Long Distance Marriage-15

Para siyang nawala sa ayos. Kumbaga sa tren, nadiskaril ang kanyang mga gulong na bakal sa riles.

Maamo ang mukha ng lalaki. Malamlam ang mga matang mapupungay.

Palaging tahimik, parang hindi makabasag-pinggan.

Iyon nga lang, ubod nang suplado.

O dahil sobra lang ang pagka-introvert niya, kaya iniisip niyang mailap si Kurt noon?

Anupaman ang talagang sitwasyon noon, nagulat talaga ang murang isipan niya sa biglang pag-init ng pakikitungo ni Kurt sa kanya.

Sa unang pagkakataon, nadama niya ang pagsikdo ng kanyang dibdib habang nakatingin sa nakangiting lalaki.

Napakalaki ng pagbabago sa seryoso at pormal na anyo nito ang isang simpleng ngiti.

Litaw ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin at medyo nagniningning ang mga mata, kaya napabihag agad ang puso niya.

Ah, ano’ng sakit naman ng naramdaman niya ng malaman ang dahilan sa pagbabagong iyon!

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Di-sinasadya ang pagkakatuklas niya sa lihim na plano ng tatlong nilalang na inakala niyang mapapagkatiwalaan nang lubusan. Ang kanyang ina, higit sa lahat…

Galing siya sa kuwarto, nagpalit siya ng damit pagkatapos ng simpleng kasalan na dinaluhan lamang ng mga malalapit na kaibigan.

Pumunta siya sa library dahil alam niyang nandoon ang kanyang ina. Magpapaalam siya dahil ipapasyal daw siya ng kanyang napangasawa.

Iyon pala, walang balak ang lalaking pinakasalan na makita pa siyang muli…

“Nandito ang iyong pera, Kurt,” anang tinig ni Doña Cristina.

“Suwertihin ka sana sa iyong pupuntahan. Napakabuti mong bata. Hindi kita pipiliting pakisamahan ang aking anak. Kailangan ko lang na makasiguradong may bantay siya kapag nawala na ako…”

Napapatda si Alani sa kanyang narinig.

Muntik na siyang sumubsob sa pintuang bahagyang nakaawang nang sumuray siya sa tindi ng pagkabigla. Saglit na nagdilim ang kanyang paningin.

Hindi siya halos makapaniwala ngunit narinig din niya ang tinig na tumugon sa tanong ng paring nagkasal sa kanila nung umaga.

“Maraming salamat, N-ninang Cristina — este, M-mama? Pipilitin kong ibalik ang perang ito sa lalong madaling panahon. Sana ay hindi gaanong masaktan si Alani. Bata pa siya at baka hindi niya maintindihan ang inyong motibo.”

“Kaya nga, sige na, humayo ka na. Ako na ang bahalang magpaliwanag kay Alani. Maraming salamat uli, iho,” tugon ng kanyang ina.

Nilunok ni Alani ang lahat ng kanyang nadarama. Sinupil niya ang sumusulak na mga emosyon sa kanyang murang dibdib.

Pinilit niyang ihakbang ang mga paa palayo doon. Halos mahilam ang kanyang mga mata dahil sa nangingilid na luha.

Unang kabiguan, unang kasawian.

Natatandaan niyang hindi siya lumabas ng silid niya nang isang buwan.

Nagbingi-bingihan siya sa mga pagkatok at pakiusap ng kanyang ina at ng kaibigang matalik nito na biyenan niya bukod sa ninang rin sa binyag.

Nagpapaliwag ang mga ito ngunit walang puwang anumang paliwanag sa kanyang nararamdamang paghihinagpis noon…

Hanggang sa malaman niyang may malubhang karamdaman pala ang kanyang ina.

Saka pa lang niya nagawang isaisantabi ang paghihinampo at panggigipuspos.

Pinilit niyang manumbalik ang dating pagtingin sa ina. Mahirap at parang imposible nung una ngunit nang lumaon, at masanay na siya sa pamamanhid ng kanyang kalooban at isipan.

Nagawa rin niyang ibalik ang paggalang sa ninang niya.

Sumusulat si Kurt sa ina nito ngunit hindi kailanman sa babaeng napangasawa.

