His Beautiful Impostor

Caitlyn was on a mission. An impossible mission.

She would impersonate her twin sister, Janine. She must win over the grandmother of Drake.

It was easy with the grandmother but Drake was hard to hoodwink. He saw her as his beautiful impostor.

He decided to test her. But the testing got out of hand and onto the bed.

Caitlyn did not want to go on deceiving her twin but Drake wanted her like no other.

Where would their desire lead them?

PROLOGO:

NANG magpakasal sina Emilio at Cora, marami ang humatol na hindi magtatagal ang pagsasama ng dalawa.

Nanggaling sa isang buena familia si Emilio Del Praño at si Cora Cruz naman ay anak sa pagkadalaga ng isang tindera ng isda sa palengke.

Ang mga humatol–na walang iba kundi ang mga magulang at kamag-anak ni Emilio–ay siya ring gumawa ng mga paraan upang magkahiwalay ang mag-asawa. Matapos ang pakunwaring pagtanggap kay Cora, patago ring ginawang impiyerno ang buhay ng kawawang babae.

Kaya nagkatutoo ang prediksiyon. Makalipas ang mahigit isang taon, lumayas si Cora sa bahay ni Emilio. Tinaglay ang isa sa kambal na sanggol.

“Dear Emilio, patawarin mo ako sa aking pag-alis ngunit kailangan kong gawin ito upang matahimik na uli ang ating mga buhay. Dinala ko si Caitlyn upang magsilbing alaala ng pag-ibig natin sa isa’t isa. Huwag mo na kaming hanapin. Alagaan mo na lamang si Janine. Huwag kang mag-alala kay Caitlyn. Mapapalaki at mapapag-aral ko siya nang maayos dahil sa tulong ng malaking halagang tinanggap ko mula sa iyong mga magulang. Maraming salamat sa ipinadama mong pag-ibig… Palaging magmamahal, Cora.”

Tinangka pa rin ni Emilio na hanapin ang mag-ina ngunit napakahusay ng ginawang pagtatago ni Cora. Walang iniwang bakas. Parang bulang naglaho sa hangin.

“Kalimutan mo na ang babaeng iyon, Emilio. Mas gusto niyang bumalik sa mundong pinagmulan niya!” Ganito ang matigas na payo ng mga magulang na dominante. “Ibaling mo na sa iba ang iyong pag-ibig.”

Ngunit hindi na nag-asawang muli si Emilio Del Praño. Ibinuhos na lang ang buong panahon sa pagpapalago ng mga negosyo at ang pagpapalaki sa anak na si Janine ay ipinaubaya na lamang sa mga magulang.

Makalipas ang labinsiyam na taon, isang liham ang natanggap ng matagumpay na negosyante. Nagmula sa isang dalagang nagngangalang Caitlyn Cruz.

“Dear Itay, nais ko po sanang maging saksi rin kayo sa aking pagtatapos sa kolehiyo. Maaari po ba kayong magtungo dito sa Baryo Mabato sa katapusan ng buwan, sa ganap na alas nuwebe ng umaga? Pasensiya na kung apurahan ang imbitasyong ito. At maiintindihan ko po kung hindi kayo makakarating. Kumusta po pala sa aking kakambal na si Ate Janine? Nagmamahal, Caitlyn.”

Paulit-ulit na binasa ni Emilio ang maikling liham. Hindi na mabilang ngunit hindi pa rin makapaniwala. Nang medyo mahimasmasan, tumawag agad siya sa detective agency na patuloy na inuupahan sa paghahanap sa mag-inang Cora at Caitlyn.

“May lead na tayo. Nasa Baryo Mabato sina Cora. Magpapunta ka agad ng mga tao doon. Gusto kong malaman ang eksaktong lugar ng tinitirhan nila.” Ang tanging address na nakalagay sa labas ng sobre ay ang state college sa isang probinsiya na nasa Laguna lamang.

Agad na nagtungo doon si Emilio, matapos makatanggap ng report mula sa mga inupahang detektib.

Nang magkaharap muli ang dating mag-asawa, nandoon pa rin ang init ng pag-ibig.

“Cora, mahal na mahal pa rin kita. Sumama ka na sa akin. Magsama uli tayo.” Hindi na nagpaliguy-ligoy si Emilio.

“Nangako ako sa iyong mga magulang, Emilio. Hindi ako marunong sumira sa pangako.”

“Kung gayo’y bakit sinira mo ang pangako mo sa akin sa harap ng altar? Na mamahalin ako at makikisama sa akin sa hirap man at sa ginhawa?”

Tuluyan nang nanghina ang naghihirap na kalooban ni Cora.

