Long Distance Marriage-13

Hindi sumagot si Alani. Nagkaroon ng bara ang lalamunan niya.

Paano niya sasabihn na wala siyang alam at karanasan?

Parang magiging katawa-tawa na naman ang kalagayan niya.

“N-naiisip mo pa ba ang iyong asawa at anak?” Naglakas-loob na siyang ibulalas ang natitira niyang alas.

Ayaw niyang mapag-usapan ang tungkol sa paksa ng kanilang magiging ‘relasyon’, hanggang hindi siya nakatitiyak na siya lamang ang nasa isipan at kalooban ng lalaki.

Natigilan si Kurt bago tumugon.

“Natural,” umpisa nito. Waring naghahamon ang tingin nito sa kanya.

“Hindi ko sila kailanman makakalimutan. Naging bahagi sila ng buhay ko.”

Tumango si Alani.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

“O-of course,” aniya, halos wala sa loob.

Masakit para sa kanya ang magpatuloy pa ngunit kailangan niyang tiyakin kung ano ang talagang lugar niya sa buhay ng lalaki.

“K-k-kung tatanggapin ko ang pagsasama natin, nasa isip mo pa rin ba ang iyong asawa kahit na — ”

Napahingal siya habang pinipilit ang sarili na tapusin ang pangungusap.

“Kahit na sa sandali ng pagtatalik natin?”

Napamaang ang lalaki.

“Ano’ng klaseng tanong iyan, Alani?” tanong nito, halos pabulalas. “Ano’ng klaseng lalaki ba ang pagkakakilala mo sa akin?

Namula na naman ang mga pisngi ni Alani ngunit kailangan niyang tapusin ang naumpisahan.

“Masasabi mo ba sa akin nang buong katapatan na iniibig mo ako nang higit sa lahat ng mga bagay na pag-aari mo?” panghahamon niya.

Matagal na napatitig sa kanya ang lalaki. Pamaya-maya, marahan itong umiling.

“Hindi ko alam kung may kakayahan pa akong magmahal, Alani. But I feel I am strongly attracted to you,” pahayag nito.

Ibig mangilid ng luha sa kanyang mga mata kaya umiwas siya ng tingin.

‘Napakasakit talagang marinig ang katotohanan!’ bulong niya sa kanyang sarili.

“I — I see…” bulong niya.

“Masakit ang umibig nang lubos, Alani.” Pigil ang tono ni Kurt pero tila nang-aalo.

“Naranasan ko na ang ganito. I won’t expect you to love me. Ayaw kong maranasan mo ang paghihirap ng loob na dinanas ko noong mawala sa akin si Belsie,” pahayag nito, malumanay at mababa ang tono.

“A-ano ang gusto mong maramdaman ko sa iyo?” tanong ni Alani, nakatungo pa rin.

Narinig niya ang pagbubuntonghininga ng lalaki.

“Affection? Desire?” suhestiyon nito.

Gustong matawa ni Alani, pulos superpisyal ang mga emosyon na binanggit ng lalaki.

“P-paano kung hindi ganon ang maramdaman ko sa iyo? Iiwan mo na naman ba ako kung mas — masidhi pa ang maging damdamin ko para sa iyo?” pananalakab niya.

“What do you mean, Alani?” tanong ni Kurt. Naging mas mahina pa kaysa dati ang boses.

Pinilit niyang pigilin ang sarili sa pagtatapat ng tutoong nadarama.

“W-wala. Kalimutan mo ang sinabi kong iyon,” bawi niya.

Nagpatuloy siya sa pagkain para mawalan na siya ng pagkakataon na magsalita.

“Alani.”

Napilitan siyang mag-angat ng paningin. Tumingin siya sa mukha ng kaharap.

Kunway nakalimutan na nga niya ang pinag-uusapan. Tumaas ang mga kilay niya na para bang nagtatanong.

Ginagap ng lalaki ang isang kamay niya. Pinagbuhol ang mga daliri nila habang pinaghihinang ang kanilang mga mata.

