His Sweet Innocent-17

Dali-dali siyang umahon mula sa malamig at nakakagising na shower.

Nakatalikod siya sa salamin habang nagpupunas ng tuwalya sa sarili.

Ayaw niyang aminin nang husto ang katotohanan. Natatakot siya, ayaw niyang masaktan.

Halos pahaklit niyang binuksan ang pinto ng banyo. Tinatakasan niya ang sarili.

Napahinto siya nang makita si Miding. Abala ito sa pag-aalis ng magulong kubrekama.

Inalihan siya ng pagkapahiya nang matanaw ang mantsang pula sa gawing gitna.

“A-ako na ang maglalaba n’yan, Miding,” wika niya. Pinuwersa niya ang mga mata na tumingin ng diretso sa kausap. “Uhm, k-kagigising ko lang, e.”

“Ay, magandang umaga sa ‘yo, Lorena,” bati naman ni Miding. Nakangiti agad nang makita siya.

“Naramdaman kong gising ka na kaya umakyat na ako para magligpit. Naku, trabaho ko ang pagsilbihan ka kaya wala kang lalabhan na kahit ano.” Tuluy-tuloy ang pagsasalita nito habang patuloy sa pag-iimis.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

Saglit siyang nanood dito habang nag-iisip kung paano magtatanong ng tungkol sa amo nito. Hindi niya alam kung dapat at puwede siyang magtanong kaya naghanap na lamang siya ng damit na isusuot.

Naalala niya ang mga dating gamit.

“Er, siyanga pala,” umpisa niya. “Nakuha mo ba ang mga gamit ko sa dati kong tinitirhan?”

“Aba’y oo naman,” ang maagap na tugon ni Miding. “Nasa kabilang kuwarto ang mga kahon ng damit at iba pang personal na abubot. At ang iba ay nasa silid ko sa ibaba.”

“Salamat.” Nagawa niyang ngumiti dahil may inihatid na saya ang balita.

Kahit paano, hindi na siya estranghero sa bahay na ito. May mga sariling gamit na siya doon.

“Ang mga pinamili n’yo naman ay nasa aparador nang lahat,” patuloy ni Miding.

“Sinabi ko kay Sir Andro na ayaw mong magsuot ng mga dating damit na nandiyan noon kaya ipinaalis na niya. Ibinigay niya sa akin — baka raw may magkasya,” dugtong nito bago humagikhik.

“Masayahin ka pala,” puna niya. Napangiti uli.

“Ay, ngayon lang, ano? Natutuwa kasi ako.”

Ngumiti uli siya habang pinipigil ang sarili na samantalahin ang intro na ibinigay ng kausap. Binanggit nito si Andro. Puwede na siyang magtanong ng pa-kaswal.

Pero titiisin na lang niya ang pangungulila. Dapat na siyang magsanay sa kalungkutan. Iyon marahil ang parusa sa kasalanan niya.

“Itanong mo naman kung bakit ako natutuwa, Lorena,” wika ni Miding.

Nangingislap ang mga mata nito habang abot-teynga ang ngiti.

Na-kuryoso tuloy si Lorena.

“Bakit nga ba?”

“Kasi po, malapit nang lumigaya ng permanente si Sir Andro,” ang matalinhagang tugon nito. “Kahit naman may pagka-bohemyo ang amo kong ‘yon — mahal ko ‘yon, ano?”

“G-gan’on ba?”

Muli, pinalampas ni Lorena ang tsansa na malaman kung may habilin si Andro para sa kanya bago ito umalis.

Kung meron man, tiyak na sasabihin agad ng matabil na katulong. Tumalikod siya para ikubli ang disappointment.

“May pambahay kaya ako sa mga ito?” tanong niya habang nakatingin sa mga damit na naka-hanger sa loob ng aparador.

“Meron, pero mukha pa ring pang-alis para sa akin.” Nilapitan siya ni Miding para tulungan sa pagpili ng isusuot.

