His Sweet Innocent-14

“Tama na, please,” pakiusap niya, nang makabawi sa sobrang lakas ng kaba.

“B-baka maniwala na ako nang husto. Lalaki ang ulo ko nang husto.”

Muling tumawa ang lalaki. Patudyo at puno ng pagsuyo. Daig pa niya ang kiniliti.

“There’s no harm in you having a bit more self-confidence. Wala kang masyadong kumpiyansa sa iyong sarili, alam mo ba? Hindi ka makapaniwalang maaakit ako sa ‘yo,” tugon nito.

“A-ayokong maging palalo. Walang idudulot na maigi ang sobrang pagka-bilib sa sarili,” sagot niya.

Tuluyan nang napahalakhak ang binata. Hindi naman nang-iinsulto. Tila siyang-siya lamang sa sinabi niya.

“You are the most refreshing female I’ve ever met, Lorena Agustin,” sambit nito. “I like you.”

Pumitlag ang puso ni Lorena. Sumikdo at tumalon muna bago nagpatuloy sa pagpintig.

Hindi na regular at hindi na normal. Para bang may sinasayawan na isang masiglang musika. A, sana ay manatili ang saya!

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

Magdadapit-hapon na nang makarating sila sa townhouse. Parang namalikmata si Lorena nang makita ang makulay na pagkalubog ng araw.

“G-gabi na pala,” sambit niya habang nakatanaw sa labas ng bintana.

Hindi makapaniwalang naging napakabilis ng paglipas ng mga oras.

“Saan mo gustong kumain? Sa labas o sa bahay na lang?” tanong ng lalaking nakaupo sa tabi niya.

Luminga siya rito. Bahagyang nakangiti.

“Katatapos lang nating kumain, hindi ba?”

Hindi siya sanay na pulos pagkain ang iniisip. Pulos trabaho at mga problema ang palaging umuukopa sa isipan niya.

Nagkaroon ng kakatwang kislap sa mga mata ni Andro.

“I think, sa bahay na lang. Mamayang hatinggabi siguro?”

Nagsikip ang lalamunan ni Lorena. Hindi siya makapagsalita dahil wala siyang maisip isagot sa pahayag ng lalaki na puno ng kahulugan.

Mamayang gabi…

Napapikit siya.

Sinapo ng isang mainit na palad ang pisngi niya, para iharap siya uli.

“You will be mine tonight,” anas nito. Seryoso na ang paos na boses.

“Parang ang tagal ko ng naghintay sa ‘yo, Lorena.” Nakakapaso ang pasisid na pagtitig nito.

Pumikit uli siya. Ipinaubaya ang mga labi sa nagbabagang halik.

Pasiil na naghinang ang kanilang mga bibig.

Bago pa namalayan ni Lorena, gumaganti na siya ng init sa init. Kusang umaalpas ang pagnanasang kinikimkim sa kaibuturan.

Wala ng bahid ng pagtutol sa nakatakdang maganap.

Isa pa, ikinararangal niyang magpaangkin kay Andro Pedrigal.

Isang pambihirang oportunidad ang maging bahagi siya ng buhay ng isang lalaking di-pangkaraniwan — kahit bilang panandaliang aliw lamang…

‘Bakit ganito?’ tanong ni Andro sa sarili. ‘Bakit ganito ang nararamdaman ko para sa babaeng ito?’

Naguguluhan siya dahil kakaiba ang kanyang nadarama sa tuwing mapapatitig sa mga matang malalaki at medyo tsinita.

Para bang ibig niyang proteksiyunan sa lahat ng pahirap at panganib ang dalaga.

Para bang wala itong kamuwang-muwang…

Ngunit imposible ang impresyon na iyon.

Bakit pumayag agad ang babae na makisama sa kanya — kung talagang inosente nga ito?

‘Paano’y binigyan niya ng napakagandang alok. Sinamantala niya ang kagipitan nito,’ panunumbat ng kanyang konsensiya.

Pero hindi.

