Richelle decided to go back to her small home town to live with her ailing mother. She didn’t care if she might end up an old maid.
But fate had a surprise for her… Rino chose her to his future wife but she needed some thorough convincing first before saying ‘I do’!
Wala pang nakapagpatibok sa puso ni Richelle kaya wala pa sa isip niya ang pag-aasawa. Silang dalawa na lang mag-ina ang magkasama kaya naman hindi siya nag-alinlangang bumalik sa probinsiya para maalagaan ang nanghihina nang magulang.
Ngunit may itinakda pala para sa kanya ang kapalaran. Pero hindi niya magawang pagkatiwalaan agad ang iniaalok na relasyon ni Rino.
Paano ba masusubukan ang katapatan ng isang lalaki?
* * *
“Anak, natutuwa ako nagpasiya kang dito na tumira at magtrabaho,” ang masayang pahayag ni Aling Menang sa anak na si Richelle. Nayapos pa nga nito at nahagkan ang dalagang mas matangkad kaysa sa tipikal na Pilipina.
Ngumiti rin si Richelle. “Naging posible lang po iyan dahil may nakita ako dito, Inay. Mabuti na lang, natanggap ako sa ospital ni Dr. Rino Briñas,” pahayag niya habang hinahagod ng isang kamay ang likod ng ina.
“Maaalagaan ko na nang masahe at hilot ang inyong pilay sa balakang at mga hita.”
Kaya siya napauwi mula sa Maynila, kungsaan naglilingkod siya sa isang pribadong ospital doon bilang Senior Physical Therapist, ay dahil naaksidente ang matandang ina habang sakay ito ng traysikel.
Hindi naman grabe kaya lang ay ininda nito nang husto ang pagkabugbog ng ibabang bahagi ng katawan.
May dalawang buwan na siyang namamalagi dito sa bayang sinilangan, ang Siloan, nang mapagpasiyahan niyang magbitiw na sa trabaho at lumipat na lang dito.
Itinuturing niyang suwerte ang pagkakatanggap sa kanya sa nasabing ospital. Nag-iisang pribado ito sa panig na iyon ng kanilang probinsiya.
Pero hindi matatawaran ang mga modernong instrumento at kasangkapan sa panggagamot at eksaminasyon ng mga sakit.
“Naku, kabalitaan sa pagiging mabait at maginoo ang duktor na iyon, iha. Tiyak na madali kang mawiwili sa bagong trabaho mo,” wika ni Aling Menang. Siyang-siya ang mukha nito. Wala talagang paglaygan ng kaligayahan.
Napatawa si Richelle. Tutoo ang sinabi ng kanyang ina. Na-interview na siya ng butihing manggagamot na ubod nang yaman kaninang umaga.
Hindi lang ang mga naunang katangian ng lalaki ang napuna niya habang nag-uusap sila sa opisina nito, bilang administrador.
Aywan kung bakit bigla na lang nag-init ang mga pisngi niya habang nagsisikip ang kanyang dibdib, nang unang magtama ang kanilang mga mata ng lalaking pinaka-guwapo at pinaka-simpatiko sa mga nakita na niya.
Sa kanyang medical na propesyon, maraming kalalakihan ang malinis tingnan. Mga mestisuhin at tipong artistahin, ngunit medyo malambot din.
O di kaya’y sobrang pino ang pagkilos.
Marahil naapektuhan ang pagkalalaki habang pinag-aaralan ng mga ito ang pagtatago ng mga emosyon…
Ngunit hindi si Rino Briñas…
Akala ni Richelle, sa libro o sa pelikula na lang niya makikita ang mga lalaking sinasabing: ‘Oozing with sex appeal’: Iyon pala, may isang nagtatago dito sa sariling bayan niya.
“Magluluto na ako, anak.” Paalam ng ina sa kanya ngunit bahagya na lang niya narinig ito.
“Opo, Inay.” tugon niya, halos wala sa loob.
