Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

KISS OF SIN

Chiara was a bratty social butterfly. Beautiful, elegant, pampered, and — bored. She was a rich girl who treated boys as mere toys.

Then the tables were turned against her. She met a man who was way, way beyond her league.

Ruel was already taken but the temptress inside her wanted him… badly.

Eve enticed Adam to commit the original sin. Every woman has Eve inside her. Have you ever been tempted to tease someone?

Beware… You might get deeply hurt when you just want to have some fun.

* * *

“Sino siya?” bulong ni Chiara sa sarili. Walang kakurap-kurap ang pagkakatitig niya sa bagong dating.

Isang matangkad na lalaki ang nakatayo sa dulo ng mahabang buffet table. May hawak itong whisky tumbler na may kaunting alak na kulay ginto at isang tipak ng yelo, habang seryosong nakikipag-usap sa kanyang ama.

Minasdan niya ang butuhan at makarakter na mukha. Sinipat niya ang mahaba at balingkinitang katawan.

Naglaro sa imahinasyon niya ang mga nakatagong siksik na kalamnan sa ilalim ng mamahaling evening suit.

“Siya si Ruel Hidalgo, isang successful banker — despite the inflation,” pahayag ng isang tinig-babae sa kaliwang panig niya.

Nahulaan niyang si Rona ang nagsalita. Luminga siya rito matapos munang hagurin ng isa pa uli ang kabuuan ng pinakamakisig na bisita sa pagtitipong iyon.

“Ruel Hidalgo,” ulit niya, halos wala sa loob.

“Guwapo at macho siya, hindi ba?”

“Oo.” Hindi niya itinanggi ang paghangang nadarama.

“Sorry, he’s already taken, darlin’” pambubuska ni Rona. “He’s very much married,” dugtong pa nito, paismid.

Tumikwas ang isang kilay ni Chiara.

Magka-eskuwela sila ni Rona. Magkaibigan kapag magkaharap, pero nagsisiraan kapag hindi.

May lihim na inggit sa kanya ang babae. Palagi kasing siya ang nakakalamang. Mas mayaman ang pamilya niya. Mas maganda at seksi siya. Ganoon lang sila kababaw.

“I don’t care,” bawi niya, sabay kibit ng isang hubad na balikat. Off-shoulder na multi-colored chiffon gown ang suot niya. Sopistikada at elegante kahit na seksi dahil hakab na hakab sa perpektong hubog ng katawan.

Ibinagay sa formal dinner party na kasalukuyang idinadaos bilang birthday celebration ng kanyang Mama.

“He’s out of your league, Chiara. Irespeto mo naman ang pagiging married niya.”

“Wala namang mawawala sa akin kung susubukan kong makipagkaibigan sa kanya, hindi ba?” tanong niya rito, pa-inosente kunwari. “Wala namang batas na nagbabawal,” dugtong pa niya.

“Mayroon, Chiara. Girls like us just wanna have fun, remember?” pakli ni Rona. “At hindi na katuwaan ang dulot ng pakikiapid.”

Natigilan si Chiara. May sinusunod na ‘unspoken rule’ ang mga ‘social butterflies’, na katulad nila. Puwede silang magpalit-palit at magpalipat-lipat. Walang magagalit. Alam ng lahat ng kasali sa sirkulo nila ang ganito.

Pero…

“Well, you’ve got a point there,” sang-ayon niya kapagkuwan. “Kaya lang, crush ko talaga siya, e. Makikipagkaibigan na lang ako sa kanya, okey?”

“Alam nating dalawa na hindi ka nagsasabi ng tutoo, Chiara. Kilalang-kilala ko ang kislap ng pag-iimbot sa ‘yong mga mata.”

Hindi napigil ni Chiara ang pag-ingos. “Inggit ka lang, tse!”

“Hay, matigas talaga ang ulo!” bulalas ni Rona, pero pabulong. “Natanaw kong dumating na si Chuck. Hinahanap ka na yata niya.”

