His Sweet Innocent-7

Tila may ibang kahulugan ang huling kataga pero inignora ni Lorena upang matapos na agad ang pangit na paksa.

Ang umagang iyon ang pinaka-imposible para kay Lorena.

Ngunit likas na matigas ang gulugod niya kaya nakatagal siya sa kinauupuan.

At nakapagkunwari pa na nakatutok talaga ang kanyang konsentrasyon sa pagtatrabaho.

Nang sumapit ang coffee break. Ipinatawag siya ng supervisor.

Inignora niya ang mga pangangantiyaw ng mga kasamahan habang binabaybay niya ang daan patungo sa cubicle ng pinuno ng kanilang area.

Ang blangkong ekspresyon ng mukha at kalmadong pakiramdam na lang ang tanging kalasag niya.

“A, Miss Lorena Agustin,” salubong ng babaeng may edad sa kanya. Isinenyas nito ang silyang nasa harapan ng office desk. “Maupo ka, iha.”

Tumalima siya. Nakakipit ang mga hita at tuhod, magkabuhol ang mga kamay. Gusto niyang itago ang mukha pero mas tamang tumingin siya ng tuwid sa kausap kaya ‘yun ang ginawa niya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – HIS SWEET INNOCENT…? Click Here!]

“Kumusta na ang pakiramdam mo, iha?” tanong ng babae.

“Er, m-mabuti po, ma’am.”

May dinampot na pamilyar na bagay ang kaharap. Ang shoulder bag niya at isang plastic bag na pinagsidlan ng mga sapatos niya.

“I believe, iyo ang mga ito?”

Sunud-sunod ang pagtango ni Lorena. Halos natural na ang ngiti niya habang tinatanggap ang dalawang importanteng kagamitan niya.

“Maraming salamat po, ma’am,” sambit niya.

“Walang anuman.” Tumikhim nang malakas ang supervisyor, Tila may pag-aalangan na sa susunod na sasabihin. “Este, maaari ka na nga palang umuwi ngayon, iha.”

“H-ho?” Inakala niyang nakaringgan lamang niya ang mga salitang tinuran ng superior.

“Binibigyan kita ng dalawang araw na day-off, iha. With pay, of course.”

“E, b-bakit po? Nakapagpahinga na po ako kahapon, ma’am — ”

“‘Yon ang utos ng nasa itaas, iha. Sumunod na lang tayo kung ayaw nating mawalan ng trabaho,” giit nito. “Sige na, Miss Agustin, maaari ka ng umuwi ngayon.”

Tila sinadyang gawing pa-brusko ang pagtataboy ng may pagka-maskuladong babae.

Napilitang nang tumayo si Lorena. “O-opo,” tugon niya kahit na litung-lito.

“A siyanga pala, iha,” pahabol nito nang papatalikod na siya.

Huminto naman siya at muling humarap sa nagsasalita.

“Huwag mo nang ligpitan ang mesa mo, ha? May hahalili sa ginagawa mo.”

Parang binubusan ng malamig na tubig si Lorena. Para bang isang babala iyon na may masamang mangyayari sa posisyon niya sa kumpanya.

Pakiramdam niya, inaalisan na siya ng trabaho…

Tulala si Lorena habang papaalis sa encoding area. Hindi na niya kailangang magkunwari.

Halos bingi at bulag na siya sa mga bulungan at mga makahulugang sulyap na ipinupukol sa direksyon niya habang kinukuha niya ang bag na dala-dala kaninang pagpasok.

“Saan ka pupunta, Lorena?” usisa ni Winnie nang mapagtantong aalis na siya.

“U-uuwi na,” tugon niya.

Napipilitan lang. Ayaw niyang mawala ang kontrol sa sarili. Baka mangibabaw ang takot at ang pangamba. Baka mapaiyak pa siya sa harap ng karamihan.

“Bakit?”

“P-pinapauwi ako ni Ma’am.”

“Ha? Ibig sabihin, wala ka ng trabaho?”

‘Malapit na siguro.’

