”

“I’m sorry, Drake.” Iyon lang ang nasabi niya.

“For what?”

“Sa panloloko namin ni Ate sa iyo, sa lola mo…”

Hindi kumibo si Drake kaya napilitang tumingin dito si Caitlyn.

Nakatingin din sa kanya ang lalaki.

“I thanked Janine for bringing you to me, my sweet impostor.”

“You love Janine.” Pabulong.

“I don’t love her…”

“What—”

Isang daliri ang dumikit sa bibig niya.

“When I saw you at the airport, I knew you’re not Janine. I was intrigued. You look so innocent… and so beautiful. When I hugged you, I felt an instant desire.”

Nakakatunaw ang mga kataga. Parang dinadarang siya sa init.

“Pinabayaan mo akong magpanggap na si Ate Janine dahil kay Lola Dorothy,” payahag niya.

“Not for Lola Dorothy—for me. Lola didn’t know you’re coming. I wasn’t expecting you, either.”

“Oh.”

“Gusto kong malaman kung sino ang misteryosang impostora.”

Binawi niya ang tingin. Pinanood ang nagbubuhol na mga daliri. “Nalaman mong may kakambal si Ate Janine at—at may mga magulang pa kami.”

“Nagpakilala na ako kina Itay Emilio at Inay Cora.”

“I’m sure, natuwa sila. Bihira magpakilala ng kaibigan si Ate Janine—”

“Bilang fiance mo.”

“H-ha?”

Nanlalaki ang mga mata ni Caitlyn nang muling bumaling sa lalaki.

“Namanhikan na ako sa kanila. Hinihintay ka na lang namin para sabay-sabay na lumipad pabalik ng Pilipinas.”

Naghintay pa siya ng ibang sasabihin ang lalaki.

“We shall be married before the month is over.”

Nanlumo, umiling lang siya.

“I took your innocence.”

“Virginity is nothing.” Tumanaw sa labas ng bintana si Caitlyn.

“You could be pregnant!”

Kung buntis siya, tatanggapin pa rin siya ng mga magulang.

“Caitlyn, look at me…” May masidhing emosyon na kalakip ang mga salita.

Luminga siya.

“I think… I think I fell in love with you.” Desperasyon ba ang nagpanginig sa boses ni Drake?

Napalunok siya. Hindi pa rin umimik.

“I think… kasi hindi ko pa nararanasan ang umibig. Basta ang alam ko, gusto kong kapiling ka palagi. Gusto kong naririnig ang boses mo. God, I was so jealous when those boys ogled at you.”

“What boys?” Kusang numulas sa bibig niya ang tanong. Ang tutoo’y umaawit na ang puso niya.

Umiibig na rin kasi siya kay Drake. Love at first sight pa nga. Kaya marahil hindi siya nakatanggi sa sobrang bilis nito.

“Oh, I feel foolish! Pero ayokong naglalaro ka ng basketball sa barrio!” Paungol na ang pagsasalita nito. Tila napipilitan lang.

“Hindi na. Pina-repair ni Lola Dorothy ang court sa ancestral house. Doon niya ako pinaglaro kanina.” Bahagya siyang nakangiti. Nagseselos nga si Drake!

Hindi niya namalayan kung sino ang unang gumalaw. Yakap na naman siya at bihag ng napakainit na halik ang mga labi. Tinitighaw ang pagkasabik.

“I love you,” anas ni Drake.

“I love you, too,” bulong ni Caitlyn.

* * *

SABAY-SABAY nga bumalik sa Maynila sina Emilio at Cora, at Drake at Caitlyn.

Malugod ang pagtanggap ng mag-asawa kay Drake para kay Caitlyn. Nabigla man sa ginawang pagpapakasal ni Janine, nagpahayag pa rin ng katuwaan ang mga ito.

Masayang tinanggap ni Lola Dorothy ang mag-asawa bilang panauhin sa Villa Mendrez.

Mapilit si Drake na sa Villa Mendrez pa rin manunuluyan si Caitlyn. Liligawan nang buong pagsuyo hanggang sa ikasal sa munting kapilya.

“Hindi mo na ako kailangang ligawan, Drake!” bulalas niya nang mapa-isa sila.

“Gusto kong suyuin ka, mahal ko.”

Gayon nga ang ginawa ni Drake. Tuwing umaga, pupunta ito para makipaglaro ng basketball. Tuwing tanghali, magdadala ito ng hinog na pinya o kaya’y hinog na mangga. Tuwing gabi, hinaharana gamit ang isang gitara.

Maganda pala ang boses ni Drake.

