Long Distance Marriage-11

Kung tutuusin, puwede siyang kuwartahan ni Kurt sa nakalipas na tatlong taon ngunit hindi nito ginawa.

Bumuntonghininga uli si Alani.

Gusto niyang malaman kung ano ang dahilan ni Kurt sa pagbabalik nito.

Inamin na nito na hindi ang sinasabing dahilan ang tutoo.

Ano naman kaya?

Napaidlip siya sa kanyang pag-iisip.

Nakatulog siya habang nakaupo at nakahalukipkip na nakasandal pahingalay sa malaking swivel chair na malambot at yari sa balat na kulay tsokolate.

Naalimpungatan siya nang makaramdam ng panlalamig at pamamanhid sa mga bahagi ng katawan niya na matagal na hindi naigalaw.

Inut-inot siyang tumindig sa matagal na pagkakaupo.

Bahagya siyang napangiwi nang maramdaman ang panunusok na pakiramdam sa kanyang binti at hita.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Nananakit din ang kanyang leeg.

Sumulyap siya sa orasang pandingding. Tanghalian na pala!

Lumabas siya sa library. Nagtungo sa kusina.

Pihong wala na ang mga kasama niya sa bahay. Nagpaalam ang mga ito na mamamasyal. Pero naghahanda naman muna ng pagkain para sa kanya ang mga ito bago umalis ng bahay.

Naglalabas siya ng sisidlan mula sa refrigerator nang may marinig siyang kaluskos sa kanyang gawing likuran.

Napamaang siya nang mamataan si Kurt.

Nakasandal ito sa hamba ng pintuan at nakatitig sa kanya.

“Hi,” kaswal na bati nito habang humahakbang papalapit. “Akala ko’y matagal ka pang lalabas mula sa iyong taguan.”

Hindi nakakibo si Alani. Parang napapahiya siya ngayon sa kanyang inasal.

Paano siya ituturing na may-isip ng lalaki kung mag-aasal-bata siya palagi?

“Uh, k-kumain ka na ba?” tanong niya, paiwas ang tingin.

“Hindi pa. Niyayaya mo ba ako?” tanong ng lalaki.

Hindi na maikakaila ang panunuya sa tinig nito.

“K-kung gusto mong sumalo,” tugon niya. Pilit niyang ikibit ang isang balikat.

Tumango ang lalaki at tumulong sa paglalatag ng lamesa.

Kabisado na nito ang mga lalagyan ng pinggan, kubyertos at mga baso. Sandali lang at pareho na silang nakaupo sa magkabilang panig ng lamesa ng kusina.

“Nasaan ang mga kasama mo?” tanong ni Kurt nang hindi na uli nagsalita si Alani.

“Namasyal sila. Kailangan nila ng day-off para sa nalalapit na kaarawan ko,” tugon niya.

Natahimik sandali ang lalaki.

“May gusto ka bang imbitahan? Isang espesyal na panauhin?”

Umiling si Alani kahit na gusto niyang tumango para lang huwag umamin na walang ibang lalaki sa buhay niya.

“W-wala naman. Ikaw? Baka may gusto kang papuntahin dito? Okey lang sa akin,” wika niya para mabawi ang nawalang bahagi ng kontrol niya.

Ngumiti lang ang lalaki. Bahagyang umiling bago nagsubo ng pagkain.

Hindi na rin nagsalita si Alani. Nakikiramdam sa lalaki habang kumakain.

Kaninang nakita niya itong nakasandal sa hamba ng pinto, nahati ang kalooban niya kung matutuwa siya o mayayamot.

Pinaalis na niya ang lalaki sa bahay niya.

Nalumbay siya nang mawala sa paningin ito, nang inakala niyang sinunod nga ang kagustuhan niya.

Ano ba dapat ang kanyang nararamdaman?

Ano ba ang pagkakamaling nagawa ni Kurt sa kanya?

Pinakasalan siya nito dahil hiniling ng kanyang ina sa ina nito — kapalit ang malaking halaga at sustentong buwan-buwang matatanggap ng lalaki.

Nasaktan lang siya marahil dahil nag-ilusyon siya noon na naakit sa kanya si Kurt kaya nagpakasal ito sa kanya.