Hindi niya inintindi ang sinabing iyon ng katabi. Wala na siyang interes sa sinupamang lalaki. Ipinagpatuloy niya ang pagtitig sa matikas na kabuuan ni Ruel Hidalgo.

Inilayo niya ng ilang hakbang ang sarili sa kausap. Gusto niyang mabistahang maigi ang lalaking pinakamakisig magdala ng formal suit sa lahat ng nakita niya.

“Hindi mo tipo ang kayumanggi, hindi ba?” Sinundan pa rin siya ni Rona.

“Shut up, Rona,” angil niya habang kunwa’y nakangiti. “Naunahan lang kita kaya ka nagkakaganyan.”

“Correction, please!” pagtataray naman ng katabi. “Nauna akong makapansin diyan pero hindi na nga puwede!”

Tumawa si Chiara. Modulato at aral ang tunog na pinahulagpos niya mula sa maputing lalamunan. Dinisenyo iyon para makatawag-pansin.

At hindi naman siya nabigo. Napansin siya ni Ruel Hidalgo.

Itinaas niya ang noo habang marahang pinasisilay ang isang matamis na ngiti. Awtomatikong lumiyad ang kanyang dibdib upang ipagmalaki ang malalambot at mapuputing umbok. Hindi niya ikinubli ang pagnanasang tuksuhin ang lalaking ito. Walang kiyemeng inihain niya ang katawan. Wala siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.

Ngunit gayon na lang ang pagkabigla niya nang walang anuman na tumalikod ang lalaki matapos siyang tapunan ng isang pahapyaw na sulyap.

Napilitan siyang ikubli ang pagngingitngit dahil kay Rona.

“O, kitam?” panunuya nito habang tatawa-tawa. “Isnaberong numero uno, hindi ba? Ang mabuti pa’y si Chuck na lang ang asikasuhin mo, Chiara babes!”

Hindi kumibo si Chiara. Nanatili siya sa kinatatayuan habang nag-iisip. Wala sa loob, kumuha siya ng isang kopita ng alak mula sa isang unipormadong weyter na may dalang wine tray. Sinimsim niya ang manamis-namis na likido habang nakatutok ang paningin sa matangkad na lalaki.

Hindi niya nagustuhan ang ginawa nitong pang-i-ignora sa kanyang kariktan.

Kailanman, hindi pa siya na-ignora ng isang lalaki.

But he’s very much married, ain’t he? sabad ng isang bahagi ng utak niya.

Ano ba ang ibig sabihin n’on? pagtataray naman ng isa pa. Hindi siya makapaniwalang may lalaking tapat sa asawa. Ang kanyang Papa nga ay ilang beses na niyang nakitang may kasamang ibang babae.

‘Hmm, baka naman nagpapakipot?’ bulong niya sa sarili.

Saka lang siya napangiti uli. Tinungga niya ang lahat ng laman ng kopita bilang pagtanggap sa paghamon ni Ruel Hidalgo.

“O, bakit ngingiti-ngiti ka diyan?” usisa ni Rona. “Mukhang may binabalak kang hindi maganda, a?” panghuhula pa nito.

“Walang pakialaman, Rona,” pakli niya. “Kanya-kanya lang tayong diskarte.”

“Hay, ikaw na nga ang bahala sa buhay mo. Para concerned lang ako sa ‘yo, e.”

“Well, salamat na lang sa concern. I don’t need it,” pamamrangka niya. “Ang kailangan ko ay isang magandang tiyempo.”

“Hmp! Maldita ka talaga!” Iningusan siya ni Rona. “Dapat lang sigurong mawala na sa ‘yo si Chuck.”

“Iyung-iyo na siya!” Nag-flying kiss pa siya sa papalayong babae.

Nang mapag-isa, hinanap uli ng mga mata niya si Ruel Hidalgo. Nakikipag-usap pa rin ito sa kanyang Papa.

