His Secret Bride-23

Sa tuwina, palagi nitong pinagsususpetsahan si John. Ipinilit kasi niyang ito ang maging best man. Kung tutuusin, si Jude dapat ang mamimili.

Para pampalubag-loob, ang lalaki naman ang pinapili niya ng magiging maid of honor niya. Nagkabaligtad sila ng papel.

Iyon pala, sa umpisa pa lang, nagseselos na talaga si Jude kay John. Paano’y simpatiko naman ang huli at tipong habulin ng tsiks. Nagkataon lang na talagang si Dani ay sadyang bulag yata sa ibang lalaki, magmula nang umibig kay Jude.

Nababasa yata nito ang isipan niya. “Hindi mo pa ba ako napapatawad sa mga kagaguhan ko?” tanong nito. “Huwag mo namang ialis sa akin ang karapatang magselos,” ungol nito nang kurutin ni Dani sa tagiliran.

“Ngayon ko lang nalaman na isang karapatan pala ang magselos, a,” pakli niya.

“Isang emosyon ito, babe,” salo ni Jude. Bahagya nang nangingislap ang mga mata.

“Kasamang sangkap sa isang tapat na pag-ibig.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SECRET BRIDE…? Click Here!]

“Aba, ibig mong sabihin, iyong kawalan ng tiwala ay simbolo ng laki ng pagmamahal?” bawi ni Dani. Magkasalubong na ang mga kilay.

“Hindi naman, sinabi ko ngang sangkap lang, e. Paminsan-minsan lang, kumpara sa asin, pampalasa lang.”

“Hmm,” ungol niya. Wala na siyang maisip sabihin. Parang ayaw niyang masira ang mood ng atmospera nila. “Nag-aaway ba tayo?”

Parang nalito si Jude. “Uh, hindi naman. Bakit?”

“Akala ko kasi, inaaway mo na ako, e.” Nagpatay-mali siya. Muli siyang humilig sa malapad na dibdib ng lalaki. Sinundan niya ng tingin ang hulihan ng truck na sinunsundan nila kanina pa. Sinulyapan niya ang relo sa dashboard. “Mga alas dos siguro tayo darating sa matandang bahay,” wika niya.

“Hindi ka pa ba nagugutom?” tanong ni Jude.

Umiling si Dani. “Gusto kong makita mo ang malaking bahay nang maliwanag pa, habang papababa tayo ng bundok. Nasa paanan ito at napapalibutan ng mga puno at halaman,” pagkukuwento niya.

“Doon mo ipinanganak si Daniel?” usisa ng lalaki.

Ngayon lamang sila nagkaroon ng pagkakataong makapagkuwentuhan ng mga personal na bagay, magmula nang ikasal sila. Pulos pisikal na komunikasyon ang namamagitan sa kanila.

“Sa ospital sa bayan ako nanganak. Hindi naman ako gaanong nagtagal sa bahay. Medyo maselan ang pagdadalang-tao ko kaya kinakailangang bantayan palagi.” Wala sa loob , umalpas sa dila niya ang mga katagang naglalarawan ng kanyang paghihirap.

“God, Danica! Ang ibig mong sabihin, muntik mo nang ikamatay ang pagbubuntis mo kay Daniel noon?” bulalas nito.

Napalinga siya sa lalaki. Namumutla ito at bahagyang nanginginig ang mga labi. “I’m sorry, Jude. Huwag na nating pag-usapan ang mga bagay na nakakasakit.” Hinagkan niya ito sa matigas na linya ng panga. “Ilan ba ang gusto mong maging anak?”

Nang lalong naggipuspos ang hitsura ng lalaki, atsaka pa lamang niya naisip na hindi maganda ang paksang napili niya para ipamalit sa pinag-uusapan. “Sorry ulit,” agap niya. Tinapik niya ang matipunong braso nito.

Nag-isip siya ng ibang bagay na mapapag- kuwentuhan. “Paano mo ako natagpuan?”