Hindi siya nagduda kahit na umalis agad ito matapos ang simpleng kasalan sa loob mismo ng bakuran ng mansiyon na ito.

Unti-unting tumimo ang balaraw sa kanyang murang damdamin nang makaubos siya ng kahun-kahong sobre at papel dahil sa kagagawa niya ng liham para sa lalaking napangasawa.

Pinagtiyagaan niyang sulatan ang lalaki sa araw-araw, tuwing gabi o madaling-araw na hindi siya makatulog sa kapapangarap nang gising.

Ang pinakamalalim na sugat marahil ay ang pangyayaring nilikha ni Milette.

Dito lang sa pilipinas ang sirkulasyon ng naturang tabloid ngunit nakarating kay Kurt.

Hindi niya malaman kung sino ang taong nagmamalasakit dito para padalhan ang lalaki ng ganoong klaseng balita.

Sumulat sa kanya si Kurt, sa wakas, ngunit hindi sulat ng isang asawang nagmamahal.

Matalim ang bawa’t kataga sa maikling liham na natanggap niya. Lumikha ng mga galos sa kanyang batang kalooban.

At ininda naman nang labis ng kanyang isipan.

Kaya nang sumulat uli sa kanya ang lalaki para ipahayag ang binabalak nitong pagkuha ng annulment, nakasilip siya ng pagkakataon na makaganti sa mga pasakit nito sa kanya noon.

Magpapaimportante naman siya dahil sa pagkaunawa niya sa pagtrato ni Kurt sa kanya ay hindi maganda.

Para siyang basahan na itinago sa isang tabi, saka lang kukunin kapag kailangan na naman.

Ngunit nang magkatama sila ng mga paningin ng lalaki, may nakita siyang kung anong emosyon na nagniningas sa mga mata nito na pumukaw sa kung anong damdamin na nasa dibdib niya.

Hindi niya maunawaan kung ano iyon.

Hindi normal ang kabataan niya. Masyado siyang protektado ng mga magulang dahil nga sa katayuan niya sa buhay.

Nang matuklasan ng ina na hindi na magtatagal ang buhay nito, sinigurado naman na nakatali siya para hindi siya maligaw ng landas sa pakikipagkaibigan.

Oo, may isang panahon na nagrebelde siya. Natatandaan niyang masakit sa loob ni Yaya Ima ang pagpayag sa mga lakad nila ni Milette noon.

Hindi lang siya mapagsabihan nang diretsahan dahil kamamatay lamang ng kanyang ina. Inunawa rin siya na baka naghahanap siya ng makakaramay sa gitna ng nadaramang pighati.

“Penny for your thoughts?” Binasag ni Kurt ang kumakapal na katahimikan sa pagitan nila.

Napamaang si Alani. Hindi agad nakapagsalita habang nakatitig sa mukha ng kaharap.

Hindi ito ang nakikita niya kundi ang mga eksenang nadadatnan niya sa mga sulok-sulok ng mga diskuhan na pinagdadalhan sa kanya ng dating kaibigan.

Mga pareha ng lalaki at babae na nagniniig sa ilalim ng kumukuti-kutitap na liwanag ng iba’t ibang kulay ng mga ilaw sa paligid.

May nagtangka pa ngang pumareha sa kanya noon ngunit nanlaban lamang siya sa kanyang phobia.

Kung tutoo nga ang mga balitang exaggerated na nalathala sa mga tabloids noon, disinsana’y eksperto na siyang makipag-eskrimahan ng mga salita kay Kurt.

Hindi sana siya ganitong palaging nauubusan ng sasabihin kung talagang naging playgirl siya noon.

Atsaka hindi sana mawawala agad ang interes ni Kurt sa kanya…

Kunsabagay, hindi naman siya naniniwalang pangmatagalan ang ipinakikita nitong atraksiyon para sa kanya.

Sa kanyang palagay, pinaglalaruan lamang siya ng lalaki para hindi maging kabagut-bagot ang paghihintay nito sa takdang araw ng pag-alis nito, matapos matupad ang misyon sa sarili.

LONG DISTANCE MARRIAGE-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.