“H-hindi tayo magkakaroon ng katahimikan, Emilio. Tutol pa rin ang iyong mga magulang.” Ganito na lamang ang naikatwiran ng mapagparayang kabiyak. “Hindi pa rin ako nababagay sa ‘yo,” dagdag pa.

“Lalayo tayo kanila, Cora. Hindi ka na makikisama sa kanila. Isasama natin ang ating mga anak. Magiging isang buong pamilya na tayo,” pang-aamuki ni Emilio.

“Inay, pumayag na kayo. Mahal na mahal n’yo pa rin naman ang Itay, a?” Sumabad na si Caitlyn, ang bunso sa kambal. Paano’y nahuli ng limang minuto sa paglabas mula sa sinapupunan ng ina.

“P-paano si Janine?”

“Of course, papayag ‘yon,” ang matatag na pahayag ni Emilio ngunit bahagyang nakatabing ang mga pilikmata. “Magsama na uli tayo, Cora. Napakalungkot ng buhay ko nung mawala ka. Ikaw lang ang aking kaligayahan.”

“S-sige na nga.” Tuluyan nang napahinuhod si Cora. “Oh, Emilio, sana’y hindi ka magsisi!”

Nagsama ngang muli ang mag-asawang nagkahiwalay ng labinsiyam na taon. Sa kabila ng pagtutol ng angkan ng mga Del Praño, nag-immigrant ang buong pamilya ni Emilio sa California.

Ngunit hindi ang kambal na magkapatid. Dahil magkahiwalay at magkaiba ang mga mundong kinalakhan, magkabaligtad ang personalidad nina Caitlyn at Janine.

Masunurin at responsable ang bunso. Spoiled at iresponsable si Janine. Kundi siguro mas malakas ang lukso ng dugo–at sa napakahabang pasensiya ni Caitlyn–baka hindi pa nagkasundo ang dalawa!

“Patawarin mo ako, Cora. Sina Mama at Papa ang hinayaan kong magpalaki kay Janine kaya nagkulang siya sa disiplina.”

“‘Wag mong sisihin ang iyong sarili, Emilio. Ako ang dapat sisihin. Dapat ay akong ina ang nagpalaki sa kanya.”

“Inay, Itay, ‘wag n’yo na pong alalahanin si Ate Louie. Matututo rin siya. Bata pa naman siya, e,” pang-aalo naman ni Caitlyn. Hindi man gaanong positibo sa sinabi pero ang hangad ay mapayapa ang kalooban ng mga magulang na nag-aalala.

Dahil tinalikuran ang angkan, inalisan si Emilio ng karapatan sa mga negosyong pinalago sa Pilipinas.

“May sariling pera ako, Cora. Magsisimula uli tayo.”

Nagtayo nga ng laundry business si Emilio. Lahat sila ay tumulong, maliban kay Janine.

“Puwede pa akong umuwi kina Lola at Lolo, Papa,” ang nagmamalaking pahayag ng dalagang sosyalera. “Hindi ako suwail kaya hindi ako dapat naghihirap na katulad n’yo!”

“Ano’ng tawag mo sa sarili mo ngayon?” ang galit na sumbat ni Emilio.

“Hayaan na lang natin si Janine, Emilio,” ang maagap na pigil ni Cora. “Tama ang anak natin. Hindi siya dapat dumaranas ng paghihirap.”

“Sige! Tutal may sariling pag-iisip ka na, sumige ka na sa gusto mong gawin sa buhay mo!”

“Talaga! Uuwi na ako!”

Nalungkot si Caitlyn sa pag-a-alsa-balutan ng kakambal ngunit wala siyang magagawa. Hindi naman tumagal ang kanyang lungkot dahil naging matagumpay ang munting family business. Naging abala siya sa paglilingkod bilang bookkeeper at all-around helper.

At panaka-naka ay tumatawag si Janine sa California kaya naiibsan na rin ang kanyang pangungulila sa kakambal.

“Successful model na ako ngayon, Cat.”

“Natutuwa ako para sa ‘yo, Ate Janine!”

“Ikaw ba? Kailan ka ba mag-a-ambisyong kumita ng sarili mong pera?”

“Ate, maayos ang pa-suweldo nina Itay at Inay sa akin. May bonus pa nga dahil libre ang board-and-lodging ko.”

“Ano? Nakikitira ka pa rin sa kanila, e, ang tanda-tanda mo na?”

“Magsingtanda lang tayo, a?” ang pabirong salo ni Caitlyn.

“Hay, saang planeta ka ba galing, Cat? What I mean to say is personal freedom. Ayaw mo bang maging malaya?”

“Malaya naman ako kina Itay at Inay. Libre akong lumabas ng bahay kahit na anong oras ko gustuhin.”

