Long Distance Marriage-21

Parang binura na ang lahat ng mga sugat at pilat na inilatay ng lalaki sa kanyang kalooban.

“I want to believe you very badly, Alani!” anas ni Kurt.

Hinahagkan nang masuyo ang kanyang mga labi at gitna ng palad.

Muntik nang mapapikit si Alani sa tindi ng mga sensasyon na umalimpuyo mula sa simpleng halik na iyon sa pusod ng kanyang kamay.

“Oh, Kurt!” bulong niya habang ginagantihan ng halik ang lalaki sa isang palad naman nito. “I mean what I say.”

Sandaling katahimikan ang namayani habang pinipilit nilang kontrolin ang sarili. Hindi na sila dapat magpatangay sa agos ng kanilang mga damdamin.

Si Kurt ang unang nakabawi. “Saan mo gustong tumira tayo, sweetheart?”

Parang hinaplos ang pakiramdam ni Alani sa narinig na endearment. Napakasarap pala kapag tinatawag ng ‘sweetheart’.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

“M-may obligasyon ako sa kumpanya, Kurt, pero kung mas mahalaga ang iyong presensiya sa Amerika, puwede kong ilipat ang responsibilidad ng pagiging presidente sa ibang director — ”

Pinigil siya ng lalaki sa kanyang sinasabi.

“No. Hindi ikaw ang dapat na magsakripisyo. Besides, established na ang negosyo ko doon. Hindi na kailangan ang masidhing atensiyon.”

Ginagap nito ang isang kamay niya nagsisimula nang manlamig. Nakapatong ang kanilang mga pisngi sa iisang unan habang magkaharap na nag-uusap.

“If you like, puwede kitang tulungan sa iyong bagong posisyon.”

Nangilid ang luha sa mga mata ni Alani. Luha ng kaligayahan. Ngunit talagang mahirap sairin ang malalim na kawalan niya ng tiwala sa sarili, may kaunting pag-aalinlangan na bumangon sa kanyang kalooban.

“I wouldn’t want you to sacrifice your work just for me,” aniya.

Hinaplos ni Kurt ang delikanteng kurba ng isang pisngi niya. Sinusundan ng paningin ang progreso ng mahabang hintuturo. Umiling ito nang bahagya at ngumiti nang marahan.

“Nagsasawa na ako sa Amerika, Alani. After we made love last night and discovered that I’m your first lover, bigla akong namulat na hindi maganda ang moralidad sa bansang pinamalagian ko. I judged you unfairly!”

Nasa anyo ng lalaki ang matinding pagsisi sa nagawa nitong pagkakamali sa kanya.

“Kurt, it doesn’t matter anymore. Kung ano ang magiging desisyon mo, payag ako,” pangako niya rito.

Nagkatitigan sila matapos ang pangako niya. Nag-usap naman ang kanilang mga mata.

“I love you, my adorable wife!” anas ni Kurt habang hindi na mapigil ang sarili marahil, hinapit na siya nito palapit. Siniil na ng mariing halik ang kanyang mga labi. “I promise you won’t be alone ever again.”

“Sweetheart,” tawag ni Kurt kay Alani.

Hindi agad siya makasagot dahil puno ng bula ng toothpaste ang kanyang bibig. Nasa loob siya ng banyo, naghahanda sa pagpasok.

“Sandali lang,” aniya matapos makapagmumog. “Lalabas na ako.”

Nagsusuot siya ng roba habang nagbubukas ng pinto. Ang tanawin na bumulaga sa kanya ay nakapagpagulat sandali. Hindi siya agad nakahuma.

Karga ni Kurt ang kanilang anak na kasisilang pa lamang, wala pang tatlong buwan ang edad nito. May kung anong makaantig-damdamin sa magkakontrang katangian ng dalawang lalaking mahal sa buhay niya.

Strength and Vulnerability, ito ang unang pumasok na mga kataga sa kanyang utak habang nakatitig nang walang kurap sa kanyang mag-ama. Matamis ang ngiting sumilay sa kanyang mga labi.

