Dani and Jude were lovers when both still very young and silly with too much love and passion. Their secret marriage did not survive the many tests and trials.
He was a rising star and she was just an ordinary fan… She was forced to leave him to keep her sanity.
After twelve years, he found her again. Could they capture the magic of their love for the second time?
Nayanig ang tahimik at payapang buhay ni Dani nang muling magtagpo ang mga landas nila ni Jude — isang dating pag-ibig na nagdulot ng sobrang sakit sa kanyang puso at isipan!
Paano pa ba maiiwasan ni Dani na maulit ang paghihirap niya sa mga kamay ni Jude na tila itinakda na ng tadhana? Paano ba natuturuan ang puso na huwag umibig sa taong sasaktan lang siya?
* * *
“Ate Dani, puwede ba akong sumama bukas?” usisa ng batang lalaki na malaking bulas kaya parang binatilyo na sa unang tingin.
“Hindi pa puwede, sweetie pie,” tugon niya. Hinihintay niya ang reaksiyon nito sa sinadya niyang pagsasabi ng ayaw nitong palayaw. Naikunwento ng nanay nila kagabi na may nililigawan na raw sa eskuwelahan ang ‘binata’ nila.
“Si Ate naman, ” muktol nga agad nito. “Huwag mo na akong tatawaging sweetie pie, nagtutunog buko pie, e.”
Lumapit siya rito at ginulo ng isang kamay ang buhok nito na diretso ang bagsak. Makintab at malusog ang buhok kaya minsan na itong nakuhang madelo sa isang komersyal ng shampoo na pambata noong bata pa ito. Napaka-bibo naman ni Daniel. Manang-mana sa —
Hindi na naituloy ni Dani ang iniisip. Sanay ng umilag ang isipan niya sa mga ganitong gunita kaya bigla na lang niyang dinampot ang carry-all bag niya at ang jacket na maong.
“Aalis na pala ako. Bukas, hindi ka pa puwede. Mga next week siguro,” pangako niya, sabay gusot uli sa buhok nito.
Para bang nagbibiro ang pagkakataon nang si Daniel lamang ang lumitaw na tuwid at diretso ang buhok sa pamilya nila. Ang tatay at nanay niya ay parehong kulot, kaya pati siya ay kulot.
Ipinilig niya nang bahagya ang kanyang ulo habang isinusuot ang helmet.
Tinapik niya ang dibdib ng jacket. Nandoon ang wallet niya. Balak niyang bumili ng bagong pantalon sa katabing department store ng pinapasukang studio. Hindi siyang puwedeng humarap nang ganito ang hitsura sa general meeting ngayong umaga. Suot niya ay isang napakaiksing maong short.
‘Sana bukas na ang tindahan,’ bulong niya sa sarili habang pinapainit ang makina ng motorsiklo.
Habang daan, napupuna niyang maraming mata ang nakatutok sa kanyang mga hita at binti na nakalantad dahil hindi inabot ng laylayan ng mahabang jacket na suot niya, naiinis siya sa nag-imbento ng colorcoding. Kung bakit naman napatapat pa ngayon ang kotse niya. Bubulong-bulong siya habang nakakunot ang noo.
Sa wakas, nakarating siya sa studio. Natanaw niya ang guwardiya ng department store na nagbubukas na ng mga bakal na pintuan. Nagtuloy siya sa paradahan ng pinapasukang opisina. Pinili niya ang katapat mismo ng sekyu nila, sa may gate.
Iniwan niya ang motor, matapos isusi ang manibela. Bitbit ang carry-all bag na kulay itim sa isang balikat, naglakad na siya patungong department store.
Dahil sa pagmamadali, hindi niya napansin ang paparating na sasakyan. Binusinahan siya ng drayber nang tumawid siya nang walang lingun-lingon. Agad siyang napahinto. Nilinga niya ang pinanggalingan ng ingay.
Isang sulyap lang ang kailangan niya para mapagsino ang nasa likod ng manibela ng pulang kotse. Nakaramdam siya ng panginginig ng mga tuhod at panlalamig ng buong katawan. Agad siyang nagmadali sa pagtawid. Mahahaba ang mga biyas niya kaya madaling naubos ang disyansix sa pagitan nila ng bangketa na katapat ng tinutungong establisimiyento.