“Basta’t alam lang nila kung sino ang kasama mo at kung saan ka pupunta at kung anong oras ka uuwi!” sabad ni Janine. Ang isang inayawan nito sa poder ng mga magulang ay ang istriktong patakaran.

“Walang masama d’on. Natural lang na mag-alala sina Itay sa kapakanan natin.”

“Hmp! Huli na! Kung kailan tumanda na ako? No way!”

“‘Wag ka nang magalit sa kanila, Ate Janine.” Aaluin agad ni Caitlyn ang kapatid. “Ikuwento mo na lang sa akin ang trabaho mo.”

Anupa’t sa paglipas ng mga buwan at taon, unti-unti pang naging close sa isa’t isa ang kambal…

CHAPTER ONE:

“MAGPAPANGGAP akong ikaw?!” Napabulalas si Caitlyn.

“Hey, no need to shout!” ganting-bulalas ni Janine. Sumungit ang tono. “Kung ayaw mo akong tulungan, ‘wag mo na akong ibisto kina Papa.”

“I’m sorry, Ate Janine. Nabigla kasi ako.” Luminga-linga si Caitlyn sa paligid ng sala. “Don’t worry, nasa kusina sina Itay at Inay.” Magkatuwang na nagluluto ng hapunang barbeque steak ang mga magulang nila.

“Bakit nabigla ka?” Nagbaba na rin ng tono si Janine.

“Imposible kasing magkatutoo ang gusto mo. Magpapanggap akong ikaw?” Inulit na naman ni Caitlyn ang tanong.

“Ano’ng imposible d’on–e, kambal tayo? Magkamukhang-magkamukha tayo. Ang lahat ay nagkakamali sa atin.”

“Maliban kay Inay,” pagtatama ni Caitlyn. “Hindi nagkakamali si Inay sa pagkilala sa ating dalawa.”

“Siyempre, hindi magkakamali ‘yon. Siya ang ina natin, e,” sang-ayon ni Janine. “Pero wala naman si Mama sa lugar na pupuntahan mo–so, walang magbibisto sa pagpapanggap mong ako.”

“Bakit ba kailangan kong magpanggap na ikaw?” Nag-a-adlib si Caitlyn. Ayaw niya sa ideya ng kakambal ngunit hindi niya kayang magsabi ng diretsahang pagtanggi.

“Dahil kailangang nasa dalawang lugar ako sa magkaparehong panahon.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?” Kahit pigilan ang sarili, na-curious pa rin nang husto si Caitlyn.

“May modelling audition sa Paris na gusto kong salihan. Ang sabi ng agent ko, malaki daw ang pag-asa kong matanggap.”

“Wow! Magiging international model na pala ang kakambal ko.” Natuwa si Caitlyn para kay Janine pero agad ring nawala. “‘Wag mong sabihing magpapanggap ako bilang ikaw doon?”

“Hindi!” Pabulalas ang pagtutol ni Janine. “E, di siguradong bagsak na ako kung ikaw ang rarampa doon?” panunuya pa.

“Oo nga,” salo ni Caitlyn. Ni hindi na-offend sa patuyang tono ng kakambal. “Saan naman ‘yung isang lugar na hindi ka dapat mawala?”

“Oh, well, sa bahay ng lola ng boyfriend ko.” Papahina ang boses ni Janine.

“Ano? Pakiulit nga, Ate Janine.” Idinikit nang husto ni Caitlyn ang awditibo sa teynga.

“Ipapakilala ako ng boyfriend ko sa pamilya niya–meaning ang kanyang kaisa-isang grandma. Kapag hindi ako nakapagpakita doon, tiyak na goodbye na ako sa buhay ni Drake.”

“Drake?” ulit ni Caitlyn. “Hindi ba’t Frisco ang pangalan ng boyfriend mo?”

“Ano ka ba, Cat? Matagal na kaming nag-break ni Frisco!” Nayamot na naman si Janine.

“Sorry,” agap ni Caitlyn. Nung isang linggo lang ay pulos Frisco ang naririnig niya. “Siguro’y seryosong-seryoso na kayo ni, er, Drake sa isa’t isa, ano?” pang-aalo niya.

Nagpaalo naman agad si Janine. “Well, he keeps on hinting about marriage and children,” pag-amin nito. “I like the marriage part but not the children. Wala akong planong sirain ang figure ko, ‘no? Malayo pa ang mararating ng modelling career ko.”

“I see,” sambit ni Caitlyn kahit hindi naman naiintindihan ang lohika ng kapatid. Bakit magpapakasal pa kung hindi naman gustong magkaanak?

Isa sa mga pangarap ni Caitlyn ay magkaroon ng maraming anak. Malungkot ang lumaking mag-isa at walang kalaro.

“O, ano, payag ka na ba?”

“Payag saan?”

