His Sweet Innocent-20

“Aaminin kong natakot ako, Lorena,” pagtatapat ni Andro.

Puno ng pagsuyo ang ngiting inihahandog sa kanya.

“Natakot ako sa sobrang pagnanasa na nadarama ko para sa ‘yo. Parang… parang hindi ako mabubusog kahit na paulit-ulit pa kitang angkinin. I’ve made love to you several times that night, didn’t I? But I still never got enough of you. I still want more and more.”

“Oh, Andro,” sambit niya habang hinahaplos ng nang-aalong palad ang butuhang pisngi.

Tila pareho silang nangangalumata. Halatang kulang sa tulog dahil sa kaiisip sa isa’t isa.

“Ngayon ko lang naramdaman ang ganito. Hindi ko pa naranasan ang mawalan ng kontrol sa tanang buhay ko. I can’t imagine myself losing control in my entire life. ‘Yon ang pinaka-bawal mangyari sa isang katulad ko na may libu-libong empleyado na dapat pangalagaan,” patuloy ng lalaki, sa himig-nagpapaliwanag.

Hindi makapaniwala si Lorena na nagpapaliwanag sa kanya ang big big boss ng Pedrigal Computer, Inc., isang higanteng kumpanya sa kasalukuyan.

Si Lorena Agustin lang siya, isang probinsiyana.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

“Nag-panic ako. I had to go away from you. I’ve never felt so much need for someone, especially a woman. Ayokong matulad sa mga kaibigan at kakilala ko na naging sunud-sunuran sa isang babae, kaya iniwasan kong ma-involve ang feelings ko,” dagdag pa ni Andro. Para bang hindi makahinto sa paglalahad ng nasasaloob.

“Oh, Andro, hindi mo na kailangang sabihin ang iyong mga sikreto,” wika niya. “Mananatili ako sa piling mo hanggang gusto mo lang. Kapag ayaw mo na, wala kang maririnig sa akin. Aalis agad ako.”

Nangako siya upang ipanatag ang kalooban ni Andro, ngunit tila lalo lamang itong nahirapan. Bumadha ang sakit sa matatag na hubog ng mukha nito.

“I’m sorry,” bawi agad niya. “M-may nasabi ba akong hindi tama?”

Inakay muna siya ng lalaki patungo sa isa sa mahahaba at malalaking sofa na nasa isang dulo ng silid-tanggapan.

“Alam mo bang kaya mong ubusin ang lakas ko sa pakikipag-usap pa lang sa ‘yo?” anito.

Patudyo sana pero lumabas na seryoso. Magkatabi silang naupo, gagap pa rin nito ang kanyang kamay.

Wala siyang itutugon sa tinurang iyon ni Andro kaya hindi siya sumagot.

Hinagkan nito ang likod ng kamay niya bago nagsalita uli.

“Ayoko na ng panandalian, Lorena,” pahayag nito. Wala ng kangiti-ngiti. “Gusto ko na ng permanenteng kasunduan.”

Sumikdo ang dibdib ni Lorena. Tila nauunawaan na agad ng puso niya ang mensaheng kalakip ng matatalinhagang salita kahit ang isipan niya ay nangangapa pa rin.

“G-gusto mong magkaanak?” panghuhula niya.

Hindi agad nakahuma ang lalaki. Tila ikinabigla ang tanong niya.

“That’s not a bad idea,” anito kapagkuwan, “pero higit pa sa mga anak ang nais kong maging bigkis nating dalawa.”

“Mga anak,” ulit niya, halos pasinghap.

Sumirit ang saya sa kaibuturan niya dahil ikararangal niyang maging ina ng kahit na isang anak lang ni Andro Pedrigal.

Nakakamangha ang mga bagay na lumulutang sa isipan niya. Ni sa hinagap, hindi niya inakalang papayag siyang magkaanak ng bastardo…

Tila nababasa ng lalaki ang tinatakbo ng utak niya. Binihag nito ang mga labi niya at sinisid ng buong alab. Nakatutok na uli dito ang buong atensiyon niya ang matapos ang matamis na halik.

“Magpakasal muna tayo, Lorena,” sambit nito.

May bahid ng panunudyo ang masuyong tinig. Puno ng pagmamahal ang mga matang nakatitig sa kanya.

“K-kasal?” singhap niya. Hindi makapaniwala. “H-hindi ako bagay sa ‘yo, Andro,” dugtong niya, halos pabulalas. Nanlalaki ang mga mata.