“Ito na lang siguro.” Pinili niya ang isang t-shirt na dilaw at slacks na kapareho ng shade.

Parehong fitting ang yari kaya inilantad ang magandang hubog ng kanyang katawan.

“Ang seksi!” bulalas ni Miding.

Nailang si Lorena nang mapagmasdan ang kabuuan sa salamin ng tokador. Parang nahinog ang balakang at mga dibdib niya. Gayundin ang kanyang mga labi.

Bunga ng magdamag na pag-ibig?

Namula ang mga pisngi niya sa biglang pagsulpot ng tanong. Tumalikod uli siya. Sa may bintana na ipinagpatuloy ang pagsusuklay ng basang buhok.

“Ihahain ko na ang almusal,” wika ni Miding bago lumabas ng silid. “Susunod ka na ba sa ibaba?”

Tumango si Lorena.

“Oo. Salamat.”

Nanatili pa siya sa itaas upang makakuha pa ng kontrol. Nasasabik na siyang makita uli si Andro.

Lumipas ang tatlong araw. Kasa-kasama niya si Miding sa umaga, kaya kahit papaano ay nalilibang siya.

Ngunit pagsapit ng gabi at halos imposible na ang hindi siya makaramdam ng pangungulila.

Lungkot na lungkot siya. Nakakatulog siyang yapus-yapos ang unan. At nagigising siyang gayon pa rin ang ayos.

‘Andro, oh, Andro…’

Sa utos marahil ng amo, niyaya siya ni Miding na mamasyal. Para daw maibsan ang kanyang pagkainip.

Tumanggi siya. Kaya inaliw na lamang siya nito ng mga kuwento tungkol sa sarili, sa trabaho, at sa pamilyang naiwan sa probinsiya.

Na-guilty si Lorena dahil halos wala na siyang panahong mag-isip tungkol sa ina at sa mga kapatid.

Dapat ay nagkukumahog na siyang umuwi sa kanilang baryo upang personal na asikasuhin ang magulang.

Ngunit hindi pa niya magagawang humarap sa kanyang Inay.

Tiyak na mababasa agad nito sa kanyang mga mata ang pagkakasalang ginawa. Sinira niya ang prinsipyong ipinangaral sa kanya mula pa sa pagkabata.

Hindi niya alam kung may kapatawaran pa ang kanyang nagawa — kahit pa nga ginawa niya iyon sa ngalan ng pag-ibig.

“Panganay ka rin pala sa inyo,” sambit ni Miding matapos silang magpunas ng mga pinggan na pinagkanan.

Napahinuhod niya ito na magsabay sila sa pagkain at payagan siyang tumulong sa mga gawaing-bahay. Nakumbinsi ito nang sabihin niyang masisiraan siya ng bait kung wala siyang gagawin maghapon.

“Oo. Pero nakasama ko naman ng matagal-tagal ang aking ama. Hindi katulad mo.” Naikuwento na nito ang tungkol sa pagiging ulila sa ama. “Mas mahirap kapag maagang nawala ang isa sa mga magulang.”

Tumango si Miding. Nalungkot sandali pero sumaya rin uli.

“Nakaraos na rin naman kami, e. Nakatapos na sa pag-aaral ang mga kapatid ko. Nakapag-asawa na sila, pati si Inay nga. Ako lang ang dalaga.” Humagikhik ito. “Tumanda na akong dalaga kay Sir Andro!”

Napapatda si Lorena. Palagi siyang napapapitlag kapag naririnig ang pangalan ng lalaki. Na kunwa’y hindi naman napapansin ni Miding.

“H-hindi ka pa naman matanda, a?” bawi niya, nang muling makapagsalita.

“Naku, liyebo tres na ako, Lorena. Malapit nang lumampas sa kalendaryo. Maliit lang kasi ako, at medyo mataba pa, kaya banat pa ang balat,” pagtatapat ni Miding. “E, ikaw pala, ilang taon ka na nga ba?”

“Twenty-four.”

HIS SWEET INNOCENT-18

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age