Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

HIS SUBSTITUTE LOVER

Honey was in love with Robert, who had a girlfriend also named Honey. How could Honey the First compete with Honey the Second who was a super model for Robert’s attention?

Ang puso daw ay bulag sa pag-ibig. Katulad ng puso ni Honey…

Matagal na siyang umiibig sa pinakasimpatikong lalaking nakilala niya – si Robert. Ngunit wala naman siya sa kalingkingan ng maganda at modelong girlfriend na ‘Honey’ rin ang palayaw.

Nang tugunin ng tadhana ang sikretong hiling, sinunggaban ng dalawang kamay ni Honey ang atensiyon na iniukol ni Robert sa kanya…

Kahit na siguradong masasaktan siya bandang huli!

* * *

Ang pag-ibig, kapag dumating sa puso, ay hindi alam kung saan at kung kailan. At ni walang dahilan. Basta nararamdaman na lang na umiibig na nang lubos.

Ganito ang dinanas ni Honey. Ngunit ang pag-ibig na nararamdaman niya ay agad ring binahiran ng lungkot. Hindi pa man ay kaagad na siyang nabigo. Pag-aari na pala ng ibang babae ang lalaking napusuan niya. Atsaka hindi sila magkabagay.

Si Robert De Vera ay isa sa napakaraming suki ng kanilang karinderya. Kahit na mayaman ito at halatang sosyal, malimit itong makipagsiksikan sa mga kustomer ng munting restawran nila.

Ayaw niyang may makahalata sa lihim na pagtingin niya sa binata kaya hindi lumalabas ng kusina si Honey kapag dumating na ito para mananghalian o magmeryenda. Marami siyang naidadahilan, katulad ng paglilinis ng refrigerator at paghuhugas ng mga ginamit na kaldero. Mas gusto pa niyang magkaskas ng mga higanteng kaldero sa loob ng mainit na kusina.

Nagkakasya na lamang si Honey sa mga panakaw na pagsilip sa maliit na bintana na pinalagyan nila ng one-way mirror. Sa pamamagitan ng palihim na panunubok, nakilala niya ang malalapit na kaibigan ni Robert kasa-kasama nito. Pati na ang maganda at seksing nobya – na kapalayaw pa niya!

Maria Honesta Mallari ang buong pangalan niya. Samantalang ang sosyal na modelo ay may screen name na Honey Baron. Elegante. Sopistikada. Matangkad. Maputi. Makinis.

Pero ubod ng arte.

Halos kabaligtaran si Maria Honesta o Honey. Simple lang siya. Medyo mapusyaw ang kulay ng makinis na balat. Medyo matangkad nang kaunti. Marunong magdala ng damit kung kinakailangan. At walang kiyeme sa pagkilos. Palagi siyang maliksi, lalo na kapag nagtatrabaho sa loob ng kusina.

Hindi dahil sa magkaribal sila sa pag-ibig kay Robert kaya nasasabi ni Honey na maarte ang modelo. Ang totoo ay talagang maarteng kumilos ang babae. Palagi itong nakaingos at nakataas ang noo kapag nagpupunta sa kanilang kainan, ang “HoneyBee Eatery & Catering”.

Alam niyang hindi pa rin nakapasa sa sosyal na panlasa ni Miss Baron ang malinis at simple pero semi-class na kaayusan ng kanilang puwesto. Siguradong mas gustong sa mga five-star hotel and restaurants.

Gayunpaman, walang magawa si Honey kundi ang tumanggap ng pagkatalo dahil halatang-halata naman na napapaligaya ng nobya si Robert. Kahit na masakit, sumasaya na rin ang kanyang kalooban sa tuwing nakikitang nakangiti ang lalaki kapag kasama si Miss Baron.

‘Baliw ka talaga, Maria Honesta!’ Sinusumbatan niya palagi ang puso. Pero wala naman talaga siyang puwedeng gawin kundi ang maging maligaya para sa minamahal.

