Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

HIS SWEET INNOCENT

Lorena was a lowly typist girl and Andro was the big boss. He was rich, handsome and unreachable.

It was almost impossible for them to cross paths… without intervention by fate.

She just received very bad news from her family in the province and was walking blindly then – wham – something hard and powerful hit her like a bomb. She met her invisible boss destiny through a freak accident that sent her fainting right within his arms.

Was it fate’s another cruel joke when he got attracted to her?

Nang maakit si Andro kay Lorena at mag-alok ng indecent proposal, walang nagawa ang dalaga kundi ang pumayag dahil ang kapalit ng kinabukasan niya ay ang solusyon sa mabigat na problema ng pamilya.

Paano kapag napaibig siya kay Andro? Makayanan kaya ni Lorena ang lungkot kapag nagsawa sa kanya ang lalaki?

* * *

Nagkakaingay ang mga empleyada sa typing pool ng Pedrigal Computer Services. Coffee break kaya ang lahat ay nakapaikot sa coffee vending machine.

Maliban kay Lorena.

Nakasubsob pa rin ang dalaga sa pagmamakinilya sa keyboard. Tila walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid.

Punung-puno ng alalahanin at suliranin ang kanyang isipan.

Para pa niyang nakikini-kinita ang nilalaman ng sulat ng kanyang nakababatang kapatid na sumunod sa kanya, si Mira.

“Ate Lorena, isinugod namin sa ospital si Inay nung isang linggo, isinangla ko ang kuwintas na pamana ni Lola kaya nailabas din namin siya agad matapos ang isang gabing obserbasyon. Sa kasamaang-palad, tanging operasyon lang daw ang maaaring magpagaling kay Inay. Hindi na raw kayang kunin sa gamot lang. Kaya kailangan ng malaki-laking halaga. Sana, may maipadala ka, Ate. Para hindi na maibenta ang kapirasong lupa natin dito.”

Bumuntonghininga si Lorena habang umiikot ang utak sa paghahanap ng solusyon.

Wala siyang maapuhap na paraan para magkaroon ng pera agad-agad.

Maliban na lang kung mananalo siya sa lotto. Ang kaso, hindi naman siya tumataya.

Nagulat na lang siya nang may tumawag sa kanya.

“Hoy, Miss Agustin, magkape ka naman d’yan!” ang pabirong bulyaw ni Winnie.

Nakatawa ito nang lumapit, may dalang isang mug ng umuusok na kape.

“Baka kabagan ka sa sobrang pagtatrabaho,” dagdag pa.

Pinilit ngumiti ni Lorena nang saglit na nag-angat ng tingin.

“B-busog pa ako, Winnie. Salamat na lang,” tugon niya. Malumanay at mababa ang tono.

“Hus, mahiyain ka lang talaga, Lorena,” bawi nito habang nauupo sa kahilera niya.

Tanging ang metal filing cabinet lamang naghihiwalay sa kanilang mga computer desks.

“Wala namang bayad ‘yung kape, ano? Courtesy ng kumpanya natin ‘yon.”

Nakangiti pa ring pilit, umiling uli si Lorena.

“Ang tutoo, hindi ako umiinom ng kape,” pagtatapat niya.

Talagang hindi siya umiinom ng kape maging ng softdrinks o juice. Sinanay niya ang sarili na huwag maging maluho upang maabot ang mataas na pangarap sa buhay.

Gusto niyang umasenso at maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Kaya dapat siyang magsakripisyo.

Dahil sa pagtitipid, malaki na ang naiipon niya. Pero ang perang inipon ng mahigit isang taon ay naubos lang sa isang iglap.

Sinalanta ng kalamidad ang kanilang munting dampa at mga pananim nung nagdaang buwan. Nalimas ang laman ng savings account niya nang ipagawa ang isang bagong tahanan at ipambili ng mga binhi para sa bagong pananim.

