Long Distance Marriage-1

Alani married Kurt at the very young age of fifteen. After the mock marriage, the husband left to live far away from the bride.

After three years of silence, Alani received a message from her invisible husband. Kurt wanted an annulment.

Naintindihan ni Alani na nasaktan si Kurt nung biglang mabalo kaya pumayag siyang mawalan ng komunikasyon sa pagitan nila.

Ngunit papayag pa rin ba siyang maging sunud-sunuran sa lalaking nagpakasal lang sa kanya para mapruteksiyunan siya?

Paano ba niya matuturuang magmahal sa kanya ang lalaking patuloy na umiibig sa unang asawa?

* * *

Naghahanda sa pagpasok si Alani nang umagang iyon.

Katulad nang dati, magbibihis muna siya at mag-aayos ng mga dadalhin sa eskuwelahan bago bumaba para mag-almusal.

Naghihintay na sa kumedor si Ima, ang kanyang yaya na ngayon ay katiwala na. Ang matandang dalaga na ang tumatayong ina niya magmula nang yumao ang kanyang mama, si Doña Amelia, may dalawang taon na ang nakakaraan.

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

“Magandang umaga, iha,” bati ni Ima sa kanya pagbuglaw niya sa magarang kumedor.

Isa lang ang nakahandang puwesto sa mahabang lamesa na yari sa solidong nara na may disenyong ukit sa gilid at sa mga paa.

Ngumiti si Alani. “Magandang umaga din, Yaya Ima.”

Tahimik siyang kumain at humigop ng kape nang dumating ang kanilang tsuper na si Nilo. May dala itong puting sobre na mahaba.

“Para sa inyo, Señorita Alani,” anito.

“Salamat, Nilo. Pakilagay na lang diyan sa tabi ng telepono,” wika niya habang nakangiti nang bahagya.

Kalmado ang lahat sa buhay niya. Magmula nung maliit siya, wala siyang problema sa pera.

Kumpleto ang lahat-lahat para sa isang katulad ni Alani Atchico, ang naging heredera ng pinagsanib na kayamanan ng Belloza at Atchico.

May pera ang mga nasirang magulang mula sa sari-sariling pamilyang pinagmulan at habang nagsasama ang dalawa ay pinagyaman pa lalo ito kaya si Alani ay itinuturing na pinakamayamang bata sa buong Pilipinas noon.

Kahit hanggang ngayon naman, pero pinakamayamang babae na.

Bumuntonghininga si Alani. Naaalala niya ang nag-iisang ‘alon’ na dumating sa buhay niya.

Bahagya lamang at sandaling pagbabago sa pang-araw-araw na monotony ng routine niya. Si Kurt Pasamonte…

Agad siyang umayaw sa pagkain nang sumagi sa kanyang gunita ang pangalang pinipilit niyang kalimutan. Imposibleng gawin pero wala namang mawawala kung susubukan niya.

“Yaya, papasok na ho ako,” paalam niya sa matandang babae.

“Kuu, hindi mo na naman inubos ang pagkain mo, a,” protesta nito. “Mangangayayat ka na naman niyan. Nainom mo na ba ang mga bitamina mo, ha?”

Tumango lang si Alani. Tuloy-tuloy na siyang lumabas.

Nakalimutan niyang damputin ang puting sobre sa chest drawer na nadaanan.

Habang daan, naiisip niyang abnormal ang buhay niya. Ang kanyang uri ng pamumuhay ay hindi normal.

Pati yata siya —

Inihinto niya ang pag-iisip ng tungkol sa mga bagay na ito. Eksaminasyon nila ngayon, dapat nagrerepaso pa siya.

Sa estado niya sa lipunan, itinuturing na isang malaking kahihiyan ang mawalan ng isasagot sa klase. Mulat at malawak na ang isipan ng maraming tao. Hindi na ang laman ng bulsa ang sukatan ng kadakilaan ng isang tao.