Ramdam niya ang pagsunod ng isang pares ng mga mata sa kanya. Nakahinga lang siya nang maluwag nang makapasok na siya sa loob. Dali-dali niyang iniwan sa counter ang bag at ang helmet niya.
Suki na siya rito kaya kabisado niya ang mga posisyon ng mga paninda. Tinanguan niya ang saleslady na malimit umasisti sa kanya.
“May Levi’s?” tanong niya rito.
“Oo, nandito. Pumili ka. Mga bagong dating iyan. Dating size ba?” Bilugan medyo punggok ang babae. Sinipat nito ang pigura niya na may halong pananaghili.
Ibig na tuloy mayamot ni Dani. Magmula pa kaninang lumabas siya ng bahay, pulos ang katawan niya ang napapagtutuonan ng pansin ng mga nakakasalubong na mga tao.
“Ito na lang siguro,” tugon niya matapos dumampot ng isang nasa ibabaw. Sumulyap siya sa orasan. “Medyo late na ako, miss. Puwede ko na bang isuot? Nasaan ang fitting room?” Pinunit niya ang tag at kumuha ng pera sa wallet. Iniabot niya sa babae bago tumalikod patungo sa munting kuwarto.
Ilang sandali lang ang inubos niya sa loob ng maliit na espasyo. Kinuha niya ang sukli at ang resibo sa saleslady na nakatayo sa tabi ng cashier. Nginitian niya ito, pati ang sekyu habang papalabas siya.
“Puwedeng artista, ano?” Narinig niyang komento ng matandang lalaki sa mga kasamahang empleyada.
Malimit siyang makarinig nang mga ganitong klaseng puna pero hindi siya kailanman nag-ilusyon na puwede siyang humarap sa kamera. Kumbaga, wala siyang ambisyong umalis sa likod ng kamera niya.
Katulad nang inaasahan niya, si Dani ang huling dumating sa meeting. Hindi pa naman nag-uumpisa ang talagang paksa, pero katatapos lamang na ipakilala ang lahat.
Parang lumaki ang ulo niya at lumutang sa hangin ang buong katawan niya nang makita kung sino ang lalaking nakatayo sa harapan, katabi ang big boss nila.
‘Tila importanteng kontrata ang isang ito,’ wika niya sa sarili habang inoobserbahan ang matangkad na lalaking kinakausap ni Boss John. May personal treatment ito kapag malaking tao ang kliyente ng studio.
Malaki ang kumpiyansa niya na mahirap na siyang matandaan ni Jude Juarez. Siyento porsiyento na ang mga pagbabagong nangyari sa katauhan niya. Hindi na siya disi-otsong inosente at ignorante. Treinta’y uno na siya. Marami-rami na ding natutuhan at nararanasan.
Ang mahabang buhok na hanggang beywang niya ay ipinaputol na niya nang sadsad sa anit. Palagi na siyang nakapantalon at T-shirt o jacket. Hindi na siya palangiti o palatawa — sa bahay na lang kapag kasama ang pamilya niya; pero paminsan-minsan lang siyang nakakapagpahinga doon kaya bihirang makapag-ehersisyo ang mga kalamnan niya sa mukha.
Gayunpaman, hindi niya inaalis ang dark glasses niya. Kumuha siya ng notes habang nagpapaliwanag si Boss John sa harapan. Bale, isang dosenang kamerista ang nandoon nang umagang iyon. Dalawa o tatlo lamang ang kulang dahil may coverage sa ibang lugar nang gayong oras. Tinatanong sila isa-isa kung ano ang mga schedule nila para sa susunod na apat na linggo.
Hindi na si Dani dahil natawagan na siya ng amo, kagabi pa lang. Kumbaga pormalidad na lang na nandoon siya ngayon. At saka, para na rin makuha niya ang ilan pang impormasyon.
Isa lang ang napuna niya, tila hindi nabanggit man lang ang pangalan ng magiging kliyente nila, samantalang matagal-tagal din silang nagkausap ni Boss John.
Nagkakilala sila ni John Cruz, noong isa pa lamang itong camera man sa isa sa mga sikat na channel sa telebisyon. Nag-aaral siya ng photography at cinematography — uli.
