You love someone with all your heart… But that someone loves another person with all his heart…
What if you’re married to that someone…? Somebody will get hurt… of course…
Paano kung ang iyong pinakamamahal ay isang sinungaling? Paano kung matuklasan mong matagal na pala siyang nagtataksil sa iyo?
Gaganti ka ba?
* * *
Araw-araw, tuwing alas sais ng gabi, nakapaligo at nakaayos na para magtrabaho si Helen Salvador.
Panggabi kasi ang slot ng kanyang tv program sa isang higanteng tv network. Kungsaan siya sumikat bilang tv commentator.
Naglalagay siya ng silver cuff links sa mahabang manggas ng tailored blazer ng suot niyang pink business suit, nang mamataan ang asawang papasok sa dressing room.
“Ano’ng oras ang flight mo, Dave?” ang nakangiting tanong niya.
“Mamayang nine o’ clock pa, sweetheart.”
“O, e, ba’t tila naka-ready ka na?” taka niya nang makitang nakabihis na rin ito.
“Ihahatid kita.”
“Naku, mas maiging mag-rest ka na lang para naka-kundisyon ka sa pagbiyahe mo. Malayo ang Cebu. ‘Tapos, bukas maaga ka pa pupunta sa opisina mo d’on.”
“Napaka-thoughtful talaga nitong misis ko. Kaya mahal na mahal ko, e.” Buong paglalambing na niyapos siya ng asawa mula sa likuran.
Nagtama ang kanilang mga mata sa kaharap na oval mirror ng dressing table.
“Have I told this beautiful lady that I love her very much?” bulong ni Dave habang hinahagkan ang kanyang teynga.
“You just did, darling. And I love you, too,” ganting-bulong ni Helen. “But this lady has work to do, kaya patapusin mo na ako sa aking make-up.”
“Just one kiss, okey?” hiling ni Dave. Hahagkan sana siya sa bibig pero maliksi siyang nakailag.
“Sweetheart, sa pisngi na lang. You’ll smear my lipstick. Baka ma-late na ako.”
“Just to say goodbye?” Nagpatuloy sa paglalambing ang kabiyak.
“Hay, naku, talaga ‘tong asawa ko, oo. We’ve said our goodbyes last night and this morning, di ba?” ang nakangiting pahayag niya.
“Wala ka nang panahon sa akin,” kunwa’y pagmumuktol ni Dave.
“‘Pag balik mo, I’ll take a one-week vacation. Promise,” pang-aalo naman niya.
Agad namang nawala ang hinampo ng asawa. Nakangiti na uli ito at malambing na uli ang tono.
“I’ll send you flowers tomorrow,” pangako nito. “‘Tapos, kung talagang makakakuha ka ng one-week vacation, we’ll go to Tagaytay. Payag ka bang magkaroon tayo ng second honeymoon?”
Pabirong tumaas ang mga kilay ni Helen.
“Fifth honeymoon na yata natin, darling,” pagtatama niya. Nakalitaw na ang mapuputi, malalaki at pantay-pantay na ngipin dahil sa maluwang na pagngiti.
Tumawa si Dave. “Mas gusto kong isipin na palaging second honeymoon lang, sweetheart. Para hindi ka nagsasawa sa akin.”
“Alam mo ba, Mr. Salvador? Ang korni-korni mo,” panunudyo niya. “But you’re also so irresistible. Kiss me.” Humarap na siya habang nakakulong sa mga bisig ng asawa. Ipinaubaya na ang mga labing ipinagkait kanina.
“Oh, Helen…” Agad siyang hinagkan ni Dave nang buong alab sa bibig.
Nang matapos, pareho silang may mantsang pula. Pareho ding namumungay ang kanilang mga mata.
“D’you really have to go to work tonight, sweetheart?” tanong ng paos na tinig ni Dave. “Hindi ba puwedeng magpa-sub ka na lang muna ngayon?”
Huminga nang malalim si Helen. Bumabawi ng kontrol. Kinakalma ang mga emosyon.
