Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

HIS BELOVED FORTUNEHUNTRESS

Eve wanted to marry for money to become rich. She fell in love with Lorenzo, a rich man. But would he marry a poor woman like her?

Dreams are free… so dream all you can! Dream to become rich someday, to have all the money that can buy everything. Until she discovered love…

Ambisyon ni Eve ang yumaman pero walang ibang paraan kundi ang mag-asawa ng mayaman.

Ngunit nang matagpuan naman niya ang lalaking hahango sa kanya mula sa kahirapan, napaibig rin siya. Dapat sigurong kalimutan na lang niya ang matayog na pangarap…

* * *

“Wala kang gagawin kundi ang maging taumbahay, Minerva. May suweldo’t food allowance ka na, mali-libre ka pa sa tirahan. Pumayag ka na. Anim na buwan lang naman, e.”

“An’layu-layo naman po kasi sa kabihasnan, Mrs. Mauricio. An’layo rin sa mga kapitbahay.” Nagpapakipot lang si Minerva. Ang tutoo’y yari na ang desisyon niya, nung una pa mang mabanggit sa kanya ang ideya.

Boss niya sa opisina si Mrs. Lolit Mauricio. Pitong taon na siyang naglilingkod dito bilang sekretarya, kaya kabisado na nito ang pagkatao niya. Disente at mapapagkatiwalaan ang pagkakakilala nito sa kanya.

“Hindi mo prublema ang sasakyan. Marunong kang mag-drive, hindi ba? Sabay pa nga tayong nag-aral at nagka-lisensiya. Ipapagamit ko sa ‘yo ang kotse.”

Nanlaki ang mga mata ni Minerva. “Talaga, ma’am?”

“Oo. Lahat ng mga gamit sa bahay ay puwede mong gamitin. Iingatan mo lang, siyempre.”

Sunud-sunod ang pagtango niya. Magkadaop pa ang mga kamay. “Salamat, ma’am!” bulalas niya, sa tonong pumapayag na. “E, p’ano kapag pumapasok ako sa opisina, ma’am? Walang tao dito kapag araw. Atsaka, nakakatakot dito sa gabi. Mag-isa lang ako.” Sinadyang ibitin ang tono.

“Isasama ko si Inday, e. Kailangang me mag-alaga sa dalawang bata. Me kakilala ka bang papayag na sumama dito?”

“Meron ho. ‘Yung ka-boardmate ko. Kilala n’yo si Nanette. ‘Yung palaging sumusundo sa akin sa opisina.”

“A, oo. Kasama mo rin ‘yon sa boarding house, di ba? Mukha ngang mabait ‘yon.” Tumangu-tango ang amo. “Buweno, payag ka na, ha? Walang bawian.”

“Kelan hu ba ang alis n’yo?”

“Sa isang linggo pa. Pero gusto ko, makalipat na kayo agad sa bahay.”

“Okey po ‘yan. Kelan n’yo gustong lumipat kami d’on?”

“Sa makalawa, puwede?”

“Areglado po, ma’am!”

“Salamat, Minerva.” Nagkamay silang mag-amo matapos sabay na tumindig. Sa loob ng pribadong opisina nito sila nag-usap.

Matuling lumipas ang dalawang araw. Umaga pa lang, nakasakay na sila ng taksi. Siksikan silang magkaibigan sa passenger’s seat sa harapan dahil umaapaw sa dami ng mga bagahe ang likuran at compartment. Nagpaalam na sila sa boarding house.

“An’suwerte naman natin, Eve. Libre sa tubig, kuryente, at bahay — me lafang pa?! Haay, an’sarap ng buhay!”

“Oo, kaya lang anim na buwan lang.”

“Sus! Malaki-laki na ang maiipon natin sa loob ng anim na buwang libre, ano? Walang mababawas sa mga suweldo nating kakarampot.” Halos magtatarang na sa tuwa ang kaibigan. “Aaay, makakabili na ‘ko sa wakas ng celfone, tv, vcd, contact lenses at mga damit!”

“Mas masaya sana kung panghabambuhay na,” salo niya. “Hindi na sana magiging prublema ang pera kahit kelan,” dagdag pa ni Minerva, sa tonong nangangarap.