“Dadalawin mo ang lola ni Drake para sa akin. Napakadali lang naman ng ipinagagawa ko sa ‘yo. Ipapakita mo lang ang mukha ko, este, mukha nating dalawa doon. Ngingiti-ngitian mo si Grandma. Bobola-bolahin ng kaunti.”

“Hindi ko kayang gawin ‘yan, Ate Janine. Hindi ako marunong mambola.”

“Then, be yourself,” salo ni Janine. “You are a lovable person, Caitlyn. Tiyak na papasa ako sa lola ni Drake dahil ikaw ay uliran at masunuring babae.” Halatang nambobola na ito.

Bumuntonghininga si Caitlyn. “Sa palagay ko naman, kung talagang mahal ka ng boyfriend mo–puwede niyang baguhin ang petsa ng pagdalaw mo sa lola niya.”

“Kahit isang multi-milyunaryong business tycoon si Drake, hindi pa rin niya makakayang baguhin ang petsa ng birthday ng lola niya, Caitlyn,” pakli ni Janine. Halatang nagpipigil ng galit. “Ngayon lang ako humingi ng tulong sa ‘yo, hindi ba?”

“Panloloko ang gagawin natin, Ate Janine.”

“Pagtulong sa kapatid ang gagawin mo,” giit ni Janine. “Tulungan mo naman akong matupad ang pangarap ko, please. Gusto kong maging asawa ni Drake Mendrez.”

“Baka hindi ako payagang umalis nina Itay.” Unti-unting gumuho ang katatagan ni Caitlyn sa pakiusap ng kapatid. “Magtataka pati sila. Wala naman akong pupuntahan sa Pilipinas.”

“Sasabihin nating magkasama tayo,” agap ni Janine. “Na magbabakasyon tayo sa Paris. Magpapadala ako ng postcards sa kanila para disimulado.”

“Ilang araw ba?” Nakapikit na si Caitlyn. Umuusal na ng panalangin.

“Mga tatlo hanggang limang araw lang.”

“Kailan ‘yon?”

“Bukas.”

“Bukas?!” Napamulagat si Caitlyn. “Ang dali naman! P’ano kung invalid na pala ang passport ko?” protesta niya.

“Five years pa bago ma-expired ‘yan, twin sister. Four years pa lang ang lumilipas.”

“Paano ako makakarating sa lugar ni Mr. Mendrez?” Nasukol na siya.

“Drake darling ang tawag ko sa aking very handsome b.f.,” salo ni Janine. “Although hindi mo nga siya makikita d’on.”

“Wala siya sa mismong birthday ng kanyang lola?” paniniguro ni Caitlyn.

“Drake darling is a jetsetter businessman,” pagmamalaki ni Janine. “Nasa import-export ang business niya kaya understandable na ang malimit na absences niya. Yesterday, he flew to Japan. From there, he will tour Malaysia for one week.”

“Kawawa naman ang lola ng boyfriend mo.” Nakaramdam ng simpatiya si Caitlyn sa di pa nakikilalang matandang babae.

“Tatawagan ko sina Papa at Mama pagkatapos nating mag-usap ngayon. Ipagpapaalam na kita sa kanila habang nag-iimpake ka na,” utos ni Janine.

“Bukas ng umaga, bumili ka na ng plane ticket papunta sa Pilipinas. Kailangang bukas ng gabi ay nandito ka na. Maghihintay na ako sa airport.”

“O-okey.”

“Okey. Bye!”

Napailing na lamang si Caitlyn nang maputol ang linya. Ni hindi man lang nagtanong ang kakambal kung may pambili siya ng plane ticket!

Mabuti na lang, masinop at matipid siya sa perang sinasahod tuwing kinsenas at katapusan. Malaki-laki na ang savings niya dahil hindi naman siya palabili ng magagandang damit at personal na gamit.

“Caitlyn, anak, isinasama ka pala ng ate mo sa pagbabakasyon niya sa Paris,” ang masiglang pagbabalita ng ama habang nagsasalo silang tatlo sa hapunan.

“Payag po ba kayo ni Inay, Itay?”

“Aba, oo naman. Hindi ba, Cora?”

“Oo nga. Natutuwa kami ng Itay mo dahil nagkakasundo na kayong magkakambal.”

“Salamat po, Inay, Itay.” Hindi makatingin si Caitlyn dahil iyon ang unang pagkakataong niloko niya ang mga magulang.

Ngunit iwinaksi niya agad ang guilt dahil tiyak na hindi na sila magiging magkasundo ni Janine kapag hindi siya tumulong na mapangasawa nito ang lalaking napusuan.

Kinagabihan, nag-impake siya ng mga damit na dadalhin. Kinabukasan, bumili siya ng tiket. Round-ticket ang kinuha niya para madaling makabalik kaya halos nangalahati ang laman ng savings account.

