His Sweet Innocent-6

Hindi nakatulog nang maigi si Andro. Kinailangan pa niyang uminom ng matapang na alak para dalawin ng antok.

Madaling-araw pa lamang, gising na naman siya. Nababalisa na.

Laman na naman ng isipan ang dalagang may kakaibang karisma at pang-akit sa kanya.

Kakatwa ang epekto ng babaeng iyon sa kanya. Maalab agad. Para bang sasabog na kung hindi aagapang paalpasin.

Ngayon lang siya nakaranas ng ganitong klaseng pagnanasa. Para bang prutas na hinog na hinog na at nag-iimbita nang magpapitas sa kanya.

Kumuyom ang mga kamay ni Andro. Parang hindi na siya makakapaghintay pero dapat niyang supilin pansumandali ang pagkainip.

Bumangon siya. Padaskol.

Maliksing natungo sa banyo upang pawiin ng malamig na bugso ng shower ang sumisingasing na silakbo ng pisikal na pagkasabik.

Umahon siya nang makaramdam ng ginaw. Nakalma na ang katawan niya pero panandalian lamang.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

Halos wala sa loob na nagbihis siya. Nagsunud-sunod na ang pagdampot niya ng mga isusuot.

Nagkakabit siya ng necktie nang mapatitig sa salamin ng dressing table.

Isang makisig na lalaki ang nakikita niya. Makinis ang pagkakaahit ng bigote at balbas. Pati na ang pagkakasuklay ng maikling buhok.

Larawan siya ng tagumpay, kapangyarihan at kayamanan. Ipinanganak siyang may kutsarang ginto sa bibig, lumaking kinagigiliwan at pinag-aagawan ng mga kababaihan.

Ni minsan, magmula nang maging binatilyo siya, hindi pa siya nabigo sa sinumang babaeng makursunadahan.

Madali niyang naaakit at nakukuha ang mga babaeng nakakaagaw ng kanyang pansin.

Kumunot ang noo ni Andro.

Paano kung tanggihan siya ni Lorena Agustin?

Nanliit ang mga mata niya. Malakas ang kutob niya na mangyayari ang ganito.

Ano’ng gagawin niya?

Tila tinuya siya ng kanyang isip.

‘Isang hamak na probinsiyana lamang? Ha! Andro Pedrigal, natatakot ka bang makatikim ng kabiguan?’ pambubuska niya sa sarili.

Gagawin niya ang lahat.

Ang lahat-lahat — para mapasakanya ang isang dalagang sing-ilap ng paru-parong bukid.

Ginagawa niya ang lahat ng paraan para makuha ang anumang bagay na magustuhan.

Ganito siya noon, hindi marunong tumanggap ng pagkabigo.

At ganito pa rin siya hanggang ngayon.

Maagang bumangon si Lorena kinaumagahan kahit na napuyat siya sa kaiisip.

Ang tutoo, mas naging abala siya sa pagsupil at sa pagkitil ng mga hibang na panaginip.

Mas gusto ng puso niya na mangarap ng gising tungkol sa mga pinapantasya nito kaysa maghanap ng solusyon para sa ikatutupad nito.
Alam niyang wala namang pag-asa…

Ipinilig ni Lorena ang ulo.

Habang buhay, may pag-asa. Ganito ang paniniwala ng nasirang ama niya.

Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Sasabayan niya ng mataimtim na pagdarasal ang kanyang kasipagan.

Halos wala sa pagluluto ng almusal at ng ibabaon ang kanyang isipan.

Mabuti na lang, hindi nasunog ang sinaing at hindi natigang ang sabaw ng iginisang sardinas.

Napilitan siyang ibalik ang wisyo nang mamrublema siya sa isusuot na sapatos na pamasok at sa nawawalang bag.

Sana naman, naiwan niya sa ospital ang mga gamit. Sayang kung mawawala ng tuluyan.

Naghagilap siya ng baryang ipapasahe matapos punasan ng basang basahan ang ekstrang sapatos.

