Long Distance Marriage-16

May mga ilaw na sa bawat kanto ng mismong pool kaya naaninag niya nang malinaw ang hitsura ng lalaking papalapit doon.

May plano itong maligo dahil naka-jockey shorts at sandong itim ito, may nakasampay na tuwalya sa malapad na balikat.

Tila naramdaman nito ang pagmamasid niya, tumingala ang lalaki sa kanya.

Tumaas ang isang kamay at kumaway pa bago naghubad nang lahat ng saplot sa katawan.

Inuutusan niyang umatras ang mga paa niya ngunit napagkit na yata sa sahig na tinutungtungan.

Maging ang mga mata niya ay nakatutok na lang sa hubad na katawan ni Kurt.

Ilang sandali pa siyang napilitang manood sa ‘palabas’ ng lalaki. Talagang sinasadya nito na ang mga anggulong magaganda at mapanghalina ang masasaksihan niya.

Saka lamang siya nakakilos nang maturol niyang sinisimulan na siyang akitin nito para sa pagdating ng oras sa araw na ito.

Ilang ulit siyang napalunok habang pinaglalabanan ang kahinaan niya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Wala ba siyang kontrol? tanong niya sa kanyang sarili.

Ah, salamat at nagbalik si Kurt! Pagbubunyi naman ng puso ni Alani.

Tumalikod siya nang pabigla. Humakbang siya palayo sa kinatatayuan.

Dali-dali niyang isinara ang pintong salamin ng pribadong balkonahe.

Nahiga siya at namaluktot sa ilalim ng kumot niya.

Ipinikit niya nang mariin ang kanyang mga mata ngunit si Kurt pa rin ang nakikita niya.

Pinilit niyang makatulog uli. Kahit na napakatagal na sandali pa ang inabot kahit na nagliwanag na ang kalangitan sa labas…

“Iha? Iha,” tawag ni Yaya Ima habang panay ang katok sa kanyang pinto. “Gising na, tanghali na. May appoinment ka sa beauty parlor, hindi ba?”

Sinulyapan ni Alani ang orasan.

“Oho, tatayo na ho,” hiyaw niya nang makitang alas diyes na ng umaga!

Nagmamadali siyang naligo at nagbihis. Hindi halos mapigil ang tensiyon sa kanyang kalooban habang papalabas ng silid.

Magkikita na sila ni Kurt! Ano ang mukhang ihaharap niya rito?

Minsan, naiisip niya na ang binili niyang sopistikasyon ay sa balat lang niya. Sa kanyang kaibuturan, nandoon pa rin ang inosente at ignoranteng si Alani. Kinse anyos pa rin.

Ngunit, gayon na lamang ang panlulumo niya nang malamang maagang umalis si Kurt — uli.

Nagpahatid siya kay Nilo sa mall. Pilit siyang ngumiti sa mga security guard na nagroronda sa esklusibong subdibisyon na tinitirahan nila.

“Huwag ninyong kalimutan na padalahan ng pagkain mamaya ang mga sekyu, ha, Nilo?” aniya, halos wala sa loob.

Ginulo na naman ni Kurt ang kapayapaan ng kanyang kalooban.

“Oho, Ma’am Alani,” magalang na tugon ni Nilo.

“Ang pamilya mo, dalhin mo rin mamaya, ha?”

“Naku, ma’am, nakakahiya naman!”

Mas naging natural ang ngiti niya nang magkatinginan sila sa rearview mirror, nakahinto ang kotse habang pinadadaan nila ang papasok na sasakyan na galing sa labas.

Hindi niya napansin na nakatitig sa kanila ang sakay nito.

“Ikinahihiya mo ang iyong misis at anak, Nilo?” tudyo niya rito.

Napakamot ng ulo ang pormal na tsuper.

“E, wa-wala pa ho akong misis, ma,am. Ang nanay ko lang at dalawang kapatid ang pamilya ko,” pagtatapat nito.

Natubigan si Alani. Saglit na nakalimutan ang isipin tungkol sa asawa.

Ganito ba siya ka-self-centered? tanong niya sa sarili niya habang pinaaandar na naman ng drayber ang kotse.

Ni hindi niya alam ang mga istorya ng buhay ng kanyang mga empleyado?