Hanggang sa lumipas ang dalawang taon…

Ang sikretong pag-ibig ay nanatiling buhay. Hindi man yumayabong, patuloy naman sa paglalim ang mga ugat. Tila hindi na makikitil kahit ano pa ang gawin niyang paraan ng paglimot.

Isang araw, naiwanang mag-isang nakatao si Honey sa eatery. Linggo kasi kaya ang tatlong serbidora at dalawang helper na lalaki ay mga naka-day-off. Ang biyudang ina na si Aling Modesta ay nagsimba sa Baclaran. Ang mga nakababata niyang kapatid na sina Mark, Manny, at Au-Au ay nanood naman ng sine.

Hindi na sana magbubukas ng puwesto si Honey dahil Linggo naman. Pero sayang rin ang kikitain kahit siguradong madalang ang mga kustomer.

Nang makita si Robert at ang ilang mga kaibigan, agad na nagsisi ang dalaga kung bakit binuksan pa niya ang maluwang na pinto ng eatery.

Halos hindi makontrol ang pangangatog ng mga tuhod niya dahil ngayon lang niya makikita nang malapitan ang binata. Parang naubusan ng hangin ang mga baga ni Honey nang lumapit si Robert sa counter para um-order ng pagkain. Maririnig na niya ang boses ng tanging lalaking pinag-ukulan niya ng makukulay na panaginip at malalalim na buntonghininga.

“Good afternoon, miss,” ang magalang na bati ng binata sa kanya. Tila nagtataka habang nakatitig sa mukha ni Honey. “Wala si Aling Modesta?”

Ikinuyom ni Honey ang mga palad na mariing ibinaon sa magkabilang bulsa ng suot na jeans. Ilang segundo siyang nakatulala habang ang utak ay paulit-ulit na nagtatanong. Nakapagsuklay na ba siya? Nakapagpulbo ba pagkatapos mag-shower kanina?

“H-ha? A, e, n-nagsimba.” Nagkapili-pilipit ang dila niya. Hindi magkandatuto sa pagtugon.

Oh my God! Mas mapungay pala ang mga mata ng mahal ko sa malapitan. Parang pambabae ang mahahaba at makakapal na pilikmata pero hindi naman nakabawas sa masculine appeal. Napakatangos ng ilong. Kayumanggi ang malinis na balat. Lalaking-lalaki.

Pinilit niyang ipaling ang tingin upang muling makapagsalita. Daig pa niya ang nahihipnotismo habang nakatingin kay Robert.

“Er, a-ano po ba ang kailangan n’yo kay Inay?” tanong ni Honey nang makabawi ng kaunting wisyo. Napasulyap siya dalawang kaibigan ni Robert nakaupo sa di-kalayuang mesa pero nakamasid sa kanilang dalawa.

“Anak ka rin ni Aling Modesta?” Napamaang ang binata. “Ikaw siguro ang sinasabi niyang panganay?”

Lumala ang nadaramang pagkakimi ni Honey. Ngunit pinilit niyang paglabanan ang biglaang pag-atake ng pagkamahiyain. Beinte-nuwebe na siya. Dalawang taon na lang, wala na sa kalendaryo ang edad niya. Malapit nang mapag-iwanan ng biyahe.

Okey lang sa kanya. Si Robert lang naman kasi ang gusto niya…

Baliw…

Kapag natuluyan siyang tumandang dalaga, ang dahilang iisipin ng mga tao ay ang sobrang pagkalibang niya sa pagnenegosyo. Magmula nang yumao ang ama, siya na ang gumampan sa papel na magulang para sa mga nakakabatang kapatid. Sakitin kasi ang kanyang ina. Nag-working student siya para makatapos sa college. Nagsipag at nag-ipon ng puhunan nang makapag-abroad.

Kaya wala siyang dapat ipangimi sa harap ng lalaking lihim na itinatangi.