Ilang sandali pa, papalabas na siya ng kuwartong inuupahan.

Isang maliit ngunit napakasikip na squatter’s area ang kinaroroonan ng bahay na hinati-hati at pinaupahan.

Pasikut-sikot ang mga estero na palaging umaapaw sa basura kahit na maya’t mayain ang paglilinis ng mga taong-barangay.

Naglipana ang mga batang nagtatakbuhan at mga asong naghahabulan sa makikitid na kalsada papalabas sa highway.

Kailangang maagap sa paghakbang at pag-iwas ang mga paa niya upang hindi makatapak ng mga bagay na di kanais-nais.

Nasanay na si Lorena sa tagpong ganito tuwing papasok at tuwing siya ay uuwi.

Ngunit hindi ibig sabihin ay gusto na niyang manirahan ng matagal na matagal sa lungsod. Nais na niyang umuwi sa lalawigan.

Nasasabik na siyang maglakad sa makapal na damuhan, maglusong sa malinis na putikan, maglunoy sa malinaw na tubig ng sapa…

Bumuntonghininga siya.

Ngunit agad ring pinutol ang hinuhugot na hininga nang masamyo ang matalas at masangsang na amoy ng mga dumi ng aso sa paligid.

Idagdag pa ang mga munting tumpok ng mga basurang naka-plastik sa gilid ng kalsada.

Ayaw na niya sa lugar na iyon. Pero alam niyang mananatili pa siya doon kahit na laban sa kalooban niya.

Sabik na siyang makapiling ang mga mahal niya sa buhay.

Nangungulila pa rin siya hanggang sa makarating sa opisina.

Matamlay ang ngiting nasa bibig niya.

Mabigat ang pakiramdam niya.

Kabaligtaran siya ni Winnie. Abot-tenga ang ngiti nito at simbilis ng hangin ang mga hakbang para makalapit agad sa kanya.

“Good morning!” ang pahiyaw na bati nito. “Kumusta ang instant superstar?”

Napamaang si Lorena. “Superstar?” ulit niya.

“Ikaw ang sinasabi ko, Miss Agustin. Ang suwerte-suwerte mo naman! Akalain mo? Bigla kang nagkaroon ng half-day-off with pay at naranasan mo pa kung paano mapunta sa matitipunong bisig ni Big Boss!”

Kinikilig ito habang nagsasalita.

“Hay, sana ako ang nasa lugar mo kahapon. Para ako ang nabunggo-bunggo. Kahit na magkalamug-lamog, papayag ako para sa ‘crush ng bayan’!” At bumungisngis ito na animo kinikilig.

Pulam-pula ang mga pisngi niya habang nakikinig sa kaibigan. Ayaw na sana niyang maalala ang kahihiyang sinapit kahapon, pero hindi pupuwede ang ganoon sa kanilang opisina.

Tiyak na siya ang magiging tampulan ng mga bulungan, buskahan at tuksuhan ng mga kasama sa trabaho sa mga susunod na araw.

Ang sistemang ganito lang yata ang may kapareho sa kanilang baryo.

Ang tao talaga, kahit na saan nakatira, pare-pareho lang. Mahilig sa tsismis at eskandalo.

“Hoy! Ano ka ba d’yan? Nakapa-K.J. mo naman. Magkuwento ka nga! Masarap bang makulong sa mga bisig ni Sir Andro? Malapad at matipuno ba ang dibdib, ha?”

Naupo si Winnie sa kanto ng lamesa ni Lorena habang sunud-sunod ang mga tanong.

“W-winnie, puwedeng mamaya na lang tayo mag-usap? Simula na ng oras ng trabaho, e.” Halos hindi na niya marinig ang mahinang boses dahil sa humiliyasyon na dinaranas.

Paano’y napakaraming mga mata at teynga na ang nakatutok sa kanya.

“Ay, sori! Nakalimutan ko. Mahiyain ka nga pala — at mahinhin.”

HIS SWEET INNOCENT-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age