Long Distance Marriage-22

Nakabihis na si Kurt. Pumasok ito at lumapit sa kanya.

Hindi niya agad napansin ang hawak nitong malapad at manipis na kahong binalot ng telang velvet na kulay itim.

Napasulyap siya sa kamay na umangat at nag-aabot sa kanya ng naturang kahon.

“A-ano iyan?” tanong ni Alani. Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan siya. Hindi sanhi ng takot o pangamba, purong kasiyahan lang.

“Buksan mo,” suhestiyon ng lalaki.

Bahagyang nakangiti habang pinapanood ang matinding kaligayahan na sumasalamin sa mga mata ni Alani.

Mamahalin at elegante ang kuwintas na yari sa ginto at mga diyamanteng pare-pareho ang hugis at tabas. Mistulang mga hamog sa umaga na tinuhog ng sinulid na ginto.

“Oh, Kurt, kay rami mo nang ibinibigay sa akin,” bulalas niya. “A-ano ba ang okasyon?”

Napailing-iling si Kurt, nanunudyo ang anyo.

[Want to read the Start of Stories Online titled – LONG DISTANCE MARRIAGE…? Click Here!]

“Kailangan pa ba ang okasyon para maipakita ko ang laki ng pagmamahal ko sa aking asawa? Don’t be too practical, my sweetheart. Paminsan-minsan, be a romantic!”

Napahagikhik si Alani.

“Alam mo, dayalog ko iyan,” pakli niya. Maingat niyang kinuha ang kuwintas. “Isusuot ko na ba?”

Tumango ang lalaki. Bahagyang sumeryoso ang ekspresyon habang sinisipat ang epekto ng alahas sa makinis na balat niya.

“You look beautiful,” bulong nito, medyo paos na ang tinig.

Masuyo ang mahahabang daliri habang isinusuot sa kanyang leeg ang kuwintas.

“This may look fragile like you but the clasp is extra-strong.”

Nagtama ang mga mata nila sa salamin. Nasa likuran niya ang lalaki, nakahawak ang mga kamay sa magkabilang braso niya habang nag-uusap ang kanilang mga piningin.

“By the way, nasabi ko na ba sa iyo ang pinaka-importanteng katotohanan?” pormal ang tanong ni Kurt.

Napakurap si Alani. Bahagyang tumalon ang puso sa loob ng dibdib niya.

May nakaligtaan ba siyang mahalagang okasyon ngayon? tanong niya sa sarili habang naghihintay sa idudugtong ni Kurt.

“A-ano iyon?” untag niya.

Marahang iniyuko ng lalaki ang ulo. Inilalapit ang bibig nito sa sensitibong bahagi ng kanyang batok at balikat.

Namigat ang mga talukap niya habang gumagapang ang basang init sa kanyang balat.

“Kurt…” anas niya.

“Ssh… I like your perfume, my dear wife,” bulong ng lalaki. Hinahagod na ng mga palad nito ang kanyang mga braso at bisig.

“Kurt,” protesta niya. Malapit na siyang pumikit.

Muling nagtama ang kanilang mga mata nang mag-angat ng ulo ang lalaki. Isang pilyong ngiti ang sumilay sa bibig nito.

Hindi pa rin nagsalita muna. Iniharap siya upang magawaran naman ng mainit na halik ang kanyang mga labing nag-aanyaya ang pagkakaawang.

“Ano ba talaga ang okasyon?” Pinigil niya ang panginginig ng kanyang kalamnan.

Parang ayaw na niyang lumabas sila sa silid na ito. Ibig na niyang ipagpatuloy ang ginagawa ng asawa.

“Don’t you know?” panunukso pa ng lalaki. “I want to celebrate the fact that we love each other, Alani. Kung papayag ka nga lang, gusto kong araw-araw ang okasyon na ganito.”

“You’re too extravagant, Mr. Pasamonte,” buska niya.

Tanging ang mga mata lamang ang nagkakanulo sa kaligayahang namamasyal sa kalooban niya.