“I’m sorry, sweetheart. Na-ospital ang sub ko. Nahulog sa hagdan nung isang araw. Baka next week pa pumuwede ‘yon,” ang mahabang paliwanag niya habang marahang kumakalas mula sa pagkakayapos ng asawa. “I’m sorry talaga.”
Agad din namang nakontrol ni Dave ang disappointment. Pareho lang naman kasi silang mayroong demanding job. Businessman ito at malimit wala sa bahay dahil nag-aasikaso sa mga negosyo.
Nagpatuloy sa pagbibihis ang asawa habang nagre-repair ng make-up si Helen.
Nauna siyang lumabas ng dressing room pero sabay silang lumabas ng master’s bedroom.
“Nasa kuwarto na ba niya si Debby?” tanong niya kahit patungo na sa silid ng anak ang mga hakbang.
“Oo yata.”
Malaking bulas ang dalagitang nagbukas sa pintong kinatok ni Helen. Magkasingtaas na silang mag-ina.
“Aalis na po kayo, Mommy?” tanong ni Debby. Tila nalulungkot.
“Yes, baby. Pati ang Daddy mo. Pupunta siya ng Cebu, e.” Idinampi niya ang pisngi sa pisngi ng teenager bilang paghalik.
“Ano’ng pasalubong ang gusto mo, baby?” tanong naman ni Dave.
“Hindi na po ako, baby,” bawi ni Debby. “Next month, sixteen na po ako. Sana, jewelry ang i-gift n’yo sa akin.”
“Sure, baby. Bracelet with diamonds ba ang gusto mo?” ang malambing na tugon ng ama.
“Thank you, Daddy!” Nabura na ang lungkot ng dalagita.
“Dave, Debbie’s too young for diamonds,” salo niya.
“Mommy, kaya ko na pong dalhin ang diamonds,” pangangatwiran ng anak.
“Hay, naku, bahala na nga lang kayong mag-ama. Mag-dinner ka, ha? I’ll try to call you at eight.”
“No need, Mom. I’ll watch you na lang. Bye, Dad! Have a good flight!” Palambiting yumapos ang dalagita sa ama bago humalik nang matunog.
“Bye, baby!” Huminto pa si Dave sa may hagdan upang kawayan ang anak. “Be good while I’m gone!”
Umaapaw naman sa kaligayahan ang puso ni Helen habang pinagmamasdan ang kanyang pamilya. Wala siyang pagsidlan ng tuwa.
Nagkahiwalay sila ng landas nang nasa garahe na. Nagtaka si Helen nang malamang gagamitin ng asawa ang sasakyan nito.
“I thought, sasabay ka sa akin?”
“I changed my mind, sweetheart. May dadaanan pa pala akong mga papeles sa opisina. Baka doon ko na lang iwanan ang kotse. Magtataksi na lang ako.”
“I see. Gusto mo bang ipasundo kay Manong Isting ang kotse mo?”
“Puwedeng hindi na. Safe naman ‘yon sa basement garage ng building namin.”
“Gan’on ba?” Binuksan ni Helen ang pinto sa likurang upuan upang isabit sa hook ang dalang suit bag bago lumapit sa kotse ng asawa. “So, kailan ka uuwi?”
“One to two weeks lang ako sa Cebu. I’ll call you every night.” Isang masuyong halik sa noo ang iginawad ni Dave sabay haplos sa maikli at diretsong buhok niya. “Bye, Helen. Be good while I’m gone.”
“I’m always good,” protesta niya. Nakatawa. “For seventeen years, hindi pa kita nabibigyan ng sakit ng ulo, ha?”
Tumawa rin si Dave. “I know. Napakasuwerte ko sa ‘yo, darling.” Muli siyang hinagkan, sa pisngi naman. “Umalis na tayo, bago ko maisipang buhatin ka at ibalik sa kuwarto natin,” bulong nito sa teynga niya, sa tonong patudyo.
“Pilyo ka pa rin!” Kinurot niya nang pino sa tagiliran ang asawa bago tumalikod. “Bye, sweetheart!” Kumaway siya matapos sumakay sa kotse.