Sinikap niyang iwaksi ang kanyang nadaramang pasinasyon para sa magiging amo. Sinermunan niya at kinagalitan ang sarili hanggang sa pagtulog.
Kinabukasan, medyo kontrolado na niya ang kanyang yumayabong na paghanga. Wala namang masama sa nagiging interes niya para sa lalaki pero hindi dapat ang ganito dahil magka-trabaho sila. Hindi normal ang sitwasyon.
“Puwede ka bang mag-umpisa bukas, Miss Sandoval?” Tanong ni Dr. Briñas sa kanya nang matapos ang pormalidad na interbyu.
“Or course, sir,” tugon niya, walang gatol.
“Good. Your duties start at eight o’clock sharp. Would that be okay for you?” Ngumiti ang lalaki na para bang nasiyahan sa kanyang tugon.
“Yes, sir.” Ngumiti rin siya pero matipid. Pormal ang kanyang anyo dahil ayaw niyang ipahalata ang nararamdamang admirasyon para dito.
Masigla siyang nagbihis para makapasok nang mas maaga kaysa sa takdang oras para mahiratian agad niya ang panibagong posisyon.
Nauna siyang dumating kaysa sa binatang duktor kaya naghintay muna siya sa reception area.
“Darating na raw siya, Richelle,” pahayag ng nars na dati niyang kaklase nung hayskul, si Noela. “May nanganak sa Baryo Agahan, kaya nandoon siya.”
Nagtaka si Richelle. “Hindi ba’t nasa paanan ng bundok ang bahay ni Sir?”
“Nagbigay ng radyo ang ospital sa mga baranggay halls na mula rito hanggang sa inuuwian niya, kaya madaling nalalaman ang mga emergency cases,” pahayag ni Noela. Tumingin ito sa labas ng kubikulo nito.
“Ayan na si Doc, o,” balita nito habang itinuturo ang kotseng kulay puti na pumarada sa tapat ng malaking pintuan ng ospital.
Tumindig si Richelle upang maghanda sa pagsalubong sa ama. Dinampot niya ang kanyang handbag na itim. Naka-blusang puti at paldang puti rin siya ngunit hindi ito ang kanyang uniporme. Naka-stocking na puti at sapatos na itim siya.
Ang kanyang mahabang buhok ay naka-pusod, katulad kahapon. Suot niya ang kanyang salamin sa mata ngunit walang mataas na grado iyon kaya puwedeng hindi niya isuot. Ginamit lang niya ngayon para gawing taguan.
“Good morning, sir.” Bati niya sa lalaking naka-polong kulay asul at slacks na kulay cream. Kaswal at preskung-presko tingnan kaya agad na napalunok si Richelle.
“Good morning, Miss Sandoval. Sorry to keep you waiting. Natanggap mo ang message ko sa radyo, Noela?”
“Opo, sir. Dito ko na po pinaghintay si Richelle. Naging magkaklase po kami niyan sa hayskul, sir.” Pagkukuwento ng dalagang nars.
Ngumiti ang duktor. “Ganoon ba? tubo ka rin pala rito,” sabi nito habang bumabaling sa kanya. “Halika ka na. Naipalinis ko na ang magiging opisina mo, pati ang Therapy Room.”
Pinauna siya ng magalang na lalaki sa pag-akyat. Pati sa pagpasok sa malaking kuwarto sa mga kagamitang pang-masahe.
Hindi niya maitago ang pagkamangha habang inililibot ang paningin sa paligid.
“I am very impressed, sir.” Nilapitan niya ang de-kuryenteng muscle toner.
“I’m glad,” ani Rino. Ipinakita nito ang tanawin sa labas ng bintana. “Matatanaw mo mula dito ang buong plasa.”
Napilitan siyang lumapit sa tabi nito upang tingnan ang ipinakikitang bahagi ng bayan sa kanya.
