Long Distance Marriage-19

Dinampot ni Alani ang gown na tiyak niyang namantsahan na at tuluyan nang nasira ang ganda at kulay ng purong seda.

Ilang ulit na bumagsak ito sa kanyang nanginginig na mga daliri kung kaya hindi na siya tumanggi nang tulungan siyang magbihis ng lalaki.

Nanatili lamang siyang nakatingin sa kanyang mga paang nakasuot pa rin sa sapatos. Muling nag-apoy ang kanyang mukha dahil sa kahihiyang ipinalasap ni Kurt sa kanya.

“Alani?”

Naulinigan niya ang pabulong na pagbigkas sa pangalan niya ngunit hindi siya huminto sa kanyang paghakbang palayo.

Hinubad niya ang sapatos na may takong pa. pinilit niyang baliin ito ngunit wala na yatang natitirang lakas sa kanya.

Sa pagsulak ng pagkayamot sa loob niya, hinubad rin niya ang isa pang sapatos upang ipukol sa di-kalayuan.

Nagpatuloy siya sa paglalakad-takbo patungo sa tagilirang pintuan ng mansiyon. Walang makakapansin sa kanyang pagpuslit papasok dito para makapagpalit ng damit sa kanyang silid.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Tuyo pa rin ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang sariling kahubdan na kasuotan at isiniksik sa basurang plastic na nasa ilalim ng porselanang lababo.

Ibig niyang umiyak siya ngunit walang luhang ibig bumukal upang maibsan ang pait na nasa dibdib niya nang mga sandaling iyon.

Alam niyang nakakaranas siya nang matinding pagkabigla sa ginawa ni Kurt.

Pinuwersa siya nito. Ginamit na sandata ang kahinaan at kawalang-muwang niya upang mailugso ang kanyang sarili.

Namamanhid pa rin ang katawan niya kahit na matagal siyang nakatayo sa ilalim ng bumubuhos na tubig na mainit-init.

Hindi niya magawang pawiin at burahin ang mga bakas ng palad at bibig ni Kurt na lumikha ng di-nakikitang marka sa kanyang balat.

Isinuot niya ang unang nahawakan ng kamay mula sa loob ng malaking aparador na nasa dressing room.

Isang bestidang kulay itim ang nakuha niya. Akma ito sa kanyang nadarama nang mga sandaling iyon.

Parang may namatay na bahagi niya nang puwersahin ni Kurt ang kanyang sariling kapasidad na makaramdam ng pisikal na satispaksiyon, kahit na wala siyang nadaramang bahid ng pag-ibig sa pagtatalik nila kanina.

Napaka-primitibo.

Purong seksuwal lamang ang namamagitan sa kanilang dalawa. Para bang babaeng bayaran siya habang nagpapaubaya lang sa lalaki.

Nanginig ang mga kamay niya habang nagsusuklay. Gayunpaman, ipinagpatuloy lamang niya ang pag-aayos sa sarali.

Nagpahid siya ng make-up upang matabunan ang kanyang matinding pamumutla.

Bagama’t nasa mga mata pa rin niya ang natitirang takot at sindak na sanhi ng pagkabiglang dinanas sa kamay ni Kurt, ipinasiya pa rin niya ang muling pagpanaog upang muling harapin ang mga bisita.

Namataan niya si Kurt na papasok sa sariling silid nang dahan-dahan niyang ibukas ang kanyang pinto. May naramdaman siyang kumikilos sa koridor kaya nagdalawang-isip siya sa mabilisang paglabas.

Huminga muna siya nang malalim bago naglakas-loob na humakbang palabas. Nagmadali siyang bumaba sa hagdanang marmol upang muling magtungo sa hardin.

Normal pa rin ang atmospera ng pagtitipon. Ang lahat ng mga empleyado ay nangakangiti sa direksiyon niya nang bumuglaw siya sa ilalim ng maliwanag na mga ilaw.