Kumaway din si Dave. “After you.” Sumenyas na mauna na siya sa paglabas sa gate.
Magkasunod na lumabas ang dalawang sasakyan sa tarangkahan ng Salvador Residence. Isang kulay krema at isang maroon na pawang bagum-bago. Mga pahiwatig ng masaganang pamumuhay. Lalo na ang malaking bahay na may disenyong American Architecture. Halatang bagong yari lang dahil sa matingkad at makintab na pinturang puti.
“Bye!” sambit uli niya kahit na hindi na maririnig ng asawa. Kumaway rin siya.
‘Love you!’ Nabasa niya ang buka ng bibig ni Dave habang gumaganti ng kaway bago lumiko sa kabilang direksiyon.
‘I love you!’ bulong ni Helen sa sarili. Magaan at masaya ang pakiramdam niya hanggang sa makarating sa pinaglilingkurang tv station.
‘Thank you, Lord, for giving me such a happy and perfect family!’ Umusal siya ng maikling dasal ng pasasalamat.
Wala siyang kamalay-malay na ilusyon lamang ang lahat…
Umalingawngaw ang malutong na ingay sa loob ng examination room. Parang tunog ng nabaling buto.
“Pare, ba’t mo naman sinapak agad!” saway ni Jaime.
“Nagsisinungaling, e,” katwiran ni Felix.
“Nagsasabi po ako ng tutoo!” protesta naman ng suspect na kanina pa nila iniimbestigahan. “Wala po talaga akong kinalaman sa sinasabi n’yong babaeng ginahasa,” dagdag pa.
Pinunasan ng bimpo ni Jaime ang dugo sa mukha at leeg ng binatang naka-posas matapos ibangon mula sa pagkakabulagta sa sahig.
“Ser, talaga pong wala akong kinalaman sa ibinibintang nila sa akin. Nasa bahay po ako nung mga oras na ‘yon. Natutulog po ako. Kahit itanong n’yo sa nanay ko.” Tila nakakita ng kakampi sa kanya ang suspect.
“Alam mo, ‘Utoy, lumang dialogue na ‘yang sinasabi mo,” ang malumanay na wika ni Jaime. “Ang mabuti pa’y magsabi ka na ng tutoo.”
“O, kita mo,” bawi naman ni Felix. “Naniniwala ka naman palang nagsisinungaling ‘yang gagong ‘yan, e! Upakan na natin!”
Maagap na inawat ni Jaime ang kaibigan. “Huwag naman masyadong mainit, pare ko,” wika niya. “Gusto mo bang makasuhan ng police brutality?”
“Ang ibig mong sabihin, magkakaroon ako ng kaso dahil pinapaamin ko ‘yang hunghang na ‘yan?” paniniguro ni Felix. Hindi nagbabago ang taas at tigas ng tono. “Aba’y, magaling naman pala ang batas natin,” dagdag pa. Puno ng sarkasmo.
“Pantay-pantay ang karapatang ibinibigay ng batas natin, pare ko,” sang-ayon niya.
“Ano kaya, pare? Pagpantayin ko na kaya ang mga paa ng ulol na ‘yan?” pagbabanta ni Felix sabay pukol ng masamang tingin sa suspect na nakaupo sa silyang nakalagay sa gitna ng munting silid. “Baka maduling ang hustisya natin, e. Kawawa naman ang biktima n’yan, kung walang makakamit na katarungan.”
Lumapit si Jaime sa suspect nang mabasa ang sindak na bumadha sa payat at maputlang mukha.
“Aminin mo na kaya ang tutoo, brod?” suhestiyon niya habang hinihimas ang tagiliran ng baba. “Hindi kita kayang bantayan habang naririto ka. Pero kung aamin ka, maililipat ka sa pruteksiyon ng jail warden.”
“T-talaga pong inosente ako, ser.” Nanginginig na sa takot ang tinig ng suspect.
Hinila ni Jaime ang isang silya palapit sa kausap.