Bumuntonghininga siya nang malalim habang nangangako sa sarili na pipilitin niyang alamin ang mga bio-data ng mga tauhan.

Paano ang magiging relasyon nila ni Kurt? untag ng munting tinig sa kanyang isipan.

Tumingin siya sa bintana at pinalis ang isiping iyon. Alam niya kung nasaan ang kanyang obligasyon.

At kung pinaglalaruan lang talaga siya ni Kurt… dapat lang na kalimutan niya ito!

Isang oras mahigit ang itinagal ng serbisyo ng baklang beautician sa kanya.

Minasahe ang kanyang mukha at buong katawan. Pati ang kanyang anit at mabahang buhok. Sinuklay ito hanggang sa kumintab nang husto ang mga itimang hibla.

Pakiramdam niya napalitan ang balat niya sa mukha. Parang lumambot at kuminis nang husto.

“O, ayan, byuting-byuti ka na. Tita Manay!” kandirit ng baklang umaasikaso sa kanya. “Pumili ka na kasi ng isusuot mo dito sa boutique ko, ano?” pamimilit nito.

Umiling si Alani, nakangiti nang bahagya. Natutuwa siya sa ginawang hair-do sa kanya. Pakiramdam niya, isa na siyang ‘matured woman of the world’.

Inabot nang ilang libo ang maikling serbisyong iyon ngunit hindi siya nanghinayang na magbigay ng tip. Magandang magtrabaho ang tao kaya dapat lang tapatan ng mataas na bayad.

Napatunganga sa kanya si Nilo nang makita siyang papalabas ng parlor. Naghihintay ito sa labas habang nagmamasid ng mga naglalakad sa malawak na koridor ng mall.

“Ma’am! Ang ganda-ganda n’yo ngayon,” bulalas nito, muntik nang makalimutan na bumulong.

Namula ang mga pisngi ni Alani ngunit ngumiti lang siya. Itinango lamang ang pasasalamat.

Para namang nahimasmasan ang drayber. Sumunod agad sa paglalakad niya papalabas ng mall.

Magtatanghalian nang makauwi sila sa bahay. Abala ang mga kinuha nilang tauhan na mag-aasikaso sa hardin na paggaganapan ng pagdiriwang.

Nagkabit ng malalaking tent para sa biglang pagbuhos ng ulan, kung hindi makikisama ang panahon.

Nang magdapit-hapon, at saka naman dumating ang catering service ng malaking restawrant na kinomisyon niya.

Dakong alas-siyete nang magsimulang dumating ang mga panauhin. Nagmasid lamang si Alani mula sa bintana ng library na nakaharap sa malaking bahagi ng bakuran.

Nasisiyahan na rin kahit paano dahil sa nakikitang katuwaan ng mga empleyadong ngayon pa lamang makakakita sa kanya.

May kumatok sa pinto kaya humarap siya rito. Si Yaya Ima at ang kanyang abogado na si Attorney Avillar.

Mayumi ang kanyang paghakbang palapit sa mga ito. Makipot ang mahabang laylayan ng bestidong puti na suot niya. May mahabang hiwa sa madulas at makinang na tela na abot hanggang sa kanyang hita.

Kaya sa tuwing gagalaw ang kanyang mga biyas, lumalantad ang isang binti at hitang may perpektong hubog at maputing kutis.

Ang naka-arkong sakong na ubod din ng kinis ay nakatingkayad sa isang sapatos na kulay kremang may mataas na takong.

“You look — breathtaking, Miss Atchico,” bulalas ng abogado habang minamasdan siya nang buong paghanga. Sinipat siya nito magmula ulo hanggang paa. “Dalagang-dalaga ka na nga!”

“Thank you,” ngiti naman ni Alani.

Gusto niya ang tunog ng pangalan niyang walang karugtong na ‘Pasamonte’.

Kunsabagay, silang dalawa lang ni Kurt ang gumagamit ng mga pangalang pinagdugtong para lang buskahin ang bawat isa.

“Nagdaratingan na ang mga panauhin, iha,” sabad naman ni Yaya Ima.

Tumango si Alani.

“Maraming salamat ho, Yaya,” tugon niya. “Lalabas na ho ako, mga ilang minuto pagkatapos naming mag-usap ni Attorney Avillar.”

LONG DISTANCE MARRIAGE-17

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age