“Nabalitaan ko ang ospital na ito noon. Madalas ko rin makita kapag umuuwi ako pero hindi ko akalain na kumpleto at moderno ang lahat ng mga kagamitan,” wika niya para mawaksi ang pagkailang niya sa lalaki.
“Salamat, Miss Sandoval. Ipinagmamalaki ko ang ospital na ito ngunit ikinalulungkot kong sabihin na kalahati pa lang ito sa pangarap kong itayo. Kaunti pa lamang ang natutulungan sa ating mga kababayan. May mga kaso pa na kailangan pang iluwas para magamot sa Maynila.”
Habang nagpapaliwanag si Dr. Rino, tila wala sa loob na hinihimas ng isang kamay ang gilid ng panga na bagong ahit. Clean cut ang buhok nito na pulos itim pa at bahagyang umaalon.
“Sobra-sobra na ang maitutulong ng ospital sa lahat. Mas mabuti naman kaysa sa wala,” salo ni Richelle.
Tumawa nang mahina ang lalaki. “Bakit ba ganyan ang palagi kong naririnig kapag nagrereklamo ako na kulang pa ang lahat?” tudyo nito sa sarili. “Wala kaya akong kakuntentuhan?”
Bahagyang namula ang mga pisngi ni Richelle.
“Pasensiya ka na, sir. Sinasabi ko lang iyan dahil ganyan ang mga pananaw ng mga tao dito. Malaki raw ang naitulong ng mga radyo para mapadali ang pagpapadala ng mga impormasyon at mensahe. Naging mabilis ang komunikasyon kaya naiiwasan ang paglala ng mga sitwasyon, lalo na kapag may kalamidad,” pahayag niya.
Napahaba lang dahil bigla siyang nalito nang mangitian na naman siya ni Dr. Rino.
Gusto niyang kurutin ang sarili para mapalis ang kanyang reaksiyon na para lang sa mga tinedyer na bago pa lamang nakakaranas ng crush at infatuation.
Mabuti na lang, may tumawag sa binatang duktor. Naiwan siyang mag-isa para makabawi ng kontrol…
Naging madali ang paglipas ng maghapon na iyon sa unang araw niya sa trabaho. Dalawang pasyente ang naka-confine doon na nangangailangan ng kanyang serbisyo at atensiyon.
Isang batang babae na edad sampu at isang binatilyo na edad disisiyete. Parehong aksidente sa bisikleta ang kinasangkutan kaya napinsala ang isang braso at dalawang tuhod.
Dakong alas singko nang muli niyang makita ang hinahangaang amo.
Naka-blazer na ito ng isang manggagamot na espesyalista. Lalong naging simpatiko kahit na may nakasabit na stethoscope sa leeg at may suot na salamin sa mata.
“Hi, Miss Sandoval,” bati ni Rino sa kanya. “How’s your first day?”
Pinilit ni Richelle ang pagngiti nang pormal. “Just normal, but not boring.”
“Good, good.” Tumingin ito sa relong pandingding. “Five o’clock ang uwian dito, puwera na lang kung may emergency. ang naiiwan ay ang night shift. Nakapagligpit ka na ba?”
Tumango si Richelle. Wala namang dapat dapat na iligpit. Mild massage pa lang naman ang kailangan ng mga pasyente niya.
“Ihahatid na kita. May pasyente ako sa gawing J. Rizal Street. Kailangan kong dalawin para ma-eksamin. I shall need your assistance,” wika ng lalaki habang nakatitig sa kanya. “Doon ang kalyeng kinaroroonan ng bahay mo, hindi ba?”
Walang nagawa si Richelle kundi ang tumango uli. Pakiramdam niya, napasuot siya sa isang masikip na sitwasyon.
“Um, yes, sir…”
Sinabi niya ang paulit-ulit sa kanyang sarili kagabi na iiwas siya sa amo, hanggang pupuwede.
Bitbit niya ang kanyang bag nang lumabas ng Therapy Room para magpauna sa paglabas ng ospital. Huminto sila sa reception upang mag-out sa logbook. Pati pala ang adminstradsor ay nakalista rin sa employee’s attendance list.