“Alam mo, ‘Utoy, sa umpisa pa lang hindi na ako naniniwalang inosente ka.” Nakatitig siya nang diretso. Walang kakurap-kurap ang mga mata niya. “Tiyak ko na agad na ikaw ang salarin.”
“P-paano n’yo naman natiyak?”
“Matalas ang pakiramdam ko,” bulong niya habang lalong inilalapit ang mukha sa suspect. “Matalas rin pati ang mga mata ko. ‘Kita ko agad ang mga kalmot na ‘to sa leeg at pisngi mo,” dugtong niya sabay hipo ng isang daliri sa mahahaba at mapupulang marka.
Napaigtad ang binata. Parang napaso.
“Atsaka, sa tutoo lang, wala pang nagsasabi sa amin na panggagahasa ang krimen mo. Umuwi na ang talagang imbestigador sa kaso mo. Kagagaling lang namin sa labas, kaya hindi namin alam kung ano ang kasong dapat ipaamin sa ‘yo.”
Napatunganga ang binatang patpatin at mukhang adik. Nalito. Hindi malaman ang iisipin.
“Naririnig mo pa ba hanggang ngayon ang pagmamakaawa niya?” patuloy niya. “Naiisip mo na ba ang kinabukasang sinira mo?”
“H-hindi — ” Sunud-sunod ang pag-iling ng suspect. “N-napaaway lang ako kaya meron akong mga kalmot.”
“Tsk! tsk! Huling-huli ka na, ayaw mo pang umamin.” Umiling-iling si Jaime na para bang nanghihinayang. “O, siya, ipapabahala ko na lang ang kapalaran mo sa kumpare ko dito.” Maliksi siyang tumindig.
“O, ano, p’re? Suko ka na?” tanong ni Felix.
“Oo, p’re. Bahala ka na d’yan. Uuwi na ‘ko, baka naghihintay na si misis sa akin. Anniversary pa naman namin ngayon.”
“He! he! he! P’ano ba ‘yan, ‘Utoy? E, di talu-talo na tayo ngayon. Dalawa na lang tayo dito.”
Pinagkiskis ng kasamahang imbestigador ang mga palad habang ngumingisi-ngisi. Malaking tao si Felix. Malaki ang mga braso. Malaki rin ang tiyan.
At dahil hindi madalas mag-ahit, mas mukha pang sanggano kaysa alagad ng batas.
Nagpalipat-lipat naman ang tingin ng suspect sa kanilang dalawa.
Magkabaligtad ang mga hitsura nina Jaime at Felix. Mestisuhin siya. Payat tingnan pero siksik sa kalamnan ang matangkad na katawan. Ang kasamahan naman ay bardagol ang pangangatawan at mukhang bulldog nga dahil maitim ang kulay ng balat.
Kinuha ni Jaime ang kanyang jacket na nakasabit sa likod ng pinto.
“B-bosing, ‘wag n’yo akong iwan…” Nakiusap ang suspect nang makitang pinipihit na niya ang seradura.
“Ayaw mo sa akin, e.” Ni hindi siya luminga nang hilahin pabukas ang pinto.
“Bosing, aaminin ko na! ‘Wag n’yo akong iwan!” Nagpalahaw na ng iyak ang suspect.
“Ano’ng aaminin mo?” paniniguro niya. Naka-akma pa ring lumabas kung hindi magugustuhan ang maririnig na sagot.
“T-tama po kayo. Ako nga po ang humalay sa kapitbahay namin. Ako nga po! Hu! hu!”
“Nakahanda kang pumirma sa statement mong ‘yan?”
“O-opo.”
“Buweno, dalhin mo na ‘yan sa opisina ni Attorney, p’re.”
“Saan ka pupunta?” maang ni Felix habang kinakaladkad ang nakaposas na preso habang nakasunod sa kanya.
“Bibili pa ako ng anniversary gift para kay Cathy ko.”
“‘Nak ng tupapaw! Tutoo palang may okasyon se’nyo? E, ba’t pumasok ka pa?”