Ipinagpapatuloy niya ang naudlot na pag-aaral. Nagdaos ng isang symposium ang binata sa eskuwelahan nila. Kahit na bata pa ito noon, kinakikitaan na ng kakaibang talento sa pagtuturo. Kaya nga hindi kataka-takang ang halos lahat ng mga estudyanteng nakadalo sa syposium ay nagprisintang magtrabaho para dito nang itatag na ang studio.
Mahigit sampung taon na silang magkasama. Kahit na puwede silang mag-freelancer, lalo na siya, hindi siya lumalabas para magtrabaho. Kapag bakante, namamalagi siya sa bahay para asikasuhin ang pamilya niya.
Lalo na ang kanyang bunsong kapatid na si Daniel… Napabuntong-hininga siya. Hindi siya dapat nag-iisip nang kung anu-ano. Hindi dapat, kahit na nasa harapan niya ngayon ang lalaking unang nagpagulo sa isipan niya. Pati sa puso niya.
Nagkakilala naman sila ni Jude noong first year college pa lang siya. Kapapasok pa lamang niya sa isang malayang mundo ng pagiging estudyante sa kolehiyo. Isang hakbang na lang, nasa daidig na siya ng mga independiyente. Kaya siguro madali siyang nabighani…
Patigil-tigil siya sa pag-aaral dahil malimit siyang magpaospital. Masyado kasi siyang malikot at mausisa sa mga lugar na hindi niya dapat puntahan. Kaya kundi siya napipilayan dahil sa pagkahulog sa matataas na puno, nagkakaroon siya ng maraming galos at sugat sanhi ng pagkadupilas naman sa malalalim na lugar. Isang milagro nga para sa kanyang ina na hindi siya nagkaroon ng mga marka sa makinis na balat. Mahilig na kasi siyang magsuot ng pantalon at jacket noon.
Nung makilala nga lang niya si Jude, saka pa lang siya natutong magsuot ng mga damit-pambabae. Saka pa lang pumino ang kilos niya. Natuto na siyang umiwas sa mga matataas na puno at malalalim na uka sa lupa. Ibang klaseng abenturismo ang kanyang napagtuunan ng pansin.
Bumuntong-hininga si Dani at bahagyang ipinilig-pilig ang ulo. Matagal ng panahon nang nangyari ang kagagahan niyang iyon. Matagal na niyang ibinaon sa limot ang babaeng tanga at gaga na minsan nang naging siya.
“Dani, center camera at handycam ang hahawakan mo,” wika ni Boss John. Nakarating na pala sila sa puntong naghahatian na ng trabaho nang di niya namamalayan.
Isinulat ng nanginginig ng mga kamay niya ang narinig. Unfair ang buhay, bulong niya sa kanyang sarili. Panaka-naka, sumulyap siya sa matangkad na lalaki na nakasandal at nakahalukipkip lang sa tabi ng bintana. Patanaw-tanaw sa labas kapag nagiging masyadong teknikal na ang pinag-uusapan.
Ni hindi na siguro siya maalala nito dahil sa dami ng mga babaeng nagdaan sa buhay nito magmula nang maghiwalay ang landas nilang dalawa, buntong-hininga niya sa sarili.
Itinuon na niya ang isipan sa sinasabi ni Boss John nang siya na ang binibigyan ng instruksiyon. Makakahalata ito agad na may hindi magandang nangyayari kapag nagpakita siya ng kawalan ng atensiyon sa pinaplanong proyekto. Masunurin naman ang utak niya dahil hindi pa rin maikakaila ang galing niya sa pag-iisip ng mga ideya tungkol sa bagong approach na maaring gawin sa special show ni Jude Juarez, na ito mismo ang prodyuser.
Tapos na ang meeting at papalabas na siya nang maisip niyang bawiin ang sinabi niya sa kanyang sarili kanina. Hindi pala unfair ang buhay. Wala silang komunikasyon ng lalaki pero nasundan niya ang career nito. Magmula sa pagiging group singer ng eskuwelahang pinanggalingan nito hanggang sa maging soloista at artista. Sikat na sikat ito ngayon, kaya lahat ng sulok ng pribadong buhay ay nahahalungkat na ng press. Wala na ang privacy na pinahahalagahan nito nang labis noon.
Gusto niyang matuwa ngunit hindi niya magawa. Ang naapuhap niya sa kanyang kalooban ay ang papausbong na awa. Dagli niyang sinupil ito. Hindi siya dapat makaramdam ng lambot ng damdamin para sa lalaking iyon.
