Long Distance Marriage-2

Mas maaga siya kaysa karamihan ng kanyang mga kaklase.

Taas-noo siyang maglalakad sa pintong napapalamutian ng mga estudyanteng nakatambay doon.

Magbibingi-bingihan sa mga usapan at pasaring na padaplis sa kanya. Magtutuloy siya sa kanyang upuan na nasa pinakasulok. Dito ang gusto niya, malayo sa karamihan.

Kinahapunan, maluwag sa kanyang loob na lisanin ang eskuwelahan. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya makakatagal.

Puwede naman siyang mag-aral sa boarding school, sa ibang bansa; pero ibig niyang maranasan ang buhay ng isang normal na estudyante.

“Iha,” salubong ni Yaya Ima sa kanya. “May tawag ka sa telepono. S-si Kurt Pasamonte — ”

Napahinto ang matandang babae nang makita ang pamumutla ni Alani.

Bakit dumadalas ang paglutang ng pangalan ng lalaking iyon ngayon? tanong niya sa sarili.

Isa kayang palatandaan ito ng paparating na ‘alon’ sa payapang dagat ng buhay niya?

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

“M-mamaya na ho, Yaya Ima,” pigil niya.

Nagmamadali siyang umakyat sa hagdan patungo sa kanyang silid sa itaas.

Nakatayo siya sa balkonahe at nakatanaw sa malawak na hardin sa palibot ng bakuran nang maulinigan niya ang mga katok sa kanyang pinto.

“Tuloy,” tawag niya para marinig siya ng nais pumasok sa silid niya.

Si Yaya Ima ang iniluwa ng pintuan. Larawan ito ng pag-aalala habang ipinapasok ang trolley na may lamang pagkain para sa kanya. Itinulak ang de-gulong na tray hanggang sa balkonahe.

Dala nito ang puting sobre na ibinigay kanina ni Nilo.

“Maraming salamat, Yaya,” wika niya habang inaabot ng isang kamay ang sobre.

Sinulyapan niya ang pangalan ng nagpadala. Nanginig ang mga daliri niya at nanlabo ang kanyang paningin, kaipala’y nangilid ang luha sa kanyang mga mata.

“Iwan n’yo na ho ako, Yaya,” hiling niya sa matanda.

Tumango ang kanyang yaya at malungkot na lumisan.

Pinunit ni Alani ang dulo ng sobre. Naka-tiim-bagang siya habang binabasa ang nilalaman ng nag-iisang pahina.

Pormal at prangka ang mga salita. Para bang hindi inaalintana kung makakasakit sa magbabasa.

‘To Ms. Atchico-Pasamonte:

My client wishes to apply for a marriage annulment.

He will be coming to you on time for your eighteenth birthday, the legal age, to decide on this matter.’

Nilamukos ni Alani ang papel. Hindi na tinapos basahin.

Naupo siya sa tapat ng trolley para magsimula na sa pagmimiryenda. Nagsalin siya ng mainit na tsaa at tinitigan lang ang mga hiwa ng cake habang sumisimsim sa porselanang tasa.

Ibig niyang pulutin ang itinapon na papel sa sahig ngunit pinigil niya ang kagustuhan ng mga kamay.

Ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya mag-uukol ng interes sa anumang sabihin ni Kurt Pasamonte.

Matapos maubos ang laman ng puswelo, pumasok na siya sa kanyang silid. Nagtuloy siya sa banyo.

Hinubad niya ang kanyang mga kasuotan habang nagpupuno ng tubig sa bath tub. Pinanood niya ang pagtaas ng mga bulang kulay puti. Nang matimpla na niya ang init nito, saka lamang siya lumusong para magbabad.

Maghapon siyang tensiyonada. Bukod sa pasulat na pagsusulit, nagkaroon din ng oral recitation.

Nakapikit siya nang muling umatake ang mga isiping matagal na niyang ibinabaon sa limot.

Magugulo lamang ang kapayapaan ng kanyang diwa kapag ipinagpatuloy niya ang paggunita sa mga pangyayaring matagal nang naganap. Dapat na niyang iwaksi ang mga ito.