“Makuntento ka na sana sa mga biyayang natatanggap natin, ‘no?” pakli ni Nanette. “Baka mabawi pa.” Kinatok nito ang pinto ng taksi, sabay bulong sa langit. “‘Wag naman pu sana!”

Napailing na lamang si Minerva. Hindi naiintindihan ni Nanette ang obsesyon niyang yumaman, dahil wala itong nalalaman tungkol sa nakaraan niya.

Pero nanahimik na lamang siya habang tumatanaw sa labas ng bintana. Sinikil niya ang pagkainip na nadarama.

Kailan ba darating ang oportunidad sa kanya? Ang tagal na niyang naghihintay! bulalas niya sa sarili.

Wala siyang kamalay-malay na malapit nang dumating ang pagkakataon na pinaghandaang sunggaban ng dalawang kamay…

Bihirang magpunta si Minerva sa bahay ng boss sa opisina. Bilang na bilang sa mga daliri niya sa kamay. Hindi na nga niya matandaan kung kailan iyong huling pagdalaw niya doon.

Wala namang gaanong naging pagbabago, maliban sa mga kalsadang halatang bagong aspalto.

At sa isang bagong tayong mansiyon na nasa gawing dulo.

“Wow! Ang gara naman dito! Iisa lang ang kapitbahay, pero hanep naman!” ang malakas na palatak ni Nanette.

“Oo nga,” sang-ayon niya. Walang kakurap-kurap ang pagkakatitig. “‘Yan ang pangarap kong maging bahay, Nette.”

Humalakhak ang kaibigan. “Okey lang ‘yan, ‘neng. Libre naman ang mangarap, e. ‘Lika na nga. Simulan na natin ang paglalakad. Iniwan na tayo ng taksi drayber, o? ‘Di man lang tumulong si Manong, huh!” Habang nagbubusa, dinadampot ni Nanette ang dalawang kahon na medyo magaan buhatin.

“Hoy, Eve! Tama na muna ‘yang daydreaming. Tulong na! Baka umambon pa!”

Saka lang kumilos si Minerva. Dumampot din siya ng kahon. “Sino kaya ang nakatira doon?” tanong niya.

“Ma at pa,” salo ni Nanette. “Pindutin mo na lang muna ang doorbell, sweetie pie.”

Tumalima siya. Si Inday ang nagbukas ng pinto.

“Hello, Aling Inday,” bati niya sa katiwala ni Mrs. Mauricio. “Si Ma’am?”

“Nasa loob. Pasok kayo. Marami pa ba?” Tumanaw ito sa gawing likuran niya kaya hindi na siya sumagot. “Tutulungan ko na kayo. Sa sala na lang muna siguro ang mga dala n’yo,” pahabol nito nang lumakad na siya papasok.

Inabutan niyang tila tensiyonada ang may edad na amo sa pagpapabalik-balik sa sala habang nakikipag-usap sa telepono.

“Hon, don’t worry, parating na kami d’yan. Oo, naayos ko na ang bagong flight schedule namin. Yes, we’ll be right there tomorrow evening. Yes, kasama ang mga bata, of course. Yes, it’s positive. Na-confirmed ko na sa airport, honey. Tatawag uli ako kapag nakababa na kami sa airport diyan. Okey, bye!”

Napansin siya nito nang matapos ang celfone conversation. “A, Minerva! Mabuti’t dumating na kayo. Nagbago ang schedule namin. Kailangan naming makaalis agad. Today, to be exact.” Nagpapaliwanag ito habang hinihila siya para ilibot sa kabahayan.

“Dito kayo sa guestroom. Hindi naka-lock ang mga bedrooms namin para puwede n’yong pahanginan, once in a while. Dust a little, too. Huwag n’yong kalilimutang i-lock ang mga pinto at bintana sa gabi, at sa tuwing aalis kayo, okey?”

“Okey, ma’am — ” Naudlot ang awtomatikong pagsagot nang mapatitig sa labas ng bintana.

“May prublema pa?” usisa ng kausap. “May tanong ka pa?”

“Uh, sino po ba ang bago n’yong kapitbahay, ma’am?” Hindi niya napigil ang sarili na magtanong. “Tila bago lang hu, a?”