“Ako nga po. Sino po ba sila?” Nagawa niyang maging matatag nang umiwas ng tingin.

Hindi lang niya makontrol ang pamumula ng mga pisngi dahil titig na titig sa kanya ang lalaki.

“Ako si Robert De Vera. Nasa tapat lang ang opisina namin.” Isang calling card ang iniabot sa kanya. “Puwede bang malaman ang pangalan mo, miss?”

Bumuntonghininga muna siya bago tumango. “Hon—Honey…” Honesta ang gusto niyang sambitin pero nasunod ang kanyang dila.

“Honey!”

Kunwa’y walang nahalata si Honey. Mabilis niyang inilagay sa loob ng index box ang calling card. Kumuha siya ng bolpen at scratch pad.

“Ano po ang oorderin n’yo, sir?”

“Kahit na anong available na snack n’yo ngayon, er, Honey.”

Lihim na nagdamdam ang dalaga nang tila nahihirinan si Robert sa pagsambit sa palayaw niya.

“Ano po ang drinks?”

“Juice at mineral water.”

“Meron po kayong mensahe para kay Inay?”

“Gusto ko sanang kunin ang catering service ninyo.”

“Oh.”

“We’re having a small but special party at home.”

Nahulaan na agad ni Honey na isang engagement party ang espesyal na okasyon. Para makasigurong maitatago ang kirot na nadarama, yumuko siya nang husto sa ilalim ng counter habang kumukuha ng catering information sheet.

“Paki-fill-up na lang po ito, sir. Ilagay n’yo po ang lahat ng mga details para makagawa kami ng accurate price quotes.”

“Okey.”

“Kailan po pala ang party, sir?”

“Next Wednesday. Bandang six or seven pm. Buffet style. Combination of fingerfoods and pasta dishes. I think, more on salad and fresh vegetable and fruit cuts.” Nagsasalita ang lalaki habang maliksing nagsusulat sa form. “Puwede na ba sa inyo ang five days’ preparation time? I’m sorry sa pang-aapura. Medyo biglaan kasi.”

“Five days is alright, sir. Please be assured that we’ll do our best.”

“Thank you. I have no doubt na pulos masasarap ang mga pagkain sa party namin. Suking-suki ako ng iyong Inay dahil gustung-gusto ko ang lasa ng inyong mga pagkain dito.”

“Maraming salamat sa malaking pagtitiwala ninyo sa amin, sir.”

“Tumatanggap ba kayo ng check? Para sa deposit.”

“Opo, sir. Ihahanda ko na ang snacks ninyo.”

“Ok.” Tumango ang lalaki habang abala sa pagsusulat sa checkbook.

Halos sabay na natapos ang preparasyon ni Honey sa mga pagkain at ang pagsusulat ng lalaki.

“Thank you once again, Honey.” Inilahad ni Robert ang isang kamay.

“You’re welcome, sir.” Napilitang makipagkamay ang dalaga. “Pakilagay din po ang email address ninyo sa form para maipadala namin ang proposed menu bukas nang umaga.”

“Done.”

Kinagat ni Honey ang dila pero nakapiglas pa rin.

“What about a cake, sir?”

“Cake?”

“A-an engagement cake?”

“How did you guess?” Nakakakiliti ang mahinang pagtawa ni Robert. “That would be wonderful. Pero ayoko sanang mapagod nang husto ang Inay mo? Masyado na siyang maraming lulutuin.”

Sino ba namang babae ang hindi mapapaibig sa lalaking ito? Guwapo at macho na, humble at thoughtful pa! Marunong palang pumili ang puso niya. Kaya lang ay hindi naman para sa kanya…

“Marami naman siyang katulong, sir.” Kahit binabalot ng lungkot ang puso ni Honey, nanatiling nakangiti ang bibig niya.

“Then include the cake, by all means.”