“Pakidala nga ito, Miss Sandoval,” utos ni Rino habang iniaabot sa kanya ang isang kahon na yari sa metal na puti.
May kabigatan kaya dalawang kamay ang pagkahawak niya.
Mas mabigat at mas malaki ang dalang bagahe ng duktor habang palapit sila sa nakaparadang kotse.
“Thank you,” wika nito habang kinukuha sa kanya ang kahon upang ilagay sa likurang upuan.
Habang nagmamaniobra ang binata, naghari ang katahimikan sa loob ng sasakyan.
“Kilala ko siguro ang pasyente ninyo, sir.” Binasag ni Richelle ang katahimikan nang hindi na siya makatiis sa tensiyon na nasa loob lang ng sarili niya.
“Sigurado,” ang maikling tugon naman ni Rino.
Hindi na uli siya nagkalakas-loob na magsalita nang hindi na sundan ng lalaki ang sinabi.
Laking-gulat niya nang makitang sa harapan ng bahay nilang mag-ina humihinto ang sasakyan.
“N-nandito ang pasyente?” paniniyak niya.
Tumango ang lalaki at ngumiti.
“Si Aling Menang ang pasyente. Hindi ba’t siya ang iyong ina?”
Nagtaka si Richelle. “Pero, hindi naman sa inyo nagpapatingin ang inay, a?”
“Nagbakasyon si Dr. Santos, kaya nakatoka sa akin si Aling Menang. Bukas pa sana ang iskedyul niya sa akin, pero baka nasa Maynila ako,” paliwanag nito habang pinapatay ang makina. “Kamusta na ang balakang niya?”
“Uh, m-mabuti naman,” tugon ni Richelle, nalilito pa rin.
Nawala sa isip niyang bukas na nga pala ang ika-dalawang linggo ng obserbasyon sa kalagayan ng kanyang ina.
Umibis ang lalaki kaya para siyang nahimasmasan nang makitang paikot na ito sa hood ng kotse para lumapit sa pinto niya para buksan iyon.
Tinangka niyang pagbuksan ang sarili ngunit naunahan siya ni Rino. Muntik na siyang matapilok dahil sa katarantahan.
Mabuti na lang, nahawakan siya ng lalaki sa isang siko niya.
“S-Salamat,” aniya habang maliksing humahakbang palayo.
Nanumbalik ang pormalidad niya nang iabot na uli sa kanya ni Rino ang maliit na kahong metal.
“Sana ay nabanggit n’yo kanina na si Inay pala ang pasyente. Puwede ko naman siyang isama bukas.”
Ngumiti si Rino sa kanya.
“Kung sinabi ko sa iyo, baka magpilitan pa tayo. Atsaka, baka nga makaluwas ako bukas.”
Lalong nadagdagan ang pagkapahiya ni Richelle. Lumabas kasi na hindi siya natutuwa sa pagmamalasakit nito sa kanyang ina.
“Sana’y ay hindi kami gaanong nakaabala ngayon, sir,” sambit na lang niya bilang paghingi ng dispensa.
Nasa may pintuan na si Aling Menang nang pumasok sila sa tarangkahang mababa at yari sa kahoy. Abot-teynga na ang ngiti na para bang kanina pa sila natatanaw.
“Ku, magandang hapon po, doktor. Nagpasabi po si Dr. Santos na kayo na ang titingin sa akin habang nagbabakasyon siya sa Amerika. Puwede na naman akong magpunta sa ospital bukas,” salubong nito sa magalang na tono.
“Baka po maabala kayo bukas, dahil may plano pa akong lumuwas sa Maynila.” Tila walang sawang magpaliwanag si Rino. Hindi kataka-takang maging matagumpay at iginagalang na manggagamot ang lalaki.
Matapos ilagay sa ayos ang matandang babae, pati na ang mga kasangkapang dala nila, nagtungo sa kusina si Richelle.