“Alani, give us a chance. Love is not everything. It is for idealistic individuals, not for us, surely?”

“Ano ang gusto mong maramdaman ko para sa iyo, Kurt? Ano ang gusto mong maging relasyon nating dalawa?” tanong niya. Medyo basag na ang boses.

“Pisikal lang na atraksiyon ang gusto mo, pero hindi ganon ang gusto ko. Gusto ko ng tunay na pag-ibig. Gusto ko ng commitment. Kung hindi mo kayang ibigay ang gan’on, maraming salamat na lang.”

Halos pagaralgal na ang pagsasalita ni Alani pero pinilit niyang maging matatag ang tono. Nagdurugo ang puso niya.

At hindi niya alam kung ano ang gagawin niya kapag sinunod at tinanggap ng lalaki ang sinabi niya.

Nakita niyang nagkaroon ng hesitasyon sa ekspresyon ng lalaki. Ilang ulit na nagtaas-baba ang titilaukan nito bago nakapagsalita.

Pamaya-maya, ipinilig nito ang ulo. Bumuntonghininga.

“God knows, hindi ka mahirap ibigin, Alani!” umpisa nito, pabulalas.

Parang napipilitan lang na isiwalat ang nasasaloob.

“Kaya lang, ayaw ko. Nakakatakot nang isipin ang mangyayari kapag nawala ka sa akin!”

Hindi makapaniwala si Alani sa narinig. Ibig bang sabihin…?

“M-mahal mo na ako?” tanong niya, may panggigilalas at tuwa sa tinig.

Pumikit muna si Kurt bago dahan-dahang umiling.

“Hindi ko puwedeng hayaan ang sarili ko, Alani,” tugon nito. “Maraming babae ang matutuwa sa iniluluhog ko sa iyo. I offer you freedom in our relationship,” pang-aamuki nito.

Nanlalaki ang mga mata ni Alani.

“Sa ibang bansa marahil nakatira ang mga babaeng sinasabi mo, Kurt. Pilipinas ito. Pilipina ako. Kahit na namuhay akong parang ermitanya nitong mga nakaraang taon, may masasabi pa rin ang lipunan sa mangyayari sa ating dalawa.”

Tumingin nang diretso sa kanya ang lalaki.

“Kanino ka ba ikinasal? Sa akin o sa sinasabi mong lipunan?” usig nito.

Napapikit si Alani. Humugot ng malalim na buntonghininga bago muling nagsalita.

“Wala tayong magiging magandang relasyon, Kurt. Hindi tayo magkakasundo kahit na sa maliit na bagay lang,” tugon niya.

“Hindi ko kontrahin ang anumang balak mo tungkol sa annulment ng ating kasal.”

Akmang titindig na siya para lumayo na sa lamesa nang hawakan siya ng lalaki sa isang kamay upang pigilan siya.

“Wait, Alani. I won’t let you go. At hindi rin ganyan ang gusto mong mangyari. Iba ang ipinahihiwatig ng iyong mga kilos nung bago ako nagpunta rito. Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Kahit na ang sulat na ipinadala ko sa iyo. Mali ba ang naging interpretasyon ko noon na tinututulan mo ang ibig kong mangyari?”

Hindi na makapagsalita si Alani.

“Okey, I’ll be honest with you. We need the truth here now. I wasn’t expecting anybody as attractive as you are now to be my wife. I guess, it was like a first time when I saw you at the airport. Desire at first sight?”

“Oh.” Nawalan na lalo ng sasabihin si Alani.

Ganito katindi ang epekto ng lalaking ito sa kanya. Nawawala ang balanse sa loob ng utak niya.

Umiling na lamang siya nang maramdamang naninigas ang kanyang dila.

“I desire you, Alani. And I’m fond you. Hindi pa ba sapat ang mga iyon? Do you want everything? Or nothing at all?”

“I don’t know, Kurt. Talaga bang ganyan lang ang madarama mo para sa akin habang buhay?”

LONG DISTANCE MARRIAGE-14

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.