“Ano po ang names na ilalagay namin, sir?”

“Rob and Honey.”

“Gusto n’yo po bang ilagay ang singsing sa tuktok ng cake?”

“Wow! You’re really smart. Please do.”

Napuna ng dalaga na hindi na binabanggit ng lalaki ang palayaw niya.

Wala kang karapatang magselos!

“Advanced congratulations, sir.”

“Salamat. Now, I’ll leave you in peace.”

Peace… Matagal nang nawala ang peace of mind at peace of heart niya…

Habang sinusundan ng tingin ang papalayong lalaki, bumubuntong-hininga si Honey. Gusto niyang isipin na infatuation o crush lamang ang nararamdaman niya. Ngunit tumatagal ba naman ng dalawang taon ang mababaw na emosyon? Napailing siya.

Malalim pa rin ang iniisip niya hanggang sa dumating ang kanyang pamilya. Naunang umuwi ang ina, pero bahagya na lang silang nagkausap dahil nagtuloy agad ito sa kuwarto upang magpahinga.

“Sumakit ang ulo ko, anak. Sobrang dami ng tao,” wika ni Aling Modesta matapos siyang magmano dito.

“Magmeryenda po muna kayo bago magpahinga, Inay,”

“Kuu, busog pa ako. Baka masira ang gana ko sa hapunan. Sige, dito na muna ako sa kuwarto. Pakigising na lang kung kakain na tayo.”

Makaraan ang isang oras, ang tatlong kapatid naman niya ang sumira sa pangangarap niya nang gising.

“Ate Honey, may pasalubong kami sa ‘yo,” wika ni Au-Au habang nakatawang inilalapag sa harapan niya ang isang supot na plastic. “Paborito mo ang siomai, di ba?”

“Pancit bihon,” bawi naman ni Mark, sabay lapag ng isang supot na yari sa papel na brown.

“Mas magugustuhan ni Ate ang pizza ko,” pakli ni Manny. Isang manipis at malapad na pizza box naman ang inilagay nito sa tabi ng dalawang balutan.

Hindi napigil ni Honey ang mapailing habang ngumingiti. “Kayo talaga, para pa rin kayong mga bata kung magtalu-talo. Lahat ng dala n’yo, paborito ko. Salamat sa pag-aalala n’yo.”

“Welcome!” ang sabay-sabay na sambit ng tatlo.

“Mmm, baka tumaba na ako, a?” pagbibiro ni Honey matapos isa-isang buksan ang mga pasalubong.

“Patikim ng siomai, ha?” sabad ni Au-Au.

“Ako rin,” dagdag ni Mark. “Atsaka ng pancit at pizza na rin.”

“Naku sila rin pala ang kakain ng mga pasalubong!” bulalas naman ni Manny.

Naghagikhikan ang dalawang nakakabata. Si Au-Au ang bunso kaya medyo may kakulitan.

“Hus, nahihiya pa kunwari si Kuya Manny!” pambubuska ng dalagita. “E, haya’t laway na laway ka na sa pancit at siomai, a?”

“Ano? Sa pizza ko lang, ha?”

Nagkatawanan na naman silang apat.

“O, siya, ihain n’yo na nga ang mga dala n’yo. Pagsaluhan na natin habang mainit pa,” wika niya. “Teka, may pasalubong din ba kayo kay Inay?”

“Oo naman, Ate. Tatlong malalaking mansanas!” Iniangat ni Au-Au ang dalang plastic bag sa isang kamay. Aninag sa malinaw na sisidlan ang mapupulang kulay ng imported apples.

“Okey. Pakilagay mo na sa ref. Siyanga pala, may dalang sapin-sapin si Inay. Ihain n’yo na rin.”

“Wow! My favorite!” Pumalakpak pa si Mark.

“Baka hindi na tayo makakain ng hapunan,” puna ni Manny.

“Oo nga. Gisingin n’yo na kaya si Inay para sabay-sabay na tayong makakain.”