“Good girl ka talaga, Caitlyn!” papuri ni Janine habang sinasalubong ng yapos ang kakambal. “Ang akala ko’y nagbago na ang isip mo, e.”

“Napa-oo mo na ako, Ate. Nagkaroon ng minor engine trouble kaya natagalan sa paglipad ang eroplano.”

“Atsaka, hindi mo ako matitiis,” salo ni Janine. “Gayundin naman ako sa ‘yo, sis. Tayong dalawa lang ang puwedeng magtulungan.”

“Lilipad ka na ba papuntang Paris ngayon?” Napuna ni Caitlyn ang eleganteng bestida at long fur coat ng kapatid.

“Sa isang araw pa naka-schedule ang flight ko d’on, sweetie pie.” Umabrisiyete si Janine sa isang braso ni Caitlyn at inakay papalabas sa arrival area.

“Ngayong gabi ay pahinga muna para sa ‘yo. Bukas ay bibigyan kita ng crash course kung paano maging si Janine Del Praño.”

Tumango lang si Caitlyn. Hatinggabi na sa oras ng San Jose, California kaya antuk na antok na siya. Halos hindi na niya nabigyang pansin ang mga dinaanan ng taksing sinakyan.

Pati ang paligid ng tirahan ng kakambal. Tuluy-tuloy siyang pumasok sa silid-tulugan na itinoka sa kanya. Matapos maghilamos, magsipilyo at magpalit ng damit-pantulog nahiga na siya agad.

Kinabukasan, naging abala na naman ang buong araw ni Caitlyn. Madetalye ang pagtuturo ni Janine sa mga paraan ng paglalagay ng make-up, sa pagpili ng kulay at tabas ng pananamit at ng mga katernong accessories, at sa iba’t ibang pag-aayos ng buhok.

“Tsk! Ba’t naman pinaputol mo ng ganyan kaiksi ang buhok mo? Kailangan mo pa tuloy magsuot ng wig.”

Nagprotesta si Caitlyn nang maranasan kung gaano kainit ang pakiramdam ng naka-wig. “Baka sa unang araw pa lang ay mabisto na ako, Ate.”

“O, siya, siya, ako na lang ang magsusuot ng wig kunwari kapag nagkita na kami ni Drake darling.”

“Ako ba talaga ‘yan, Ate?” Hindi makapaniwala si Caitlyn nang makita na ang bagong ayos ng sarili sa salamin.

“Ako ‘yan, Caitlyn,” giit ni Janine. “See? Wala tayong ipinagkaiba, hindi ba?” Tumabi ito sa repleksiyon niya sa life-sized mirror.

Magkapareho sila ng make-up at hairstyle. Halos gayundin sa manipis at hapit na evening dress. V-neckline at sleeveless.

“Mas mataas ka sa akin,” puna niya.

“One whole inch, pero kayang remedyuhan ng high-heeled shoes.”

“Mas slender ka.”

“Well, you have to observe my diet. No steak for you here.”

Napangiti si Caitlyn. “Once-a-month lang kami mag-steak, Ate. Sa palagay ko’y bilugan talaga ako, kumpara sa ‘yo.”

“Kung napunta siguro sa akin ang dibdib na ‘yan, baka hindi ako model ngayon. Siguradong isang sexy star na ako sa movies ngayon.” Tila may himig-pananaghili ang pahayag ni Janine habang nakatitig sa malalim na cleavage ng kapatid.

Tinakpan ng isang kamay ni Caitlyn ang nakalantad na balat ng dibdib. “Ayokong magsuot ng mga ganitong damit, Ate. Hindi ako kumportable.”

Bahagyang tumigas ang ekspresyon ni Janine. “Oo naman. Dadalhin ko ang mga ‘yan sa Paris, ano?” Biglang tumalikod. Para bang may ikinayamot.

“Nakahanda na ang mga damit na ipapahiram ko sa ‘yo. Paka-ingatan mong maigi ang mga ‘yon, ha? Pulos mamahalin ang mga gamit ko.”

“Oo, ate.” Ni hindi sumagi sa isip ni Caitlyn na isumbat ang mamahaling plane ticket na ipinabili sa kanya ng kakambal kahapon.

Pati na ang malaking nagastos sa isang biglaang shopping spree dahil natuklasang pulos luma na ang mga lingeries niya habang nag-iimpake.

“Dahil wala naman si Drake, hindi mo na kailangang mag-ayos at mag-make-up.”

“Oo, ate.” Nakatutok ang isip ni Caitlyn sa bahaging tapos na ang misyon. Tatlo hanggang limang araw lang siyang magtitiis, makakauwi na uli siya sa payapa at simpleng buhay.