Pinagkumpara niya ang dalawang lalaki. Matangkad rin si Juan Sandoval pero wala na sa pigura ang pangangatawan. Malaki na ang tiyan at luyloy na ang mga kalamnan sa malapad na dibdib.

Itim na itim ang buhok ni Ruel, samantalang ang sa kanyang ama ay abuhin na. Kulay Pilipino ang una at ang huli naman ay mestisuhin.

Hindi siya sigurado kung sino ang mas mataba ang bulsa, pero nakakatiyak siyang mas malusog ang utak ni Ruel Hidalgo. Bakas na bakas sa intelihenteng noo at matatalas na mata ang mataas na I.Q. Beauty and brains, ‘ika nga sa Ingles.

Tiyak na kung anuman ang tagumpay at yaman na tinatamasa nito ngayon ay utang lahat sa sariling kakayahan.

Samantalang siya at ang kanyang mga magulang ay sinuwerte lang na isilang sa mayamang pamilya kaya may pera.

Pumiksi si Chiara para maputol na ang humahabang pagkukumpara. Ang importante ay hindi magkalayo ang kanilang mga daigdig–maliban sa isang kapirasong papel.

Dapat ba niyang kalimutan ang marital status ni Ruel Hidalgo?

Saglit na nagtalo ang isip ni Chiara. Sa kasalukuyan, magulo ang sukatan ng budhi niya. May ilang panahon na ring naghahari ang kalituhan doon.

Isang debotong relihiyosa ang kanyang ina. Mula pagkabata, idinikdik na nito sa kanyang utak ang malaking halaga ng moralidad. Ngunit nagkaroon siya ng disilusyon nang mahuli niya ang ama na nambababae naman. Para bang may nasira…

Pumiksi uli siya. Hindi ngayon ang tamang oras para maging amateur psychologist, Chiara! panenermon niya sa sarili.

Ang dapat niyang pag-isipan ay kung paano bibihagin ang lalaking iyon.

Marami siyang magagamit na paraan. Sanay siya sa mga ganitong laro. At hindi pa man nagsisimula, bumibilis na ang pagpintig ng puso niya. Rumaragasa na ang pagdaloy ng dugo niya sa mga ugat. Ibang klaseng atraksiyon ang tumama sa kanya.

Ngayon lang niya naramdaman ang ganito. Kaya baka ngayon din lang niya maibigay ang lahat-lahat. Bilang premyo…

Maybe — just maybe, I might go all the way for you, Ruel Hidalgo!

Nakangiti si Chiara habang ninanamnam sa isipan ang mapangahas na desisyong iyon. Kumuha siya ng isa pang kopita ng alak bilang selebrasyon sa bagong lebel ng rebelyon na gagawin niya.

Oo, alam niyang nagrerebelde siya, pero wala pang pumupuna sa sinuman sa kanyang mga magulang–kaya hindi niya mapigil ang sarili. Kung hanggang saan hahantong ang kapusukan niya, tanging ang tadhana lang ang nakakaalam.

* * *

Naiirita si Ruel. Pero nalilito rin siya.

Hindi siya dapat makaramdam ng dalawang magkasalungat na sensasyon.

Sa lipunang ginagalawan, sanay siyang makatagpo ng mga babaeng magaganda at mahilig magnakaw ng pansin. Ngunit ngayon lang siya naapektuhan nang husto. Oo, nagawa niyang ignorahin ang nakakabighaning kariktan pero pakunwari lang ang kawalan niya ng interes. Ang bawat himaymay ng kanyang katawan ay nagpuprotesta pa hanggang ngayon.

Ano kaya ang sasabihin ni Lottie? tanong niya sa sarili. Tiyak na matutuwa, siyempre. Baka ipagbukas pa siya ng champagne.

“At last, sweetheart! We must celebrate, darling!” Isang mahigpit na yapos at matunog na halik pa ang ibibigay ni Lottie sa kanya.