“Ako ang gigising. Magpapalit din ako ng damit,” prisinta ni Au-Au.

Binitawan na ni Honey ang ginagawang plano ng menu sa party ni Robert. Inipit niya ang ballpen sa menubook na pinag-aaralan para hindi malito sa pagbabalik-trabaho mamaya.

“‘Andito na ako,” pahayag ni Aling Modesta. Pupungas-pungas ito habang papalapit sa kanila. “Bakit ba ke iingay n’yo? Ang akala ko’y nagkakagiyera na, a?”

Sunud-sunod na nagsipagmano ang tatlo sa ina bago nagkanya-kanya ng gawain. Naghahagikhikan pa rin ang mga ito.

Nagkatinginan silang mag-ina at sabay pang napailing-iling. Si Aling Modesta ang unang nagsalita. “Kung nabubuhay ang inyong ama, tiyak na natutuwa rin siya ngayon. Am’babait ninyong mga anak namin. Lalung-lalo ka na, Honey,” ang seryosong papuri nito. “Maraming salamat sa pagtataguyod mo sa amin, iha. Napakabuti mo.”

Nabigla si Honey sa narinig pero naantig din. “Kami po ang dapat na magpasalamat, Inay. Pinalaki n’yo po kami nang maayos at tama, kahit wala na si Itay,” malambing na tugon niya.

Hinaplos ni Aling Modesta ang nakatirintas na buhok ng anak. “Alam mo ba kung ano ang panata ko sa Mahal na Birhen sa Baclaran ngayon?” ang pabulong na sambit.

“Ano po?”

“Hinihiling ko na sana’y makatagpo ka ng isang lalaking magmamahal sa ‘yo habambuhay. Napakabait mo, anak. Nararapat lamang na magkaroon ka ng pag-ibig na magbibigay ng ibayong kaligayahan. Ang gusto ko sana ay katulad ng iyong ama ang matagpuan mo.”

“Sana nga po, Inay,” sang-ayon niya kahit na halos hindi na natatandaan ang nasirang ama.

Sana’y katulad ni Robert…

Hinagkan ng ina ang noo ni Honey. “Sa sandaling matupad ang panalangin at kahilingan ko para sa ‘yo, anak, huwag kang mangingiming iwan kami para sundan ang iyong kapalaran.” Seryoso pa rin ang tono. “Ang pag-ibig ay ipinaglalaban upang makamtan mo ang tamis ng kaligayahan.”

May bahid ng pait ang ngiting sumilay sa kanyang mga labi. Nalulungkot siya dahil naglilihim siya sa butihing magulang. Walang nakakaalam sa pamilya niya ang sikretong pagtingin para sa isang lalaking nakatali na sa iba.

“Tatandaan ko po ‘yan, Inay. Salamat po sa inyong malawak na pang-unawa.” Hindi na idinagdag ni Honey na matatagalan pa — o baka maging imposible pa! — na mapaibig siya sa ibang lalaki. Tila nag-iisa lamang sa mundo ang katulad ni Robert De Vera…!

Nakalipas ang dalawang araw nang halos di namamalayan ni Honey. Lunes pa lamang ng umagang-umaga ay nasa Balintawak na siya upang humango ng mga sariwang gulay at prutas. Maging sa Divisoria ay nagtungo rin siya. Dumayo pa nga siya sa Bulacan upang kumuha ng sariwang karne at itlog sa mga suking farms.

Ang mga delikadong gulay na katulad ng asparagus ay sa supermarket na niya binili. Maging ang mga mamahaling prutas na katulad ng strawberry, ubas, at iba pang imported fruits.

Gabi ng Martes pa lamang ay nakaparada na sa harap ng kanilang puwesto ang inarkila niyang refrigerated van-truck. Doon na itinutuloy ang bawat naglalakihang cooler chest ng iba’t ibang klaseng salad na ipinrepara nang ayon sa maraming recipes na nasa kuleksiyon ni Honey.