Kunsabagay, hindi naman siya babae noon — kahit hanggang ngayon naman — bata pa rin siya at walang kamuwang-muwang sa mundo…

Nang makalma na siya at nakapag-isip-isip na nang maayos, napatawad na niya ang lalaki.

Napaniwala niya kasi ang kanyang sarili na malaki ang pagkukulang niya at marami ang mga kapintasan para magustuhan ng isang lalaking katulad ni Kurt Pasamonte.

Sumulat siya rito, matapos hingin sa biyenang hilaw ang address ng lalaki sa Amerika.

Walang sagot, ngunit hindi siya nasiraan ng loob. Nagtiyaga siyang magsulat kahit na araw-araw para makipagkilala dito.

Nag-ilusyon kasi siya na baka hinihintay lamang ni Kurt na mahinog siya ng panahon bago pakikisamahan.

Nakumbinsi niya ang kanyang sarili na kailangan ng lalaki ng asawang may hustong pag-iisip at may maayos na pag-uugali para makatuwang sa pagpapaunlad ng ipinundar na negosyo sa ibang bansa.

Mali pala ang kanyang naiisip. Kundi pa dumating sa buhay niya si Milette, hindi pa niya matutuklasan ang bagay na ito na pilit na ikinukubli ng kanilang ina.

At nang maeskandalo ang mga pangalan ng Atchico at ng Pasamonte, saka siya nakatanggap ng liham mula sa lalaki.

Pinagagalitan siya na para bang isa siyang paslit na walang gawang magaling!

At nang mamatay naman at mailibing ang ina nito, umuwi nga pero hindi man lang nagpakita sa kanya.

Pagkatapos, nandito na naman siya ngayon…

Hinayaang muling masaktan ang kalooban ng nag-iisang lalaking pinagbigyan ng pagtingin sa murang edad niya noon.

‘Ah, Alani Atchico!’ bulalas niya sa kanyang sarili. ‘Isa kang sira-ulo!’

Nakatulugan na naman niya ang pag-iisip sa nakaraan at sa hinaharap. Nanaginip pa nga siya.

Nagbalik daw si Kurt, ngunit para humingi lang ng annulment.

Nasa tabi nito ang asawa at anak, kailangan na daw nito ang kalayaan dahil gusto nang makapiling muli ang sariling pamilya.

Ang itinugon naman niya, kung buhay pa ang unang asawa, walang bisa ang ikalawang kasal nito sa kanya.

Idinagdag pa nga niya na hindi siya maghahabla ng bigamya sa lalaki.

Naalimpungatan siya sa bahaging hinahagkan siya ng pamamaalam ni Kurt.

Napabalikwas siya ng bangon habang nakatitig sa karimlan.

Madilim pa ang kalangitan. Gabi pa, ngunit gising na gising na gising na ang kanyang diwa.

Bumangon si Alani nang tuluyan at humakbang patungo sa balkonahe.

Sa mga ganitong pagkakataon ng pagkabalisa, hinahanap-hanap niya ang pag-aasikaso ng kanyang ina o ng kanyang yaya.

Kaya lang, napakapangit na namang tingnan kung maglalambing pa siya sa kanyang Yaya Ima.

Disi-otso anyos na siya ngayon. Legal na edad…

Huminga siya nang malalim para mapuno ng malinis na hanging malamig ang kanyang baga.

Para bang mapapalis ang lahat ng mga alalahanin niya kapag pinasok ng hangin ang kalooban.

‘Saan ka patungo, Alani Atchico?’ bulong niya sa kanyang sarili.

Hindi niya alam, hindi niya alam…

Nandiyan ang pag-aasikaso niya sa kumpanyang naiwan ng mga magulang sa kanya.

Sapat na kaya ang dalawang taon para makalimot siya?

Hindi niya nasagot dahil may natanaw siyang anino na kumikilos sa gawi ng swimming pool.

Inaninaw niya ito dahil nakalampas na sa poste ng ilaw nang mapansin niya ang hugis-tao. Pamilyar ang madulas na paggalaw ng mga biyas habang humahakbang sa dilim.

Si Kurt?

LONG DISTANCE MARRIAGE-16

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.