His Sweet Innocent-13

Mula sa mga aksesorya sa buhok, sa pananamit sa katawan, hanggang sa mga alahas at kolorete.

Maging sa mga pamaa ay hindi na mabilang at hindi na mawari dahil iba’t ibang klase at disenyo.

Muli ay sinubukan niyang nagprotesta, ngunit katulad ng nangyari sa bangko, nabigo lang uli siya.

Mapilit si Andro.

“Isasama kita sa mga social function na kailangang daluhan ng mga negosyanteng katulad ko. Ayokong maubusan ka ng maisusuot,” giit nito.

Dahil ganoon ang madalas na mangyari sa kanya, namula nang husto ang mga pisngi ni Lorena.

Hindi na lang siya umimik at nagpatianod na lamang. Sa kanyang kaibuturan ay may namumuo ng takot. Kung para saan at bakit, hindi pa niya alam.

“Smile,” utos ni Andro nang sila ay nasa loob ng mamahaling restaurant.

Late lunch na kaya halos sila lang ang mga parukyano. Kaya sa kanila lang nakatutok ang serbisyo at atensiyon ng mga tagasilbi.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

“Baka isipin ng mga tao dito, kinidnap lang kita.”

Isang biro ang huling pangungusap para mapalagay at ma-relaks si Lorena.

“S-sorry,” sambit niya habang pilit na ngumingiti.

Tinitigan siya ni Andro.

“B-bakit ka nakatingin sa akin ng ganyan?”

Awtomatikong umangat ang isang kamay niya upang tumakip sa mababang V-neckline ng suot na bestida. May mga ipinasukat sa kanya ang lalaki at ang sales manager na ang umestima sa pamimili nila.

At ang light moss green na summer dress ang huli. Hindi na ipinahubad ni Andro iyon. Tinernuhan na lamang ng light slippers at malapad na black hairband para manatiling nakalugay ang mahabang buhok niya.

Nagkibit ng isang balikat ang lalaki.

Elegante at sopistikado tingnan kahit na napaka-simple ng kasuotan. Kapuna-puna ang kawalan ng alahas, maliban sa gold watch na may mga diamante sa mukhang bilugan.

“Nag-iisip lang ako kung ano ang makakapagpangiti uli sa iyo,” pagtatapat nito. Seryosong-seryoso.

Nakaramdam ng ibang klaseng pagkapahiya si Lorena sa tinuran ng lalaki.

“P-pasensiya ka na. Parang napakawalang utang-na-loob ko dahil hindi ko magawang ngumiti na tulad ng nais mo.”

Bumuntonghininga siya bago nagpatuloy.

“Ang tutoo, nahihiya ako — at natatakot,” pag-amin niya, sa mababang tono.

“Bakit ka natatakot?” Tila interesado si Andro na malaman ang dahilan.

Ayaw na niyang maulit ang kumplikasyon tungkol sa ilusyon ng isang nobyo, kaya nangako siya sa sarili na magsasabi na ng tutoo.

“Natatakot ako na baka hindi ka masiyahan sa kabayaran…”

Isang maikli ngunit mabigat na katahimikan ang naging tugon sa pahayag niya.

Nabalisa si Lorena. Nailang.

Ngunit hindi niya alam kung ano ang gagawin upang maibalik ang magaan na sumpong ng lalaki.

Ano ba ang dapat niyang sabihin para hindi ma-offend ang kaharap?

“I’m sorry,” sambit niya nang di-makatagal. “Na-offend na naman kita. Hindi ko sinasadya. Napakabuti mo pa naman.”

Umiling ang lalaki matapos tumikhim.

“Tutoo naman na may kabayaran ang lahat ng mga kabutihang ibinibigay ko,” pakli nito.

“I should be ashamed but I couldn’t. Dahil ito ang gusto ko — ang makasama ka.”

“Naaalangan ako sa ‘yo,” wika niya. “Hindi ako bagay na makasama ng isang tulad mo.”

Muling tumikhim nang mahina si Andro.

