His Sweet Innocent-3

Napailing si Andro sa sarili. Tila inusig ng konsensiya.

‘Tsk! tsk! Andro, ang bangis mo! Dalhin mo na muna sa doktor ang pobreng dalaga bago mo pagnasaang ibahay!’

“Andro, este, sir,” sabad naman ni Wilson.

“Importanteng ma-impressed natin ang mga tao. Mga bagong kliyente pa lang natin sila.” paalala ng kanyang kanang kamay.

“Tinawagan mo na ba sila?” tanong niya.

Nakasakay na siya sa likurang upuan ng kotse. Nakakandong sa mga hita niya ang lungayngay na katawan ng babae.

“Oo.” pinanatiling bukas ni Wilson ang pinto ng sasakyan kahit na isinenyas ni Andro na isara.

“Wala pa si Mr. Gernalis at Mr. Buluran. Mali-late din raw.”

“Kung gayon, mauna ka na roon. Susunod na lang ako.” Hinawakan niya ang door handle.

“Or better yet, cancel the meeting altogether. May bad omen tayong natanggap. Baka hindi maganda ang maging resulta ng pag-uusap ngayon.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

“Pero, Andro – sir — ” kakamut-kamot ng ulo si Wilson.

“Tatawagan kita agad kung may balita na tungkol sa kalagayan niya,” pakli niya. “Bye. See you tomorrow.”

Agad na umusad ang sasakyan matapos hilahin ni Andro pasara ang pinto.

Matagal nang naninilbihan sa pamilya niya ang matandang tsuper kaya kabisado na nito na dapat masunod ang bawat iuutos niya.

“Saang ospital tayo, Sir Andro?” ang magalang na tanong ng driver.

“Sa pinakamalapit na ospital ho, Mang Castro.”

Muli niyang tinitigan ang mukha ng babaeng nakakulong pa rin sa mga bisig niya.

Hindi na ito gaanong maputla bagamat wala pa ring malay-tao. Ibang klase talaga ang ganda ng isang ito.

Lalo tuloy yumabong ang interes niya na isali ang babae sa mga koleksiyon niya…

Lihim na nangingiti ang binata.

Natauhan si Lorena sa loob ng isang magarbong silid-tulugan.

Nagpalinga-linga siya nang marahan. Sinubukan niyang bumangon, subalit nakaramdam siya ng pagkaliyo.

Parang tubig na humugos pabalik sa kanyang gunita ang mga pangyayari, bago pa man siya nagmulat ng mga mata. Naalala niya ang pangyayari.

Tiningnan niya ang kasuotan matapos matiyak na nag-iisa lang siya sa kuwarto. Iba na ang suot niya.

Wala na ang office uniform na kulay cream and brown. Hindi rin naman hospital uniform ang kasuotan niya.

Puting nightgown na yari sa manipis na tela.

Hindi siya makapaniwala, hinipo niya ng mga daliring nanginging ang malambot na seda.

Ngayon lang siya nakapagsuot ng ganitong klaseng damit…

Naulinigan niya ang pagbubukas ng pintuan at ang pagpasok ng mga yabag. May kung anong mga kaluskos na kasabay.

Lumantad sa paningin niya ang isang babae na halos kaedad niya, pati ang trolley cart na tulak-tulak nito, saglit na naglaho ang kanyang tensiyon.

Alam niyang si Andro Pedrigal ang lalaking huling nakabungguan niya kanina.

Oo, nasaktan siya nang maumpog ang tagiliran ng ulo sa metal wastecan.

Pero ang higit na nagdulot ng pagkaliyo sa kanya ay ang matinding pagkapahiya.

Ni sa panaginip kasi, hindi sumagi sa kanya na magkakakurus ang mga landas nila ng isang lalaking katulad ng big boss ng kumpanyang pinapasukan.

Sanay siyang palaging natatanaw lamang sa malayo ang lalaki.

