His Sweet Innocent-11

Maraming babaeng pagpipiliian si Andro. Mas nababagay at mas karapat-dapat.

Baliw siya kung palalampasin niya ang pagkakataon.

Pumikit si Lorena nang mariin at tumango nang marahan.

Huminga nang malalim bago sinambit ang kasagutan.

“P-payag ako… I-uwi mo na ako,” pahayag niya. Malumanay pero tigib sa tensiyon.

Naningkit ang mga mata ng lalaki. Tila nagulat sa biglang pagkapitula niya. Hindi nito inaasahan na magiging madali siyang papayag.

Nakaramdam tuloy ng pagsisisi si Lorena.

Ngunit agad ring pinawi iyon. Hindi akma sa kanya ang kasabing Ingles na, ‘Easy-to-get, easy-to-forget’!

Walang halong pag-ibig ang binubuo nilang relasyon ni Andro.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

Kung magpapakipot siya, mawawala rin agad sa kanya ang lalaki. Kahit na anong gawin niya, magiging panandalian lamang siyang dibersiyon sa buhay nito.

“Makikisama ka sa akin? Titira ka sa townhouse at mananatili doon hanggang gusto?”

Tumango siya. Nakapikit pa rin.

“Tumingin ka sa akin, Lorena,” utos ng lalaki.

Tumalima siya. Nag-usap ang kanilang mga mata.

Enigmatiko ang kay Andro. Samantalang ang sa kanya ay bukas at nakalahad.

Nababasa ng lalaki ang nilalaman ng kanyang isipan at kaluluwa.

“You look like a damned sacrificial lamb,” puna nito.

“Nagsasakripisyo ako para kay Inay,” pag-amin niya.

Saglit na natigilan ang lalaki. Bahagyang kumunot ang noo.

“May nobyo ka ba sa probinsiya n’yo?”

Umiling si Lorena. Maraming nagpapalipad-hangin sa kanya magmula pa nung elementary graduation dahil malaking bulas siya.

Maraming nagtangkang manligaw nung nasa highschool at vocational school siya.

Ngunit wala ni isang nakapaglakas-loob na lumantad at magtapat ng pag-ibig sa kanya.

Kaipala, hindi para sa kanya ang ganoong klaseng eksena. Pang-kerida lang pala ang tipo niya…

Napilitang bumalik mula sa malayong paglipad ang utak ni Lorena, nang maramdaman niyang kinakalas ng mga daliri ang mahaba niyang buhok mula sa pagkakapusod.

“Napakaganda mo, Lorena,” papuri ni Andro. “Bulag ba ang mga binata sa lugar ninyo?”

Mapait ang ngiti niya.

“A-ako siguro ang bulag,” wika niya.

Sinuklay ng masusuyong hagod ang mahahabang hibla hanggang sa lumagay sa magkabilang balikat niya.

“Siguro nga,” sambit nito, halos wala sa loob.

Nakatutok ang buong atensiyon sa hugis-pusong hubog ng mukha niya, sa mga matang malalaki at bilugan, sa mga labing mamula-mula, at sa maliit pero matangos na ilong.

“Pero hindi sa ganda nakikita ang karisma mo,” dugtong nito. Parang ang sarili lang ang kausap.

Hindi matagalan ni Lorena ang mga titig na puno ng sidhi. Inilayo niya ang sarili sa lalaki, ngunit hanggang ilang pulgada lamang dahil nakaharang na sa likod ng mga binti ang katreng kahoy.

“You have something… magical,” patuloy ni Andro.

Mahina lang ang boses ni Andro pero tumitimo sa kasuluk-sulukan ng utak niya.

Sumibol ang pakla sa kalooban ni Lorena.

“H-hindi mo na kailangang dumiga, A-andro. Sinagot na kita, hindi ba?”

Bahagya siyang napamaang sa narinig na tinuran ng sarili. Hindi pa man nagsisimula ang imoral na pagsasama nagiging sinikal na siya.

“I’m sorry,” dugtong niya.

Kusang-loob ang pagpayag niya. Hindi siya pinilit.

