Long Distance Marriage-20

Nakaramdam siya ng lambot ng kama niya nang ihiga siya doon ng lalaki. Hindi na niya maimulat ang kanyang mga mata.

Parang inaantok na naman siya. Nakakakita siya ng pula sa loob ng mga talukap.

“Nandito ang orange juice, uminom ka,” wika ni Kurt.

Tumalima siya dahil gusto niyang mapalis ang masamang pakiramdam. Parang init at lamig ang bumabalot sa kanyang katawan nang mga sandaling iyon.

Naramdaman niyang inaalisan siya ng saplot.

Umangat ang mga kamay niya para pigilan ang lalaki sa ginagawa ngunit nanlalambot siya. Isang kuryosong panghihina ang nararamdaman niya.

“I’ve seen and touched you in less clothes, Alani,” pakli ng lalaki nang maging sagabal ang mga kamay niya.

Nag-init ang mga pisngi niyang tila nag-aapoy na ang pakiramdam.

“Damn you…” bulong niya. Paasik iyon ngunit waring pati ang kanyang tinig ay wala nang lakas.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

Tumikhim lang si Kurt.

“You’re so careless, Alani,” wika nito habang kinukumutan siya. “Kanina pa ba nakabilad?”

Tinangka niyang tumango ngunit naliliyo siya kahit na nakapikit na nang mariin.

“A-ano’ng oras na?”

“Ala una pa lang naman,” pakli ng tumigas na boses. May sarkasmo ang tono. “Salamat ho, yaya. Sige na ho, ako na ang bahala sa kanya.” Nag-iba ang tono nang iba na ang kausap.

Narinig niya ang mahinang boses ng matanda habang papalabas.

Napahiya si Alani sa mga pinaggagawa niya ngayon. Namemerhuwisyo siya ng mga kasambahay.

Hindi na siya nagpakita ng pagtutol nang simulan siyang punasan ni Kurt sa kanyang noo at leeg. Malamig ang bimpong basa sa kanyang nagbabagang balat.

“May masakit ba sa iyo?”

Nangangapal na ang loob ng kanyang bibig at sumasakit na ang kanyang ulo pero kaya pang tiisin.

Narinig niyang nagbuntong-hininga si kurt. Tumindig at lumakad palayo.

Parang ibig niyang pigilan ito sa paglayo sa kanya. Hinahanap-hanap na niya ang masuyong pagdampi ng mga kamay nito sa balat niya.

“K-kurt…?” daing niya.

“Kukuha lang ako ng painkiller para diyan sa ulo mo,” anito.

Hinaplos-haplos ni Kurt ang kanyang ulo at buhok na nakalatag sa unan nang matapos siyang painumin ng gamot.

Parang idinuduyan ang kanyang pakiramdam habang nananatili siyang nakapikit.

Gusto niyang isipin na kaya siya nasisiyahan sa ginagawa ni Kurt, naaalala niya ang kanyang yumaong ina na malimit maglambing nang paganito ngunit magkaiba ang hipo ng mga palad ng una at ng huli.

Malambot din ang palad ni Kurt ngunit mas may puwersa at — may hatid na mumunting boltahe ng kuryente, dumadaloy sa mga ugat niya.

Hindi niya namalayan na napaidlip na naman siya. Nang maalimpungatan siya, malamig na ang kanyang paligid. Wala na ang tila turnong paligid.

Nagmulat siya ng mga mata. Parang mabuhangin ang pakiramdam ng pag-angat ng mga pilik-mata niya. Natuyuan ng luha habang natutulog siya.

Pupungas-pungas pa nang tangkain niyang ibangon ang sarili ngunit nagulat siya nang may pumigil sa kanyang pagkilos.

“Huwag ka munang maglilikot. Mahihilo ka kapag pabigla-bigla ang ginawa mong pagkilos,” ani Kurt.

Gulilat na napalingon siya sa dakong pinanggalingan ng tinig nito. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang ayos ng lalaki.