O nagiging paranoid lang siya? buntong-hininga niya sa sarili. Naghahanap siya ng ibang dahilan sa usap-usapang kumakalat sa kampus nila.

Hindi kasi siya tumatanggap ng manliligaw. Naiilang siyang makipagkaibigan sa mga kapwa-babae dahil natatakot siyang maulit ang nangyari nung hayskul siya…

Kamamatay lang ng kanyang ina noon. Malungkot siya at naghahanap ng karamay. Wala ang kanyang — muli, umiwas ang kanyang diwa.

Bumaling siya sa kanyang kaklaseng babae na si Milette.

Inaliw siya nito. Dinala siya sa mga disco pub. Tinuruan siyang uminom ng alak. Nagpapatianod siya sa bawat gustuhin ng kaibigan.

Hanggang sa minsan, naipagtapat niya ang tungkol sa naganap na okasyon nung isang taon. Nagawa niya ito dahil naghahanap siya ng kasagutan sa mga kalituhan na umuukilkil sa kanyang isipan.

Wala siyang kamalay-malay na ibayong pagkalito lamang ang naghihintay sa kanyang pagiging matapat.

Hindi pala tunay na kaibigan si Milette. Inakala nitong sikreto at maaaring ‘baho’ ng pamilya ni Alani ang ipinagtapat niyang katotohanan dito.

Hiningian siya ng malaking halaga para hindi ipagsabi ang bagay na iyon.

Nalungkot si Alani at dagling nahimasmasan. Nakita niya ang tutoong kulay ni Milette.

Hindi pala kaibigan ang tingin nito sa kanya, kundi palabigasan. Ibinigay niya ang unang hiningi ng babae dahil inisip niyang baka mayroong importanteng dahilan.

Ayaw niyang maniwalang masama ang kabuuan ng isang taong nasilaw sa kinang ng salapi. Hindi ganito ang itinuro ng kanyang mga magulang.

Tinuruan siya kung paano magtiwala at kung paano kumilatis ng taong puwedeng pagkatiwalaan nang lubos.

Marahil, kung hindi siya nalulukuban ng matinding lumbay noon, hindi siya mabubulag sa tutoong pagkatao ni Milette.

Natural, may kasunod ang paghingi at pagbabanta ng babae. Napaghandaan na ni Alani ang bagay na ito. Lumipat siya ng ibang paaralan.

Sa mas esklusibong eskuwelahan. Hindi na siya nasundan ni Milette doon ngunit hindi pala doon matatapos ang desperasyon ng babae.

Gumon na pala ito sa bawal na gamot at hindi siya basta-basta bibitawan. Tinawagan siya nito sa bahay. Tumanggi siyang sumagot. Hindi niya inintindi ang mga pagbabanta nito.

Hanggang sa lumabas sa isang eskandalosong pahayagan ang tungkol sa kanyang nakaraan. Natakot siya pero dahil sa disisais anyos pa lang siya noon.

Natakot siyang malaman ng isa pang kasangkot sa eskandalong nilikha niya. Mabuti na lang mabilis na nagawan ng paraan ng kanyang abogado ang tungkol dito.

Kinasuhan nila ang naturang tabloid at nagpalabas sila ng anunsiyo na ang sinumang sumakay sa kontrobersiya ay maaaring makasuhan at maparusahan sa kasong libelo.

Sa unang pagkakataon, natikman ni Alani ang pait at ang kapangyarihan ng kanyang salapi.

Hindi na niya gustong maulit ang mga bagay na iyon kaya natuto siyang umiwas. Naging mapag-isa siya kahit na nagiging kabagut-bagot na ang kanyang buhay.

“Señorita Alani, nandito na po tayo,” wika ng tsuper.

Tumango siya at agad na umibis. Liyebo tres na ang family driver na si Nilo. Ibig sana niyang sabihan ito na huwag na siyang po-poin ngunit mahigpit na ang bilin ni Attorney Freño.

Familiarity breeds insolence, ito ang motto ng abogado niya.

LONG DISTANCE MARRIAGE-2

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age