Napatingin sa kanya ang lalaki bago nagsalita. “Hindi ko pa ba naikuwento sa iyo?”

“Naikuwento mo na pero nakalimutan ko yata,” ungot niya.

“Hmm, nakita ko ang pangalan mo sa credits ng isang show na napanood ko sa telebisyon. Hindi ako nanonood gaano dahil sa sobrang busy ng schedules ko pero parang ipinagkit ako sa upuan nang mga sandaling iyon. Kinontak ko agad si John para mag-inquire kunwari. And so forth and so on,” pagtatapos nito.

Nabitin si Dani. “E bakit nung nagkita na tayo parang galit ka sa akin?”

“Paano nga po, nagseselos na ako kay John. May pagka-protective siya sa iyo noon.” Bahagyang nandilat ang mga mata ni Jude.

“Oops! Erase iyan. Mayroon ka na namang gustong ipagdiinang karapatan,” bawi niya agad. Ngunit may naalala siyang importante kaya buwelta agad siya. “Teka pala, may nabanggit si John na baka ikalugi mo ang pagkahinto ng produksiyon ng campus tour– tutoo ba iyon?”

Hindi siya nangingiming magtanong nang diretsahan dahil kahit hindi nga siya mayaman, siya at ang kanyang mga magulang, pero may kaunti naman silang pag-aari na puwedeng masandalan kapag may malaking pangangailangang pinansiyal. Kumbaga, payak ang kanilang pananaw kaya hindi nagiging importante ang laki o liit ng kinikita ng isang tao sa paligid nila.

Nag-isip sandali ni Jude. “Walang perang nalugi sa akin, Dani. Kung mayroon, si Benjo iyon. Ang perang winaldas ko ay ang ibinayad ko sa J.C. studio. Hindi naman kasama sa plano ang pagkakaroon ko ng special kaya sariling bulsa ko na ang pinanggalingan ng budget ko dito.”

Nanlaki ang mga mata ni Dani. Hindi siya makahuma. Hindi siya makapaniwala. “Bakit–?”

Ganoon ako ka-desperado, Danica. Kulang na nga lang ipakidnap kita noon,” pag-amin ni Jude. “Kaya nga, parang galit ako sa iyo nung una tayong magkita, hindi ba? Natatakot akong magpakita ng kalambutan sa iyo dahil baka lumaking masyado ang ulo mo. Pero, niloko ko lang siyempre ang sarili ko.”

Natahimik si Dani. Mayroon siyang hindi maintindihan. “Bakit mo ako ipinagkaila noon, Jude?” bulong niya.

Nanatiling nakatutok ang mga mata ng lalaki sa truck na may dala ng mga natirang gamit ng mga magulang mula sa bahay na nasa subdibisyon. Ibinenta na ng mga Serafin ang bahay na kinalakihan ni Daniel para makapanirahan na sa probinsiya.

“Natakot ako noon, Danica. Alam ko ang background ng pamilya mo. Kahit na hindi ka magkuwento, nahuhuli ko sa kawalan mo ng atensiyon sa mga gastusing personal. Para bang hindi gaanong problema ang pera. Palibhasa kasi, wala kang hilig sa paggastos. Tama na sa iyo ang malinis na damit. ” Tumikhim ito bago nagpatuloy. “Samantalang ako, magastos. Dapat palaging nakasunod sa uso. Hindi puwedeng makita ng publiko ang isang kasuotan nang ikatlong beses. Madaling malaos.”

“Jude…”

“I tried to fight my selfishness then, Danica. Gusto kong manatili ka sa aking piling pero wala akong nagawa kundi ang manatili sa kahuli-hulihang sandali.”

Mapait ang ngiti ni Jude. Marahang tumatango habang nagbubutong-hininga. “I was so naive,” bulong nito sa sarili.

Ginagap ni Dani ang isang palad ng lalaki. “Tama na iyan, Jude. Nandito na tayong dalawa ngayon. Hindi na tayo magkakahiwalay,” pangako niya. Mariin ang pagsasalita.