Hindi ba pamimilit iyong alukin siya ng isang bagay na katukso-tuksong tanggapin? Ang buhay ng kanyang ina, kapalit ng katawan niya.

A, sino ba ang niloloko niya?

Alam niyang hindi lang ang kanyang katawan ang magiging kabayaran.

Alam niyang hindi na siya titingin sa ibang lalaki na katulad ng pagtingin niya sa lalaking nasa harapan niya ngayon.

Ngumiti ng bahagya si Andro Pedrigal. Para bang inaalo siya.

“I understand, Lorena. Binigla kita. Minadali. Believe me, it was not my usual style, although I’m not a very patient man. Napilitan akong mag-apura dahil sa mga sitwasyon,” ang mahabang paliwanag nito.

“Anyway, I’ll try to make up for it while we’re together.”

‘While we’re together..’

Nag-umpisa pa lang ay ipinapahiwatig na ang katapusan.

Tumango siya at nagbaba ng tingin.

“M-magbibihis na ba ako?”

“Oo.”

Hindi lumabas ng silid ang lalaki. Tumalikod lang ito upang bigyan siya ng privacy.

Lihim na nagpasalamat si Lorena sa ipinakitang konsiderasyon ni Andro. Magpapatunay lang na disente ang pagkatao nito kahit na hindi ang proposal.

Dalawa lang ang matitinong kausotan niya, ang bestidong kulay gatas na iniregalo niya sa sarili nung huling birthday niya, at ang jeans na binili nung nagdaang Pasko.

Pinili niya ang huli para pareho silang naka-casual ni Andro. Tinernuhan niya ng t-shirt na kulay itim.

“Nagluluksa ka ba?” Patudyo ang tanong ng lalaki ngunit seryoso ang ekspresyon.

Sinapo ng mga daliri nito ang baba niya nang hindi siya tumugon agad.

Paano niya sasabihing iyon lang ang bago niya?

“Hindi kaya nagsisinungaling ka sa akin, Lorena?” pananalakab nito.

“Hindi kaya may isang kasintahan na matiyagang naghihintay sa pag-uwi ng isang nobya sa kanilang baryo?”

Nag-alangan si Lorena na itama ang lalaki.

May matitira pa sa dignidad niya kung iisipin nito na may minamahal na siyang iba — at isang malaking sakripisyo lamang ang pakikisama niya rito.

Nagbaba siya ng tingin upang matabingan ng mga pilikmata ang tutoong nadarama.

“M-magiging tapat ako sa kasunduan natin, A-andro,” pangako niya. “H-hindi ako magtataksil sa ‘yo habang – habang — ”

“Habang tayo pa?” Tinapos ni Andro ang pangungusap niya.

“Paano kung magtagal tayo ng matagal na matagal? Paano kung mainip sa kahihintay ang kawawang nobyo?”

Gustong magsisi ni Lorena sa ginawang pagsisinungaling. Sana ay nagsabi na lang siya ng tutoo para hindi na nadagdagan ang mga komplikasyon.

Ngunit si Andro naman ang unang nag-isip ng hindi maganda. Pinagbintangan siyang nagsisinungaling dahil sa pagdududang walang basehan.

“H-hindi naman siguro mangyayari ‘yon,” tugon niya.

“Tiyak na mangyayari ‘yon, Lorena,” pakli ng lalaki.

Matigas ang hubog ng panga. Matiim ang mga matang malalalim.

“Dahil kung ako ang nobyo mo, susundan agad kita.”

Napalunok si Lorena nang lumipat sa leeg niya ang mga daliring nakahawak sa baba niya. Parang akmang sasakalin siya.

“At kung ako ang nobyo mo,” patuloy nito, mas lumalim ang baritonong tinig, “hindi kita papayagang mawala sa aking paningin.”

Naparalisa ang kabuuan ni Lorena. Bihag ng titig na masidhi at maalab.

Hindi siya nakaiwas nang angkinin ng mainit na bibig ang kanyang labi.

HIS SWEET INNOCENT-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age