His Beautiful Impostor-2

CHAPTER ONE:

“MAGPAPANGGAP akong ikaw?!” Napabulalas si Caitlyn.

“Hey, no need to shout!” ganting-bulalas ni Janine. Sumungit ang tono. “Kung ayaw mo akong tulungan, ‘wag mo na akong ibisto kina Papa.”

“I’m sorry, Ate Janine. Nabigla kasi ako.” Luminga-linga si Caitlyn sa paligid ng sala. “Don’t worry, nasa kusina sina Itay at Inay.” Magkatuwang na nagluluto ng hapunang barbeque steak ang mga magulang nila.

“Bakit nabigla ka?” Nagbaba na rin ng tono si Janine.

“Imposible kasing magkatutoo ang gusto mo. Magpapanggap akong ikaw?” Inulit na naman ni Caitlyn ang tanong.

“Ano’ng imposible d’on–e, kambal tayo? Magkamukhang-magkamukha tayo. Ang lahat ay nagkakamali sa atin.”

“Maliban kay Inay,” pagtatama ni Caitlyn. “Hindi nagkakamali si Inay sa pagkilala sa ating dalawa.”

“Siyempre, hindi magkakamali ‘yon. Siya ang ina natin, e,” sang-ayon ni Janine. “Pero wala naman si Mama sa lugar na pupuntahan mo–so, walang magbibisto sa pagpapanggap mong ako.”

Want to read the Start of Stories Online titled – His Beautiful Impostor…? Click Here!

“Bakit ba kailangan kong magpanggap na ikaw?” Nag-a-adlib si Caitlyn. Ayaw niya sa ideya ng kakambal ngunit hindi niya kayang magsabi ng diretsahang pagtanggi.

“Dahil kailangang nasa dalawang lugar ako sa magkaparehong panahon.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?” Kahit pigilan ang sarili, na-curious pa rin nang husto si Caitlyn.

“May modelling audition sa Paris na gusto kong salihan. Ang sabi ng agent ko, malaki daw ang pag-asa kong matanggap.”

“Wow! Magiging international model na pala ang kakambal ko.” Natuwa si Caitlyn para kay Janine pero agad ring nawala. “‘Wag mong sabihing magpapanggap ako bilang ikaw doon?”

“Hindi!” Pabulalas ang pagtutol ni Janine. “E, di siguradong bagsak na ako kung ikaw ang rarampa doon?” panunuya pa.

“Oo nga,” salo ni Caitlyn. Ni hindi na-offend sa patuyang tono ng kakambal. “Saan naman ‘yung isang lugar na hindi ka dapat mawala?”

“Oh, well, sa bahay ng lola ng boyfriend ko.” Papahina ang boses ni Janine.

“Ano? Pakiulit nga, Ate Janine.” Idinikit nang husto ni Caitlyn ang awditibo sa teynga.

“Ipapakilala ako ng boyfriend ko sa pamilya niya–meaning ang kanyang kaisa-isang grandma. Kapag hindi ako nakapagpakita doon, tiyak na goodbye na ako sa buhay ni Drake.”

“Drake?” ulit ni Caitlyn. “Hindi ba’t Frisco ang pangalan ng boyfriend mo?”

“Ano ka ba, Cat? Matagal na kaming nag-break ni Frisco!” Nayamot na naman si Janine.

“Sorry,” agap ni Caitlyn. Nung isang linggo lang ay pulos Frisco ang naririnig niya. “Siguro’y seryosong-seryoso na kayo ni, er, Drake sa isa’t isa, ano?” pang-aalo niya.

Nagpaalo naman agad si Janine. “Well, he keeps on hinting about marriage and children,” pag-amin nito. “I like the marriage part but not the children. Wala akong planong sirain ang figure ko, ‘no? Malayo pa ang mararating ng modelling career ko.”

“I see,” sambit ni Caitlyn kahit hindi naman naiintindihan ang lohika ng kapatid. Bakit magpapakasal pa kung hindi naman gustong magkaanak?

Isa sa mga pangarap ni Caitlyn ay magkaroon ng maraming anak. Malungkot ang lumaking mag-isa at walang kalaro.

“O, ano, payag ka na ba?”

“Payag saan?”

“Dadalawin mo ang lola ni Drake para sa akin. Napakadali lang naman ng ipinagagawa ko sa ‘yo. Ipapakita mo lang ang mukha ko, este, mukha nating dalawa doon. Ngingiti-ngitian mo si Grandma. Bobola-bolahin ng kaunti.”

“Hindi ko kayang gawin ‘yan, Ate Janine. Hindi ako marunong mambola.”

“Then, be yourself,” salo ni Janine. “You are a lovable person, Caitlyn. Tiyak na papasa ako sa lola ni Drake dahil ikaw ay uliran at masunuring babae.” Halatang nambobola na ito.

Bumuntonghininga si Caitlyn. “Sa palagay ko naman, kung talagang mahal ka ng boyfriend mo–puwede niyang baguhin ang petsa ng pagdalaw mo sa lola niya.”