Nakaupo ito at nakasandal sa kanyang headboard habang nakadantay sa kanya ang mahabang braso.

Para bang larawan ng isang tunay na asawa. Hindi na niya halos matandaan na sandaling panahon pa lamang silang nagkikitang muli.

At kagabi…

Tila nabasa ni Kurt ang nasa isip niya.

“I’d like to say I’m sorry for what I did to you last night, but I wouldn’t be honest to you. All I did regret was the place that I have chosen for our first time,” pahayag pa nito.

Umiwas siya ng tingin. Nahihiya siya na hindi niya mawari.

“I must admit, I was jealous of the drunk guy last night,” pagtatapat ng lalaki.

Napapatda si Alani sa narinig niya. dahan-dahan siyang napalingon dito.

Tumitig ang lalaki nang diretso sa mga mata niyang nagtatanong. Bahagya itong nakangiti. May bahid ng panunudyo na nakadirekta para sa sarili.

“I never thought I could love again,” bulong nito habang dahan-dahang pinapadausdos ang katawan para makahiga sa tabi niya.

May ilang pulgada ang layo nila sa isa’t isa ngunit parang nakadait na ang katawan nito sa balat niya.

“Until I saw you again. Alani, ikaw ang nagbigay ng bagong simula ng pag-asa at liwanag sa aking buhay.”

Nanlalaki ang mga mata niya. Wala siyang maapuhap na dapat sabihin kaya nasambit niya ang unang lumutang sa kanyang nalilitong kamalayan.

“M-matatas ka pa ring mag-Tagalog — ?” Iyon ang unang lumitaw sa utak ni Alani.

Tila hindi ito ang inaasahan ng lalaki na sasabihin niya. saglit itong nawalan ng kibo.

Pamaya-maya, napapangiti na nang husto habang napapailing-iling. Nagkibit ito ng isang balikat.

“Siguro, may balak talaga akong umuwi sa pilipinas para maligawan nang mas mabuti ang aking naiwang maybahay — subconsciously?”

Sumikdo ang dibdib ni Alani. Ganito talaga palagi ang nagiging reaksiyon niya kapag napapangiti sa kanya ang lalaki.

Bilang na bilang sa kanyang mga daliri ang mga pagkakataon na nasisilayan niya ang pagliliwanag ng mukha ni Kurt.

“Sana’y lagi ka nang ngingiti,” hiling niya, pabulong.

Wala sa loob na umangat ang isang kamay niya upang sundan ang kumurbang linya ng matiim na mga labi nito.

Marahang napa-buntonghininga si Kurt.

“I love you, Alani. Hindi ko alam kung paano nangyaring nakuha mo ang puso ko nang di ko namamalayan. Nagising na lang ako kagabi na nasa iyo na ang lahat ng tsansa ko para makahanap ng kaligayahan.” Tumikhim ito bago nagpatuloy.

“Sana ay hindi ka napoot nang husto sa akin. I was a bloody bastard in the past. I hope you could give me a chance to do penance. I don’t have a hope that you could ever forgive m — ”

Itinakip ni Alani ang mga daliri sa bibig ng lalaki. Parang ayaw niyang ipagpatuloy pa nito ang pagpapakumbaba sa kanya. Parang mas gusto niyang may pagka-arogante ito sa pagsasalita at pakikitungo sa kanya.

Kundi lang naninikip ang kanyang dibdib dahil sa tindi ng emosyon na nakasakmal doon, gusto sana niyang matawa dahil ito ang pinakaaayaw niyang ugali ni Kurt nung una.

“Ssh, Kurt,” pigil niya. “I love you very much. Minsan na kitang pinag-aralang kamuhian at kapootan. Madali sana dahil palagi kang malamig at masungit sa akin, pero hindi pala talaga puwedeng turuan ang puso. Iniibig kita nang higit pa sa buhay ko.”

LONG DISTANCE MARRIAGE-21

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.