Nagtaas-baba ang titilaukan nito sa matipunong lalamunan, tanda ng pagkaantig ng damdamin nito.

“Salamat, Danica. Akala ko, hindi ko na uli mararamdaman ang ganitong klaseng kaligayahan,” anas nito sa namamaos na tinig.

Tumanaw sa labas si Dani. Maraming malungkot na isipin sa buhay, ngunit nasa sa tao na kung magagawa pang makakita ng maliliit na bagay na nakakapagpasya.

“Sandali, Jude,” wika niya. Nakatanaw sa labas ng bintana ang kanyang mga mata. “Pakitigil mo ang kotse.”

Napamaang ang lalaki pero tumalima rin. Inihinto nito ang sasakyan sa balikat ng highway. “Bakit ba? Gusto mong bumaba muna?”

Umiling si Dani. Nakadukwang na ang kalahati ng katawan sa likurang upuan para kunin ang kamera. “May gusto akong kunan ng letrato. Sandali lang ito,” pangako niya. Eksperto ang mga daliri niya sa pagkakabit ng mahabang lente sa kamera. “Matagal ko nang gustong kuhanan ng larawan ang dampa na iyon, e.”

“Nasaan ang dampa?” usisa ng lalaki. Nakitanaw na rin.

“Basta, nandoon siya sa malayo, sandali lang, ha?” wika niya habang nakasilip sa munting kudradong salamin.

Ilang sunud-sunod na klik ang narinig bago nakuntento si Dani. Nakangiti na siya. Parang batang natutuwa.

“Sa wakas,” bulong niya sa sarili.

“Anong sa wakas?” ulit ng lalaki na nakatayo na pala sa gawing likuran niya.

“Gusto kong sumali sa contest,” paliwanag ni Dani, habang inililigpit ang kamera. “Ang dampang iyon ang isasali ko.”

“Nasaan ba ang dampa?” taka ng lalaki. Nakatanaw pa rin.

Bumuntong-hininga si Dani. “Sa picture mo na lang siguro iyon makikita. Halika na,” aya niya.

“Hay naku, Danica!” buntong-hininga ni Jude. Napapailing habang napapangiti. “Nasaan na ang truck?”

Tumaas ang kilay ni Dani. Nameywang habang nakangiti sa asawang papasakay sa kotse uli. Nakahalukipkip siya habang naghihintay sa pagsakay nito sa tabi niya. Lumapit siya nang nasa likod na uli ito ng manibela.

Inilapit niya ang bibig niya sa teynga nito bago pa mapaandar uli ang makina ng sasakyan.

“Humihina ka na yata, Mr. Juarez. Mayroong three-star hotel diyan sa pagliko. Maganda ang vista ng mga bundok na matatanaw mula sa veranda ng mga silid. Gusto mo bang subukan?” anas niya.

Medyo kumunot ang noo ni Jude. Hindi talaga masundan ang tinatakbo ng utak niya. “Akala ko ba gusto mong makarating tayo ng alas-dos?”

“Bakit? Puwede pa naman tayong makarating doon, a?” pakli ni Dani, nakabungisngis na. Para bang napakainosenteng tingnan. “Bukas na nga lang.”

Unti-unting nabura ang kunot ng noo ni Jude. “Hmm, that’s a good idea, Mrs. Juarez. Sa palagay ko, magugustuhan ko ang bagong career ko ngayon, sweetheart.”

Hinapit niya ang matipunong batok nito para mapawi na ang uhaw na kanina pa niya gustong tighawin. “I love you, Jude Juarez…” bulong niya bago nagkahinang ang kanilang mga labi.

Sa highway, may truck na nakahinto sa kabilang panig. Kakamut-kamot ang drayber habang pinapanood ang dalawang sakay ng kotseng asul. Pamaya-maya, pinaandar na uli nito ang truck na puno ng mga aparador at kabinet. Bumuwelta para umusad sa direksiyong pinanggalingan.

“I love you, too, Danica…” anas ni Jude. Walang pakialam sa mga nangyayari sa labas.

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age