“Kahit isang multi-milyunaryong business tycoon si Drake, hindi pa rin niya makakayang baguhin ang petsa ng birthday ng lola niya, Caitlyn,” pakli ni Janine. Halatang nagpipigil ng galit. “Ngayon lang ako humingi ng tulong sa ‘yo, hindi ba?”

“Panloloko ang gagawin natin, Ate Janine.”

“Pagtulong sa kapatid ang gagawin mo,” giit ni Janine. “Tulungan mo naman akong matupad ang pangarap ko, please. Gusto kong maging asawa ni Drake Mendrez.”

“Baka hindi ako payagang umalis nina Itay.” Unti-unting gumuho ang katatagan ni Caitlyn sa pakiusap ng kapatid. “Magtataka pati sila. Wala naman akong pupuntahan sa Pilipinas.”

“Sasabihin nating magkasama tayo,” agap ni Janine. “Na magbabakasyon tayo sa Paris. Magpapadala ako ng postcards sa kanila para disimulado.”

“Ilang araw ba?” Nakapikit na si Caitlyn. Umuusal na ng panalangin.

“Mga tatlo hanggang limang araw lang.”

“Kailan ‘yon?”

“Bukas.”

“Bukas?!” Napamulagat si Caitlyn. “Ang dali naman! P’ano kung invalid na pala ang passport ko?” protesta niya.

“Five years pa bago ma-expired ‘yan, twin sister. Four years pa lang ang lumilipas.”

“Paano ako makakarating sa lugar ni Mr. Mendrez?” Nasukol na siya.

“Drake darling ang tawag ko sa aking very handsome b.f.,” salo ni Janine. “Although hindi mo nga siya makikita d’on.”

“Wala siya sa mismong birthday ng kanyang lola?” paniniguro ni Caitlyn.

“Drake darling is a jetsetter businessman,” pagmamalaki ni Janine. “Nasa import-export ang business niya kaya understandable na ang malimit na absences niya. Yesterday, he flew to Japan. From there, he will tour Malaysia for one week.”

“Kawawa naman ang lola ng boyfriend mo.” Nakaramdam ng simpatiya si Caitlyn sa di pa nakikilalang matandang babae.

“Tatawagan ko sina Papa at Mama pagkatapos nating mag-usap ngayon. Ipagpapaalam na kita sa kanila habang nag-iimpake ka na,” utos ni Janine.

“Bukas ng umaga, bumili ka na ng plane ticket papunta sa Pilipinas. Kailangang bukas ng gabi ay nandito ka na. Maghihintay na ako sa airport.”

“O-okey.”

“Okey. Bye!”

Napailing na lamang si Caitlyn nang maputol ang linya. Ni hindi man lang nagtanong ang kakambal kung may pambili siya ng plane ticket!

Mabuti na lang, masinop at matipid siya sa perang sinasahod tuwing kinsenas at katapusan. Malaki-laki na ang savings niya dahil hindi naman siya palabili ng magagandang damit at personal na gamit.

“Caitlyn, anak, isinasama ka pala ng ate mo sa pagbabakasyon niya sa Paris,” ang masiglang pagbabalita ng ama habang nagsasalo silang tatlo sa hapunan.

“Payag po ba kayo ni Inay, Itay?”

“Aba, oo naman. Hindi ba, Cora?”

“Oo nga. Natutuwa kami ng Itay mo dahil nagkakasundo na kayong magkakambal.”

“Salamat po, Inay, Itay.” Hindi makatingin si Caitlyn dahil iyon ang unang pagkakataong niloko niya ang mga magulang.

Ngunit iwinaksi niya agad ang guilt dahil tiyak na hindi na sila magiging magkasundo ni Janine kapag hindi siya tumulong na mapangasawa nito ang lalaking napusuan.

Kinagabihan, nag-impake siya ng mga damit na dadalhin. Kinabukasan, bumili siya ng tiket. Round-ticket ang kinuha niya para madaling makabalik kaya halos nangalahati ang laman ng savings account.

“Good girl ka talaga, Caitlyn!” papuri ni Janine habang sinasalubong ng yapos ang kakambal. “Ang akala ko’y nagbago na ang isip mo, e.”

“Napa-oo mo na ako, Ate. Nagkaroon ng minor engine trouble kaya natagalan sa paglipad ang eroplano.”

“Atsaka, hindi mo ako matitiis,” salo ni Janine. “Gayundin naman ako sa ‘yo, sis. Tayong dalawa lang ang puwedeng magtulungan.”

“Lilipad ka na ba papuntang Paris ngayon?” Napuna ni Caitlyn ang eleganteng bestida at long fur coat ng kapatid.

“Sa isang araw pa naka-schedule ang flight ko d’on, sweetie pie.” Umabrisiyete si Janine sa isang braso ni Caitlyn at inakay papalabas sa arrival area.

“Ngayong gabi ay pahinga muna para sa ‘yo. Bukas ay bibigyan kita ng crash course kung paano maging si Janine Del Praño.”