Inaasahan pa naman niya na makakauwi na siya bago matapos ang ika-tatlong taong pakikipagsapalaran sa siyudad.

“May problema ka ba, Lorena?” Sumabad na naman si Winnie sa pag-iisip niya.

“Alam kong talagang tahimik ka, kaibigan, pero hindi ka naman parang palaging iiyak. Ano bang problema mo? Sabihin mo sa akin. Baka may maitulong ako sa ‘yo.”

Saglit na nag-alangan si Lorena. Matagal na siyang nagpapakatatag. Napapagod na siya.

“M-may sakit si Inay. Kailangan ng operasyon.” Pa-buntonghininga at walang ligoy ang tugon niya. “Ubos na ang perang naipon ko, kaya hindi ko alam kung saan ako kukuha ng ipapadala sa kanila.”

“Tsk! tsk! Malaking problema nga ‘yan,” wika ni Winnie. Puno ng simpatiya ang tono at ang ekspresyon.

“Bawal magkasakit sa panahon ngayon. Sobrang taas ng mga bilihin at ang baba pa ng suweldo.”

“Mataas namang magpasuweldo ang kumpanya natin, a?” Awtomatiko ang pagtatanggol ni Lorena. “Above minimum tayo kahit na nasa pinaka-mababang ranggo.”

“Oo nga. Tama ka nga, pero kulang na kulang pa rin sa akin,” salo ni Winnie. “Sinubukan mo na bang lumapit sa ating kooperatiba?”

Bahagyang gumaan ang pakiramdam niya. “Puwede kaya?”

Nagkibit ng isang balikat ang kausap. “Walang mawawala kung sumubok ka.”

“Mamayang uwian, susubukan ko.”

“Tange ka,” bawi ni Winnie. “Bakit hindi pa ngayon? Coffee break naman, e. Teka, tatawagan ko na lang pala sa intercom si Ma’am Itchie.”

Kaagad nitong dinampot ang receiver ng communication unit.

“S-salamat,” sambit niya kahit na wala pang kasiguruhan ang suhestiyon ng kaopisina.

Tumango lang ng isa sa kanya si Winnie bago nagsalita sa mouthpiece.

“Hello, Ma’am Itchie? Si Winnie po ito, sa encoding area po. Magtatanong po sana ako kung paano ang procedure ng paglu-loan sa kooperatiba natin?”

Pinanood ni Lorena ang panaka-nakang pagtangu-tango ni Winnie habang nakikinig sa tugon ng kausap sa kabilang kawad.

Pigil-hininga habang pilit niyang binabasa ang namumuong ekspresyon nito.

“A-ano raw ang sabi? Puwede raw ba?” tanong niya nang matapos ang maikling pag-uusap.

“Puwede raw, pero matatagalan dahil ‘first-come-first-serve’ basis.” Humigop ng kape si Winnie bago nagpatuloy. “Subukan mo rin daw sa SSS.”

Bumuntonghininga si Lorena. Para siyang inihulog sa balon.

“Hindi pa ako puwede. Kailangan ay thirty six months nang nakakapaghulog ng contribution bago makapag-apply ng loan.”

“Gan’on ba?’

Kapwa na sila natahimik. Maya-maya’y ibinalik ni Lorena ang atensiyon sa minamakinilya upang aluin ang sarili.

Hindi na rin nagsalita si Winnie. Nagpatuloy na rin ito sa pagtatrabaho. Kaipala, tapos na ang kinse minutos na breaktime sa umaga.

Mabagal na lumipas ang mga oras. Ramdam na ramdam ni Lorena ang unti-unting pagbigat ng kalooban at isipan niya.

Habang dumadaan ang mga sandali, umiikli rin ang tsansa ng kanyang Inay na manatiling buhay at kapiling ng mga nakababata niyang kapatid.

Anim silang lahat.

Si Lorena ang panganay at tumatayong padre de pamilya.