Hindi na niya iniisip na manloloko siya ng mga tao. Ang tanging itinanim niya sa utak ay makakatulong siya sa pangarap ng kakambal.

Makakatulong siya–at mapapanatili ang kuneksiyon sa nagrebeldeng kapatid. Malimit maihinga ng kanilang ina ang pagdaramdam dahil nananatiling malayo ang loob ng panganay na anak.

“Nagtatampo pa rin marahil si Janine dahil iniwanan ko siya noon.” Ganito ang palaging nasasambit ng kanilang Inay.

“Kung gayo’y nagtatampo rin siya sa akin. Iniwanan ko rin siya kina Mama at Papa noon,” dagdag ng kanilang Itay.

‘At nagseselos marahil sa akin si Ate dahil ako ang isinama ni Inay–at ako pa rin ang kasama ng mga magulang namin ngayon.’ Ganito naman ang naging konklusyon ni Caitlyn.

Ang mga bagay na iyon ang nagtutulak sa kanya na tumalikod muna sa mga kinalakhang prinsipyo.

Siguro naman ay may kapatawaran ang panlolokong gagawin dahil ang kanyang motibo ay mapanatiling buo ang marupok na pising nagdurugtong sa kanilang magkakambal…?

CHAPTER TWO:

KINABUKASAN, nakasakay na naman sa eroplano si Caitlyn. Patungong Zamboanga naman.

“May malawak na pineapple at durian plantation ang Familia Mendrez ng Zamboanga. Nandoon ang ancestral house na tinitirhan ng lola ni Drake,” ang mabilisang pagkukuwento ni Janine habang nakasakay sila sa taxing patungong domestic airport.

“Sabi ni Drake, may sarili din daw kapilya ang plantasyon. Malamang na doon kami ikasal dahil napaka-tradisyunal ng kanyang lola.”

“Er, ano ba ang pangalan ng lola?” Parang na-attached na si Caitlyn sa agwela ng kasintahan ng kapatid dahil siya ay sabik na makilala ang sariling lolo at lola. Hindi pa rin siya itinuturing na apo dahil sa loyalty niya sa kanyang Inay.

“Ewan ko. Bahala ka nang tumuklas,” pagwawalambahala ni Janine. “Siyanga pala, heto ang numero at kumpletong address ng plantasyon. Tumawag na ako kanina bago tayo umalis sa condo unit. Ulitin mo na lang ang pagtawag kapag wala pa ang sundo mo sa airport. Okey?”

“Okey, ate.” Ibinulsa ni Caitlyn ang kapirasong papel na iniabot.

“Buweno, aalis na ako. May flight din ako mamayang hapon. Dadaan pa ako sa favorite salon ko kaya iiwan na kita ngayon. Bye! Pagbutihin mo, ha?” Binesu-beso ni Janine ang kakambal bilang paalam.

Naiwan si Caitlyn na napapamaang na naman. Paano’y ni hindi man lang siya sinamahan ng kapatid sa pagbili ng tiket sa eroplano!

Wala namang aberya ang maikling biyahe sa himpapawid na patungo sa ikatlong pulo ng bansang sinilangan. Eksaktong oras ng pananghalian nang lumapag ang eroplano sa tarmac ng airport.

Nagpatuloy ang pagkalibang ni Caitlyn sa mga nakikita sa paligid. Ngayon lang uli siya napalibutan ng mga kapwa-Pilipino. Masarap talaga sa pakiramdam ang nasa sariling bayan.

Unang-una’y hindi nakakangalay sa leeg dahil hindi kailangang tumingala nang tumingala. Halos singtaas lang niya ang mga taong nasa palibot.

‘Siguradong hindi ako agrabyado sa basketbol dito,’ bulong ni Caitlyn sa sarili.

Basketball ang paborito niyang sports sa San Jose kapag may libreng oras tuwing Linggo. Jogging at weightlifting naman sa gym sa gabi tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

“Ma’am, nandoon po ang baggage counter,” ang magalang na pahayag ng airport security na napagtanungan. “Doon po lalabas ang inyong bagahe.”

“Salamat po, sir.” Ginantihan ng magalang na tono at matamis na ngiti ni Caitlyn ang courtesy ng kausap. Walang kamalay-malay na lalong tumingkad ang angking kariktan.

Namula nang husto ang lalaki. Tila napahiya pero halatang natuwa rin. Napakamot ito sa ulo nang pabulong na kinantiyawan ng kasamahan sa trabaho.

Bahagyang nagtataka si Caitlyn nang tumalikod at lumakad patungo sa baggage section.

Nang mamataan ang maletang ipinahiram ni Janine, biglang nakaramdam ng panic ang dalaga. Parang gusto niyang hablutin iyon at tumalilis pabalik sa Maynila. Naho-homesick na siya.