Tumango lang si Caitlyn. Hatinggabi na sa oras ng San Jose, California kaya antuk na antok na siya. Halos hindi na niya nabigyang pansin ang mga dinaanan ng taksing sinakyan.

Pati ang paligid ng tirahan ng kakambal. Tuluy-tuloy siyang pumasok sa silid-tulugan na itinoka sa kanya. Matapos maghilamos, magsipilyo at magpalit ng damit-pantulog nahiga na siya agad.

Kinabukasan, naging abala na naman ang buong araw ni Caitlyn. Madetalye ang pagtuturo ni Janine sa mga paraan ng paglalagay ng make-up, sa pagpili ng kulay at tabas ng pananamit at ng mga katernong accessories, at sa iba’t ibang pag-aayos ng buhok.

“Tsk! Ba’t naman pinaputol mo ng ganyan kaiksi ang buhok mo? Kailangan mo pa tuloy magsuot ng wig.”

Nagprotesta si Caitlyn nang maranasan kung gaano kainit ang pakiramdam ng naka-wig. “Baka sa unang araw pa lang ay mabisto na ako, Ate.”

“O, siya, siya, ako na lang ang magsusuot ng wig kunwari kapag nagkita na kami ni Drake darling.”

“Ako ba talaga ‘yan, Ate?” Hindi makapaniwala si Caitlyn nang makita na ang bagong ayos ng sarili sa salamin.

“Ako ‘yan, Caitlyn,” giit ni Janine. “See? Wala tayong ipinagkaiba, hindi ba?” Tumabi ito sa repleksiyon niya sa life-sized mirror.

Magkapareho sila ng make-up at hairstyle. Halos gayundin sa manipis at hapit na evening dress. V-neckline at sleeveless.

“Mas mataas ka sa akin,” puna niya.

“One whole inch, pero kayang remedyuhan ng high-heeled shoes.”

“Mas slender ka.”

“Well, you have to observe my diet. No steak for you here.”

Napangiti si Caitlyn. “Once-a-month lang kami mag-steak, Ate. Sa palagay ko’y bilugan talaga ako, kumpara sa ‘yo.”

“Kung napunta siguro sa akin ang dibdib na ‘yan, baka hindi ako model ngayon. Siguradong isang sexy star na ako sa movies ngayon.” Tila may himig-pananaghili ang pahayag ni Janine habang nakatitig sa malalim na cleavage ng kapatid.

Tinakpan ng isang kamay ni Caitlyn ang nakalantad na balat ng dibdib. “Ayokong magsuot ng mga ganitong damit, Ate. Hindi ako kumportable.”

Bahagyang tumigas ang ekspresyon ni Janine. “Oo naman. Dadalhin ko ang mga ‘yan sa Paris, ano?” Biglang tumalikod. Para bang may ikinayamot.

“Nakahanda na ang mga damit na ipapahiram ko sa ‘yo. Paka-ingatan mong maigi ang mga ‘yon, ha? Pulos mamahalin ang mga gamit ko.”

“Oo, ate.” Ni hindi sumagi sa isip ni Caitlyn na isumbat ang mamahaling plane ticket na ipinabili sa kanya ng kakambal kahapon.

Pati na ang malaking nagastos sa isang biglaang shopping spree dahil natuklasang pulos luma na ang mga lingeries niya habang nag-iimpake.

“Dahil wala naman si Drake, hindi mo na kailangang mag-ayos at mag-make-up.”

“Oo, ate.” Nakatutok ang isip ni Caitlyn sa bahaging tapos na ang misyon. Tatlo hanggang limang araw lang siyang magtitiis, makakauwi na uli siya sa payapa at simpleng buhay.

Hindi na niya iniisip na manloloko siya ng mga tao. Ang tanging itinanim niya sa utak ay makakatulong siya sa pangarap ng kakambal.

Makakatulong siya–at mapapanatili ang kuneksiyon sa nagrebeldeng kapatid. Malimit maihinga ng kanilang ina ang pagdaramdam dahil nananatiling malayo ang loob ng panganay na anak.

“Nagtatampo pa rin marahil si Janine dahil iniwanan ko siya noon.” Ganito ang palaging nasasambit ng kanilang Inay.

“Kung gayo’y nagtatampo rin siya sa akin. Iniwanan ko rin siya kina Mama at Papa noon,” dagdag ng kanilang Itay.

‘At nagseselos marahil sa akin si Ate dahil ako ang isinama ni Inay–at ako pa rin ang kasama ng mga magulang namin ngayon.’ Ganito naman ang naging konklusyon ni Caitlyn.

Ang mga bagay na iyon ang nagtutulak sa kanya na tumalikod muna sa mga kinalakhang prinsipyo.

Siguro naman ay may kapatawaran ang panlolokong gagawin dahil ang kanyang motibo ay mapanatiling buo ang marupok na pising nagdurugtong sa kanilang magkakambal…?

HIS BEAUTIFUL IMPOSTOR-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.