Napakalalim ng kanyang iniisip kaya hindi niya napuna na may sumusunod sa kanya. May sarili siyang silid cum darkroom. Kapag nakasindi ang maliwanag na ilaw, opisina ito. Kapag kulay pula ang bumbilya, darkroom. Maliit lamang ang espasyo ng kumpanya ni John Cruz kaya pinagkakasya lamang sa lahat ng mga suluk-sulok at singit-singit ang mga kagamitan at kasangkapan sa negosyo.
Muntik na siyang mapasigaw nang sa kanyang pagharap sa pinto para isara ito matapos pumasok, tumambad sa kanyang harapan ang hugis ng lalaki.
Hindi niya napigil ang kanyang ekpresyon. Lumarawan sa kanyang mukha ang matinding pagkabigla.
“Hi, Danica,” kaswal na bati ni Jude. Enigmatiko ang ngiting nakabadha sa matiim na bibig. Tanging ang bahagyang kurba ng ibabang labi nito ang nagbabadya at nakakubling sensuwalidad. Nakatutok sa kanya ang mga matang tila palaging nang-aarok. “You look good and prospering,” puna nito, may himig-panunuya ang tinig na mababa at matining.
May kung anong emosyon na sumulak sa kanyang kalooban. Bumukal ito at nagtangkang sumabog ngunit naagapan na naman niyang supilin.
“Good morning,” bati niya, pormal ang tono. “What can I do for you?”
Tumaas ang isang aroganteng kilay. “So formal, Danica,” anito, sarkastiko na ang tono. “I used to remember you as a casual and informal person.”
May naulinigan siyang paparating na mga yabag sa koridor. Umalon ang pangamba sa kabuuan niya. Hindi niya mapigil ang takot na di-maipaliwanag kung saan nagmula. Basta, naisip lang niya na ayaw niyang may makaalam na dati silang magkakilala ni Jude Juarez.
Pagtatawanan siya ni Boss John. O kaya’y maiinis ito dahil magandang contact sa itaas ang lalaking mang-aawit at hindi niya ginagamit ang impluwensiya para sa ikauunlad ng sarili.
“Please, come in,” aya niya, paangil.
Ngumiti ang lalaki, medyo paangil din.
“Have a seat.” Isinenyas niya ang nag-iisang upuan habang palapit siya sa swivel stool.
Kontralado na ang ekpresyon niya nang muling humarap sa bisita. Siya na ang unang nagsalita para nasa kanya ang kontrol ng manibela ng konbersasyon.
“Gusto mo bang sabihin ko kay boss na inaalis mo ako sa grupo? I won’t mind. I need a vacation. Kararating ko lang galing sa Pampanga.”
“Alam ko,” pakli ni Jude. Matiim ang anyo.
Nagulat si Dani sa narinig. Hindi siya nakahuma.
“Ikaw talaga ang hinintay ko para gumawa ng special shots,” patuloy ng lalaki.
Napatitig siya nang matagal. Hindi na kataka-taka ang makinis na balat nito, pati ang makikinang at mapuputing ngipin. Isang celebrity ang kaharap niya. Malaki na ang ipinagbago. Malayo na ang narating. Pulos mamahalin na ang jeans at ang poloshirt na itim. Ang diver watch at ang makapal na kadenang ginto na nasa leeg nito. Hindi niya mapigilan ang sarili na sumulyap sa mahahabang daliri nito nang magkaroon ng pagkakataon.
Kahit na alam na niyang wala siyang makikitang singsing doon, nakaramdam pa rin siya ng kurot sa kalooban.
Umiling siya. “Hindi tutoo iyan. Nakapag-umpisa na ang campus tour concert mo, nung isang linggo pa.”
Tila umaaliwalas ang mukha nito. “Pinanonood mo ako? Hindi kita nakikita,” wika nito.
Napamaang siya. Hindi siya nanonood ng concert nito — pero hindi niya maiwasang manood ng replay sa telebisyon. Lalo na kapag tulog na ang mga kasambahay niya. Wala na kasi siyang kahihiyaan kapag napapaiyak na siya…
Tumindig siya at tumitig nang matagal sa lalaki. Pilit niyang pinatiim ang anyo.
“Bakit naman ako manonood ng mga palabas mo? Marami naman akong puwedeng pag-ukulan ng mga oras ko.” Nabigla marahil siya dahil muntik nang matumbok ng lalaki ang lihim niya. Huli na nang mamalayan niyang masakit ang mga salitang numulas sa kanyang bibig.