Nais na niyang umuwi sa San Jose. Ngunit kapag nagpatalo siya sa kahinaan, baka tuluyan nang lumayo sa kanila ang kapatid…

“Janine honey.”

Nagtayuan ang maninipis na balahibo ni Caitlyn sa batok nang marinig ang baritonong tinig. Nakakakiliti ang bahagyang pagkapaos.

Si Drake darling? Nasa Japan si Drake, hindi ba?

Abut-abot ang pagkaba ng dibdib ni Caitlyn nang dahan-dahang luminga sa direksiyong pinagmulan ng boses na may puwersang nanghihigop.

“D-Drake darling?!” Muntik na siyang pumiyak. “I–I’m surprised to see you.” Ipinaliwanag niya ang pagkabigla dahil hindi magawang umarte nang natural.

“You should be, honey. This is a surprise.”

Muntik nang mapatulala si Caitlyn nang sumilay ang mainit na ngiti ni Drake. Lalong tumindi ang sex appeal nito nang kumislap ang mga matang may bahid pa ng kapilyuhan at lumitaw ang mapuputing ngipin.

“S-so, hindi tutoong may tour ka sa Malaysia?” ang pautal na tanong niya.

“The trip was cancelled. Kahit ang biyahe ko sa Japan ay nakansela rin. Nagdumali akong bumalik dito nang tawagan ako ng nurse ni Lola Dorothy.”

“Oh! Kumusta na si Lola Dorothy?” Natural ang simpatiyang bumahid sa tinig ni Caitlyn.

Ngunit tila naibahan si Drake Mendrez dahil napatitig pa muna ito sa kanya bago tumugon.

“Medyo okey na. Bawal ma-excite nang husto–kaya cancelled na rin ang malaking birthday party na pinlano namin para sa kanya.” Dinampot ng lalaki ang luggage case na kulay peach nang makarating sa kanilang harapan. “Ito lang ba ang dala mo?”

Tumango si Caitlyn.

“I’m impressed. You’re a quick learner, Janine honey.”

Kahit hindi gaanong naintindihan kung tungkol saan ang papuri, nag-blush pa rin ang dalaga.

Muli tuloy napatitig si Drake sa kanya. “I’ve never seen you blushing before,” wika nito bago kumibit ang isang malapad na balikat. “Must be the weather. Maalinsangan ang panahon namin ngayon dito sa Zamboanga. Tayo na. Nasa parking lot ang kotse.” Nagpauna na ito sa paglalakad, bitbit ang malaking maleta.

Saka lang nakahinga nang maluwag si Caitlyn. Ngunit nangangatog pa rin ang mga tuhod niya nang magsimulang humakbang. Lalupang nanuyo ang lalamunan nang mapagmasdan ang matipunong katawan ni Drake Mendrez.

Nasa early thirties ang edad, maikli at medyo kulot ang buhok na itim na itim, malapad ang mga balikat, makitid ang beywang, pipis ang tiyan, maskulado ang mga bisig, mahahaba ang mga hita at binti.

Aristokratiko ang hubog ng mukha. Halatang may lahing mestizo dahil mamula-mula pa rin ang makinis na balat kahit sunog sa araw. Wala sa hitsura ng binata ang pagiging isang multi-millionaire dahil sa rugged attire.

Basa ng pawis ang likod at harapan ng asul na polong nakatiklop ang mahahabang manggas. Maputik ang gawing ibaba at puwitan ng kupasing maong na nakahakab sa matipunong balakang at mga biyas.

Isang maalikabok na owner-type jeep ang sasakyang nilapitan ng matangkad na lalaki. Nakakulapol ang makapal na putik sa mga gulong. Mayroon ding mga natuyong talsik sa mga upuan.

Bahagyang napangiwi si Caitlyn nang iitsa ni Drake ang maleta ni Janine sa likod ng dyip.

Pinukol siya ng sulyap ng binata. Tila nakikiramdam. Agad namang binura ng dalaga ang dismayadong ekspresyon. Walang nabanggit si Janine tungkol sa casual attitude ng nobyo kaya hindi niya alam kung ano ang dapat na maging reaksiyon.

“How’s your flight?”

“Tiring.” Awtomatiko ang tugon ni Caitlyn. Ang nasa isipan ay ang mahabang biyahe mula sa San Jose. Huli na nang maalalang siya nga pala si Janine at sa Maynila lang siya dapat nanggaling.

Muling sumulyap sa kanya si Drake. Nakaupo na ito sa driver’s seat. Naisuksok na ng isang kamay ang ignition key.

“I was only half-expecting your arrival,” pagtatapat nito. “Alam kong mahalaga ang Paris trip.”