Hindi niya malaman kung ano ang dapat gawin para makapagtimpla ng kape. Parang na-ba-blangko siya na hindi niya maintindihan.
“Anak, may nakatimplang pineapple juice diyan sa ref,” tawag ni Aling Menang mula sa sala. “Gumawa ka na lang ng sandwich.”
Saka lang siya nakabawi ng kanyang sarili. Ilang sandali pa, lumalabas na siyang dala ang isang tray na mayroong tatlong basong orange juice at isang platong may lamang mga tatsulok na sandwich.
Malugod na tinanggap ng duktor ang simpleng meryenda na inalok ng maybahay. Para bang sarap na sarap pa nga sa pagkain.
Samantalang napakayaman nito at pwedeng bumili ng pinakamahal na pagkain kahit na anong oras.
Parang nabasa ng lalaki ang nasa isip niya.
“Pihong lagi kayong magana kumain ngayon, Aling Menang. May kasabay na kayo palagi, e.”
Muling sumilay ang masayang ngiti sa bibig ng matandang babae.
“Naku, e, lagi naman talaga akong maganang kumain, e. Pero mas lalo pa ngayon na nandito na ang aking anak, siyempre,” pagmamalaki nito.
“Ang Inay talaga. Nalulungkot na po pala kayo’y ayaw n’yo pa akong pauwiin noon,” wika niya sa nakikiming tono.
“Disinsana, noon pa ako lumipat dito. Baka hindi pa kayo naaksidente ngayon.”
“Aba, malay ko bang gusto mo na palang umuwi,” salo naman ng matanda, nagbibiro ang tono. “Wala ka namang sinasabi.”
Lalong namula ang mga pisngi ng dalaga dahil nauwi na sa malambing na argumento na naging hilig gawin ni Aling Menang nitong mga huling araw. Narinig kasi nito sa radyo na iyon ang ehersisyo ng mga tumatanda para hindi maging ulyanin nang husto.
Nakamasid lang sa kanila si Rino. Para bang naaaliw pa ito.
“Inay, nakakahiya naman kay Dr. Briñas. Pumuwesto na po kayo para masimulan na ang eksaminasyon,” ang malambing na paalala ni Richelle sa inang pasyente.
“Hindi naman ako nagmamadaling umuwi,” wika ng binata habang inilalabas ang stethoscope. “Wala naman akong kasama sa bahay na maghihintay sa aking pag-uwi,” dugtong pa. May himig ng lungkot sa mababang tono.
Kunwa’y walang nahalata si Richelle. Hanggang maaari, ibig niyang magkaroon ng palagiang distansiya sa pagitan nila — para sa kapayapaan at katahimikan ng kanyang isipan at kalooban…!
Tatlong araw na wala si Rino. Nayayamot na si Richelle sa kanyang sarili dahil dalawang araw pa lang niyang nakikita ang lalaki, nangungulila na siya.
Ibinuhos niya ang buong atensiyon sa kanyang trabaho. Ngunit nahihirapan siyang iwaksi ang mga ngiti ng binatang duktor.
Paano’y tuwing matatapunan siya ng mga sulyap nito, parang siya na ang pinaka-magandang babae sa buong mundo.
Bakit ganoon ang epekto ng lalaking iyon sa kanya? pang-uusig ni Richelle sa kanyang sarili.
Linggo ang ika-apat na araw at wala siyang pasok. Maghapon siyang naglinis sa bahay at naglaba ng mga damit para mapagod at nang hindi makapag-isip.
Kina-Lunesan, maaga uli siyang pumasok pero tuloy-tuloy na siya sa kanyang opisina para magprepara sa panibagong linggo ng pagmamasahe at paghihilot.
“Hello? Good morning, Miss Sandoval,” bati ni Rino sa kanya. Nakasungaw ito sa bahagyang awang ng pinto ng Therapy Room.