Pero hindi iyon ang isinagot niya.

“P-pinagpapahinga ako ng dalawang araw pa.” wika niya.

Lalo pang nanlaki ang mga mata ng kaibigan.

“Ano? Huwebes at Biyernes, e, di, pati Sabado at Linggo na? Ang swerte mo naman!”

Ni hindi magawang ngumiti ni Lorena kahit na medyo nabawasan ang hinanakit dahil sa kasiglahan ng kaibigan.

Gayunpaman…

Bakit iniutos ng nasa itaas ang pagliban niya sa trabaho ng dalawang araw?

Kung anuman ang kasagutan, hindi na siguro niya malalaman pa. Ang mabuti pa’y sumunod na nga lang siya sa utos. Iyon din naman ang payo ng superbisora niya.

“S-sige, Winnie. Mauuna na ako. Ikaw na lang ang bahala sa hahalili sa akin dito. Pakituro kung nasaan ang mga gamit kapag naghanap siya,” habilin niya bago tuluyang umalis.

“Babay! Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala dito,” tugon ni Winnie. “Sa Monday, magkukuwento ka na, ha?” pahabol pa nito.

Isang tango at isang kaway lang ang itinugon niya. Parang gusto na niyang matunaw sa hiya habang naglalakad sa gitna ng mga matang mapang-usyoso at mapanuri.

Sa unang pagkakataon, naging sentro siya ng atensiyon. Kaytagal niyang umiwas na maging tampulan ng pansin.

Bumilang na siya ng taon sa kumpanyang ito, pero iilan lamang ang nakakakilala at nakakausap niya.

Tanging ang mga nakapuwesto malapit sa lamesa niya marahil.

Hindi kasi siya dumadalo sa christmas party o kahit na sa anumang office occasion.

Mas gusto pa niyang umuwi na lang sa probinsiya para makapiling ng mas matagal-tagal ang kanyang pamilya kapag may bakasyon.

Pero dahil lang sa isang istupidong insidente na kinasangkutan niya, halos ang buong populasyon ng gusaling may sampung palapag ay tila interesadong makilala siya.

“Hi, Miss Agustin,” bati ng sinumang nakakasalubong niya. “Ikaw ‘yung naaksidente sa elevator kahapon, di ba?”

Napapatango na lamang siya at lalo pang nagdudumali sa paglakad.

Ang akala niya’y ligtas na siya nang makasakay na sa elevator ngunit nagkamali siya.

May nauna nang pasahero sa kanya. Tatlong lalaki na pulos naka-white polo at striped neck tie. Halos pare-pareho din ang gupit at ang ayos ng buhok. Lahat malilinis tingnan.

Nanlalata na ang pakiramdam ni Lorena dahil sa tensiyon at kahihiyan pero pinanatili niyang tuwid ang mga balikat at diretso ang likod.

Kahit na ano pa ang mangyari, kailangang nakataas palagi ang noo niya.

Wala siyang ginagawang masama

“Hi! Ikaw si Lorena Agustin, hindi ba? Ako si Jerry Santos.” Inilahad ng pinakamatangkad na lalaki ang isang maputing kamay sa kanya.

Litaw ang mapuputing ngipin nito. Nangingislap ang paghanga sa mga matang nakatitig ng walang kakurap-kurap sa kanya.

“Ako naman si Mon Carbungco.” Nakipag-unahan ang isa pa sa pakikipagkamay sa kanya. Nahawakan agad ang isang palad niya na nanlalamig.

“Ferdie naman ang palayaw ko. Ferdinand Delgado. Taga-Software Division ka pala sa Encoding Pool, bago ka lang?” sabad ng pinakahuli sa mga magkakasama.

Nagpalipat-lipat ang kamay niya sa tatlong kaharap. Humagalpak ng tawa si Mon, ang pinakamaliit sa trio.

“D’yan ka nagkamali, friend. Matagal na dito si Lorena. Almost three years na ‘kamo. Sabay lang kami n’yan, e.”

HIS SWEET INNOCENT-8

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age