Ang dalawang kapatid na lalaki ay sampu at pitong gulang pa lang. Bunso ang isa.

Sa edad niyang beinte kuwatro, para na siyang kuwarenta anyos.

Na bagama’t inosente at ignorante pa sa maraming bagay ay labis-labis naman ang kaalaman at karanasan sa hirap at pasakit ng buhay-prubinsiya.

Pinilit niyang matapos ang huling semester ng computer secretarial vocational course sa paaralang malapit sa baryo nila kahit na namatay na ang butihin niyang ama na sumusuporta sa kanila.

Dahil nanguna siya sa klase, isa siya sa mga napiling irekomenda ng kanilang munisipyo sa mga kumpanya sa Maynila.

Pinalad siyang mapasok sa Pedrigal Computer Services, tatlong taon na ang nakakaraan.

Mula noon hanggang ngayon, nangarap na siyang makauwi ng permamente at makapagtayo ng munting negosyo.

Pero mailap pa rin ang suwerte.

Nangangamba siyang isipin na baka hindi na siya makaalis sa lugar na pinagtatrabahuhan…

Lunch break. Umalingawngaw ang ring ng bell sa buong paligid ng gusaling may sampung palapag, hudyat ‘yun na alas dose na.

Muli ding maririnig ang matinis na tunog sa pagsapit ng ala una.

Maliksing tumindig si Winnie. Naisukbit na nito agad ang strap ng shoulder bag sa balikat. Nakahanda nang lumabas para kumain.

“May baon ka ba?” tanong nito.

Umiling si Lorena. Napuyat siya sa kaiisip kagabi kaya tinanghali ng gising kaninang umaga. Hindi tuloy siya nakapagluto ng pagkain para ibaon.

“O, e, di sumabay ka na sa amin. D’yan lang kami sa likod, sa karinderya ni Aling Bebot.”

“Uhm, sige.”

Magkasunod silang naglakad sa mga nakahilerang computer tables.

Mistulang eksena sa loob ng sinehan ang tagpo sa malawak na encoding area tuwing tanghalian dahil sa dami ng mga babaeng nakaupo.

Ang kaibahan lamang ay pulos mga naka-uniporme ang mga ‘yun.

Nagkita-kita sa corridor ang mga kaibigan ni Winnie. Marami-rami din ang mga suki ni Aling Bebot.

Mabuti na lang, pulos mga babae rin. Hindi gaanong nakakailang.

Hanggang sa pagsakay sa elevator, may pila pa rin. Mabuti na lang, nasa third floor lang sila.

Nagpasiya ang mga kasama nila na gumamit na lang ng hagdan.

Gayundin ang ideya ng karamihan kaya mabagal pa rin ang naging pag-usad nila dahil sa pagsisiksikan.

Nakaramdam ng pagsisisi si Lorena. Hinding-hindi na niya kalilimutang magbaon ng pagkain!

Nakayuko siya hanggang sa makarating sa ground floor. Iniiwasan kasi niyang makaapak ng ibang paa.

Hindi niya napuna na papaluwag na ang ‘traffic’ dahil lumiliko na sa iba-ibang direksyon ang makapal na daloy ng mga tao.

Hindi rin niya napansin na bumubukas ang elevator na nasa gawing kaliwa at ang mga sakay ay humahangos palabas.

“Lorena!” Binalaan siya ni Winnie pero huli na.

“Ayyy!” Iyon lang ang naibulalas niya nang masagasaan siya ng mga kalalakihang humahagibis sa paglakad.

Napagitnaan siya kaya sunud-sunod ang pagbunggo sa kanya ng matitigas na katawan. Nagmistula siyang bola na pinagpasa-pasahan habang umiikot.

Wala na siyang balanse nang makarating sa panghuli. Padaklot na nangunyapit ang mga daliri niya upang kumuha ng suporta.