Nakatingin sa kanya ang kanyang abogado, waring ibig magtanong ngunit umiwas siyang maiwang mag-isa sa tabi nito. Pinilit niyang ituloy ang naudlot na kasiyahan.

Kahit na ano pa ang kapalit, kailangan niyang mailibing sa limot ang pinakabagong kasawian na dinanas niya nang dahil kay Kurt!

Madaling-araw na nang matapos ang kasayahan sa mansiyon. Puyat na puyat si Alani ngunit hindi siya nakatulog nang maayos. Maaga siyang bumangon dahil nagulo na nang husto ang kanyang higaan sa kanyang labis na pagkabalisa.

Nahiga siya sa isang lounger na nasa balkonahe habang hinihintay ang pagsikat ng araw.

Babangon siya kapag nakatapat na sa kanya ang maiinit na sinag ng araw. Maliligo at mag-iisip.

Na naman? panunuya ng munting boses na nasa loob ng utak.

Pumiksi si Alani sa lihim na kaaway at nahiga nang pahingalay sa plastic na upuan/higaan. Itinaas niya ang mga kamay at braso para piliting makapag-relaks ang pagal na katawan.

Masakit ang mga bahagi niyang may mga mapupulang marka na likha ng mga daliri at ngipin at bibig ni Kurt.

‘Love marks’ daw ang tawag sa mga ito ngunit paano niya tatawaging ganito ang mga mantsa sa maputing balat gayong aminado ang lalaki na hindi siya kailanman maiibig nito.

Inilipat niya ang isang braso sa tapat ng kanyang mga mata. Hindi dahil sa nasisilaw siya sa liwanag ng langit. Nagsisimula nang sumungaw ang luha sa wakas!

Pinigil niya ang mga ito kahit na kagabi pa niya hinihintay. Para bang alam niyang maglalaho na ang pamamanhid ng kanyang isipan at kalooban…

At kapag nagkaganito tiyak na masisilo na naman ni Kurt ang kanyang mahinang resistensiya.

Nakatulugan niya ang ganitong pag-iisip. Natuyo ang luhang naglandas sa kanyang pisngi.

Naalimpungatan siya nang may yumugyog sa kanyang balikat. Umungol siya at babago sana ng posisyon habang kinakapa ang kumot na pagtataguan.

Nagtataka ang nag-aagaw-tulog na diwa kung bakit mainit ang kanyang paligid ngunit mas higit pa ang antok na nadarama niya kaya hindi na siya nagpumilit na magmulat ng mga mata para mag-imbestiga kung patay ang kanyang aircon.

Niyugyog uli siya nang mamaluktot lang siya sa kanyang pagkakahiga.

“Alani?”

Nilipad sa hangin ang antok na nadarama nang marinig ang boses-lalaki na pamilyar sa kanyang pandinig.

“Alani, gising,” utos ng tinig na matiim.

Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata niya. Binabangungot na ba siya?

Nagtama ang mga paningin nila ni kurt. Napapikit uli siya nang mapaso siya sa mga emosyon na nakasalamin doon.

Tinangka niyang ibaling ang mukha ngunit sinapo ng mahabang daliri ang bilugang bahagi ng kanyang baba.

“You’ll get a sunstroke,” anito sa seryosong tinig.

Pinilit niyang bumangon. Tinangka niyang umiwas sa mga kamay na ibig umalalay sa kanya ngunit maagap siyang nahawakan ng mga ito upang pangkuin.

“Bitiwan mo ako…” Sinikap niyang patigasin ang tono ngunit parang nawala na ang kanyang galit para sa lalaki.

Pumikit siya upang mahinto ang paghigop sa kanyang katinuan ng mga matang matiim.

Dinala siya ni Kurt sa loob ng silid.

“Naayos na ho ba ang kama, Yaya Ima?” tanong nito sa dinatnan doon.

“Oo, puwede na,” tugon naman ng boses ng matanda.

LONG DISTANCE MARRIAGE-20

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.