Muntik nang mapailing si Ruel sa pangitain na nilikha ng malikot na imahinasyon. Pero mas maigi ang gayon kaysa iba pa ang kumiliti sa utak niya.

Sumimsim na lamang siya ng matapang na alak upang maibalik ang nawawalang konsentrasyon sa seryosong pag-uusap nila ni Juan Sandoval.

Isa ito sa mga importanteng kliyente ng bangkong pinaglilingkuran niya bilang pinakabatang bise-presidente. Nandito lang siya bilang proxy ng kanilang presidente na talagang imbitado sa okasyon ngayong gabi. Siya lang daw ang pinagkakatiwalaan ng big boss kaya napilitan siyang dumalo kahit na mas gusto niyang mamalagi sa tabi ni Lottie…

“Hi, Papa,” anang malamyos na boses-babae mula sa gawing likuran niya.

Isa na namang kakatwang sensasyon ang humagod sa kanyang gulugod. Para bang kilabot na nagiging kiliti habang tumatagal. Tumatamis at umiinit ang timpla ng temperatura niya. Nagmimistulang bulkan na nasasabik nang sumabog.

A, daig pa niya ang isang tinedyer na bago pa lamang nakakaranas ng sexual awareness!

“Iha, mabuti’t lumapit ka,” wika naman ng may edad na lalaking kaharap niya.

Hindi siya luminga. Nahuhulaan na niya kung sino ang babaeng lumapit sa kanila.

At hindi nga siya nagkamali.

Halos pigilin niya ang paghinga nang mahagip na ng paningin ang perpektong katawan na ibinalot — at inilantad ng mamahaling evening gown.

Nakalitaw ang malagatas na balikat at dibdib. Mahaba ang makitid na palda pero may mataas na slit sa tagiliran. Mapanukso ang bawat hakbang dahil sa sumisilip na maputi at makinis na hita.

Tiyak na mananaghili si Lottie. Matagal-tagal na itong hindi nakakapagsuot ng mga ‘daring dresses’.

“Ruel, this is my unica hija, Maria Chiara.” Inakbayan ng ama ang anak para isali sa usapan nila. “Chiara, siya si Ruel Hidalgo. Have you heard of him? He is the youngest banker of our country and, therefore, the most celebrated.”

Ikiniling ni Ruel ang ulo niya bilang tahimik na pagtanggap sa eksaheradong papuri ni Juan Sandoval. Tutoong siya ang pinakabata pero hindi siya ang pinakakilala.

Kusang lumahad ang isang palad niya upang ialok sa dalaga.

“Nice meeting you, Miss Sandoval,” ang pormal na sambit niya.

“Ha! ha! ‘Chiara’ lang, Ruel. Bata pa ang anak ko. She’s only nineteen, mind you.”

Nineteen! Hindi makapaniwala si Ruel. Mas matindi ang katuksu-tuksong kariktan ni Chiara sa malapitan. Napakahirap isipin na disinuwebe lang ang nilalang na may hinog na bibig at mapanrahuyong ngiti. Bagaman matanda sa edad nito ang sopitikadang kasuotan at meyk-ap, bumagay pa rin dahil malaking bulas.

“I’m very pleased to meet you, Ruel,” pahayag ni Chiara. Walang pag-aalangan sa pagsambit nito sa pangalan niya.

Pinisil nito ang kamay niya nang akmang bibitaw na siya.

Parang sanay nang makisali sa mga larong pangmatanda si Chiara Sandoval.

Nabuo ang hinuhang iyon nang bigyan pa siya nito ng mga titig na nang-aakit.

Alam kaya ni Juan Sandoval na wala ng gatas sa labi ang kaisa-isang dalaga nito?

“Papa, hinahanap nga pala kayo ni Mama,” ang nakangiting wika ng dalaga sa ama.

“Gan’on ba?” Nag-alangan ang huli na magdesisyon. Sumulyap pa ito sa kanya.

Iyon na ang pagkakataon niya para magpaalam pero naunahan siya ng babae.