Paano? asik niya sa sarili.

Nakakintal sa kanyang utak ang larawan ng lalaking iyon.

Nakapagkit sa likod ng mga talukap ng mga mata niya ang hitsura ng aristokratikong kakisigan.

Nakaukit sa kalooban niya ang damdaming pinukaw ng nag-iisang lalaking nagkaroon ng kaugnayan sa kanyang murang buhay.

Nagmadali siyang nagbanlaw ng katawan. Pawang kabalbalan lamang ang umuusbong sa loob ng kanyang diwa.

Nagbibihis siya nang muling kumatok si Yaya Ima.

“Iha? Telepono uli para sa iyo,” pahayag nito.

Iniawang lamang ang dahon ng pinto para maisilip nang kaunti ang ulo habang nagsasalita.

Umiling si Alani.

“Pakisabing wala ho ako, Yaya,” wika niya, patuloy sa pagsusuklay ng mahaba at alun-along buhok. “Ayaw kong makipag-usap sa kanya. Kahit na tumawag nang tumawag, ayaw kong sagutin ang tawag niya.”

Hindi na umimik si Yaya Ima. Umalis na lang ito at marahang hinila pasara ang pinto.

Naghahapunan siya sa kumedor nang muling tumunog ang telepono.

Sumulyap lang siya sa instrumento na nasa chest drawer ngunit hindi niya ito pinag-interesang tugunin.

Hanggang kinabukasan, gayon ang nangyayari. Tunog nang tunog ang telepono.

Magtatanong ang mga mata ng matandang katiwala sa kanya ngunit iiling lamang siya.

Nakahanda siyang makipagtikisan sa lalaking iyon, kahit na isang buwan pa ang abutin ng pangungulit ni Kurt Pasamonte!

Hah! Tatlong taon niya akong tinitikis, ha? asik niya sa sarili. Magdusa siya!

Natapos ang semester na iyon nang matiwasay. Naglagi na lamang siya sa bahay.

Nag-aral ng mga leksiyon na napag-aralan na at nagbasa-basa ng mga aklat na gusto niyang basahin.

Kahapon dumating ang mga grades niya sa school. Ipinakuha niya kay Nilo. Matataas naman ang mga ito.

Kaninang umaga, tumawag uli ang masugid niyang ‘phone pal’ pero hindi na naman niya ito kinausap.

Isang buwan na silang ganito — may ‘cold war’.

Nag-aalala na si Yaya Ima. Ito kasi ang nakakatanggap ng matitigas na salitang ipinararating kay Alani.

Kumbaga ito ang unang nakakatikim ng unang haplit ng Bagyong ‘Kurt’.

Nangamba na rin naman si Alani sa kalusugan nito kaya nagpalagay na siya ng mga answering machine sa lahat ng mga telepono.

Bilib din naman siya sa ka-phone pal niyang ito. Anim ang mga telepono nila sa bahay, iba-iba ang mga numero — pero kabisado lahat.

Samantalang noon ni hindi siya matawagan kahit na hinihiling na niya sa sulat…

Umismid si Alani.

‘Phone pal’ ang naisip niyang itawag sa magaling na lalaking natuto lamang na makipag-komunikasyon sa kanya dahil may kailangan.

‘Nungka,’ bulong niya sa sarili.

‘Nungkang kausapin kita sa telepono. Magpunta ka dito nang personal at baka sakaling harapin pa kita!’ pandidilat niya sa intrumentong kulay krema.

Naisipan niyang magpunta sa swimming pool nang tumaas na ang araw. Medyo maalinsangan ang panahon.

Naka-one-piece suit na kulay itim siya nang lumabas sa likod-bahay.

Ginamit ni Alani ang diving board para praktisin ang natutuhang istilo sa kanyang P.E. subject nitong nagdaang semester.

Natatandaan niyang excellent ang gradong ibinigay ng kanyang guro sa paglangoy.

LONG DISTANCE MARRIAGE-3

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.