Ngunit ang puwersa ng momentum ay taglay rin niya.

Dahilan para matumba ang isang lalaking may-ari ng grey business suit at stripped blue-grey necktie.

Tuluy-tuloy silang bumagsak sa sahig na marmol. Sa kahuli-hulihang sandali, tinangka ni Lorena na pigilan ang sarili sa paglugmok.

Ngunit lalo lang napadali ang pangyayari.

Sa saliw ng pabulalas na hiyawan sa paligid, sinalubong ng matigas na sahig ang likod ni Lorena.

Halos isang sandali lang ang pagitan, ang matipunong katawan naman ang dumagaan sa kanya.

“Damn!” asik ng boses-lalaki, malapit sa tainga niya.

Takang-taka naman si Lorena dahil wala siyang maramdamang reaksiyon.

Para bang namanhid siya dahil sa sobrang pagkabigla.

Maya-maya pa, dahan-dahang umikot at nagdilim ang paningin niya.

Nawawalan siya ng ulirat.

Ang huling naramdaman niya, matapos kusang pumikit ang namimigat na mga talukap, ay paglutang sa hangin.

Kaya pala, pinangko siya ng matitigas na bisig…

“Ano’ng nangyari sa kanya?” tanong ni Wilson, ang matalik na kaibigan at personal assistant ni Andro Pedrigal.

“Naramdaman kong tumama ang ulo niya sa gilid ng wastecan,” ang paangil na tugon ni Andro. “She had a concussion.”

“Kailangan ba niyang maospital?”

“Dadalhin natin siya sa ospital,” pakli ni Andro, halos kusang lumabas sa bibig niya ang mga salita.

“Paano ang luncheon meeting natin sa Shangrila?”

“Call them. Hindi natin puwedeng pabayaan ang babaeng ito.”

“Pero — ”

“Just do what I say, Wilson,” diin niya.

Nagtatalo sila habang mabilis na naglalakad patungo sa garahe na nasa basement ng gusali.

“Okey.” Dinukot ni Wilson ang celfone sa bulsa ng suot na formal business suit. Kinontak nito ang numero ng isa sa mga taong kausap nila.

Ipinagbukas siya ng pinto ng isa sa mga senior sales executives.

Ito ang unang nakabunggo sa babae kaya nakabadha sa ekspresyon ang matinding pagkapahiya at pag-aalala.

“I’m sorry, sir. Hindi ko sinasadya ang nangyari,” sambit nito.

Tumango siya ng isa. “Aksidente ang nangyari,” tugon niya.

Narinig ni Wilson ang pag-uusap na iyon.

“Bakit hindi na lang siya ang pagdalahin natin sa babae sa ospital?” suhestiyon nito.

Bahagyang naningkit ang mga mata ni Andro.

“Kung hinawakan ko siya ng maagap, hindi sana nabagok ang ulo niya.” sagot niya.

Ang totoo maaari nga niyang ipagkatiwala ang pasyente sa kamay ng tatlong executive ng kumpanya niya, pero nag-aalala siyang gawin iyon.

Naipilig niya ang ulo, marahil ay pinigil siya ng maamong hugis at magandang mukha at malambot na katawan ng babae.

Pati na ng kakaibang halimuyak na nasamyo niya nang mapadikit ang kanyang ilong at bibig sa malasutlang balat nito…

Inaamin niyang sa mga oras na iyon ay umiiral ang pagiging playboy niya, ngayon lang siya nakaranas ng dagliang pagniningas ng pagnanasa — at sa isang empleyada pa niya — kaya hindi siya bibitaw basta-basta.

Kung saka-sakali naman, madali lang ma-remedyuhan ang anumang balakid.

Wala pa siyang nakilalang babae na tatanggi sa magagarang damit, mamahaling alahas at fully-furnished townhouse.

Kung medyo pakipot, natitiyak niyang pinakamatagal na ang isang buwang panunuyo.

