His Sweet Innocent-19

Hindi na nagsalita ulit si Lorena. Itinutok na ang buong konsentrasyon sa ginagawa.

Ilang sandali pa, sunud-sunod na ang pagluwa ng mga papel sa laserjet printer. Nagpalakpakan ang mga empleyadang nakapaligid sa kanila.

“Yehey! Ang galing mo, Lorena!” Mistulang tsampiyon siya na nanalo sa palaro nang kamayan siya ng mga ito.

Wala namang masabi si Lorena. Para sa kanya, maliit na bagay ang nagawa niya. Ni hindi siya napagod.

“Iniligtas mo ang promotion ko, Miss Agustin,” ang seryosong pahayag naman ng superbisora nang matapos sila sa pagko-collate. “Salamat.”

“Wala pong anuman, ma’am,” tugon niya. Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy.

“May… trabaho pa po ba ako, ma’am?” tanong niya habang nakatingin dito ng diretso.

Hindi makasagot ang superbisora. Tila nabigla sa pagka-prangka niya.

“Er, d’on muna tayo sa opisina ko, iha. Ikukunsulta ko pa ang kasagutan d’yan sa tanong mo.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

Sumama siya rito. Naalala niyang damputin ang bag para hindi na kailangang bumalik kung saka-sakali.

Pinaupo siya ng superbisora matapos humingi ng kape sa sekretarya.

“Pasensiya ka na, kape lang ang maibibigay ko,” wika pa nito habang nagda-dial sa telepono.

“Okey lang po.”

“Hello? Sir, si Marissa po ito. Er, ‘andito po si Miss Agustin. Puwede po bang kayo na ang kumausap sa kanya?”

Naibahan si Lorena sa narinig. Tumuwid siya sa pagkakaupo. Hinintay niyang maibaba nito ang awditibo bago siya tumindig para magpaalam.

“Er, saan po ako dapat makipag-usap, ma’am? Ako na lang po ang pupunta para hindi na kayo maabala.” Nagpapasalamat siya dahil bahagya lang gumaralgal ang boses niya.

Tila nakahinga ng maluwag ang superbisora.

“Pasensiya ka na, iha,” wika uli nito. “Sa Personnel Office ka pupunta, kay Mr. Goroche. Sa fifth floor.”

“Opo, salamat po.”

“Este, Miss Agustin,” pahabol pa nito habang papalabas siya sa pintuan. “Hindi ko sinabing wala ka ng trabaho kaya huwag kang mag-alala ng husto.”

Saka lang niya nagawang ngumiti. Tumango siya bilang pasalamat.

“Salamat po uli, ma’am.”

Nakasalubong pa niya ang sekretaryang may dalang coffee tray.

“Ay, aalis ka na agad? P’ano ‘tong kape?”

“Kayo na lang siguro ni Ma’am ang iinom,” tugon niya, nakangiti pa rin. “Pasensiya ka na, nagmamadali kasi ako.”

“Okey. Salamat uli sa pagdalaw mo dito.”

Nagbalik ang pag-aalinlangan niya sa sinabing iyon ng babae. Ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pagpunta sa fifth floor.

Importante ang trabaho niya. Ito na lamang ang nananatiling malinaw sa buhay niya nang mga sandaling iyon.

Habang sakay ng elevator, binibilang na niya ang mga puntos na babanggitin kay Mr. Goroche. Wala siyang office violation, hindi pa siya nagre-resign, maganda ang record niya pati ang attendance at higit sa lahat, magaling siya sa kanyang posisyon.

Hindi siya makikiming ipagmalaki ang achievement ng presensiya niya sa encoding pool ngayon.

Pagdating sa Personnel Office, naghihintay sa labas ang sekretarya.

“Upo ka muna. May kausap pa si Sir,” wika nito habang isinesenyas ang mahabang sofa na nasa harapan ng secretary’s desk.

Tumalima siya kaysa sa magpalakad-lakad. Ayaw niyang ipakita ang nadaramang pagkabalisa at pag-aalala.

Naupo siya sa silyang nasa harapan ng mesa. At nagpatuloy sa pagme-memorya ng maikling speech.