“Kawawa naman ang magiging mga anak natin kung uubusin natin ang ating pera sa pagpapakasaya. Just a smile and a kiss from you is enough to make me feel happy, Kurt.”

Yumupyop siya sa malapad na dibdib ng lalaki matapos magsalita. Tutoo ang tinuran niya.

Sa gabi, kapag naalimpungatan siya, lalapit siya at yayakap sa katawan ng asawa para mapakinggan ang matatag na pintig ng puso ng asawa at makukuntento na siya.

Kapag may problema sa opisina, palaging nakikinig sa kanya si Kurt. Pinapayuhan siya. Hindi nagdadamot sa mga suhestiyon.

At hindi siya pinupuwersang sundin niya ang alinman sa mga ideyang inilahad nito sa kanya.

Kailanman, hindi na siya pinilit o dinaan sa superyor na lakas ng lalaki. Hindi na naulit ang karahasan na natikman niya sa unang pagtatalik nila.

Namasa ang mga mata ni Kurt sa tinuran niya. Nanatili itong nakatitig sa kanya. Hindi ikinahihiya ang nadaramang emosyon para sa mga sandaling iyon.

“Paki-ulit nga ng sinabi mo, misis,” umpisa nito. Halatang pinapalis ang mabigat na tensiyon na lumalambong sa kanila.

“Mga anak? Hindi pa nga ako nakaka-recover sa nerbiyos na inabot ko nung buntis at nanganganak ka, gusto mo na namang ulitin?”

Hindi niya napigil ang mapahagikhik kahit na dapat ay maging seryoso siya.

May pagka-komiko kasi ang dating ni Kurt kapag natataranta sa kanya. Mapadaing lamang siya nang bahagya o mapa-ingit nang kaunti, gusto na agad siyang isugod sa ospital.

Hindi naman kataka-taka dahil sa naging karanasan nito sa unang asawa at anak.

“Alam mo, sweetheart, kulang ka lang sa praktis,” tudyo niya sa lalaki.

Hindi niya alam kung kailan maaalis ang phobia ni Kurt sa pagbubuntis at panganganak ng isang babae pero sisikapin niyang turuan itong makalimot sa mapait na karanasan noon. Alam niyang pareho silang mahilig sa mga bata.

Dapat lamang na mapuno ng mga tawa ng mga paslit ang buong kabahayan. Matagal na panahon nang nalulungkot ang mga sulok ng malaking mansiyon.

Napapikit ang lalaki at napa-buntonghininga. Nakakaramdam na ito ng muling pagkatalo.

May bertud marahil si Alani na makapagpa-oo sa isang taong sumasalungat sa gustong mangyari. Dahil kahit na naging batam-batang president sa sariling kumpanya ay napapasunod niya palagi ang majority ng mga board of directors at shareholders.

“Ano ba ang dapat kong gawin, doc?” ganting tudyo nito kahit na bahagya nang gumigiti ang butil-butil na pawis sa noo.

“Kailangan pa ba nating lumabas dito para makapag-celebrate? Ang pinaka-espesyal na lugar para sa akin ngayon ay ang ating kama,” wika niya, paanas.

“What?” Tila naeskandalo naman ang ekspresyon ng lalaki.

Tumawa nang mapanukso si Alani. Hinila niya ang suot na bow tie ng lalaki. Inilaglag niya sa sahig… hanggang sa ang matirang saplot nito ay ang kayumangging balat.

Pagkatapos, siya naman ang nagdagdag ng mga kalat na saplot sa sahig.

Tanging ang kuwintas lamang ang kanyang itinira.

Namumungay na ang mga mata ni Kurt, tanda ng matinding pag-aalab.

“What about the reservation — ?”

Hindi na natapos ni Kurt ang sasabihin. Sinalo na ng maiinit na labi ni Alani.

“Love me tonight, darling…” anas niya.

Tuluyan nang humulas ang anumang isipin sa utak ng asawa.

Ang puso naman ang nagkaroon ng kontrol sa mga sumunod na sandali…

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.