Umupa rin siya ng mga ekstrang tauhan upang magsilbing waiters. Kahit na wala sa usapan ang mga alak, nag-provide din siya. Anupa’t pati maging ang mga flower arrangements sa mga buffet tables ay binusisi na rin ni Honey.

Para bang siya ang mapalad na fiancee…

Walang kapaguran si Honey sa pag-aasikaso sa bawat detalye. Lahat ng maisip na magagandang ideya ay idinagdag niya para maging perpekto ang nasabing engagement party.

Ang subconscious mind siguro niya nangangarap na sariling engagement party ang pinagpapaguran.

Suntok sa buwan ang pangarap na iyan, Honey… Pero libre lang naman ang pangarap kaya sige lang. Ituloy mo ang kabaliwan…

Hanggang Miyerkules nang hapon, nakalubog pa rin si Honey sa kusina. Ang disenyo ng white engagement cake ay binonggahan niya kaya halos magmistulang wedding cake. Three-tiers high at two-feet wide. Pabilog ang hugis at isang dangkal ang kapal ng bawat layer. Espesyal ang mga white candies na hugis orchids. Ang white icing ay pinum-pino ang texture at hindi gaanong matamis, para ayon sa panlasa ni Robert.

Yari din sa candy ang munting unan na magiging patungan ng engagement ring.

Saka lang nakahinga nang maluwag si Honey nang mailagay na ang huling dekorasyon sa cake.

“Wow! Ang ganda ng pagkagawa mo sa cake na ‘yan, anak!” Napabulalas sa labis na paghanga si Aling Modesta. “Letratuhan natin para mai-display sa portfolio natin.”

“Sige po, Inay.”

“Pero kayang-kaya na namin ni Manny ‘yan. Magpahinga ka na muna. Tiyak na aabutin ng madaling-araw ang party ni Mr. De Vera. Araw-araw ka nang puyat. Baka wala ka nang lakas.”

“Tama po kayo. Salamat.” Halos hindi makangiti si Honey sa sobrang pagod. “Sige po. Pupunta na ako sa kuwarto.”

Nakatulog agad ang dalaga nang mailatag sa higaan ang pagal na katawan. Nang sumapit ang alas kuwatro ng hapon, gising na naman siya. Naligo agad at nagbihis.

Simple lang ang bestidang kulay pink and cream na ginawa niyang uniporme para sa catering business. Silang dalawa ni Diday ay magkaterno, maliban sa puting apron na suot ng assistant. Ang mga waiters ay nakasuot ng white polo at black slacks with black bow tie.

Dahil nag-shampoo ng mahabang buhok, nag-blower muna siya para matuyu-tuyo ang mga hibla bago ipusod nang mahigpit. Nagpahid siya ng kaunting pink lipstick at pulbo sa ilong at noo para maalis ang pangingintab.

Matapos mag-ayos, tinitigan ni Honey ang sariling mukha. Marami na ang nakapagsabing maganda siya. Pero sa tingin naman niya ay ordinaryo lang ang kanyang hitsura. Tama lang ang tangos ng ilong. Ang mga mata niya ay medyo bilog na medyo singkit. Mas gusto sana niyang maging makipot nang kaunti ang kanyang bibig para hindi gaanong pansinin.

“Kissable lips ang tawag d’yan,” wika ng college bestfriend na si Diane. “Naku, kung ako ang merong ganyan, gagamit ako ng mga lipsticks na mamahalin para palaging napapansin ng mga lalaki!”

“Okey ka lang, Diane? Gusto mong palaging may nakatitig na manyak sa ‘yo?”

“Manyak na ba agad ‘yung mapapahanga at mapapatitig sa mga labing kay sarap halikan?” pambubuska ni Diane.

Click here to READ MORE

Comments are closed.