“It’s alright, Papa. Ako na muna ang bahala kay Ruel,” prisinta ni Chiara. “Hindi siya maiinip sa paghihintay sa pagbalik mo,” dugtong pa nito.

“Okey,” sang-ayon ng nakatatandang lalaki. “Babalik ako agad, Ruel,” pangako nito sa kanya bago tumalikod.

“So…” Kumapit ang mga daliring hubog-kandila sa isang braso niya. Sinadyang idikit ang malambot na harapan sa kanyang tagiliran. “Shall we dance?”

Hindi agad nakatugon si Ruel dahil parang gusto nang magliyab ng katawan niya.

“Huwag mo naman sana akong biguin, Ruel. Naglakas-loob lang akong yayain ka.” Tila nabawasan ang kumpiyansa ni Chiara dahil sa hesitasyon niya.

Go for it, Ruel! Iyon marahil ang isisigaw ni Lottie sa kanya.

“O-okey.” Halatang pilit ang tugon niya.

“Thank you!” Tuwang-tuwa ang dalaga nang hilahin siya patungo sa dancing area na malapit sa swimming pool. “I promise, you won’t forget this dance!” anas pa nito habang pumupulupot ang mapuputing braso sa kanyang leeg.

Pumayag lang siyang makipagsayaw pero bakit napakalakas ng pagkabog ng dibdib niya?

A, napakalambot…

Umungol si Ruel habang niyayapos ng mahigpit ang kaniig. Isiniksik niya ang ilong at bibig sa mabangong buhok na hanggang beywang.

Isinuklay niya ang mga daliri sa mga hiblang sing-itim ng gabi at alun-alon na parang dagat.

Hindi niya alam na matagal na pala siyang nasasabik na may mahipo at mahaplos… at mahagkan.

Oh, God — !

Pinilit niyang idilat ang mga mata. Dapat nang matapos ang kahibangan bago pa man maumpisahan.

Ngunit gayon na lang ang pagkagulat ni Ruel nang matagpuan ang sarili na nakahiga sa kama. Yapus-yapos niya nang mahigpit ang malaking unan. Pawis na pawis siya at hingal na hingal.

Nananaginip lang pala siya.

Iginala niya ang mga mata sa palibot ng silid-tulugan. Umaga na kaya maliwanag na ang paligid. Nakita niya ang itim na evening suit na suot niya kagabi. Naka-hanger iyon at nakasabit sa dingding.

Inayos na siguro ni Lottie.

Pinalis ng pagkapahiya ang init ng katawan na nilikha ng panaginip.

Si Lottie…

Bumuntonghininga si Ruel habang inihihilamos ang mga daliring nanginginig sa mukha.

Bumangon siya habang nakasabunot sa maikling buhok. Ibinalibag niya sa isang tabi ang unan bago tumindig.

Nagsisisi siya kung bakit nagtungo pa siya sa party kagabi. Disinsana, wala siyang dinadalang kalituhan ngayon.

Bakit ba napakahina niya ngayon sa tawag ng tukso? Ano bang meron si Chiara Sandoval? Bakit hindi niya makalimutan ang babaeng iyon?

Nag-shower siya ng malamig para tuluyang mapalis ang pagkapukaw ng laman.

Maliksi siyang nagbihis pagkatapos magpunas ng tuwalya. Kailangan niya si Lottie para manatili ang kanyang katinuan.

Nagsasalin ng umuusok na kape sa tasa ang babae nang dumating siya sa kumedor. Nagtaas ito ng tingin para salubungin siya ng masiglang ngiti.

“Good morning,” bati nito. Katulad rin niyang naka-casual attire dahil Linggo ng umaga. Mamayang hapon pa sila magsisimba sa kapilya ng subdibisyon.

“Good morning,” tugon ni Ruel habang nauupo. Unang pagkakataon iyon na hindi siya makatingin nang diretso sa babae.