Nang hanapin niya ang sikat na produkto sa plantasyon, ngumiti nang palihim ang lalaki.

“Sa gabi ng pulot-gata natin, pupunuin ko ng durian ang homestead!”

Pero lingid sa kaalaman ni Drake, dinadalhan na siya ni Aling Seling ng durian, sa utos ni Lolo Dorothy. May alam ang dalawang babae na sila pa lang sa ngayon.

Kasama sana si Cora, pero inimbita ng mga magulang na Del Praño ang mag-asawa. Tatanggapin na, sa wakas, ang babaeng inibig nang buong timyas ni Emilio.

“Ambangu-bango po ng durian! Noon, naiibahan ako sa amoy. Baka iba ‘pag sariwa, ano, Lola Dorothy?”

“Ay, oo naman. Walang kasimbango kapag hinog sa puno ang durian!” sang-ayon naman ng matanda. Tila may ikinasisiya ito dahil nagkikislapan ang mga mata sa tuwa.

Sumapit ang araw ng kasal. Marangya ang trahe de boda. Maningning ang kariktan ng bride.

Dumating si Janine at ang asawang si Frisco Cena. Medyo malaki ang agwat ng edad ng dalawa pero hindi maikakailang kabiyak ang babae. Paano’y kapit tuko ang kamay ng lalaki sa beywang ng babae.

Dinala ni Janine ang trahe de boda ni Caitlyn. In-order ni Drake kaya nagpunta ng Paris.

“Hello, bride,” ang nakangiting bati ng kakambal.

“Ate! Mabuti’t dumating ka. Nandito rin sina Itay at Inay, pati na sina lolo at lola.”

Lumaki ang mga mata ni Janine. “Nandito sina Grandpa at Granma? At sina Dad at Mom?”

“Ayun sila.” Tinuro ni Caitlyn ang lamesang bilog kungsaan naipon ang pamilya.

Minasdan muna niya ang pagtanggap ng mga ito sa kakambal. Titiyakin niyang maayos ang lahat.

“Iha, narito na pala ang trahe mo. Halika na,” aya ni Aling Seling.

Walang arte sa katawan ang bride. Hindi na siniguro kung tama ang pagkahakab ng bodice o tama ang haba ng laylayan. Basta isinuot ang snow white na damit-pangkasal.

Ang buhok ay nilagyan ng mga bulaklak sa mga hibla. Ang mga labi ay mayroong malasutlang lipstick. Naglagay ng pulbo sa ilong at noo para hindi kumintab.

Ang mga mata ay tila kristal na kumikislap. Ang mga pisngi ay namumurok at ang pamumula ay nagmumula sa loob.

Ang kabuuan ay natural na kagandahan.

“Napakaganda mo, iha,” papuri ni Lola Dorothy. “Narito ang katerno ng singsing. Isuot mo, apo ko.” Isang kuwintas at isang pares ng hikaw na kagaya ng disenyo ng antigong singsing.

Puno ng admirasyon ang pagsulyap ng mga panauhin na nasa kapilya.

Ngunit ang mukha ni Drake ang tanging nakikita niya. Paghanga at iba’t ibang emosyon ang bumadha sa ekspresyon nito habang minamasdan siya.

“You’re so lovely,” bulong nito habang hinahagkan ang isang kamay.

Nanlalamig sa loob ng guwantes ang mga daliri. Hinaplos ng isang kamay niya ang mukha ng lalaki.

“Thank you, handsome,” bulong niya. Nalulunod na sa mga titig ni Drake.

Nagsimula at natapos ang seremonya ng kasal na halos hindi niya natatandaan.

Nagsasayaw na sila sa gitna ng mga panauhin nang marinig ang pabulong na sinabi ng kabiyak.

“Shall we go to the homestead?”

“Yes!”

Sumayaw sila hanggang makalapit kay Lola Dorothy. May ibinulong ang lalaki. May ibinulong din ang matanda.

Saglit na natulala ang lalaki. Maya-maya’y ngumiti. Abot-teynga.

“Anong pinagbulungan n’yo ni Lola Dorothy?” tanong niya nang sakay na ng kotse papunta sa homestead. Nagkalampagan ang mga lata at kalderong itinali sa likuran ng sasakyan.

“Ingatan daw kita dahil magiging tatay na ako. At palagi dapat na may durian sa hapag-kainan.”

“Oh.” Tinakpan ng mga daliri niya ang bibig na naghugis ‘O’ ang pagbuka.

“Maligayang-maligaya ako, Mrs. Caitlyn Mendrez. I hope I made you happy, too!”

“Yes, I am happy, Mr. Drake Mendrez!”

WAKAS

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.