“Bago nga. Isang binatang ubod ng yaman. Habang nandito kayo, makipagkaibigan kayo sa kanya. Malay n’yo…?” Pabitin ang pagtatapos ni Mrs. Mauricio.

Biro lang ang sa amo, pero siniryoso ni Minerva. “Ano hu bang pangalan ng mayamang binata d’yan sa kapitbahay?”

“Mr. Patriaca ‘ata. Hindi pa kami nagkakakilala ng personal dahil pareho kaming busy. Atsaka, hindi pa ‘ata siya diyan nakatira talaga. Pawang mga caretakers lang ang nakikita ni Inday, e.” Papababa na naman sila ng hagdan. Patungo na sa kusina.

“Narito ang laundry room. May sampayan din sa likud-bahay, kung kulang ang ispasyo dito sa loob.” Nagdemonstrasyon din ito ng pagpapaandar ng malaking washing machine.

“Ang pambayad ng kuryente at tubig ay ipapadala ko sa bank account mo. Pati na ang suweldo at food allowance, ha?”

“Thank you, ma’am.” Lumilipad na ang utak ni Minerva. Nangangarap na kasi siyang maging isang ‘Mrs. Patriaca’!

Sabado kinabukasan, kaya walang pasok. Imbes na mag-ayos ng mga gamit sa palibot ng kuwarto nila, maghapong tumanaw si Minerva sa matayog na mansiyon.

“Oy, Eve! Ang mga damit mo, manong ilabas mo na sa maleta. Baka magusot nang husto ang mga ‘yon. Ang hirap mamalantsa, ‘no?” paalala ni Nanette.

“Hayaan mo lang ang mga ‘yon, Nette. Mas importante ang binabantayan ko dito,” pakli niya.

“Naku, ako na nga po! Kundi lang kita bespren,” pagbubusa ng kaibigan habang binubuksan ang malaking maleta niya. Ipinatong iyon sa isa sa twin beds ng guestroom.

“Thank you. Pasensiya ka na.” Kusa lang na numunulas sa bibig niya ang mga salita. Nakatutok pa rin sa palalong mansiyon ang paningin.

“At ako na rin po ang magluluto ng hapunan natin.”

“Salamat uli.” Lilinga sana siya sa gawi nito ngunit may nahagip ang kanyang mga mata. Magtatakipsilim na kaya kita agad ang liwanag ng papalapit na sasakyan sa matataas na tarangkahan. “Dumating na siya!” hiyaw niya.

“Sino?” ang gulat na tanong ni Nanette.

“Si Mr. Patriaca!”

“Sino ‘yon?”

“‘Yung may-ari ng mansiyon.” Taranta siyang tumindig mula sa kinauupuang pasamano. Halos ilabas niya ang sarili sa bintana upang mabistahang maigi ang hugis na umiibis mula sa kotse.

“Naku, Eve! Maghunosdili ka nga d’yan. Baka mahulog ka, ano ba?” Maagap siyang hinawakan ng kaibigan sa manggas ng suot niyang t-shirt.

“Sorry, Nette. Hindi ko lang napigilan ang sarili ko.” Binigyan niya ito ng isang pahapyaw na ngiti. “Huwag ka ng mag-alala. Tatanawin ko na lang siya,” pangako pa niya.

“Naku, ang mabuti pa’y puntahan mo na,” salo ng kaibigan. “Me sasakyan naman d’yan. Sugod na. Makipagkilala ka na d’un,” pagtataboy nito.

Hindi makapaniwala si Minerva. “Talaga?” tanong pa niya.

“Dali na, baka magbago pa’ng isip ko.”

“S-salamat!” Sa isang kisapmata lang, nasa may pintuan na siya.

“Aba’t — teka, hoy!” habol ni Nanette. “Nagbibiro lang ako! Lalabas ka pa ba, e, gabi na!”

“Hindi ako makakatulog, Nette. See you later!”

Tinandaan niya talaga kung saan nakasabit ang car keys kaya ilang sandali lang ay inilalabas na niya sa garahe ang kotse.

Pero nasa akto na siya ng pagsasara ng gate nang mapahinto. Ano’ng gagawin niya doon? Ano’ng sasabihin niya? Ni wala siyang plano. Basta na lang siya susugod.