“Kurt!” bulalas niya.

Natutuwa siya dahil nagkalakas-loob na ang lalaki sa pagbuhat sa kanilang munting supling.

“Do we look good?” tanong ng lalaki.

May himig-pagmamalaki sa tinig habang marahang inihehele ang sanggol na kukurap-kurap sa ilalim ng liwanag ng ilaw na galing sa banyo.

“Of course,” tugon niya agad.

Lumapit siya sa mga ito upang hagkan ang asawa sa pisngi at ang anak sa noo.

“Kita mo, anak, guwapo tayo sa paningin ng Mommy, hindi ba?”

“Silly!” tawa ni alani. Kinurot ng buong pagsuyo ang tagiliran ni Kurt. “Nasaan si Yaya?”

“Nasa ibaba. Sinabi kong kumain na muna ng hapunan at maghapon na silang magkasama nitong apo niya. Mamayang gabi, si Meding ang nakatokang magbantay kay Junior,” pahayag nito.

May makahulugang kislap sa mga matang nakatitig nang buong pagmamahal sa kanya.

“Puwede ka na bang i-date, Mrs. President?”

Namula ang mga pisngi ni Alani. Hindi niya inaasahan na ganito pa rin kainit ang magiging pagtingin sa kanya ng asawa matapos ang mahigit isang taong pagsasama.

Lalupa’t nakakaranas na siya ngayon ng kaunting insekyuridad dahil hindi pa nababawasan ang timbang na nadagdag sa kanya nung nagbubuntis pa lamang sa kanilang panganay.

“W-well, if you’re serious…” tugon niya sa nag-aalinlangang tinig.

“Very sure,” agap ng seryosong boses ni Kurt. Masidhi na agad ang pagkakatitig sa kanya.

“I…” umpisa niya ngunit nawala ang kanyang boses. Namumula na nang husto ang mga pisngi niya at leeg. “Um, s-saan naman tayo pupunta?”

“Somewhere special,” tugon ni Kurt.

Umiwas siya ng tingin. Ayaw niyang ipahalata nang husto ang kanyang pagkasabik. Baka hindi maintindihan ng lalaki.

Naging napakabuting asawa nito at kabiyak nitong mga huling buwan. Walang sandali na nagkaroon ng puwang ang lungkot at lumbay sa pagitan nilang dalawa.

“M-magbibihis na ba ako?” tanong niya, kapagkuwan. “Er, formal or semi-formal?” pangangapa niya.

Ayaw niyang sabihin ng asawa na hindi na siya makapaghintay pero tutoo, nasasabik na siyang marinig kung ano namang sorpresa ang nakahanda para sa kanya.

Tumawa nang mahina at patudyo ang lalaki.

“Just semi-formal, pandora. Malalaman mo rin kung saan ang sinasabi kong espesyal.”

Tumalikod na siya agad para hindi na masaksihan ang pag-alon ng kulay sa kanyang mukha at mga balikat. May kakayahan pa rin si Kurt na isakay sa roller coaster ang kanyang damdamin.

Pinili niyang isuot ang bestidong kulay krema. Parang nakakatulad ng gown na isinuot niya nung kaarawan na ipinagdiwang nang engrande sa mansiyon na ito. Iniregalo sa kanya ni Kurt para kapalit.

Malaki ang agwat ng mga edad nila ngunit hindi naging dahilan iyon para magkaroon ng maraming argumento at pagtatalo sa pagitan nilang mag-asawa.

Halos magkapantay na ang lebel ng kanilang isipan, kundi man ang eksperiyensiya at karanasan sa buhay. Gayunpaman, mahaba naman ang pasensiya ni Alani. At ang pang-unawa.

“Alani? Sweetheart, matagal ka pa ba diyan?” Kinatok na naman siya ni Kurt.

Hindi niya ikinandado ang pinto kaya madaling nabuksan ito nang pihitin ng nasa labas ang seradura. Marahan niyang nilinga ang ikinuwadro ng pintuan.

LONG DISTANCE MARRIAGE-22

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age