Nataranta si Richelle. Nakatingkayad siya dahil mayroon siyang inaabot sa pinakamataas na parte ng cabinet. Nabigla siya sa paglinga kaya nadanggil niya ang plorera na nakapatong sa ibabaw ng filing box.
Mabuti na lang naagapan niyang saluhin ito.
“I’m sorry, nagulat pala kita. Hindi ko sinasadya,” wika ni Rino habang papasok sa silid. Kinuha nito ang plorera mula sa mga kamay niyang nanlalamig. “Mabuti na lang, walang laman na tubig ito.”
Tumango lang si Richelle. Pulang-pula ang pakiramdam niya sa kanyang mukha.
“W-walang anuman, sir. May baon naman akong blusa, kung nabasa ako. Uh, k-kailan pa po kayo dumating?”
“Kahapon nang gabi, Kumusta naman dito? Nagagamay mo na ba ang mga instrumento?”
Tumango uli ang dalaga. “Katulad rin naman sila ng mga ginagamit ko sa Maynila, e.”
“E, ang mga pasyente?”
Hindi napigil ni Richelle ang mapangiti dahil nasakyan agad niya ang ibig tumbukin ng lalaki.
“Mas may tiwala sila dito. Hindi katulad sa Maynila. Masyadong duda ang mga pasyente doon, lalo pa kung may kaya ang pamilya,” pahayag niya.
“Hindi mo naman masisisi dahil marami sa mga ka-propesyon natin ang nagma-malpractice, hindi ba?” tugon naman ni Rino.
Ibinalik nito ang plorera sa ibabaw ng filing box at lumakad na patungo sa pinto.
“Kung anuman ang maging problema mo, puntahan mo lang ako sa top floor, ha? I want to keep the hospital staff happy and contented here,” dagdag pa sa himig nagbibiro.
Muling nag-blush si Richelle ngunit pinilit niya pa rin ang ngumiti bilang pagtugon.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Dapat ay masanay na siya sa pagsulpot-sulpot ni Rino sa Therapy Room ngunit palagi pa rin siyang nagugulat at natataranta kapag naririnig na niya ang boses ng amo.
“Talaga bang magugulatin ka, Miss Sandoval?” tanong ni Rino nang muntik na naman siyang makabasag dahil sa pagkagulat.
“H-Ha? A, e, bigla-bigla naman kasi kayong sumusulpot, sir,” pagdadahilan niya habang inililigpit ang mga botelya ng langis na gamit niya sa trabaho.
Tumawa nang patudyo ang lalaki, habang humahakbang palapit sa kanya.
“O talaga lang ayaw mong nakikita ang mukha ko?”
Hindi malaman ni Richelle kung ano ang itutugon. Nagkunwari na lang siyang kailangan niyang yumukod nang mababa para mabalik sa mababang kabinet.
“Well?” untag ng lalaki nang maka-diretso na uli siya ng tayo.
“A-ano ‘yon, sir?”
Muling ngumiti nang banayad si Rino.
“May sakit ka ba sa nerbiyos, o allergic ka sa akin?” pananalakab nito. Masuyo ang tono.
Hindi na naman napigil ni Richelle ang pamumula ng mga pisngi niya. Hindi siya makatingin nang diretso dito habang nagaapuhap siya ng ikakatwiran.
“H-Hindi naman, sir…” tanggi niya pero walang konbiksiyon ang kanyang pagsasalita.
“So, mali pala ang impresyon ko?” panunudyo pa nito.
Nalilito si Richelle. Hindi niya alam kung saan siya titingin. Parang gusto niyang matunaw habang nakangiti at nakatitig sa kanya ang lalaki.
“Uh, m-may kailangan po kayo, sir?” Iniba niya ang usapan para sa ikapapayapa ng kanyang kalooban.
Tumango ang lalaki matapos ang sandaling pag-aalinlangan.
“Mayroon akong pasyente sa bundok na kailangan ng espesyalidad mo, Miss Sandoval,” pahayag nito sa seryosong tono na.