“How’s the party? Nag-enjoy ka siguro dahil hindi ko na namalayan ang pagdating mo kagabi,” patuloy pa sa magaan na tono.

“Sort of.” Pahapyaw ang tugon niya. “Thanks.” Tinanggap niya ang iniabot nitong tasa at platito.

Naghari ang katahimikan habang abala sila sa paglalagay ng asukal at cream sa sari-sariling tasa.

“Kuwento ka naman,” pangungulit ni Lottie nang hindi na siya umimik. “Boring ba ang party last night?”

Nagkibit siya ng isang balikat. “Hindi naman. There was the usual shop talk. And you know how I love to listen to these old wise men.”

God, forgive me! Marunong na akong magsinungaling ngayon!

Nasiyahan siyang makinig sa malambing na boses ni Chiara Sandoval. Nabighani siya sa masasayang halakhak at sa masisiglang hagikhik, kaya hindi namalayan ang pagdaan ng mga oras.

Natauhan lang siya nung maganap ang tagpo sa likod ng makapal na halamanan…

My God — !

Nagkunwari siyang sumisimsim ng kape para maitago ang ekspresyon. Alam niyang nakarehistro doon ang nararamdamang pag-iinit ng kanyang katawan.

Minsan ay matalas si Lottie. Laluna kung maganda ang gising sa umaga. Ayaw niyang may mahalata ang babae bago pa man niya maapula ang paglagablab ng apoy.

“‘Buti na lang pala, hindi ako puwedeng sumama. Tiyak na magyayaya lang ako agad na umuwi,” patuloy ni Lottie. Tila wala namang napupuna.

Panakaw siyang sumulyap dito. Abala ito sa pagpapahid ng butter sa isang sliced toast.

“Ano’ng gusto mo, hon? Butter or marmalade?”

Umiling si Ruel. “May hang-over pa ako. Mamaya na lang ako kakain.”

Huminto sa ginagawa ang babae. “Gusto mong uminom ng painkiller? Baka sumumpong ang migraine mo.” Nag-alala agad ito. “Ano’ng alak ba ang ipinainom sa ‘yo d’on? May allergy ka sa Chivas, a?”

“Don’t worry about me. Kaunting whisky lang ang ininom ko,” tugon niya. And a lot of the desire wine called Chiara, dugtong niya sa sarili.

“Sigurado ka?”

“Sure.” Nagkubli uli siya sa likod ng coffee cup. “Ano nga palang plano mong gawin ngayon?”

“Mmm, mabuti’t nabanggit mo ‘yan. May lakad kami nina Kumareng Nita mamayang nine o’clock.”

“Bakit? Saan kayo pupunta?” tanong pa niya kahit nahuhulaan na.

“Saan pa, e, di sa orphanage. Birthday ng paborito kong bata d’on. Gusto kong i-treat sa labas. Ipapasyal namin sa mall. Ipapamili ng kaunti.”

Naumid ang dila ni Ruel. Wala siyang maisip sabihin. Nadagdagan kasi ang guilt niya.

Matagal nang gustong umampon ng bata ni Lottie ngunit tumatanggi siya.

Hindi naman tuwiran pero nararamdaman iyon ng babae. Paano’y halata ang kawalan niya ng gana kapag sinasamahan ito sa pagdalaw sa mga bahay-ampunan.

Hindi naman pati makasarili ang dahilan ng pagtutol niya. Nangangamba kasi siyang baka makasama sa maselang kalusugan ni Lottie ang magkaroon ng aalagaang bata.

Tumikhim muna siya bago nagpumilit na magsalita. “I’ve been thinking lately,” umpisa niya. “Kung gusto mong ampunin ang batang ‘yon, okey lang sa akin. Pero kukunin din natin, siyempre, ang opinyon ni Dr. Istacio.”

Nagulat ang babae sa tinuran niya. “Hon, hindi ka ba nabibigla?” Hindi ito makapaniwala. “Baka naman masakit lang ang ulo mo?”

Click here to READ MORE

Comments are closed.