Itinago ni Caitlyn ang pagkagulat. Alam pala ni Drake ang tungkol sa planong pagpunta ni Janine sa Paris?

“Thank you for coming here instead, Janine honey.”

May gumapang na kilabot sa likod ni Caitlyn. Masuyo at paanas ang pagsasalita ni Drake Mendrez. Parang hinaplos ng mga daliri nito ang kanyang sensitibong balat.

“I–I’m glad I made you happy, Drake… darling.” Muntik nang hindi matapos ni Caitlyn ang improvised dialogue na wala sa script na ibinigay ni Janine.

Ngunit itinuro ng kakambal ang pet name nito sa nobyo. Hindi kaya nagsinungaling lang ito nang sabihing wala sa plantasyon si Drake Mendrez?

Dahil kung sinabi ni Janine na daratnan niya ang leading man, tiyak na hindi papayag si Caitlyn na maging proxy sa leading lady, hindi ba?

A, wala nang buting idudulot ang mga ispekulasyon kaya dapat niyang ipunin–at panatilihing buo–ang kanyang wisyo!

Ngumiti ang lalaki bago pinaandar ang sasakyan. “Pasensiya ka na sa amoy-pawis ko. Maaga akong umalis kaninang umaga kaya nalaman ko ang tungkol sa long-distance call mo nung umuwi ako sa homestead para mag-lunch. Sa pagdudumaling masundo ka, hindi na ako nakapagbihis.”

Homestead? Hindi ancestral house?

“O-okey lang.” Sinarili ni Caitlyn ang mga katanungang nagsulputan sa isipan.

Gayundin ang mga personal impressions patungkol sa maskulinong kabuuan ng lalaki. Tila lalupang nakadagdag ang dishevelled appearance sa pagka-macho nito, sa raw sex appeal na parang gayumang bumibihag sa katinuan niya.

Ipinilig ng dalaga ang ulo bago ibinaling ang pansin sa labas ng bintana.

“Na kabaligtaran mo,” patuloy ni Drake.

Dahil nagsalita ang lalaki, at siya ay nagpapanggap na kasintahan nito, napilitang luminga si Caitlyn.

“You look cool and interesting, Janine.”

“Thank you.” Pakunwari lang ang kalmang ipinamamalas niya. Gayundin ang ngiting nakaguhit sa mga labi. “Malayo ba dito ang homestead?”

“Hindi tayo sa homestead pupunta.”

Napamaang si Caitlyn. “Saan?”

“Sa Villa Mendrez nakatira si Lola Dorothy,” paliwanag ni Drake.

“Oh.” Lihim na napahiya si Caitlyn. Meron naman pala talagang ancestral house.

“Pero hindi ako doon nakatira,” dugtong ng lalaki, sa tonong patudyo.

“Oh? Saan ka nakatira?”

“Sa homestead.”

Labag sa kalooban ni Caitlyn ang pagka-intrigang nadarama kaya pilit na nilunok bago maisatinig.

“Natuwa ka ba? O na-disappoint?”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Hindi tayo makakapagsiping habang nandito sa plantasyon. Masyadong conservative si Lola Dorothy.”

Naumid ang dila ni Caitlyn. At parang nag-apoy ang mga pisngi niya.

“You’re blushing again!” bulalas ni Drake. Tila nasorpresa nang husto.

Walang maisip ikatwiran si Caitlyn. Sa katarantahan, sinapo ng mga palad ang magkabilang pisngi.

Tumawa nang mahina ang lalaki. Tila galak na galak sa dinaranas niyang pagkapahiya. Iyon ang pumukaw sa pride ng dalaga.

“Please, stop saying shocking things to me,” ang pormal na utos niya, pero mabuway ang tono.

Kumurba pataas ang isang makapal na kilay at pinukol siya ng isang mapanudyong sulyap.

“Playing the innocent is a good approach. Tiyak na pasado ka na kay Lola Dorothy, Janine honey!”

“I hope so!” ang pigil na wika ni Caitlyn. “Hindi ba’t ‘yan ang dahilan ng pagpunta ko dito–ang makapasa sa mga pagsubok ng lola mo?”

“May ilang pagsubok rin ako para sa ‘yo, Janine–bago ka maging karapat-dapat na Mrs. Drake Mendrez.” Medyo sumeryoso na ang lalaki. “Kaya behave yourself habang nandito ka sa plantation.”

“I know that, too,” sambit niya.

Unti-unting umayos ang paghinga ng dalaga, nang makarating sa teritoryong itinuro ni Janine. Alam niyang susubukan ang karakter at kakayahan ng kakambal kung ito ay babagay na maging kabiyak ng isang plantation owner.

Kapag nakapasa si Janine, magiging bayaw niya si Drake Mendrez…

Click here to READ MORE

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.