“Me pasok rin siya, e. Tutunganga lang ako sa bahay.”
“O, siya, sige, happy anniversary na lang.” Papalapit na sila sa hilera ng mga opisina. “Ilang taon na nga pala kayo?”
“Seven years na, p’re!” pagmamalaki niya.
“Wow! Still going strong pa rin, ha? Kami ni Kumander ko, hanggang apat na taon lang.”
“Hindi mo ‘ata hinaluan ng romansa, e.”
“Kelangan pa ba ‘yon? Kung talagang nagmamahalan, hindi basta-basta magkakasawaan kahit lipasan na ng mahabang panahon.”
“Kanya-kanya lang tayo ng pagdadala, pare ko.”
“Papasok ka ba bukas?” pahabol ni Felix.
“Oo naman. May ipapa-follow-up tayong kaso, hindi ba?”
“‘Kala ko kasi, may honeymoon kayong isang linggo.”
“Sa isang buwan pa ako kukuha ng bakasyon, don’t worry. Babayu!”
“Kakainggit ka naman, p’re! O, siya, babayu rin!”
Pakanta-kanta pa ng mga paborito nilang love songs si Jaime habang nagmamaneho ng owner-type jeep niya. Katulad ng ipinangako sa sarili, huminto siya sa isang malaking shopping mall upang tumingin ng maireregalo para sa asawa.
Tuluy-tuloy siyang nagtungo sa isang kilalang jewelry shop. Isang gold bracelet ang napili niya.
“May ipapalagay po kayong message, sir?” tanong ng sales clerk.
“Oo. ‘Forever More, Jaime’,” ang nakangiting tugon niya.
“Sampung minuto lang po, sir.”
“Okey. Dito lang muna ako sa labas.” Pasipul-sipol si Jaime habang papalabas ng shop. Masayang-masaya siya.
Walang kamalay-malay na huwad ang kaligayahang tinatamasa. At nakatakda nang mawasak iyon…
Walang katau-tao sa lumang bungalow na minana pa ni Jaime sa mga magulang.
Gayunpaman, hindi siya nabahala. Mula nang ma-promote si Cathy bilang junior executive, naging demanding na ang oras sa trabaho. Malimit nang mahuli sa pag-uwi.
Pero hindi siya nag-iisip ng kung anu-ano. Malaki ang tiwala niya sa asawa. Sa loob ng pitong taong pagsasama nila, nananatiling matapat at mapagmahal si Cathy sa kanya. Mula noon hanggang ngayon, wala pa siyang nakitang dahilan para magduda ng masama.
Sayang nga lang, hindi pa rin sila mabiyayaan ng anak…
Nagkibit agad ng balikat si Jaime. Hindi siya dapat ng mga ganoong bagay sa mismong araw ng kanilang anibersaryo.
Bitbit sa tig-isang kamay niya ang take-out bag na may lamang spaghetti at kuwadradong cake box. Nasa isang bulsa naman ng jacket ang jewelry case na ipinabalot ng silver wrapper.
Agad niyang inihanda ang mga pinggan at kubyertos sa dining table. Pero hindi muna inilabas mula sa mga lalagyan ang dalang pagkain.
Kumuha siya ng isang bote ng beer sa ref bago nagtuloy sa kuwarto. Matapos maghubad ng jacket at mga sapatos, naupo siya sa pasamano ng bintana para natatanaw ang kalsada habang sumisimsim ng serbesa.
Nang maubos ang laman ng bote, saka lang siya nagtungo sa banyo para maligo. Naisipan niyang gamitin ang bathtub para ma-relaks.
Maghapong surveillance ang ginawa nila ni Felix. Hindi nakakapagod dahil nakaupo lamang sa loob ng sasakyan habang nagmamanman, pero nakakainip.
Lalupa’t gustung-gusto na niyang makauwi agad para makita ang kabiyak.
Halos isang oras ang nakalipas, bago umahon si Jaime mula bathtub. Wala pa rin si Cathy.