Nanlupaypay ang pakiramdam ni Minerva nang atakihin ng inferiority complex.

“Isa pa, ni hindi mo nga alam kung ano ‘yung Mr. Patriaca na ‘yon,” dagdag ni Nanette nang magkuwentuhan na sila habang naghahapunan. “Baka mamaya, matandang hikain na ‘yon.”

“E, di mabuti. Para madaling mamatay. Magiging mayamang biyuda na ‘ko.” Hindi man lang natigatig si Minerva.

Napailing si Nanette. “Hay, talagang ‘tong kaibigan ko — napaka-desperada nang yumaman!” pambubuska nito. “Alam mo, kung talagang suwerte mo, darating sa ‘yo. Basta’t maghintay ka lang.”

“Hindi ako naniniwala sa suwerte-suwerte, Nette. Tayo ang gumagawa ng kapalaran natin,” pakli ni Minerva. “Kundi ako lumayas sa amin noon, disinsana’y hindi ako napunta dito ngayon. At hindi tayo magiging magkaibigan,” dugtong pa niya.

Na-intriga agad si Nanette. Ngayon lang siya nagbanggit ng tungkol sa kanyang nakaraan. “Lumayas ka rin sa inyo?” paniniguro nito.

Tumaas ang mga kilay ni Minerva. “Rin?” ulit niya.

“Noon pa, pero bati-bati na kami ngayon. Ilang beses na nga akong dumadalaw sa prubinsiya, di ba? E, ikaw?”

Nagkibit ng mga balikat si Minerva. “Ayokong umuwi hangga’t hindi natutupad ang pangarap ko. Nagsalita kasi ako ng tapos sa amin,” pagtatapat niya.

“Lunukin mo na lang kasi ang pride mo. Talagang gan’on, e. Imposibleng matupad ang mga ambisyon dito sa Menila. Puwera na nga lang kung magbebenta ka na ng katawan. Kaya lang, delikado na rin ‘yon ngayon.”

“Kaya nga naghahanap na lang ako ng mayamang mapapangasawa, e. Kahit na nga matandang hikain, payag na payag ako,” ang seryosong pahayag.

Nag-antanda si Nanette. Binitawan muna ang hawak na kubyertos. “Sana naman, matupad na ang hinihiling ng kaibigan ko, Diyus ko! Bago man lang siya matuyot at pumangit!”

“Ano ka ba? Puro ka kalokohan,” saway ni Minerva. “Nakakapikon ka na, ha? Seryoso akong nagsasalita dito, e.”

“Seryoso din naman ako, a? Ipinagdarasal na nga kita, e.” Pigil na pigil ni Nanette ang pagtawa para hindi siya tuluyang mapika.

“Oo na. Matupad nga sana ang dasal mo!” ang pabuskang wika niya.

Inalo agad siya nito. “Sori na, bespren. Hindi na mauulit. O, ulam pa. Atsaka, kanin. Baka gutom lang ‘yang inis mo.” Iniba na ang usapan. “Siyanga pala, papasok ka ba sa Lunes?”

“Oo naman. Bakit?”

“Iniisip kong makipagpalit ng shift sa pabrika, para me tao pa rin dito sa araw.”

“Panggabi ka na, di ba?”

“Oo, pero mahuhuli ako sa pagpasok kapag hinintay ko pa ang pag-uwi mo. Mas maganda kung sa pangmadaling-araw na ako, di ba?”

“Bahala ka. Baka naman mahirapan ka. Atsaka, baka hindi ka na payagan ng bisor n’yo.”

“Papayag ‘yon. Kaunti lang ang me gusto sa gan’ong shift, e.”

“E, di tuwing Sabado’t Linggo na lang pala tayo magkikita dito?”

“Oo. Katulad rin sa boarding house,” sang-ayon ni Nanette bago humigop ng sabaw ng sinigang.

Pinanood ni Minerva ang kaibigan. Nananaghili siya sa pagiging simple at kaswal nito. Parang walang kapanga-pangarap sa buhay pero kuntento naman.

Hindi ba niya kayang maging ganoon? Sumuko na lang kaya siya?

“Mmm, an’sarap ng luto ko, ‘no?”