Napailing si Andro sa sarili. Tila inusig ng konsensiya.

‘Tsk! tsk! Andro, ang bangis mo! Dalhin mo na muna sa doktor ang pobreng dalaga bago mo pagnasaang ibahay!’

“Andro, este, sir,” sabad naman ni Wilson.

“Importanteng ma-impressed natin ang mga tao. Mga bagong kliyente pa lang natin sila.” paalala ng kanyang kanang kamay.

“Tinawagan mo na ba sila?” tanong niya.

Nakasakay na siya sa likurang upuan ng kotse. Nakakandong sa mga hita niya ang lungayngay na katawan ng babae.

“Oo.” pinanatiling bukas ni Wilson ang pinto ng sasakyan kahit na isinenyas ni Andro na isara.

“Wala pa si Mr. Gernalis at Mr. Buluran. Mali-late din raw.”

“Kung gayon, mauna ka na roon. Susunod na lang ako.” Hinawakan niya ang door handle.

“Or better yet, cancel the meeting altogether. May bad omen tayong natanggap. Baka hindi maganda ang maging resulta ng pag-uusap ngayon.”

“Pero, Andro – sir — ” kakamut-kamot ng ulo si Wilson.

“Tatawagan kita agad kung may balita na tungkol sa kalagayan niya,” pakli niya. “Bye. See you tomorrow.”

Agad na umusad ang sasakyan matapos hilahin ni Andro pasara ang pinto.

Matagal nang naninilbihan sa pamilya niya ang matandang tsuper kaya kabisado na nito na dapat masunod ang bawat iuutos niya.

“Saang ospital tayo, Sir Andro?” ang magalang na tanong ng driver.

“Sa pinakamalapit na ospital ho, Mang Castro.”

Muli niyang tinitigan ang mukha ng babaeng nakakulong pa rin sa mga bisig niya.

Hindi na ito gaanong maputla bagamat wala pa ring malay-tao. Ibang klase talaga ang ganda ng isang ito.

Lalo tuloy yumabong ang interes niya na isali ang babae sa mga koleksiyon niya…

Lihim na nangingiti ang binata.

Natauhan si Lorena sa loob ng isang magarbong silid-tulugan.

Nagpalinga-linga siya nang marahan. Sinubukan niyang bumangon, subalit nakaramdam siya ng pagkaliyo.

Parang tubig na humugos pabalik sa kanyang gunita ang mga pangyayari, bago pa man siya nagmulat ng mga mata. Naalala niya ang pangyayari.

Tiningnan niya ang kasuotan matapos matiyak na nag-iisa lang siya sa kuwarto. Iba na ang suot niya.

Wala na ang office uniform na kulay cream and brown. Hindi rin naman hospital uniform ang kasuotan niya.

Puting nightgown na yari sa manipis na tela.

Hindi siya makapaniwala, hinipo niya ng mga daliring nanginging ang malambot na seda.

Ngayon lang siya nakapagsuot ng ganitong klaseng damit…

Naulinigan niya ang pagbubukas ng pintuan at ang pagpasok ng mga yabag. May kung anong mga kaluskos na kasabay.

Lumantad sa paningin niya ang isang babae na halos kaedad niya, pati ang trolley cart na tulak-tulak nito, saglit na naglaho ang kanyang tensiyon.

Alam niyang si Andro Pedrigal ang lalaking huling nakabungguan niya kanina.

Oo, nasaktan siya nang maumpog ang tagiliran ng ulo sa metal wastecan.

Pero ang higit na nagdulot ng pagkaliyo sa kanya ay ang matinding pagkapahiya.

Ni sa panaginip kasi, hindi sumagi sa kanya na magkakakurus ang mga landas nila ng isang lalaking katulad ng big boss ng kumpanyang pinapasukan.

Sanay siyang palaging natatanaw lamang sa malayo ang lalaki.