Dagli siyang tumalikod para hindi makita ang bumabadhang kirot sa mukha ng lalaki. Matagal na panahon ding nangarap siyang muli silang magkikita ni Jude, ngunit wala sa hinagap niya na pupuntahan siya ng lalaki sa teritoryo niya. Mas posible para kay Dani na magkikita sila ni Jude sa mga show o shooting na malimit niyang puntahan kapag siya ang nakasalang sa mga kliyente ng studio.
Muli siyang humarap sa lalaki. Hinayaan nang bumadha ang matinding poot na kanina pa pinipigil.
“Bakit ka nandito, Jude?”
‘Para magbalik ka sa piling ko. Come back to me, babe…’ Ang mga katagang ito ang pangarap niyang marinig kapag nanaginip siya nang gising tungkol sa muling pagkikita nila ni Jude — ang kanyang lihim na asawa!
Bumuka ang bibig ng lalaki, matapos isuklay ang mahahang daliri sa madulas at makintab na buhok na hanggang balikat nito. Ngunit bago nito masabi ang gustong ipaalam sa kanya, mayroong kumatok sa pinto ng opisina niya.
Nasira ang tumatamis na atmospera. Nanumbalik ang kapaitan ng nakaraan.
Parang biglang nahimasmasan si Dani. Dali-dali siyang lumapit sa pinto. Para bang malulunod siya kapag hindi siya nakahawak agad sa seradura.
“Danica…” pigil ni Jude. “We have to talk first.”
Ipinilig niya ang kanyang ulo. “Twelve years nang tapos ang lahat sa atin, Jude. Let it be,” piksi niya.
Kumatok uli ang nasa labas. Mas malakas.
Lalong nagmamadali sa paghakbang si Dani ngunit mas maagap ang lalaki. Nahawakan siya agad sa isang braso.
“Hindi puwede, Danica. Maraming unfinished business sa pagitan natin.” wika nito, paasik. Hinawakan na rin ang isa pang braso niya. Mahigpit ang pagkakadaklot ng mga daliring matitigas sa kanyang nanlalambot na mga kalamnan.
“Danica…babe,” bulong ni Jude habang papalapit ang matiim na bibig sa mga labi niyang pinatikom ng pagtutol.
“Huwag mo akong tawagin nang ganyan,” protesta niya. Nanghihina siya kapag naririnig ang mga pangalan na kaytagal nang di nasasambit sa kanyang pandinig.
Sinamantala ni Jude ang pagkakataon. Hinapit siya nang husto sa beywang at likod para tuluyan na siyang mabihag ng matipunong bisig. Walang gatol na nagkatagpo ang kanilang mga labi.
Napaungol siya nang tuloy-tuloy na humalagpos ang sinusugpo niyang mga damdamin. Hindi na niya napigilan ang sarili. Lumipad na sa hangin ang kanyang kakayahang magkontrol. Iniangat niya sa ere ang mga braso niya para kumapit nang mahigpit sa batok ng kaniig.
Hindi nila namalayan ang pagbubukas ng pinto. Nakakulong sila sa sarili nilang daigdig.
Kapwa sila naghahabol ng hininga nang maghiwalay sandali ang kanilang mga bibig na nagniniig. Nagkatinginan sila.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang may tumikhim sa gawing likuran nila. Muling bumalik ang mapait na realidad, ang malamig na mundong kanilang ginagalawan. Dali-dali siyang nagtangkang kumawala ngunit hindi natinag ang mahigpit na pagkakayapos ng lalaki sa kanya.
Sabay silang luminga sa pinanggalingan ng mahinang ingay. Nanunuyo ang lalamunan niya. Nanlalamig ang mga pisngi niya.
Nakamasid sa kanilang dalawa ang seryosong mga mata ni Boss John.
“Well, nobody mentioned to me that you knew each other,” umpisa nito, matalinhaga ang tono. “Intimately,” dugtong pa, medyo pauyam.
“N-no…” agap ni Dani. Mahina at paos ang pagtutol na iyon na numulas sa mapuputlang mga labi. Nanlaki ang mga mata kaya malinaw na nababasa ang matinding sindak na nakasakmal sa buo niyang katauhan.