Wala silang napag-usapan tungkol sa kanilang anniversary celebration. Kaya nag-alala siyang baka nakalimutan ng kabiyak ang petsa ngayon.
Minabuti niyang tumawag na sa opisina ni Cathy. Sisirain na lang niya ang planong sorpresahin ang babae.
Nagulat pa si Jaime nang mapunang nagbi-blink ang munting ilaw ng answering machine. Dali-dali niyang pinindot ang button dahil nagkakutob siyang galing kay Cathy ang message.
“‘Ney, sorry kung hindi ako nakapagpaalam ng maayos sa ‘yo. May emergency kasi sa isang branch office namin sa Baguio. Ako ang napiling ipadala ng management doon. Pasensiya ka na, ha? Babalik ako agad kapag natapos na ang aberya. Bye! Love ya!” anang malambing na boses ni Cathy mula sa munting mekanismo.
Nanlumo si Jaime. Hindi mapigil ang maghinampo. Paano’y wala man lang ‘happy anniversary’!
Gayunpaman, pinilit niyang palisin ang hinanakit upang makapag-isip ng maayos.
Dapat nga ay ipagmalaki pa niya ang importansiya ni Cathy sa kumpanyang pinapasukan nito.
Ilang beses na ring nakapag-out-of-town ang asawa, mula nang ma-promote. Pero ngayon pa lamang umalis ng biglaan at walang pormal na paalam sa kanya.
Ni wala man lang iniwanang telephone number na puwede niyang tawagan para makausap ang asawa.
Sumulyap siya sa orasang pandingding. Pasado alas otso na pero nagbakasakali pa rin siyang tumawag sa opisinang nasa Ortigas.
Isa sa mga empleyadang nag-o-overtime ang sumagot.
“Si Ms. Cathy Caringal po? Sandali lang po, ita-transfer ko po kayo sa office niya.”
Isa na namang empleyada ang tumugon.
“Ay, kanina pa po nakaalis si Ma’am Cathy, sir!”
“Oo, alam ko. Gusto ko lang sanang magtanong kung ano ang telephone number ng Baguio branch office n’yo.”
“Baguio po?” maang ng kausap mula sa kabilang kawad. “E, sorry po, sir, wala po kaming branch office sa Baguio. Baka ibang company po ‘yung tinutukoy n’yo?”
May gumapang na malamig sa gulugod ni Jaime. Nanlaki ang ulo niya. Para bang biglang may sumabog na liwanag sa loob ng utak niya.
“Gan’on ba? Siguro nga. Sorry na lang, miss.”
“Okey lang po, sir.”
Matagal na hindi nakatinag si Jaime sa kinauupuan. Nakatitig siya sa nakakuwadrong enlarged wedding picture nilang mag-asawa na nakasabit sa katapat na dingding.
Mistulang matanda siya nang muling gumalaw. Dahan-dahan ang kanyang pagtindig. Isa-isa ang paghakbang.
Awtomatiko ang mga kilos niya. Para bang may ibang puwersang nag-uutos. Nagtungo siya sa kusina. Dinampot ang mga pagkain para ipasok sa refrigerator.
Ngunit nagbago ang isip nang mabuksan ang metal na pinto. Parng may puwersang nagtulak. Bigla niyang naisipang imbestigahan ang laman ng pridyider. Ibinalik niya muna uli sa lamesa ang fastfood bag at cake box.
Anupa’t hindi na siya gaanong nabigla nang matuklasang karamihan sa mga pagkaing nakabote at naka-canister pa ay basyo na, o di kaya’y lampas na sa expiry dates. May natagpuan pa siyang isang balot ng loaf bread na inaamag na sa pinakasulok. Ang tanging bago lamang yata ay ang mga bote ng beer na paborito niyang inumin tuwing uuwi.
Nakatiim ang mga bagang, nilimas niya ang loob ng ref at itinapon sa kitchen wastecan.
Ang tanging siguradong bago pa ay ang mga canned beer na malimit bilhin sa malapit na convenient store.