Para sa isang tulad niyang hamak na empleyada lang, si Andro Pedrigal ay isang maningning na bituing hindi kailanman maaabot ng sinuman sa ibaba.

Kuntento na siyang humanga dito hanggang sa matapos ang pansamantalang paninirahan niya sa siyudad.

Sa pag-uwi niya ng permanente sa probinsiya, umaasam siyang makakalimutan niya ang paghanga sa lalaking para sa kanya ay sa panaginip lang maaaring maabot.

“Magandang gabi, miss,” ang nakangiting bati ng bagong dating.

“Mabuti’t gising ka na. Tutulungan kitang bumangon para makakain ka na ng hapunan ha?”

Umiling ng isa, dalawa, si Lorena.

“Er, u-uuwi na sana ako. Uh, n-nasaan ang mga damit ko?” tanong niya.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ng kaharap. Halatang nalito.

Kapagkuwa’y lumapit ito sa gawi ng isang malaking aparador na may antigong disenyo. Binuksan nito ang pintuang yari sa salamin.

Inilantad ang mga bestidang iba’t iba ang kulay at yari na nakahilera sa loob.

“Marami kang pagpipilian, miss,” pahayag nito nang muling luminga sa gawi niya. “Ano’ng gusto mong isuot?”

Kumunot ang noo ni Lorena. Nagsisimula nang sumakit ang ulo niya.

“H-hindi akin ang mga ‘yan, uniporme ang suot ko kanina. Nasaan ang mga iyon?”

Sa kabila ng panghihinang nadarama, nanumbalik naman ang katatagan ng tono niya.

“Gusto ko nang umuwi. Wala akong sakit,” dagdag niya. May himig-pakiusap na ang tinig niya.

Nalito na naman ang babae. Hindi ito nagsalita agad. Sinimulan na lang ihain ang pagkain sa lampshade table na katabi ng kamang kinahihigan ni Lorena.

Pinilit niyang ibangon ang sarili. Tiniis niya niya ang naramdamang kirot ng mga ugat sa ulo.

Napaungol siya kahit na nagtagumpay na makaupo. Halos pabagsak niyang isinandal ang likod sa headboard ng kutson.

Humangos na lumapit sa kanya ang babae. Alalang-alalang inalalayan siya sa pag-upo ng maayos.

“Naku, huwag ka namang magpabigla-bigla ng kilos, miss. Baka makagalitan ako ni Sir Andro,” wika nito.

Nanlaki ang ulo ni Lorena sa narinig.

“A-ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya.

Tila napaos agad ang boses dahil sa kirot na nadarama.

“N-nasaan ba ako? Saang ospital — ?”

“Nasa isang bahay ka ni Sir Andro, miss. Dito ka dinala, pagkatapos ma-check-up sa ospital kaninang hapon.”

Halatang may pinipigil na kuryosidad ang babae habang nagkukuwento.

“Sinabi niyang dito ka na raw titira — at pagsisilbihan kita bilang amo.” wika pa nito.

“H-ha?” Hindi makapaniwala si Lorena sa narinig. “A-ano’ng sinabi mo?”

Matiyaga at malumanay na inulit ng kaharap ang naunang sinabi.

“Sabi ko, sinabi ni Sir Andro na dito ka na raw titira.”

Makailang ulit umiling si Lorena. Nang mabasa sa mukha ng kaharap ang katotohanan sa sinabi nito.

Hindi niya inalintana ang muling pagkirot ng nabugbog na mga ugat sa loob ng utak. Sinasadya pa nga niyang saktan ang sarili upang magising siya mula sa masamang panaginip.

Ngunit gising na gising na siya. Hindi siya nananaginip o di kaya’y binabangungot.

“N-nasaan si Mr. Pedrigal?” tanong niya, nang maapuhap ang kanina’y nawalang boses. Basag iyon at garalgal sa pandinig niya.

HIS SWEET INNOCENT-4

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age