Kung talagang inosente si Lorena Agustin, at isang babaeng may prisipyo — magpapakipot muna ito. Maghahanap pa muna ng ibang solusyon sa problema ng pamilya.

Tila inusig na siya ng budhi.

‘Ikaw kasi si Andro Pedrigal,’ tugon ng isang sarili niya. ‘Sino’ng babae ang hindi magnanais na mapansin mo? Mayaman ka!’

Napailing si Andro. Iyon nga ang masakit, kung tutuusin.

Ang gusto sana niya ay mapansin siya ng dalaga sa sarili niya.

Kung naging mahirap kaya siya, mapapayag kaya niya ito na makisama sa kanya?

Ang katanungang iyon ay mananatiling walang kasagutan dahil hindi mangyayari ang maging dukha pa siya sa daga. Masyado siyang matalino at masipag para magpabaya sa kabuhayan na ipinamana pa ng mga ninuno sa kanya.

Nagsasalimbayan ang mga tanong na iyon sa isipan niya habang naglulunoy siya sa matatamis na labi ni Lorena.

A, ngayon lang siya nakatikim ng ganito katamis na halik!

Kapwa namumungay ang kanilang mga mata nang mag-angat siya ng ulo upang tunghayan ang hugis-pusong kariktan na bihag ng mga palad niya.

“I want you,” bulong niya.

Nasorpresa pa dahil nakaramdam ng panginginig sa mga kalamnan.

Ngayon din lang siya nakaranas ng ganito kasidhing pagnanasa. Sabik na sabik na siya.

Tumango ng bahagya ang dalaga. Tumabing ang mahahaba at malalantik na pilik kaya natakpan ang iniisip nito. Napaka-misteryosa.

Kung sa mga naging girlfriend niya, ang munting galaw na iyon ay sinadya at pinag-aralang gawin upang tuksuhin siya at takamin.

Ngunit kay Lorena, lalo pa itong nagiging kabigha-bighani. Nagkukulay-rosas ang mga pisnging makikinis.

Dumiretso ng upo si Lorena nang maramdaman ang paghinto ng sasakyan. Nasa loob na sila ng garahe ng townhouse.

“‘Andito na tayo,” pahayag niya.

Tila nakikimi, tumango uli ang dalaga. Nagpaubaya ito sa pag-alalay niya habang umiibis.

“Excuse me, sir.” Tinawag ng drayber ang pansin niya. “Saan po dadalhin ang mga pinamili?”

Tiyempong humahangos parating si Miding mula sa side door ng garahe.

“Good evening, sir, ma — ” Napahinto ito nang makilala si Lorena.

Ngunit saglit lang ang pagkabigla. Napalitan agad ng maaliwalas na ngiti.

“Lorena! Este, ma’am pala!”

Hindi napigil ni Andro ang pagkamangha. Nakakagulat kasi ang masaya at mainit na pagsalubong ng katulong.

Sa ibang girlfriend niya, palagi lang itong pormal. Bahagya na lang maikubli ang disapproval sa ‘lovestyle’ niya.

Tila nakapasa kay Miding si Lorena. Napangiti si Andro sa isiping iyon.

Ngayon lang siya nagpahalaga sa opinyon ng isang alila lang at empleyado niya.

Medyo kimi ang ngiting iginanti ng dalaga sa katulong.

“Er Miding, magandang gabi sa ‘yo.”

“Magandang gabi rin, ma’am.” Hinawakan pa ni Miding ang isang kamay ni Lorena. “Kumusta ang pakiramdam mo ?”

“Uhm, mabuti na. Pahinga lang naman ang kailangan ko, e.”

“Sir, hindi pa ako nakakapagluto ng hapunan. Ano po’ng gusto n’yong lutuin ko?”

Biglang may sumulpot na desisyon sa utak ni Andro. Umiling siya.

“Katatapos lang naming kumain, Miding,” tugon niya. “Tulungan mo na lang si Santos na magbaba ng mga bagahe mula sa kotse.” Si Santos ang drayber niya.

“Opo, sir.”

HIS SWEET INNOCENT-15

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age