“H-ha? A, e, oo, masarap nga.” Ibinaling niya ang atensiyon sa pagkain, kasabay ng pagwawaksi ng pag-aalinlangan niya.

Ang tutoo’y matagal na sanang natupad ang ambisyon niya. Naging mapili lang kasi siya noon, pero hindi na ngayon. Ke pangit, matanda, o mukhang butete, susunggaban na niya — basta’t mayaman.

Beinte singko anyos na siya. Tumatanda na siya. Kundi siya kikilos, lilipasan na siya ng panahon.

Linggo bukas. Gagawin na niya ang dapat gawin para makilala ang me-ari ng mansiyon. Itinanim na rin niya sa utak na magiging Mrs. Patriaca siya sa lalong madaling panahon!

Hindi pa sumisikat ang araw, nasa labas na si Minerva. Nakabihis na siya ng pan-jogging. Samantalang ang kaibigan ay tulug na tulog pa.

Dumiretso na agad siya sa direksiyon ng mansiyon.

Walang katau-tao sa loob ng bakuran, pero hindi natigatig ang dalaga. Nagparoo’t parito siya sa harapan ng mataas na tarangkahan.

Nagbunga naman ang tiyaga niya. Nang uhaw na uhaw at pawis na pawis na siya, may natanaw siyang tao na naglalakad-lakad sa damuhan.

“Tao po! Tao po!” Nagsisigaw siya habang panay ang kaway. Tumalun-talon pa nga upang madaling makakuha ng atensiyon.

Luminga sa gawi niya ang tao at nagdumaling lumapit. Isang may edad na lalaki pala ito.

“Ano’ng kailangan mo?” ang masungit na pagtatanong nito. Magkasalubong pa nga ang makakapal na kilay.

“Er, h-hihingi hu sana ako ng tulong sa inyo. Er, kapitbahay n’yo hu ako. D’on hu ako nakatira.” Mabilis siyang naghagilap ng idadahilan sa loob ng utak, habang itinuturo ang bahay na nasa gawing ibaba. “A-ayaw umandar ng kotse namin. Pwede hu bang magpatulong?”

“Hindi kami mekaniko,” pakli ng kausap. “Tumawag ka na lang sa telepono. Nasa direktoryo ang numero ng mga mekaniko!”

“Ay, an’sungit naman,” sambit ni Minerva. Nakasimangot na rin siya. “E, pwede hu bang makiinom? Malayo pa ho ang bahay namin, e.”

Nangungulit na lang siya kaya nagulat pa nang buksan nito ang gate para papasukin siya.

“Baka sabihin mo naman, wala kaming kuwentang kapitbahay.” Bubulung-bulong ito habang nagpapauna sa paglakad. “‘Lika, ‘and’on ang kusina.”

“S-salamat ho.” Palinga-linga siya habang sumusunod dito.

Napakalawak ng hardin. Berdeng-berde at pantay-pantay ang damuhan. Mayabong at mabulaklak ang mga halaman. Gayundin ang mga punongkahoy, bagama’t halatang mga bata pa. Tila mga bagong tanim pa lang.

“Simang! Me bisita tayo. Gusto raw makiinom ng tubig,” ang pa-bruskong wika nito matapos magpagpag ng mga paa sa doormat.

Sinundan niya ito. Tiningnan muna ang suwelas ng mga rubber shoes bago tumuloy sa loob.

Isang may edad na babae ang tumambad sa kanyang kuryosong paningin.

“Aba, maganda pala ang kapitbahay natin, Dorong,” papuri nito. Magiliw ang ngiti. “Tuloy ka, iha. Heto ang tubig. Este, gusto mo rin ba ng kape? Pihong hindi ka pa rin nag-a-almusal.”

“Simang, tubig lang ang hiningi ng tao.”

“Naku, Dorong. Huwag ka ngang masungit d’yan. Nahahawa ka na kay Senyorito, ha?” bawi ni Aling Simang. “Ang mabuti pa’y tingnan mo kung gising na siya. Para naman may makasalo ang magandang dalaga rine.” Ngumiti uli ito sa kanya.

Pinilit niyang tugunin iyon kahit na abalang-abala na ang kanyang utak sa pag-a-analisa sa mga mumunting impormasyon na nakakalap.