Para sa isang tulad niyang hamak na empleyada lang, si Andro Pedrigal ay isang maningning na bituing hindi kailanman maaabot ng sinuman sa ibaba.

Kuntento na siyang humanga dito hanggang sa matapos ang pansamantalang paninirahan niya sa siyudad.

Sa pag-uwi niya ng permanente sa probinsiya, umaasam siyang makakalimutan niya ang paghanga sa lalaking para sa kanya ay sa panaginip lang maaaring maabot.

“Magandang gabi, miss,” ang nakangiting bati ng bagong dating.

“Mabuti’t gising ka na. Tutulungan kitang bumangon para makakain ka na ng hapunan ha?”

Umiling ng isa, dalawa, si Lorena.

“Er, u-uuwi na sana ako. Uh, n-nasaan ang mga damit ko?” tanong niya.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ng kaharap. Halatang nalito.

Kapagkuwa’y lumapit ito sa gawi ng isang malaking aparador na may antigong disenyo. Binuksan nito ang pintuang yari sa salamin.

Inilantad ang mga bestidang iba’t iba ang kulay at yari na nakahilera sa loob.

“Marami kang pagpipilian, miss,” pahayag nito nang muling luminga sa gawi niya. “Ano’ng gusto mong isuot?”

Kumunot ang noo ni Lorena. Nagsisimula nang sumakit ang ulo niya.

“H-hindi akin ang mga ‘yan, uniporme ang suot ko kanina. Nasaan ang mga iyon?”

Sa kabila ng panghihinang nadarama, nanumbalik naman ang katatagan ng tono niya.

“Gusto ko nang umuwi. Wala akong sakit,” dagdag niya. May himig-pakiusap na ang tinig niya.

Nalito na naman ang babae. Hindi ito nagsalita agad. Sinimulan na lang ihain ang pagkain sa lampshade table na katabi ng kamang kinahihigan ni Lorena.

Pinilit niyang ibangon ang sarili. Tiniis niya niya ang naramdamang kirot ng mga ugat sa ulo.

Napaungol siya kahit na nagtagumpay na makaupo. Halos pabagsak niyang isinandal ang likod sa headboard ng kutson.

Humangos na lumapit sa kanya ang babae. Alalang-alalang inalalayan siya sa pag-upo ng maayos.

“Naku, huwag ka namang magpabigla-bigla ng kilos, miss. Baka makagalitan ako ni Sir Andro,” wika nito.

Nanlaki ang ulo ni Lorena sa narinig.

“A-ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya.

Tila napaos agad ang boses dahil sa kirot na nadarama.

“N-nasaan ba ako? Saang ospital — ?”

“Nasa isang bahay ka ni Sir Andro, miss. Dito ka dinala, pagkatapos ma-check-up sa ospital kaninang hapon.”

Halatang may pinipigil na kuryosidad ang babae habang nagkukuwento.

“Sinabi niyang dito ka na raw titira — at pagsisilbihan kita bilang amo.” wika pa nito.

“H-ha?” Hindi makapaniwala si Lorena sa narinig. “A-ano’ng sinabi mo?”

Matiyaga at malumanay na inulit ng kaharap ang naunang sinabi.

“Sabi ko, sinabi ni Sir Andro na dito ka na raw titira.”

Makailang ulit umiling si Lorena. Nang mabasa sa mukha ng kaharap ang katotohanan sa sinabi nito.

Hindi niya inalintana ang muling pagkirot ng nabugbog na mga ugat sa loob ng utak. Sinasadya pa nga niyang saktan ang sarili upang magising siya mula sa masamang panaginip.

Ngunit gising na gising na siya. Hindi siya nananaginip o di kaya’y binabangungot.

“N-nasaan si Mr. Pedrigal?” tanong niya, nang maapuhap ang kanina’y nawalang boses. Basag iyon at garalgal sa pandinig niya.

Click here to READ MORE

Comments are closed.