Nakayuko siya at nakatingin sa mga daliri nang maramdaman ang pagtindig ng mga balahibo sa batok.

Pamilyar ang pakiramdam. Parang nung…

Hindi. Hindi niya dapat isipin si Andro!

May tumikhim sa gawing likuran niya. Luminga agad siya doon. Gayon na lang ang pagkabigla niya nang makita ang matangkad na lalaki.

“A-andro, er, sir!” Taranta siyang tumayo. Para siyang batang munti na nahuling nang-uumit sa akto.

“Gusto ko sanang isipin na hinahanap mo ako — kaya ka nandito ngayon,” umpisa ng lalaki. Seryosung-seryoso. Titig na titig sa kanya.

Nakasandal ito sa nakapinid na pinto. Nakahawak pa ang isang kamay sa seradura. Para bang kumukuha doon ng suporta.

“Pero hindi, hindi ba?” dugtong nito nang hindi siya sumagot.

Tumingin sa dulo ng mga sapatos niya si Lorena. Pag-aari ni Andro Pedrigal ang gusaling kinaroroonan.

Dapat ay inasahan niyang magkikita sila nito ay nang nakapaghanda siya ng sasabihin. Ngunit dahil gulat na gulat siya, na-blangko ang kanyang utak.

“Well? Napipi ka na ba, Lorena?” panunuya ng lalaki. “Bakit hindi ka magsalita? Sa akin mo kaya sabihin ang mga kinabisa mo para kay Mr. Goroche.”

Wala na siyang magagawa kundi ang tumalima. Halos walang emosyon, sinambit niya ang maikling speech para sa Personnel Manager.

Nang matapos, pigil-hininga siyang naghintay sa reaksiyon ni Andro.

Ang unang ginawa ng lalaki, humakbang ito palapit sa kinatatayuan niya. Pagkatapos ay masuyong sinapo ng mga daliri ang kanyang baba upang magtama ang kanilang mga mata.

Lalong lumakas ang pagkabog ng kanyang dibdib dahil nakakaantig ang masidhing emosyon na ipinababasa sa kanya.

“May bagong trabaho ka na, hindi ba?” anas nito. “At ako lang ang boss mo. Ayaw mo na ba?”

Nilunok muna niya ang bikig ng emosyon na bumasa sa lalamunan.

“H-hindi ka na bumalik,” tugon niya. “A-ano’ng iisipin ko?”

“Ano nga ba?” Bumuntonghininga ang lalaki. Tila naguguluhan at nalilito rin na katulad niya.

“I’m sorry, Lorena. Sinadya kong huwag munang makipagkita sa ‘yo dahil gusto kong mag-isip.”

Kinagat niya sandali ang ibabang labi upang mapigil ang panginginig. Gusto na niyang umiyak.

“N-naiintindihan ko, Andro,” wika niya, sa mababang tono. “Alam kong hindi kita nabigyan ng — ng lubos na kasiyahan kaya… kaya iniwan mo na ako. S-sabihin mo lang kung kailan mo ako gustong umalis, aalis agad ako.”

“Ano’ng sinasabi mo, Lorena?” Sinambitla siya ng matitigas na bisig nang bumuway ang pagkakatayo niya.

“Ano’ng hindi nabigyan ng kasiyahan? My God, you’re the most satisfying woman I’ve ever had!” bulalas nito bago siniil ng halik ang mga labi niya.

Ni hindi sumagi sa isip niya ang tumutol o manlaban. Buo agad ang pagpapaubaya niya.

Kusang bumukas ang kanyang bibig. Awtomatiko sa pagyapos ang kanyang mga braso. Buong puso niyang tinugon ng init ang mga halik ng lalaki.

Nagmistulang alikabok na lamang ang mga hinampo at agam-agam ni Lorena nang mga sandaling iyon. Walang tanging importante kundi ang anumang naisin ng lalaking pinakaiibig.

Nakahanda siyang maging alipin nito — kahit na habambuhay.

Kapwa sila naghahabol ng hininga nang matighaw ang unang yugto ng matinding pagkauhaw nila sa isa’t isa.

HIS SWEET INNOCENT-20

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age