“Huu! Bahala ka na nga d’yan!” Nagdadabog si Mang Dorong habang pumapasok sa isa pang pintuan na patungo sa loob ng kabahayan.

“Siyanga pala, ano’ng pangalan mo, ineng?” tanong ni Aling Simang, nang mapag-isa na sila. Iniaabot nito ang basong puno ng malamig na tubig.

“M-minerva po,” tugon niya, pautal.

“Aba, ke-gandang pangalan naman. Bagay na bagay sa me-ari.”

“Salamat po.” Ngumiti uli siya bago sumimsim ng tubig sa baso.

“Ako naman si Simang. At ‘yung asawa kong suplado ay si Dorong. Pagpasensiyahan mo na lang dahil me rayuma ‘yon. Kapag sinusumpong ay nagsusungit.”

“A, gan’on hu ba?” Sumimsim uli siya ng tubig. “E, ang, er, tinawag n’yo hung ‘senyorito’, masungit din hu ba siya?”

“Naku, oo. Pero hindi naman palaging gan’on. Mula lang nung magkasira sila ng nobya niya. Ayun, nagmistulang ermitanyo na ang pobre. Hindi na mahilig makihalubilo sa tao. Pinili pang dito sa sulok ng daigdig magpatayo ng bahay.” Iiling-iling ang may edad na babae habang nagkukuwento.

“Kundi nga lang sa pagmamahal namin ke Senyorito, hindi kami makakatiis sa ganito kalungkot na lugar.”

Huminga muna ng malalim si Minerva bago isinatinig ang tanong. “E, ano na hu ba ang edad niya, Aling Simang?”

“Naku, batam-bata pa. Mahigit trenta pa lang ‘ata. Puwedeng-puwede pang makakita ng ibang babaeng iibigin.” Luminga ito mula sa harap ng kalan para bigyan siya ng makahulugang ngiti.

Alam niya ang tinutumbok ng kausap. Gumanti siya ng matamis na ngiti upang ipahiwatig ang pagsang-ayon niya. Lumapit siya sa kinatatayuan nito.

“Magaan ang loob ko sa ‘yo, ineng. Gusto kita,” wika nito.

Nagpalakas sa loob niya ang tinuran ng kaharap. “Gusto ko rin hu kayo,” tugon niya. “Este, tutulungan ko na hu kayo.”

“Ay, huwag na. ‘And’on ang banyo. Mag-ayos ka na lang ng sarili mo.” Itinaboy siya ng kusinera.

Saka lang na-conscious si Minerva. “Ay, oo nga pala. Salamat ho.” Dali-dali siyang nagtungo sa gawing itinuro sa kanya.

“Nasa cabinet ang mga anumang kakailanganin mo, iha,” paalala nito.

Inaatake na ng nerbiyos si Minerva, pero may halong tuwa pa rin ang tensiyon niya. Nararamdaman kasi niyang abot-kamay na ang katuparan ng mga ambisyon niya.

Magustuhan sana siya ni Lorenzo!
“Halika, ineng. Ipapakilala kita kay Senyorito Lorenzo. Nasa breakfast room na raw siya, sabi ng asawa ko.”

Hinipo ng mga daliring nagyeyelo ang buhok. Itinali niya ang mahahabang alon kaya nakalawit lahat sa kanyang likod. Gayundin ang pisngi. Nakapagsabon siya ng mukha at leeg pero hindi nakapagpulbo.

“Halika na, mainipin ‘yon.” Hinila siya ng kusinera sa isang kamay. “Nasabi ko na sa kanya ang tungkol sa ‘yo nung ihatid ko ang pagkain.”

“H-ho? E, baka magalit hu siya — ”

“Hindi. Gusto ka nga niyang makilala, e.”

Nag-alangan siyang tutoo ang tinuran ni Aling Simang nang makita ang hitsura ng amo nito.

Hindi maikakailang magandang lalaki si Lorenzo Patriaca. Matangos ang ilong. Malalim ang mga mata. Manipis ang bibig. Matipuno ang pangangatawan. At matangkad pa.

Pero madilim ang anyo nito. Para bang nalulungkot sa sariling buhay.

Click here to READ MORE

Comments are closed.