“Ako ang hindi bagay sa ‘yo, Lorena,” bawi ni Andro. Mapagkumbaba ang tono. “You’re a saint, and I’m a sinner. I don’t deserve you but I still want to make you mine. Please, marry me, sweetheart.” Nagsusumamo na ba ito?

“Oh, Andro, alam mong hindi ko matatanggihan ang anumang gustuhin mong gawin — pero sana ay sigurado ka na,” pahayag niya. “Ayokong may pagsisihan ka.”

“Isa lang ang pinagsisisihan ko, Lorena,” pakli nito.

“A-ano ‘yon?”

“Hindi kita dapat binigyan ng lungkot sa loob ng sampung araw,” ang tiyak na tugon nito. “But I had to think hard — at ngayon nga ay siguradung-sigurado na ako na gusto kitang pakasalan.”

Bumukal ang luha ng kaligayahan sa mga mata ni Lorena.

“Iyung-iyo ako, Andro,” sambit niya. Basag na ang tinig.

Pinahid ng mga munting halik ang luhang pumatak sa pisngi niya.

“Thank you,” ang simpleng pahayag ni Andro. “I love you more now, generous woman.”

Tuluyan nang napahikbi si Lorena sa narinig.

“Oh, Andro mahal din kita!” Yumapos siya rito nang mahigpit.

“My God!” Hindi inaasahan ng lalaki ang pagtatapat niya. “Ang akala ko’y tuturuan pa kitang mahalin ako, Lorena. Maybe, we must be lovers in our past lives.”

“Maybe,” sang-ayon niya. “Pero matagal na akong humahanga sa ‘yo sa malayo. Isa ako sa maraming empleyada mo na may crush sa ‘yo.”

Hindi niya alam kung saan siya kumukuha ng lakas ng loob para masabi ang maraming bagay. Marahil ay sa nadarama niyang pag-ibig.

“Talaga?” Nakangiti ang lalaki pero bahagyang namumula ang mukha at leeg. “Bulag pala ako. Mabuti na lang, nakialam na ang tadhana. Pinagbunggo niya ang mga landas natin.”

“Oo nga. Nagpapasalamat ako sa Diyos. Tinupad Niya ang isang imposibleng pangarap ko — magkapiling tayo ngayon.”

“Hindi ako matatahimik hanggang hindi tayo nakakasal, Lorena,” babala ni Andro, habang humihigpit ang pagkakayakap sa kanya. “Huwag sanang maging imposible ang pangarap kong ‘yan. Baka hindi ako marunong magdasal.”

“Kahit na anong oras, Andro, basta’t sigurado ka na,” wika niya bago may naalala. “Simple lang sana para hindi makaabala sa trabaho mo.”

“I can leave my work here anytime. Marami akong executives na mahuhusay. Kayang-kaya na nila ang anumang problema, maliban sa mga ginawa ko para sa kanila nitong mga huling araw.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Well, sila ang pinagbuntunan ko ng frustration ko sa ‘yo. Kung anu-ano ang mga inimbento kong trabaho para lang maging magulo rin ang utak nila na katulad ng sa akin.” May pilyong ngiti na sa matiim na bibig ng lalaki habang nagkukuwento.

“Pilyo ka pala!” Kinurot niya ng bahagya ang tagiliran nito para maiganti naman ang buong departamento ng encoding pool.

“Oh, Lorena, uwi na tayo — para malaman mo kung gaano ako kapilyo,” anas ng lalaki habang sinisiil ng halik ang leeg niya. “I want to make love with you, my sweet innocent…”

“A-andro… Yes…”

Makalipas ang labing-isang araw, ikinasal sina Andro at Lorena sa huwes.

Ang tanging saksi ay si Miding.

Makalipas ang tatlong buwan, isang engrandeng kasalan naman ang nasaksihan ng alta sosyedad. Isa si Miding sa mga bridesmaids.

Naroon na rin ang ina ni Lorena na tuluyan nang gumaling matapos maoperahan.

Ganoon din ang mga kapatid niya.

Nagsadya sila ni Andro sa kanilang probinsya at hiniling ng lalaki ang kamay ni Lorena sa kanyang ina.

Ganoon na lang ang katuwaan ng kanyang mga kapatid. Lahat ng mga ito ay napakasaya sa magandang kapalarang kaloob ng Diyos sa kanya at sa kanilang pamilya.

Maging ang ina at mga tiyahin ni Andro ay tanggap na tanggap si Lorena.

Matapos ang isang taon, isinilang si Andro Pedrigal, Jr.

Lalong nalubos ang kaligayahan ng mag-asawang Andro at Lorena.

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age