“Nakita mo kung ano ang kinain ko, hindi ba?”

Tumango siya kahit na napapamaang.

“Bakit — ?”

“Kanin at ulam din, hindi ba?” dugtong nito. “Katulad mo.”

“Oo.”

“See? Pareho lang tayong kumakain ng kanin. Wala tayong ipinagkaiba.”

“Maliban sa laman ng ating mga bulsa?” salo niya. “Mayaman ka at mahirap lang ako. Napakalaki ng pagkakaibang iyon, Andro.”

“Hindi naman ang mga bulsa ang pinag-uusapan natin, e.” bawi ni Andro.

“Kundi ang pagiging tao. Alam mo bang mas tao ka pa sa ibang mga nakasalamuha ko?”

Napakurap si Lorena sa huling narinig. Hindi niya inaasahan ang papuring natanggap.

“B-bakit naman?” Hindi niya napigil ang sarili na magtanong.

“Marami kang katangian na wala sa mga babaeng nakilala ko, Lorena.”

Itinaas ni Andro ang isang kamay upang isa-isahin sa mga daliri ang sasabihin.

“Hindi ka gahaman. Napakadali mong makuntento. Mababa ang loob mo. Masipag ka. Hindi makasarili. Higit sa lahat, martir ka.”

Napayuko si Lorena.

“P-paano mo naman nasabi ang mga ‘yan? Kahapon mo lang ako nakilala? Wala pa akong malay-tao.”

Agad rin siyang nag-angat ng tingin nang marinig ang mahinang pagtawa ng kaharap sa bilugang dining table.

Halos hindi nila kapwa pansin ang chocolate sundae na in-order para maging dessert nila.

“Mga unang impresyon ko pa lang ang mga ‘yan, Lorena,” anito, nakangiti pa rin. “Sigurado ako na marami pa akong madidiskubre habang tumatagal.”

“Sigurado rin na marami kang hindi magugustuhan,” sambit niya.

Ikiniling ni Andro ang ulo, pero hindi sa pag-ayon.

“I doubt it, Lorena. Sa unang pagkikita pa lang, marami na agad akong nagustuhan sa ‘yo.”

Gustong tigasan ng dalaga ang kalooban sa matatamis na salitang pabulong na sinasambit ni Andro.

Pero wala siyang proteksiyon sa isang lalaking napaka-simpatiko at napakakisig.

Kahit na sinong babae ay madaling maaakit sa binatang guwapo at mayaman. Lalupa ang isang katulad niyang inosente at promdi pa.

Ramdam na ramdam ni Lorena ang unti-unti pero tiyak na pagkahulog ng buong sarili sa isang malalim na bangin ng mapanganib na atraksiyon kay Andro Pedrigal.

Tila nahuhulaan ng lalaki kung ano ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Ginagap nito ang isang kamay niya. Hinaplos muna ng mga daliri ang likod bago pinisil nang buong pagsuyo ang palad.

Kinapa rin ang mga kalyo na nagpapagaspang sa malambot sanang balat.

“You have nice nails,” puna nito. “Short and clean. Gusto ko pala ang mga kuko na walang kyuteks.”

“B-binobola mo ako, Andro,” pahayag niya.

Bahagyang nanlaki ang mga mata nang marinig ang boses na parang hinihingal. Nakaupo lang siya doon. Walang katinag-tinag habang pinapanood at pinapakinggan ang isang ekstra-ordinaryong lalaki.

“Hindi ako sanay.”

Lumipat sa mga pisnging nagkukulay-rosas na naman ang mga matang napang-arok.

“Gusto ko rin pala ng mga pisngi na walang nakapahid na kolorete,” dagdag nito habang hinahagod ng tingin ang mukha niya. “At mga labing natural lang ang pagkapula.”

Lalong nangapos ang paghinga ni Lorena. Hindi niya akalain na may kapangyarihang makapagpalambot ng mga buto ang mga simpleng papuri lamang.

HIS SWEET INNOCENT-14

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age